MAKADIYOS NA DEBOSYON
Pagpipitagan, pagsamba, at paglilingkod sa Diyos nang may pagkamatapat sa kaniyang pansansinukob na soberanya. Ginagamit sa Kasulatan ang salitang Griego na eu·seʹbei·a at ang kaugnay nitong mga anyong pang-uri, pang-abay, at pandiwa. Ang anyong pangngalan nito, gaya ng pagkakagamit sa Bibliya, ay maaaring isalin nang literal bilang “nararapat na pagpipitagan” at tumutukoy sa pagpipitagan o debosyon sa isa na tunay na banal at matuwid. (Ihambing ang 2Pe 1:6, Int.) Kabaligtaran naman ng “makadiyos na debosyon” ang salitang “pagka-di-makadiyos” o “kawalang-pitagan” (sa Gr., a·seʹbei·a).
Sa Christian Words, sumulat si Nigel Turner: “Ang eusebeia ay lumilitaw kung minsan sa makabagong mga inskripsiyon sa diwa na nagpapahiwatig ng personal na relihiyosong debosyon . . . ngunit ang mas malawak na kahulugan nito sa popular na Griego noong yugtong Romano ay ‘pagkamatapat.’ . . . Para sa mga Kristiyano, ang eusebeia ang pinakamataas na uri ng debosyon sa Diyos.” (1981, p. 111) Ginagamit sa Bibliya ang pananalitang “makadiyos na debosyon” upang tumukoy sa personal na debosyon sa Diyos na Jehova taglay ang pagkamatapat.
Ang kaugnay na pang-uri na eu·se·besʹ, nangangahulugang “taimtim; may makadiyos na debosyon,” ay lumilitaw sa Gawa 10:2, 7; 2 Pedro 2:9. Ayon kay John A. H. Tittmann, ang eu·se·besʹ ay “nagpapahiwatig ng pagpipitagan sa Bathala na ipinakikita sa mga gawa, lalo na sa pagsamba sa Diyos; . . . [eu·se·besʹ] ang isa na nagpapakita ng gayong pagkadeboto sa pamamagitan ng mga gawa.”—Remarks on the Synonyms of the New Testament, Edinburgh, 1833, Tomo I, p. 253, 254.
Ang pandiwang eu·se·beʹo ay ginagamit sa 1 Timoteo 5:4 may kaugnayan sa pakikitungo ng mga anak o mga apo sa kanilang nabalong mga ina o mga lola. Sinasabi ng A Greek and English Lexicon of the New Testament, ni Edward Robinson (1885, p. 307), na ang eu·se·beʹo ay maaaring mangahulugan ng pagpapakita ng debosyon sa sinuman. Dahil dito, ang ilang salin ng talatang ito ay kababasahan: “Una sa lahat ay dapat silang matutong magsagawa ng kanilang tungkulin sa kani-kanilang pamilya.” (JB; ihambing ang The New English Bible at ang The Bible in Basic English.) Ngunit ang Diyos ang Tagapagtatag ng kaayusan ng pamilya (Efe 3:14, 15), at inihahalintulad ng Bibliya ang sambahayan ng Diyos sa yunit ng pamilya. Samakatuwid, ang pagpipitagan, o makadiyos na debosyon, sa loob ng mga ugnayang pampamilya sa sambahayang Kristiyano ay katumbas ng pagpipitagan sa Diyos at ng pagkamasunurin sa mga utos ng Diyos may kinalaman sa pamilya at sa wastong paggawi ng mga miyembro nito. Kasuwato nito, isinasalin ang tekstong iyon sa ganitong paraan, “Kung ang sinumang babaing balo ay may mga anak o mga apo, matuto muna ang mga ito na magsagawa ng makadiyos na debosyon sa kanilang sariling sambahayan” (NW).
Ang ‘Sagradong Lihim ng Makadiyos na Debosyon.’ Ang pangunahing halimbawa ng makadiyos na debosyon ay si Jesu-Kristo. Sumulat ang apostol na si Pablo kay Timoteo: “Tunay nga, ang sagradong lihim ng makadiyos na debosyong ito ay kinikilalang dakila: ‘Siya ay nahayag sa laman, ipinahayag na matuwid sa espiritu, nagpakita sa mga anghel, ipinangaral sa gitna ng mga bansa, pinaniwalaan sa sanlibutan, tinanggap sa itaas sa kaluwalhatian.’” (1Ti 3:16) Ang sakdal na taong si Adan ay hindi nagpakita ng sakdal na halimbawa ng makadiyos na debosyon. Hindi rin ito magagawa ng sinuman sa kaniyang mga anak, yamang sila’y isinilang na di-sakdal. Sino kaya ang makagagawa nito? Ang pagparito ng Anak ng Diyos sa lupa at ang kaniyang landasin ng pag-iingat ng katapatan ang siyang nagbigay ng kasagutan, anupat nasiwalat ang solusyon sa sagradong lihim. Siya ang dapat tingnan ni Timoteo bilang ang sakdal na halimbawa ng paggawing nagpapamalas ng makadiyos na debosyon.—1Ti 3:15.
Si Jesu-Kristo ang kaisa-isang tao na nakapagpamalas ng makadiyos na debosyon nang may kasakdalan, sa lahat ng aspekto, anupat pinatunayan niya na ang taong laman ay maaaring mag-ingat ng gayong debosyon. Sa ilalim ng matitinding pagsubok, hanggang sa mismong wakas ng kaniyang makalupang landasin, si Jesus ay “matapat, walang katusuhan, walang dungis, hiwalay sa mga makasalanan.” (Heb 7:26) Walang kapintasan na masusumpungan sa kaniyang katapatan at maiaakusa sa kaniya sa harap ng Diyos. Bago siya mamatay, sinabi niya: “Dinaig ko ang sanlibutan,” gayundin, “Ang tagapamahala ng sanlibutan ay dumarating. At wala siyang kapangyarihan sa akin.” (Ju 16:33; 14:30) Walang kalikuang masusumpungan sa kaniya. May-kawastuan niyang masasabi sa kaniyang mga kaaway: “Sino sa inyo ang humahatol sa akin ng kasalanan?” (Ju 8:46) Ang solusyon sa “sagradong lihim ng makadiyos na debosyong ito” ay napakadakila at napakahalaga para sa sangkatauhan anupat dapat itong ihayag sa buong sanlibutan. Si Jesu-Kristo mismo ang parisan ng Kristiyanong makadiyos na debosyon at paggawi sa kongregasyon.
Ang Pagsasanay, Lakip ang Pagkakontento, ay Mahalaga. Mahalaga ang puspusang pagsasanay upang matamo ng isang Kristiyano ang lubos na makadiyos na debosyon. Nasasangkot dito ang pagbabata ng pagsalansang at pag-uusig. (2Ti 3:12) Ang tunguhin, o layunin, ng isang tao sa pagsasanay ng kaniyang sarili ay hindi para magkamit ng sakim at materyalistikong pakinabang. Ngunit may matatamong pakinabang ang isa na kontento sa kaniyang kalagayan sa buhay at patuloy na nagsasagawa ng makadiyos na debosyon nang may kasiyahan sa sarili. “Hawak nito ang pangako sa buhay ngayon,” samakatuwid nga, espirituwal na kalusugan, kasiyahan, kaligayahan, at layunin sa buhay. Hawak din nito ang pangako sa buhay na “darating.”—1Ti 4:7, 8; 6:6-8; ihambing ang Kaw 3:7, 8; 4:20-22.
Bagaman maaaring dumanas ng pag-uusig at paghihirap ang isang tao na may makadiyos na debosyon, hindi siya dapat matakot, sapagkat “alam ni Jehova kung paano magligtas ng mga taong may makadiyos na debosyon mula sa pagsubok.” (2Pe 2:9) Pinayuhan ng apostol na si Pedro ang mga Kristiyano na idagdag sa kanilang pagbabata ang makadiyos na debosyon. (2Pe 1:5, 6) Pinaalalahanan niya sila na maging mga taong nakikilala sa kanilang “banal na mga paggawi at mga gawa ng makadiyos na debosyon” upang makaligtas sila sa paghuhukom sa araw ni Jehova.—2Pe 3:7, 10, 11; 1Pe 4:18.
Ang Kapangyarihan ng Makadiyos na Debosyon. Dapat kilalanin ng isang tao na nag-aangking may makadiyos na debosyon ang kapangyarihan nito na baguhin ang kaniyang personalidad at dapat siyang maging tapat at taimtim sa pagtataguyod ng pagkamakadiyos. (1Ti 6:11; Efe 4:20-24) Dapat niyang kilalanin na ang Salita ng Diyos ang kapahayagan ng Diyos hinggil sa daan ng makadiyos na debosyon, kaya naman dapat siyang sumunod sa mga panuntunan nito. (Tit 1:1; 2Pe 1:3) Yamang sa Diyos personal na iniuukol ang makadiyos na debosyon, ang kaniyang Salita at espiritu ay makatutulong sa isa upang makilala si Jehova sa personal at matalik na paraan at upang higit na maging kagaya niya—upang maging isang tagatulad niya. (Efe 5:1) Dahil dito, lalo pang maipaaaninag ng taong iyon ang maiinam na katangian ng Diyos na Jehova.—2Co 3:18.
Kung ang isa na nag-aangking naglilingkod sa Diyos ay nananalig sa sarili niyang mga ideya sa halip na manghawakan sa Bibliya at kung ang kaniyang turo ay hindi “kaayon ng makadiyos na debosyon” at sa gayon ang gurong iyon ay hindi kinakikitaan ng debosyon sa Diyos, siya ay “may sakit sa isip.” (1Ti 6:3, 4) Binabalaan ng apostol na si Pablo ang kaniyang nakababatang kapuwa ministro na si Timoteo tungkol sa mga taong di-makadiyos na nag-aangking may debosyon sa Diyos. Pinaalalahanan niya si Timoteo na gamitin nang wasto ang Salita ng katotohanan, anupat iniiwasan ang walang-katuturang mga usapan na lumalapastangan sa kung ano ang banal, upang hindi malihis si Timoteo mula sa daan ng makadiyos na debosyon. Pagkatapos ay itinawag-pansin niya na lilitaw ang mga tao na magsasagawa ng lahat ng uri ng kabalakyutan, na paimbabaw na nagtataglay ng isang anyo ng makadiyos na debosyon ngunit nagbubulaan sa kapangyarihan nito. (2Ti 2:15, 16; 3:1-5) Ipinakita rin ni Judas na ang gayong mga tao ay walang tunay na pagpipitagan sa Diyos o debosyon sa kaniya, ni mayroon man silang paggalang o pagpapahalaga sa kaniyang di-sana-nararapat na kabaitan. Gagamitin ng gayong mga tao ang pagkamakadiyos para sa materyalistiko o makalamang pakinabang. Ang kanilang pagpapaimbabaw ay masisiwalat dahil sa kanilang mahahalay na paggawi.—Jud 4.
Ano “ang hiwaga ng katampalasanang ito” na tinutukoy ni Pablo?
May isa pang hiwaga na salungat na salungat sa “sagradong lihim” ni Jehova. Iyon ay “ang hiwaga ng katampalasanang ito.” Isang hiwaga iyon para sa mga tunay na Kristiyano dahil noong mga araw ng apostol na si Pablo, ang pagkakakilanlan ng “taong tampalasan” ay hindi pa nahahayag bilang isang uri na tiyakang matutukoy at malinaw na makikilala. Kahit pagkatapos na mahayag ang “taong” iyon, ang kaniyang pagkakakilanlan ay mananatiling hiwaga para sa maraming tao sapagkat ang kaniyang kabalakyutan ay isasagawa sa likod ng balatkayo ng makadiyos na debosyon at sa ngalan nito. Ang totoo, isang pag-aapostata iyon mula sa tunay na makadiyos na debosyon. Sinabi ni Pablo na “ang hiwaga ng katampalasanang ito” ay gumagana na noong kaniyang mga araw, sapagkat mayroon nang impluwensiya ng katampalasanan sa kongregasyong Kristiyano, na sa kalaunan ay magbubunga ng paglitaw ng uring-apostatang iyon. Sa dakong huli, ang isang iyon ay lilipulin ni Jesu-Kristo sa pagkakahayag ng kaniyang pagkanaririto. Ang apostatang “taong” iyon na pinakikilos ni Satanas ay magtataas ng kaniyang sarili “sa ibabaw ng bawat isa na tinatawag na ‘diyos’ o isang bagay na pinagpipitaganan” (sa Gr., seʹba·sma). Kaya naman bilang isang kasangkapan ni Satanas, ang pusakal na mananalansang na iyon sa Diyos ay magiging lubhang mapanlinlang at magdudulot ng pagkapuksa sa mga sumusunod sa kaniyang mga gawain. Magiging mabisa ang pagkilos ng “taong tampalasan” dahil ang kaniyang kabalakyutan ay ikukubli ng paimbabaw na makadiyos na debosyon.—2Te 2:3-12; ihambing ang Mat 7:15, 21-23.