Ang Salita ni Jehova ay Buháy
Mga Tampok na Bahagi sa mga Liham sa mga Taga-Tesalonica at kay Timoteo
ANG kongregasyon sa Tesalonica ay dumaranas na ng pag-uusig mula pa noong maitatag ito nang magpunta roon si apostol Pablo. Kaya nang si Timoteo—malamang na mga 20 taóng gulang noon—ay bumalik mula roon na may mabuting ulat, naudyukan si Pablo na sumulat ng isang liham sa mga taga-Tesalonica upang sila’y papurihan at pasiglahin. Ito ang unang liham sa kinasihang mga akda ni Pablo at malamang na isinulat noong pagtatapos ng 50 C.E. Di-nagtagal, isinulat niya ang kaniyang pangalawang liham sa mga Kristiyano sa Tesalonica. Sa pagkakataong ito, itinuwid niya ang maling paniniwala ng ilan at pinayuhan ang mga kapatid na tumayong matatag sa pananampalataya.
Pagkalipas ng mga sampung taon, nasa Macedonia si Pablo samantalang nasa Efeso naman si Timoteo. Sumulat si Pablo kay Timoteo para himukin siyang manatili sa Efeso at ipagpatuloy ang kaniyang espirituwal na pakikipagbaka sa mga bulaang guro sa loob ng kongregasyon. Nang pag-usigin ang mga Kristiyano matapos magkaroon ng malaking sunog sa Roma noong 64 C.E., isinulat ni Pablo ang kaniyang pangalawang liham kay Timoteo. Ito ang pinakahuli niyang isinulat sa kaniyang kinasihang mga akda. Makikinabang tayo ngayon sa mga pampatibay-loob at payong ibinigay sa apat na mga liham na ito ni Pablo.—Heb. 4:12.
‘MANATILING GISING’
Pinuri ni Pablo ang mga taga-Tesalonica dahil sa ‘kanilang tapat na gawa, kanilang maibiging pagpapagal, at kanilang pagbabata.’ Sinabi niya sa kanila na sila ang kaniyang ‘pag-asa at kagalakan at koronang ipinagbubunyi.’—1 Tes. 1:3; 2:19.
Pagkatapos himukin ang mga Kristiyano sa Tesalonica na aliwin ang isa’t isa sa pag-asa ng pagkabuhay-muli, sinabi ni Pablo: “Ang araw ni Jehova ay dumarating na kagayang-kagaya ng isang magnanakaw sa gabi.” Pinayuhan niya sila na ‘manatiling gising’ at panatilihin ang katinuan ng isip.—1 Tes. 4:16-18; 5:2, 6.
Sagot sa Maka-Kasulatang mga Tanong:
4:15-17—Sino ang “aagawin sa mga ulap upang salubungin ang Panginoon sa hangin,” at paano ito mangyayari? Sila ang mga pinahirang Kristiyano na nabubuhay sa panahon ng pagkanaririto ni Kristo kung kailan nakaluklok na si Jesus sa langit bilang hari ng Kaharian ng Diyos. ‘Sasalubungin nila ang Panginoong’ Jesus sa di-nakikitang makalangit na dako. Subalit para maranasan ito, kailangan muna nilang mamatay at buhaying muli bilang mga espiritung nilalang. (Roma 6:3-5; 1 Cor. 15:35, 44) Nagsimula na ang pagkanaririto ni Kristo, kaya ang mga pinahirang Kristiyano na mamamatay ngayon ay hindi na mananatiling patay. Sila ay “aagawin,” o ibabangon agad.—1 Cor. 15:51, 52.
5:23—Ano ang ibig sabihin ni Pablo nang idalangin niya na ‘maingatan nawa ang espiritu at kaluluwa at katawan ng mga kapatid’? Tinutukoy ni Pablo ang espiritu, kaluluwa, at katawan ng buong kongregasyong Kristiyano, kasama na ang mga pinahiran-ng-espiritung Kristiyano sa Tesalonica. Sa halip na basta idalangin na maingatan ang kongregasyon, idinalangin niya na maingatan ang “espiritu,” o saloobin at kaisipan nito. Idinalangin din niya ang “kaluluwa,” o buhay nito, at ang “katawan” nito—ang kalipunan ng mga pinahirang Kristiyano. (1 Cor. 12:12, 13) Itinatampok ng panalanging ito ang matinding pagmamalasakit ni Pablo para sa kongregasyon.
Mga Aral Para sa Atin:
1:3, 7; 2:13; 4:1-12; 5:15. Ang isang mabisang paraan ng pagpapayo ay ang pagbibigay ng nararapat na komendasyon at paghimok na gumawa nang higit pa.
4:1, 9, 10. Dapat na patuloy na sumulong sa espirituwal ang mga mananamba ni Jehova.
5:1-3, 8, 20, 21. Habang papalapit ang araw ni Jehova, dapat na “panatilihin natin ang ating katinuan at isuot ang baluti ng pananampalataya at pag-ibig at bilang helmet ay ang pag-asa ng kaligtasan.” Karagdagan pa, dapat tayong magbigay ng pansin sa makahulang Salita ng Diyos, ang Bibliya.
‘TUMAYONG MATATAG’
Pinilipit ng ilan sa kongregasyon ang sinabi ni Pablo sa kaniyang unang liham at malamang na iginiit nila na malapit na ang ‘pagkanaririto ng Panginoon.’ Para ituwid ang paniniwalang iyan, ipinaliwanag ni Pablo kung ano ‘muna ang darating.’—2 Tes. 2:1-3.
Nagpayo si Pablo: “Tumayo kayong matatag at lagi kayong manghawakan sa mga tradisyon na itinuro sa inyo.” Binigyan niya sila ng utos na “lumayo sa bawat kapatid na lumalakad nang walang kaayusan.”—2 Tes. 2:15; 3:6.
Sagot sa Maka-Kasulatang mga Tanong:
2:3, 8—Sino “ang taong tampalasan,” at paano siya lilipulin? Tumutukoy ang “taong” ito sa uring klero ng Sangkakristiyanuhan. Ang isa na binigyan ng karapatan na maghayag ng mga hatol ng Diyos laban sa balakyot at mag-utos na isagawa ang mga iyon ay “ang Salita”—ang Punong Tagapagsalita ng Diyos, si Jesu-Kristo. (Juan 1:1) Kaya naman masasabing lilipulin ni Jesus ang taong tampalasan “sa pamamagitan ng espiritu [nagpapakilos na puwersa] ng kaniyang bibig.”
2:13, 14—Paanong ang mga pinahirang Kristiyano ay ‘pinili mula nang pasimula ukol sa kaligtasan’? Nang nilayon ni Jehova na sugatan ng binhi ng babae ang ulo ni Satanas, patiuna niyang itinalaga ang uring pinahiran. (Gen. 3:15) Sinabi rin ni Jehova ang mga kahilingan na kailangan nilang maabot, ang kanilang gagawin, at ang pagsubok na kanilang daranasin. Kaya masasabing tinawag niya sila para sa ‘kahihinatnang ito.’
Mga Aral Para sa Atin:
1:6-9. Pinipili ni Jehova ang lalapatan niya ng hatol.
3:8-12. Hindi dapat gamiting dahilan ang pagiging malapit ng araw ni Jehova para hindi na tayo magtrabaho upang suportahan ang ating sarili sa ministeryo. Maaaring maging tamad ang hindi nagtatrabaho at maging “isang mapakialam sa mga bagay-bagay ng ibang tao.”—1 Ped. 4:15.
“BANTAYAN MO ANG IPINAGKATIWALA SA IYO”
Tinagubilinan ni Pablo si Timoteo na ‘ipagpatuloy ang mainam na pakikipagdigma; na nanghahawakan sa pananampalataya at sa isang mabuting budhi.’ Inisa-isa ng apostol ang mga kuwalipikasyon para sa hinirang na mga lalaki sa kongregasyon. Tinagubilinan din ni Pablo si Timoteo na “tanggihan . . . ang mga kuwentong di-totoo na lumalapastangan sa kung ano ang banal.”—1 Tim. 1:18, 19; 3:1-10, 12, 13; 4:7.
“Huwag mong punahin nang may katindihan ang isang matandang lalaki,” ang isinulat ni Pablo. Hinimok niya si Timoteo: “Bantayan mo ang ipinagkatiwala sa iyo, na tinatalikdan ang walang-katuturang mga usapan na lumalapastangan sa kung ano ang banal at ang mga pagsasalungatan ng may-kabulaanang tinatawag na ‘kaalaman.’”—1 Tim. 5:1; 6:20.
Sagot sa Maka-Kasulatang mga Tanong:
1:18; 4:14—Sa ano tumutukoy ang “mga panghuhula” tungkol kay Timoteo? Malamang na ang mga ito ay tumutukoy sa mga hula tungkol sa magiging papel ni Timoteo sa kongregasyong Kristiyano na binigkas nang may pagkasi noong bumisita si Pablo sa Listra sa panahon ng kaniyang pangalawang paglalakbay bilang misyonero. (Gawa 16:1, 2) Batay sa “mga panghuhula” na ito, ‘ipinatong ng matatandang lalaki ang kanilang mga kamay’ sa kabataang si Timoteo anupat itinalaga siya para sa espesipikong pribilehiyo.
2:15—Paanong ang isang babae ay ‘maiingatang ligtas sa pamamagitan ng pag-aanak’? Ang pag-aanak, pag-aalaga ng mga anak, at pag-aasikaso sa isang sambahayan ay ‘mag-iingat’ sa isang babae na maging walang-pinagkakaabalahang ‘tsismosa at mapanghimasok sa buhay-buhay ng ibang tao.’—1 Tim. 5:11-15.
3:16—Ano ang sagradong lihim ng makadiyos na debosyon? Sa loob ng mahabang panahon, walang nakaaalam kung may sinumang tao na ganap na makapagpapasakop sa soberanya ni Jehova. Ipinakita ni Jesus na kaya niyang gawin ito sa pamamagitan ng pagpapanatili ng sakdal na katapatan sa Diyos hanggang sa kamatayan.
6:15, 16—Ang mga salita bang ito ay tumutukoy kay Jehova o kay Jesu-Kristo? Ang mga salitang ito ay tumutukoy kay Jesu-Kristo. (1 Tim. 6:14) Kung ihahambing sa mga taong namamahala bilang mga hari at mga panginoon, si Jesus ang “tanging Makapangyarihang Tagapamahala,” at siya lamang ang imortal. (Dan. 7:14; Roma 6:9) Mula nang umakyat siya sa di-nakikitang mga langit, wala nang tao sa lupa ang “makakakita” sa kaniya ng kanilang literal na mga mata.
Mga Aral Para sa Atin:
4:15. Tayo man ay baguhang Kristiyano o matagal na, dapat tayong magsikap na sumulong at patuloy na patibayin ang ating kaugnayan kay Jehova.
6:2. Kung kapananampalataya ang amo natin, sa halip na abusuhin ang ating kaugnayan sa kaniya, dapat na mas puspusan tayong magtrabaho sa kaniya kaysa sa hindi natin kapananampalataya.
“IPANGARAL MO ANG SALITA, MAGING APURAHAN”
Para ihanda si Timoteo sa darating na mahihirap na panahon, sumulat si Pablo: “Hindi tayo binigyan ng Diyos ng espiritu ng karuwagan, kundi ng kapangyarihan at ng pag-ibig at ng katinuan ng pag-iisip.” Pinayuhan si Timoteo: “Ang alipin ng Panginoon ay hindi kailangang makipag-away, kundi kailangang maging banayad sa lahat, kuwalipikadong magturo.”—2 Tim. 1:7; 2:24.
“Magpatuloy ka sa mga bagay na iyong natutuhan at nahikayat na sampalatayanan,” ang payo ni Pablo kay Timoteo. Lumalaganap noon ang apostatang mga turo kung kaya pinayuhan ng apostol ang nakababatang tagapangasiwa: “Ipangaral mo ang salita, maging apurahan ka rito . . . , sumaway ka, sumawata ka, magpayo ka.”—2 Tim. 3:14; 4:2.
Sagot sa Maka-Kasulatang mga Tanong:
1:13—Ano ang “parisan ng nakapagpapalusog na mga salita”? Ang “nakapagpapalusog na mga salita” ay “yaong sa ating Panginoong Jesu-Kristo”—tunay na mga turong Kristiyano. (1 Tim. 6:3) Ang itinuro at ginawa ni Jesus ay kasuwato ng Salita ng Diyos kaya ang pananalitang “nakapagpapalusog na mga salita” ay maaari ding tumukoy sa lahat ng turo ng Bibliya. Makatutulong sa atin ang mga turong ito na malaman kung ano ang hinihiling sa atin ni Jehova. Nanghahawakan tayo sa parisang ito kung isinasagawa natin ang ating natututuhan mula sa Bibliya.
4:13—Sa ano tumutukoy ang mga “pergamino”? Ang katawagang “pergamino” ay tumutukoy sa katad na ginagamit na sulatán. Posible na humihiling si Pablo ng ilang balumbon ng Hebreong Kasulatan para mapag-aralan niya habang nakabilanggo siya sa Roma. Malamang na papiro ang ilan sa mga balumbon pero ang iba ay pergamino.
Mga Aral Para sa Atin:
1:5; 3:15. Ang pangunahing dahilan kung bakit nagkaroon ng pananampalataya si Timoteo kay Jesu-Kristo—pananampalatayang nakaimpluwensiya sa lahat ng kaniyang ginawa—ay sapagkat itinuro sa kaniya ang banal na mga akda mula pa sa kaniyang pagkasanggol. Napakahalaga nga na pag-isipang mabuti ng mga miyembro ng pamilya kung natutupad nila ang pananagutang ito sa Diyos at sa kanilang mga anak!
1:16-18. Ipanalangin natin ang ating mga kapananampalataya at tulungan sila sa abot ng ating makakaya kapag sila ay nasa ilalim ng pagsubok, nasa harap ng pag-uusig, o nakabilanggo.—Kaw. 3:27; 1 Tes. 5:25.
2:22. Ang mga Kristiyano, lalung-lalo na ang mga kabataan, ay hindi dapat maging abala sa pagpapalaki ng katawan, isport, musika, paglilibang, pagbibiyahe, walang-saysay na mga usapan, at mga katulad nito, anupat kaunti na lamang ang panahon para sa espirituwal na mga gawain.
[Larawan sa pahina 31]
Alin sa mga kinasihang liham ni apostol Pablo ang pinakahuli niyang isinulat?