Ang May-Pananagutang Pag-aanak sa Panahong Ito ng Kawakasan
“Namamahalang mainam sa mga anak.”—1 TIMOTEO 3:12.
1. Ano ang natural na hilig ng karamihan ng mga babae, at paano ito nakikitang maaga sa buhay?
ANG kagalakan ng pagkamagulang ay hindi maikakaila. Ang hilig na maging ina ay natural, bagama’t mas matindi sa ilang mga babae kaysa mga iba. Sa maraming bansa sa Kanluran, ang maliliit na mga batang lalaki ay higit na interesado sa paglalaro ng mga laruang de-makina, samantalang ang maliliit na mga batang babae karaniwan na ay mas gusto ang mga manika, na ginagawa ng mga pabrikante ng laruan na makatotohanan hangga’t maaari. Marami sa mga batang babae ang mistulang namumuhay para sa araw na kanilang yayakap-yakapin hindi ang isang manika, kundi ang kanilang sariling buháy, mainit, humahalakhak na sanggol.
Mga Kagalakan at Pananagutan
2. Paano dapat ituring ng mga magulang ang isang bagong silang na sanggol, at ano ang kailangang handa silang gawin?
2 Hinihiling ng may-pananagutang pag-aanak na ang isang bagong silang na sanggol ay ituring na hindi isang laruan kundi isang nilikha na ang buhay at kinabukasan ay pananagutan nila sa Maylikha. Pagka sila’y nagsilang ng isang anak sa daigdig, ang mga magulang ay kailangang handang bumalikat ng malaking pananagutan at gampanan iyon nang husto. Sila’y naglulunsad ng isang 20-taóng proyekto sa pagpapakain, pagpaparamit, pangangalaga ng kalusugan, at edukasyon, na hindi nila masasabi kung ano ang kahihinatnan sa wakas.
3. Bakit maikakapit sa maraming mga magulang na Kristiyano ang Kawikaan 23:24, 25?
3 Nakatutuwa naman, lubhang maraming mga magulang na Kristiyano ang nagpalaki ng mga anak na naging tapat, nag-alay na mga lingkod ni Jehova. Nasaksihan ng iba na ang kanilang mga anak ay nagsilaki at pumasok sa buong-panahong paglilingkod bilang mga payunir, misyonero, o mga miyembro ng pamilyang Bethel. Tungkol sa gayong mga magulang ay tunay na masasabi: “Ang ama ng matuwid ay walang pagsalang magagalak; siyang nagkakaanak ng pantas ay nagagalak din sa kaniya. Magagalak ang iyong ama at ang iyong ina, at siyang nagsilang sa iyo ay matutuwa.”—Kawikaan 23:24, 25.
Mga Dalamhati ng Magulang
4, 5. (a) Ano ang kahilingan ng Kasulatan sa hinirang na matatanda at mga ministeryal na lingkod na may mga anak? (b) Paano naging “kapanglawan” sa kanilang ama ang mga ibang anak?
4 Subalit hindi ganito ang sa tuwina’y nangyayari, kahit na para sa hinirang na matatanda na may mga anak. Si apostol Pablo ay sumulat: “Dapat nga na walang kapintasan ang tagapangasiwa, asawa ng iisang babae . . . nangangasiwang mabuti sa sambahayan niya, na supíl ang mga anak niya nang buong kahusayan; (ngunit kung ang sinuman ngang lalaki ay hindi marunong mamahala sa kaniyang sariling sambahayan, paano niya pangangalagaan ang kongregasyon ng Diyos?)” Isinusog pa ni Pablo: “Maging asawa ang mga ministeryal na lingkod ng tig-iisa lamang babae, na namamahalang mainam sa mga anak at sa kanilang sariling sambahayan.”—1 Timoteo 3:2-5, 12.
5 Mangyari pa, ang Kristiyanong matatanda at ang ministeryal na mga lingkod ay hindi maaaring panagutin kung ang kanilang mga anak, minsang sumapit na sa hustong edad, ay tumatangging patuloy na maglingkod kay Jehova. Subalit sila ay nananagot sa kanilang mga anak na minor de-edad at sa nakatatandang mga anak na kapiling pa nila sa kanilang tahanan. May matatanda at mga ministeryal na lingkod na nawalan ng kanilang mahalagang mga pribilehiyo ng paglilingkuran dahil sa sila’y naging pabaya o hindi nila nagampanan ang kahilingan ng Kasulatan na ‘mamahalang mainam sa mga anak at sa kanilang sariling sambahayan.’ Para sa kanila, at sa maraming iba pa, ang naidulot sa kanila ng kanilang mga anak ay higit na kadalamhatian kaysa kagalakan. Malimit na ang kawikaan ay nagkakatotoo: “Ang mangmang na anak ay kapanglawan ng kaniyang ama”!—Kawikaan 19:13.
May-Pananagutang Pagkaama
6. Ano ang dapat itanong sa kanilang sarili ng mga asawang lalaking Kristiyano?
6 Lahat ng Kristiyanong mga asawang lalaki, sila man ay may pananagutan sa kongregasyon o wala, ay dapat ding magsaalang-alang ng epekto sa espirituwalidad ng kanilang asawa ng pag-aalaga sa mga batang anak nila. Kung ang isang asawang babae ay hindi malakas sa espirituwal, paanong ang isang sanggol, o ang mga ilang sanggol, ay makakaapekto sa kaniyang personal na pag-aaral at sa mga pagkakataon na makibahagi sa gawaing pangangaral?
7. Ano ang nangyari sa ilang mga asawang babaing Kristiyano, at ano kalimitan ang dahilan ng ganitong kalagayan?
7 Lagi bang natatalos ng mga asawang lalaki na ang pag-aasikaso sa isang sanggol o sa isang bata ay malimit na humahadlang sa kani-kanilang asawa na lubusang makinabang sa Pag-aaral ng Aklat sa Kongregasyon, mga pulong sa Kingdom Hall, pansirkitong mga asamblea, at pandistritong mga kombensiyon? Ang ganiyang kalagayan ay maaaring tumagal nang mga buwan, at kahit mga taon, pagka walang patid ang pag-aanak. Nasa kaayusan ng mga bagay-bagay na ang malaking bahagi ng pananagutan, tungkol sa bagay na ito, ay ang ina ang pumapasan, imbis na ang ama. Kung minsan ay napapansin na samantalang ang mga ilang lalaking Kristiyano’y sumusulong sa espirituwal, hanggang sa punto na sila’y binibigyan ng mga pribilehiyo sa kongregasyon, ang kanilang asawang babae naman ay humihina sa espirituwal. Bakit? Kalimitan ang dahilan ay sapagkat ang asawang babae ay nahahadlangan ng mga batang anak nila na magpako ng kanilang kaisipan sa mga pulong, sa masinsinang pag-aaral ng Bibliya, o pakikibahagi nang malawakan sa gawaing pagpapatotoo. Ang pagkaama ba ay matatawag na may-pananagutan kung pinapayagan nito na magbunga iyon ng gayong mga kalagayan?
8. Paanong maraming ama ang nakikibahagi sa pananagutan ng pag-aasikaso sa mga anak, at ano ang kapakinabangan nito sa kani-kanilang asawa?
8 Sa kabutihang palad, hindi laging ganito ang nangyayari. Maraming mga amang Kristiyano ang nagbubuhos ng kanilang buong kaya upang makibahagi sa pananagutan ng pag-asikaso sa mga anak. Ginagampanan nila ang kanilang buong bahagi sa pag-asikaso sa kanilang mga anak upang ang mga ito’y manatiling tahimik sa panahon ng pulong sa kongregasyon. Pagka ang kanilang sanggol ay nagsimulang umiyak, o naging maingay ang kanilang anak, sila’y hali-halili sa paglalabas sa bata para sa nararapat na pagdisiplina. Bakit nga ba ang ina ang laging maaabala samantalang nagpupulong? Sa tahanan naman, ang makonsiderasyong mga lalaki ay tumutulong sa kani-kanilang asawa sa mga gawaing-bahay at sa pagpapatulog sa mga anak para silang mag-asawa ay makaupong magkasama upang tahimik na makapagbuhos ng isip sa espirituwal na mga bagay.
9. Ano ang nagpapatunay na ang mga anak ay hindi laging isang hadlang?
9 Pagka ang mga bagay ay naoorganisa nang husto sa isang kongregasyon, ang mga kabataang ina na may mga sanggol ay maaaring makibahagi sa paglilingkod bilang auxiliary payunir. Mayroon pang mga iba na mga regular payunir. Samakatuwid ang mga anak ay hindi laging isang hadlang. Maraming mga magulang na Kristiyano ang nagpapakita ng isang mahusay na espiritu ng pagpapayunir.
Walang Anak Ngunit Maligaya
10. Ano ang ipinasiya ng mga ibang mag-asawa, at paano sila pinagpala?
10 Ang ibang kabataang mag-asawa ay nagpasiyang huwag mag-anák. Bagaman may mga asawang babae na ang hilig maging ina ay kasintindi rin ng sa mga ibang babae, sila’y nagpasiya, kagaya rin ng kani-kanilang asawa, na huwag mag-anák upang ang kanilang sarili’y maitalaga nila sa paglilingkod kay Jehova nang buong panahon. Marami sa kanila ang naglilingkod bilang mga payunir o mga misyonero. Ngayon ang mga taóng lumipas ay maaari na nilang gunitain nang may pasasalamat. Siyanga pala, wala silang naging bungang mga anak sa laman. Subalit sila’y nagbunga ng mga bagong alagad na nagpatuloy na tapat sa pagsamba kay Jehova. Ang ‘tunay na mga anak sa pananampalataya’ na ito ay hindi kailanman makalilimot sa mga taong nagsilbing kasangkapan sa pagdadala sa kanila ng “salita ng katotohanan.”—1 Timoteo 1:2; Efeso 1:13; ihambing ang 1 Corinto 4:14, 17; 1 Juan 2:1.
11. (a) Saan naglilingkod kay Jehova ang maraming mga mag-asawang walang anak, at bakit hindi nila pinagsisisihan iyon? (b) Anong teksto ang maaaring ikapit sa lahat ng mag-asawa na namalaging walang anak “alang-alang sa kaharian”?
11 Maraming mag-asawa sa buong daigdig na tumalikod sa mga kagalakan ng pagiging magulang ang naglilingkod kay Jehova sa gawaing pansirkito, gawaing pandistrito, o sa Bethel. Ang mga ito ay lumilingon din nang may kasiyahan sa kanilang buhay na ginugol sa paglilingkod kay Jehova at sa kanilang mga kapatid sa natatanging mga pribilehiyong ito. Sila’y walang pinagsisisihan. Bagama’t sila’y hindi nakalasap ng kagalakan ng pagsisilang ng anak sa sanlibutan, sila naman ay may mahalagang bahagi sa pagpapalawak ng mga kapakanan ng Kaharian sa kani-kanilang larangan ng paglilingkod. Sa lahat ng mga mag-asawang ito na nanatiling walang anak “alang-alang sa kaharian,” ang tekstong tiyakang kumakapit ay yaong nagsasabi: “Hindi liko ang Diyos upang limutin ang inyong gawa at ang pag-ibig na ipinakita ninyo sa kaniyang pangalan, sa paglilingkod ninyo sa mga banal at patuloy kayong naglilingkod.”—Mateo 19:12; Hebreo 6:10.
Isang Pansariling Pagpapasiya
12. (a) Bakit ang pag-aanak ay isang pambihirang pribilehiyo? (b) Sa anong mga yugto ng panahon isang bigay-Diyos na atas ang pag-aanak?
12 Gaya ng nakita natin sa pasimula pa lamang ng pagtalakay na ito, ang pag-aanak ay isang regalo ng Diyos. (Awit 127:3) Ito ay isang pambihirang pribilehiyo na hindi taglay ng mga espiritung nilikha ni Jehova. (Mateo 22:30) May mga panahon na ang pag-aanak ay naging bahagi ng gawain na iniatas ni Jehova sa kaniyang mga lingkod sa lupa. Ito’y noong panahon ni Adan at ni Eva. (Genesis 1:28) Ito’y totoo rin sa panahon ng mga nakaligtas sa Baha. (Genesis 9:1) Niloob ni Jehova na ang mga anak ni Israel ay maging marami sa pamamagitan ng pag-aanak.—Genesis 46:1-3; Exodo 1:7, 20; Deuteronomio 1:10.
13, 14. (a) Ano ang masasabi tungkol sa pag-aanak ngayon, at anong pamimintas ang di-nararapat? (b) Bagama’t isang pansariling pasiya ang pag-aanak sa panahong ito ng kawakasan, anong payo ang ibinibigay?
13 Sa ngayon, ang pag-aanak ay hindi espisipikong isang bahagi ng gawain na ibinigay ni Jehova sa kaniyang bayan. Gayumpaman, ito’y isa pa ring pribilehiyo na kaniyang ipinagkakaloob sa mga taong may-asawa kung ibig nila. Ang mga mag-asawang Kristiyano na nagpapasiyang magsimula ng isang pamilya ay hindi dapat, samakatuwid, na pintasan; maging iyon mang mga mag-asawa na umiiwas sa pag-aanak.
14 Samakatuwid, ang pag-aanak sa panahong ito ng kawakasan ay isang pansariling pasiya na ang mag-asawa ang kailangang gumawa para sa sarili. Gayunman, yamang “ang panahong natitira ay maikli na,” makabubuting maingat at may kalakip-panalangin na pagtimbang-timbangin ng mga mag-asawa ang kabutihan at di-kabutihan ng pag-aanak sa panahong ito. (1 Corinto 7:29) Yaong mga nagpapasiyang magkaroon ng mga anak ay dapat na lubusang nakakaalam hindi lamang ng mga kagalakang dulot ng pag-aanak kundi pati rin ng mga pananagutan na kasangkot at ng mga problema na maaaring bumangon para sa kanila at sa mga anak na kanilang isisilang sa sanlibutan.
Kung Sakaling Hindi Binalak
15, 16. (a) Anong saloobin ang dapat iwasan kung sakaling mangyari ang di-inaasahang pagdadalang-tao, at bakit? (b) Paano dapat ituring ang sinumang anak, na kinasasangkutan ng anong mga pananagutan?
15 Marahil sasabihin ng iba: ‘Mabuting lahat iyan, pero ano kung sakaling nag-anak ka nang hindi inaasahan?’ Ito’y nangyari sa maraming mag-asawa na lubusang nakababatid ng bagay na hindi ito ang pinakamagaling na panahon na magkaroon ng mga anak sa sanlibutan. Ang iba sa kanila ay nasa buong-panahong paglilingkod nang marami ng taon. Paano nila mamalasin ang di-inaasahang pagdating ng bagong miyembro ng pamilya?
16 Dito pumapasok ang may-pananagutang pagkamagulang. Totoo, ang pagdadalang-tao ay maaaring di-inaasahan, subalit ang sanggol na likha nito ay hindi maituturing ng mga magulang na Kristiyano na isang kalabisan sa kanilang buhay. Anumang mga pagbabago ang idulot nito sa kanilang buhay, tunay na hindi nila dapat ipaghinanakit iyon. Sa kabila ng lahat, sila ang may kagagawan ng pagkapaglihi rito. Ngayon na ito’y naririto na, dapat nilang tanggapin ang kanilang nagbagong kalagayan, sa pagkaalam na, sa paanumang paraan, “ang panahon at di-inaasahang pangyayari ay dumarating” sa lahat ng tao. (Eclesiastes 9:11) Sa gusto man nila o hindi, sila’y nagkaroon ng bahagi sa isang gawang paglikha na si Jehovang Diyos ang Awtor. Dapat nilang ituring na may kabanalang ipinagkatiwala sa kanila ang isang anak at may kalakip pagmamahal na pasanín ang kanilang mga pananagutan bilang “mga magulang na kaisa ng Panginoon.”—Efeso 6:1.
“Gawin Ninyo ang Lahat sa Pangalan ng Panginoon”
17. Ano ang ipinayo ni apostol Pablo sa mga taga-Colosas, at paano masusunod sa ngayon ang payong ito?
17 Mismong bago siya magbigay ng payo tungkol sa pamilya, si apostol Pablo ay sumulat: “Anumang inyong ginagawa sa salita o sa gawa, gawin ninyo ang lahat sa pangalan ng Panginoong Jesus, na nagpapasalamat sa Diyos na Ama sa pamamagitan niya.” (Colosas 3:17-21) Nasa anumang kalagayan ang Kristiyano, siya’y dapat magpasalamat kay Jehova at samantalahin ang kaniyang kalagayan na ‘gawin ang lahat sa pangalan ng Panginoon.’
18, 19. (a) Para sa mga Kristiyanong walang asawa at sa mga mag-asawang walang anak, paano nila ‘magagawa ang lahat sa pangalan ng Panginoon’? (b) Paano dapat malasin ng mga magulang na Kristiyano ang kanilang mga anak, at anong tunguhin ang dapat nilang itakda para sa kanilang sarili?
18 Para sa Kristiyanong nagpasiyang manatiling walang asawa, kaniyang gagamitin ang kaniyang kalayaan, hindi sa sariling kalayawan, kundi sa paggawa ng “buong kaluluwa na gaya kay Jehova ginagawa iyon,” kung maaari sa isang anyo ng buong-panahong paglilingkod. (Colosas 3:23; 1 Corinto 7:32) Sa katulad na paraan, ang mag-asawa na nagpasiyang huwag mag-anák ay hindi mapag-imbot na ‘magpapakalabis ng paggamit sa sanlibutan’ kundi kanilang bibigyan hangga’t maaari ng pinakamalaking dako sa kanilang buhay ang paglilingkod sa Kaharian.—1 Corinto 7:29-31.
19 Para sa mga Kristiyanong may mga anak, dapat nilang tanggapin ang kanilang pagkamagulang na taglay ang pagkakilala sa pananagutan. Hindi nila ituturing na ang kanilang mga anak ay isang hadlang sa paglilingkod kay Jehova, kundi kanilang kikilalanin na ang mga ito ay isang natatanging atas. Ano ba ang kailangan dito? Bueno, pagka nakilala ng isang nag-alay na Kristiyano ang sinuman na nagpapakita ng interes sa katotohanan, siya’y nagsisimula sa taong iyon ng isang regular na pantahanang pag-aaral sa Bibliya. Ngayong nasimulan na niya ang pag-aaral, ang Saksi ay totoong masigasig, nagbabalik linggu-linggo upang tulungan ang taong interesado na sumulong sa espirituwal. Ganiyan din ang kailangan kung tungkol sa mga anak ng isang Kristiyano. Kailangan ang isang regular, pinag-isipang-mainam na pag-aaral sa Bibliya na nagsisimula nang pinakamaaga hangga’t maaari at isinasagawa nang regular, upang tulungan ang bata na lumaki sa espirituwal at kaniyang matutuhan na ibigin ang kaniyang Maylikha. (2 Timoteo 3:14, 15) Isa pa, ang mga magulang ay magiging totoong maingat upang magbigay ng isang ulirang halimbawa ng asal Kristiyano sa tahanan, gaya ng ginagawa nila sa Kingdom Hall. At kung posible kanilang gagampanan ang pananagutan na sanayin ang kanilang mga anak sa paglilingkuran sa larangan. Sa ganitong paraan, bukod sa pangangaral sa mga ibang adulto, sisikapin ng mga magulang, sa tulong ni Jehova, na “gawing alagad” ang kanilang sariling mga anak.—Mateo 28:19.
Ang mga Anak sa Panahon ng “Malaking Kapighatian”
20. (a) Ano ang napipintong dumating sa atin, at si Jesus ay nagbigay ng babala tungkol sa anong mga kahirapan? (b) Ano ang kaugnayan ng mga salita ni Jesus sa pagpapalaki ng mga anak sa panahon ng kawakasan?
20 Napipintong dumating sa atin ang “malaking kapighatian na hindi pa nangyayari buhat sa pasimula ng sanlibutan hanggang ngayon, oo, ni mangyayari pa man kailanman.” (Mateo 24:21) Ito’y magiging isang mahirap na panahon kapuwa sa mga adulto at sa mga bata. Sa kaniyang hula tungkol sa katapusan ng kasalukuyang sistema ng mga bagay, binanggit ni Jesus na ang mga pami-pamilya ay magkakabaha-bahagi dahilan sa katotohanang Kristiyano. Sabi niya: “At ibibigay ng kapatid sa kamatayan ang kapatid, at ng ama ang kaniyang anak, at magsisipaghimagsik ang mga anak laban sa mga magulang at sila’y ipapapatay.” (Marcos 13:12) Maliwanag dito, na ang pagpapalaki sa mga anak sa panahon ng kawakasan ay hindi laging magiging isang tunay na kagalakan. Ito’y magdadala ng mga kalungkutan, kabiguan, at ng panganib, gaya ng ipinakikita ng mga salita ni Jesus na sinipi na.
21. (a) Samantalang totohanang pinag-iisipan ang hinaharap, bakit ang mga magulang ay hindi naman dapat na labis mag-alala? (b) Ano ang maaaring maging pag-asa nila, para sa kanilang sarili at sa kanilang mga anak?
21 Subalit samantalang totohanang pinag-iisipan ang tungkol sa napipintong mga kahirapan, yaong may mga anak na nasa kamusmusan pa ay hindi naman dapat na labis na mag-alala tungkol sa hinaharap. Kung sila’y mananatiling tapat at gagawin nila ang pinakamagaling upang palakihin ang kanilang mga anak “sa disiplina at pangkaisipang patnubay ni Jehova,” sila’y makapagtitiwala na pagpapalain din ang kanilang masunuring mga anak. (Efeso 6:4; ihambing ang 1 Corinto 7:14.) Bilang bahagi ng “malaking pulutong,” sila at ang kanilang mga anak na nasa kamusmusan pa ay makaaasang makaligtas sa “malaking kapighatian.” Kung ang gayong mga anak ay lálakí at magiging tapat na mga lingkod ni Jehova, sila’y pasasalamat sa kaniya nang walang-hanggan dahil sa sila’y nagkaroon ng mga magulang na gumanap ng kanilang mga pananagutan.—Apocalipsis 7:9, 14; Kawikaan 4:1, 3, 10.
Mga Tanong sa Repaso
◻ Anong mahabang-panahong proyekto ang nasasangkot sa pagsisilang ng isang anak?
◻ Bakit ang ilang mga matatanda at mga ministeryal na lingkod ay nawalan ng kanilang pribilehiyo?
◻ Anong mga bagay ang dapat pag-isipan ng isang lalaking Kristiyano kung tungkol sa pagdadalang-tao ng kaniyang asawa?
◻ Ano ang nagpapatunay na ang isang mag-asawang Kristiyano ay maaaring walang anak ngunit maligaya?
◻ Paano dapat malasin ng mga magulang ang pagsilang ng isang anak, at bakit sila hindi dapat labis na mag-alala tungkol sa hinaharap?
[Larawan sa pahina 24]
Ang mga ama ay maaaring makibahagi sa pananagutan na pamalagiing tahimik ang mga anak sa panahon ng pagpupulong