KABANATA 2
Paano Mo Mapananatili ang Isang Mabuting Budhi?
“Magtaglay kayo ng isang mabuting budhi.”—1 PEDRO 3:16.
1, 2. Bakit isang napakahalagang instrumento ang kompas, at paano ito maihahambing sa budhi?
GINAGAMIT ito ng mga marinero sa kanilang paglalayag sa malawak na karagatan; maliligaw ang isang naglalakbay sa ilang kung wala siya nito; mahalaga ito sa isang piloto ng eroplano para malaman niya ang tamang direksiyon sa ibabaw ng mga ulap. Anong instrumento ito? Ito ay ang kompas. Kung wala sila nito, tiyak na mahihirapan silang makarating sa kanilang destinasyon—lalo na kung wala silang ibang makabagong kagamitan.
2 Ang kompas ay isang simpleng instrumento na may magnetikong karayom na karaniwan nang nakaturo sa hilaga. Kung wala itong sira at gagamitin kasama ng isang tumpak na mapa, maaari itong magligtas ng buhay. Sa ilang paraan, ang kompas ay maihahambing sa isang mahalagang kaloob mula kay Jehova—ang budhi. (Santiago 1:17) Kung wala tayong budhi, maliligaw tayo ng landas. Kapag nakaayon ito sa tama, matutulungan tayo nito na makita ang tamang landas sa buhay at makapanatili sa landas na ito. Kaya isaalang-alang natin kung ano ang budhi at kung paano ito gumagana. Pagkatapos, talakayin natin ang sumusunod na mga punto: (1) Kung paano maaaring sanayin sa tama ang ating budhi, (2) kung bakit dapat nating isaalang-alang ang budhi ng iba, at (3) kung paano tayo makikinabang sa pagkakaroon ng mabuting budhi.
KUNG ANO ANG BUDHI AT KUNG PAANO ITO GUMAGANA
3. Ano ang literal na kahulugan ng salitang Griego para sa “budhi,” at anong natatanging kakayahan ng tao ang inilalarawan nito?
3 Sa Bibliya, ang salitang Griego para sa “budhi” ay literal na nangangahulugang “kasamang nakaaalam, o kaalaman sa sarili.” Di-tulad ng ibang nilalang sa lupa, mayroon tayong bigay-Diyos na kakayahang kilalanin ang ating sarili. Maaari nating tingnan at suriin ang ating pagkatao para malaman kung matuwid tayo sa moral. Yamang gumagana ito na parang isang hukom, maaaring suriin ng ating budhi ang ating mga pagkilos, saloobin, at pagpapasiya. Maaari tayong akayin nito na gumawa ng tamang pasiya o babalaan nito para hindi makagawa ng maling pasiya. Maaari tayong usigin nito kapag mali ang ating pasiya, pero kapag tama naman ang ating pasiya at maganda ang naging resulta, binibigyan tayo nito ng kapanatagan.
4, 5. (a) Paano natin nalaman na may budhi sina Adan at Eva, at ano ang resulta ng kanilang pagwawalang-bahala sa kautusan ng Diyos? (b) Anong mga halimbawa ang nagpapakitang gumagana ang budhi ng mga tapat na lalaking nabuhay bago ang panahon ng mga Kristiyano?
4 Ang kakayahang ito ay likas na sa tao sa pasimula pa lamang. Makikita natin na may budhi sina Adan at Eva nang makadama sila ng kahihiyan matapos silang magkasala. (Genesis 3:7, 8) Nakalulungkot, wala nang magagawa pa ang pagkabagabag ng kanilang budhi. Sadya nilang winalang-bahala ang kautusan ng Diyos. Sa gayon, pinili nilang magrebelde o maging mga kaaway ng Diyos na Jehova. Bilang mga sakdal na tao, alam nila kung ano ang ginawa nila, at hindi na nila kailanman maibabalik ang dati nilang kaugnayan sa Diyos.
5 Di-tulad nina Adan at Eva, maraming di-sakdal na tao ang nakinig sa kanilang budhi. Halimbawa, sinabi ng tapat na lalaking si Job: “Sa aking pagkamatuwid ay nanghahawakan ako, at hindi ko ito bibitiwan; hindi ako tutuyain ng aking puso sa lahat ng aking mga araw.”a (Job 27:6) Si Job ay nakikinig na mabuti sa kaniyang budhi, at hinahayaan niyang gabayan siya nito sa kaniyang pagkilos at pagpapasiya. Kaya talaga namang masasabi niya na hindi siya tinutuya, o inuusig, ng kaniyang budhi. Iba naman ang nangyari kay David. Nang magpakita si David ng kawalang-galang kay Saul, ang pinahirang hari ni Jehova, ‘lagi nang binabagabag si David ng kaniyang puso.’ (1 Samuel 24:5) Tiyak na nakatulong kay David ang panunumbat ng kaniyang budhi, dahil hindi na niya inulit ang gayong kawalang-galang.
6. Ano ang nagpapakita na pinagkalooban ng budhi ang lahat ng tao?
6 Mga lingkod lamang ba ni Jehova ang may budhi? Isaalang-alang ang kinasihang mga salita ni apostol Pablo: “Kailanma’t ang mga tao ng mga bansa na walang kautusan ay likas na gumagawa ng mga bagay na nasa kautusan, ang mga taong ito, bagaman walang kautusan, ay kautusan sa kanilang sarili. Sila mismo ang nagpapakita na ang diwa ng kautusan ay nakasulat sa kanilang mga puso, samantalang ang kanilang budhi ay nagpapatotoong kasama nila at, sa pagitan ng kanilang sariling mga kaisipan, sila ay inaakusahan o ipinagdadahilan pa nga.” (Roma 2:14, 15) Kahit ang mga walang alam sa mga kautusan ni Jehova ay maaaring maudyukan ng kanilang budhi na kumilos kasuwato ng mga simulain ng Diyos.
7. Bakit maaaring magkamali kung minsan ang budhi?
7 Pero maaari ding mali ang sinasabi ng ating budhi. Bakit? Buweno, kapag itinabi ang kompas sa isang magnet, baka hindi hilaga ang ituro nitong direksiyon. At kapag ginamit ito nang walang tumpak na mapa, baka wala ring silbi ang pagkakaroon ng kompas. Sa katulad na paraan, kapag labis tayong naimpluwensiyahan ng makasariling mga hangarin ng ating puso, baka mali ang idikta ng ating budhi. At kung walang tumpak na patnubay ng Salita ng Diyos, maaaring hindi natin makita ang pagkakaiba ng tama at mali kapag nagpapasiya sa mahahalagang bagay. Ang totoo, kailangan natin ang patnubay ng banal na espiritu ni Jehova upang gumana nang wasto ang ating budhi. Sumulat si Pablo: “Ang aking budhi ang nagpapatotoong kasama ko sa banal na espiritu.” (Roma 9:1) Gayunman, paano natin matitiyak na ang ating budhi ay gumagana kasuwato ng banal na espiritu ni Jehova? Dapat natin itong sanayin sa tama.
KUNG PAANO MAAARING SANAYIN SA TAMA ANG BUDHI
8. (a) Paano maaaring maimpluwensiyahan ng ating puso ang ating budhi, at ano ang dapat na pangunahin nating isaalang-alang kapag nagpapasiya? (b) Bakit hindi laging sapat para sa isang Kristiyano ang pagkakaroon ng malinis na budhi? (Tingnan ang talababa.)
8 Paano ka magpapasiya salig sa sinasabi ng iyong budhi? Para sa ilan, basta sinusunod na lamang nila ang sa tingin nila ay tama. Pagkatapos ay sasabihin nila: “Malinis naman ang budhi ko.” Napakalakas ng pagnanasa ng puso anupat kaya nitong impluwensiyahan ang budhi. Sinasabi ng Bibliya: “Ang puso ay higit na mapandaya kaysa anupamang bagay at mapanganib. Sino ang makakakilala nito?” (Jeremias 17:9) Kung gayon, hindi natin dapat basta na lamang sundin ang ibinubulong ng ating puso. Sa halip, ang dapat na pangunahin nating isaalang-alang ay kung ano ang nakalulugod sa Diyos na Jehova.b
9. Ano ang pagkatakot sa Diyos, at paano ito dapat makaimpluwensiya sa ating budhi?
9 Upang masanay sa tama ang ating budhi, dapat tayong magpasiya salig sa ating pagkatakot sa Diyos, hindi salig sa ating personal na kagustuhan. Isaalang-alang ang isang halimbawa. Ang tapat na gobernador na si Nehemias ay may karapatang maningil ng buwis mula sa mga naninirahan sa Jerusalem. Pero hindi niya ito ginawa. Bakit? Kasi kapag ginawa niya ito mahihirapan ang bayan ng Diyos at hindi ito makalulugod kay Jehova. At ayaw na ayaw niyang magalit si Jehova sa kaniya. Sinabi niya: “Hindi ko ginawa ang gayon dahil sa takot sa Diyos.” (Nehemias 5:15) Mahalaga ang taimtim na pagkatakot sa Diyos, ang taos-pusong pagkatakot na hindi mapalugdan ang ating makalangit na Ama. Ang gayong may-pagpipitagang pagkatakot ay magpapakilos sa atin na hanapin ang patnubay ng Salita ng Diyos kapag nagpapasiya tayo.
10, 11. Anu-ano ang mga simulain sa Bibliya hinggil sa pag-inom ng alak, at ano ang dapat nating gawin para patnubayan tayo ng Diyos sa pagkakapit sa mga simulaing ito?
10 Kuning halimbawa ang tungkol sa pag-inom ng alak. Ganito ang maaaring pag-isipan ng marami sa atin kapag nagpupunta sa isang salu-salo, Iinom ba ako ng alak o hindi? Dapat muna nating alamin kung ano ang mga simulain ng Bibliya hinggil dito. Anu-ano ba ito? Buweno, hindi naman hinahatulan ng Bibliya ang katamtamang pag-inom ng alak. Sa katunayan, pinupuri pa nga ng Bibliya si Jehova dahil sa pagkakaloob Niya ng alak. (Awit 104:14, 15) Subalit hinahatulan ng Salita ng Diyos ang labis na pag-inom at walang-taros na pagsasaya. (Lucas 21:34; Roma 13:13) Bukod diyan, itinuturing nito ang paglalasing na isang malubhang kasalanan, gaya ng pakikiapid at pangangalunya.c—1 Corinto 6:9, 10.
11 Sa pamamagitan ng gayong mga simulain, ang budhi ng isang Kristiyano ay nasasanay at nagiging sensitibo sa kung ano ang tama. Kaya kapag nagpapasiya kung iinom tayo ng alak sa isang salu-salo, makabubuting itanong ang mga ito sa ating sarili: ‘Anong uri ng salu-salo ang gaganapin? Posible bang mauwi ito sa walang-taros na pagsasaya? Gustung-gusto ko ba ng alak? Hinahanap-hanap ba ito ng katawan ko? Kailangan ko ba ito para maging kalmado? Kaya ko bang kontrolin ang aking pag-inom?’ Habang pinag-iisipan natin ang mga simulaing ito sa Bibliya at ang mga tanong na bumabangon may kaugnayan dito, makabubuti kung mananalangin tayo kay Jehova para sa patnubay. (Awit 139:23, 24) Sa paggawa nito, hinahayaan natin si Jehova na gabayan tayo sa pamamagitan ng kaniyang banal na espiritu. Sinasanay rin natin ang ating budhi na maging kaayon ng mga simulain ng Diyos. Gayunman, may isa pang salik na dapat nating isaalang-alang sa ating pagpapasiya.
BAKIT DAPAT ISAALANG-ALANG ANG BUDHI NG IBA?
12, 13. Ano ang ilang dahilan kung bakit magkakaiba ang sinasabi ng budhi ng bawat Kristiyano, at ano ang dapat nating maging reaksiyon sa gayong mga pagkakaiba?
12 Kung minsan, maaaring magtaka ka na magkakaiba ang sinasabi ng budhi ng bawat Kristiyano. Maaaring para sa isa, hindi katanggap-tanggap ang isang gawain o kaugalian, pero baka gusto naman ito ng iba at sa palagay nila ay wala namang masama rito. Halimbawa, baka nasisiyahan ang isa na uminom ng alak kasama ng ilang kaibigan habang nagrerelaks sa gabi, samantalang nababagabag naman dito ang budhi ng iba. Bakit kaya may ganitong pagkakaiba-iba, at paano ito dapat makaapekto sa ating pagpapasiya?
13 Maraming dahilan kung bakit magkakaiba ang sinasabi ng budhi ng bawat tao. Isa na rito ang kanilang kinalakhan at mga karanasan sa buhay. Halimbawa, alam ng ilan na mayroon silang dating mga kahinaan, at marahil ay hindi nila ito laging napagtatagumpayan. (1 Hari 8:38, 39) Pagdating sa pag-inom ng alak, ang gayong mga indibiduwal ay malamang na udyukan ng kanilang budhi na pag-isipan munang mabuti ang bagay na ito. Kung maging panauhin mo sa iyong tahanan ang gayong tao, maaaring sabihin sa kaniya ng kaniyang budhi na tanggihan ang alak na iniaalok mo. Magdaramdam ka ba? Dapat mo ba siyang pilitin? Hindi. Alam mo man o hindi ang kaniyang dahilan, na baka ayaw niyang sabihin sa pagkakataong iyon, dapat kang pakilusin ng pag-ibig na pangkapatid na maging makonsiderasyon.
14, 15. Sa anong isyu naging magkakaiba ang sinasabi ng budhi ng mga kabilang sa unang-siglong kongregasyon, at ano ang ipinayo ni Pablo?
14 Nakita ni apostol Pablo na madalas na magkakaiba ang budhi ng mga Kristiyano noong unang siglo. Nang panahong iyon, nababagabag ang budhi ng ilang Kristiyano hinggil sa mga pagkain na inihain sa mga idolo. (1 Corinto 10:25) Ipinahihintulot ng budhi ni Pablo na kumain ng gayong mga pagkaing ipinagbibili sa mga pamilihan. Para sa kaniya, walang kabuluhan ang mga idolo. Tutal, si Jehova naman ang pinagmumulan at nagmamay-ari ng lahat ng pagkain, at hindi ang mga idolo. Gayunman, nauunawaan ni Pablo na hindi ganito ang pananaw ng iba sa bagay na ito. Maaaring ang ilan sa kanila ay labis na nasangkot noon sa idolatriya bago naging mga Kristiyano. Para sa mga ito, hindi katanggap-tanggap ang anumang bagay na may kaugnayan sa idolatriya. Paano nilutas ni Pablo ang isyu?
15 Sinabi ni Pablo: “Gayunman, tayong malalakas ay dapat na magdala ng mga kahinaan niyaong hindi malalakas, at huwag magpalugod sa ating sarili. Sapagkat maging ang Kristo ay hindi nagpalugod sa kaniyang sarili.” (Roma 15:1, 3) Nangatuwiran si Pablo na dapat nating unahin ang kapakanan ng ating mga kapatid bago ang ating sarili, katulad ng ginawa ni Kristo. May kaugnayan dito, minsan ay sinabi ni Pablo na mas mabuti pang hindi na siya kumain ng karne huwag lamang niyang matisod ang isang mahalagang tupa na tinubos ni Kristo.—1 Corinto 8:13; 10:23, 24, 31-33.
16. Bakit dapat iwasan ng mga indibiduwal na may mas sensitibong budhi na hatulan ang pananaw ng iba?
16 Sa kabilang panig naman, ang isa na may mas sensitibong budhi ay hindi dapat na maging mapamuna sa iba, anupat iginigiit ang kaniyang pananaw hinggil sa mga pagpapasiyang nagsasangkot sa budhi. (Roma 14:10) Ang totoo, dapat nating gamitin ang ating budhi para suriin ang ating sarili, hindi ang iba. Tandaan ang sinabi ni Jesus: “Huwag na kayong humatol upang hindi kayo mahatulan.” (Mateo 7:1) Hindi dapat gawing isyu ng mga miyembro ng kongregasyon ang mga personal na pagpapasiyang nakadepende sa budhi. Bukod diyan, humahanap tayo ng mga paraan upang itaguyod ang pag-ibig at pagkakaisa, na pinatitibay ang isa’t isa sa halip na maging sanhi ng katitisuran.—Roma 14:19.
KUNG PAANO TAYO MAKIKINABANG SA PAGKAKAROON NG MABUTING BUDHI
17. Ano ang nangyari sa budhi ng marami sa ngayon?
17 Sumulat si apostol Pedro: “Magtaglay kayo ng isang mabuting budhi.” (1 Pedro 3:16) Ang budhi na malinis sa paningin ng Diyos na Jehova ay isang napakalaking pagpapala. Hindi ito kagaya ng budhi ng marami sa ngayon. Inilarawan ni Pablo ang mga taong ito na “natatakan sa kanilang budhi na waring sa pamamagitan ng pangherong bakal.” (1 Timoteo 4:2) Pinapaso ng pangherong bakal ang laman at nag-iiwan ito ng pilat. Pagkatapos, nagiging manhid ang laman dahil dito. Maraming budhi ang sa diwa, ay patay—sobrang manhid anupat hindi na ito nagbababala, tumututol, o bumabagabag sa isa kapag nagkasala siya. Tila natutuwa pa nga ang marami sa ngayon kapag naaatim na ng kanilang budhi ang paggawa ng kasalanan.
18, 19. (a) Ano ang maaaring maitulong sa atin ng panunumbat ng budhi at pagkadama ng kahihiyan? (b) Ano ang dapat nating gawin kung patuloy tayong inuusig ng ating budhi dahil sa mga kasalanang atin nang pinagsisihan?
18 Ang totoo, kapag nakadarama tayo ng panunumbat ng budhi, ipinahihiwatig nito na nakagawa tayo ng mali. Kapag napakilos ng gayong mga damdamin ang isang nagkasala na magsisi, kahit ang pinakamalubha niyang mga kasalanan ay maaaring patawarin. Halimbawa, si Haring David ay nakagawa ng malubhang pagkakasala pero pinatawad siya, pangunahin nang dahil sa kaniyang taimtim na pagsisisi. Ang pagkamuhi niya sa nagawa niyang kasalanan at ang kaniyang determinasyon na sundin ang mga kautusan ni Jehova ang umakay sa kaniya upang mapatunayan niya mismo na si Jehova ay “mabuti at handang magpatawad.” (Awit 51:1-19; 86:5) Gayunman, paano kung nakadarama pa rin tayo ng matinding pagkabagabag ng budhi at kahihiyan matapos na magsisi at mapatawad?
19 Kung minsan, maaaring labis na inuusig at pinahihirapan ng budhi ang isang nagkasala kahit matagal na niyang pinagsisihan ang kaniyang kasalanan. Sa gayong mga kalagayan, dapat nating kumbinsihin ang ating sarili na si Jehova ay mas dakila kaysa sa ating mapanghatol na puso. Dapat tayong magtiwala na iniibig at pinatatawad tayo ni Jehova, kung paanong hinihimok natin ang iba na magkaroon ng gayunding pagtitiwala. (1 Juan 3:19, 20) Sa kabilang dako naman, kapag naging malinis na ang budhi ng isa, nagkakaroon siya ng kapayapaan ng isip, kapanatagan, at kagalakan na bihirang maranasan ng mga tao sa daigdig na ito. Marami sa nakagawa ng malubhang kasalanan noon ay nakadama ng kaginhawahan, at napananatili nila sa ngayon ang isang mabuting budhi habang naglilingkod sa Diyos na Jehova.—1 Corinto 6:11.
20, 21. (a) Ano ang maitutulong sa iyo ng publikasyong ito? (b) Bilang mga Kristiyano, anong kalayaan ang ipinagkaloob sa atin, at paano natin ito dapat gamitin?
20 Dinisenyo ang aklat na ito upang tulungan kang masumpungan ang kagalakan at magtaglay ng isang malinis na budhi hanggang sa magwakas ang maligalig na sanlibutang ito ni Satanas. Siyempre pa, hindi nito maipaliliwanag ang lahat ng kautusan at simulain ng Bibliya na kailangan mong maunawaan at ikapit sa araw-araw. Karagdagan pa, wala kang mababasa rito na espesipikong mga tuntunin may kinalaman sa mga pagpapasiyang nagsasangkot sa budhi. Layunin ng aklat na ito na tulungan kang sanayin sa tama ang iyong budhi at gawin itong sensitibo sa pamamagitan ng pag-aaral ng Salita ng Diyos at pagkakapit nito sa pang-araw-araw na buhay. Di-tulad ng Kautusang Mosaiko, ang “kautusan ng Kristo” ay humihimok sa mga tagasunod nito na higit na isaalang-alang sa kanilang buhay ang mga simulain at ang sinasabi ng kanilang budhi kaysa sa nasusulat na mga tuntunin. (Galacia 6:2) Kaya pinagkalooban ni Jehova ang mga Kristiyano ng natatanging kalayaan. Gayunman, ipinaaalaala sa atin ng kaniyang Salita na hindi natin dapat gamitin ang kalayaang iyon bilang “panakip ukol sa kasamaan.” (1 Pedro 2:16) Sa halip, binibigyan tayo ng kalayaang ito ng napakagandang pagkakataon upang ipakita ang ating pag-ibig kay Jehova.
21 Kung pag-iisipan at ipapanalangin mo kung ano ang pinakamainam na paraan upang maikapit ang mga simulain ng Bibliya at kikilos kasuwato nito, maipagpapatuloy mo ang napakahalagang paraan ng pamumuhay na sinimulan mo noong una mong makilala si Jehova. Masasanay ang iyong “kakayahan sa pang-unawa” habang ‘ginagamit’ mo ito. (Hebreo 5:14) Sa bawat araw ng iyong buhay, makikinabang ka sa pagkakaroon ng isang budhi na sinanay sa Bibliya. Gaya ng isang kompas na gumigiya sa isang naglalakbay, matutulungan ka ng iyong budhi na makagawa ng mga pasiyang makalulugod sa iyong makalangit na Ama. Sa pamamagitan nito, tiyak na makapananatili ka sa pag-ibig ng Diyos.
a Hindi lumitaw sa Hebreong Kasulatan ang salitang “budhi.” Gayunman, malinaw na ang budhi ang tinutukoy sa tekstong ito. Ang salitang “puso” ay karaniwan nang tumutukoy sa pagkatao ng isa. Sa mga halimbawang gaya nito, tumutukoy ito sa espesipikong bahagi ng pagkatao ng indibiduwal—ang budhi. Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang salitang Griego na isinaling “budhi” ay lumilitaw nang mga 30 ulit.
b Ipinakikita ng Bibliya na hindi laging sapat ang pagkakaroon ng malinis na budhi. Halimbawa, sinabi ni Pablo: “Wala akong kamalayan sa anumang bagay na laban sa aking sarili. Bagaman sa pamamagitan nito ay hindi ako napatutunayang matuwid, ngunit siya na sumusuri sa akin ay si Jehova.” (1 Corinto 4:4) Para sa mga nang-uusig sa mga Kristiyano, gaya ni Pablo noon, malinis ang kanilang budhi dahil inaakala nilang sinasang-ayunan ng Diyos ang kanilang ginagawa. Napakahalaga na malinis ang ating budhi sa paningin natin at sa paningin ng Diyos.—Gawa 23:1; 2 Timoteo 1:3.
c Dapat tandaan na sinasabi ng maraming doktor na ang katamtamang pag-inom ay hindi talaga posible para sa mga alkoholiko; para sa mga ito, ang “pagiging katamtaman” ay nangangahulugan ng hindi pag-inom.