KABANATA 15
‘Pinatibay ang mga Kongregasyon’
Tinulungan ng mga naglalakbay na ministro ang mga kongregasyon na maging matibay ang pananampalataya
Batay sa Gawa 15:36–16:5
1-3. (a) Sino ang bagong kasama ni Pablo sa paglalakbay, at ano ang masasabi tungkol sa kaniya? (b) Ano ang matututuhan natin sa kabanatang ito?
HABANG naglalakad sa mabatong daan, pinagmamasdan ni apostol Pablo ang kabataang kasama niya. Ang kaniyang pangalan ay Timoteo, isang masiglang lalaki na humigit-kumulang 20 anyos. Sa bawat hakbang, palayo siya nang palayo sa kaniyang lupang tinubuan, ang rehiyon ng Listra at Iconio. Ano kaya ang mangyayari? Sa paanuman, may ideya na si Pablo dahil ikalawang paglalakbay na niya ito bilang misyonero. Inaasahan niyang magkakaroon ng mga problema at panganib. Makatatagal kaya ang kabataang ito na kasama niya?
2 May tiwala si Pablo kay Timoteo, marahil ay higit pa nga sa tiwala ng mapagpakumbabang kabataang ito sa kaniyang sarili. Dahil sa mga nangyari kamakailan, lalong nakumbinsi si Pablo na talagang kailangan niya ng tamang kasama sa paglalakbay. Alam ni Pablo na sa pagdalaw sa mga kongregasyon at sa pagpapalakas sa mga ito, ang mga naglalakbay na ministro ay dapat magkaroon ng di-natitinag na determinasyon at nagkakaisang kaisipan. Bakit kaya ganito ang nadama ni Pablo? Ang isang dahilan marahil ay ang pagtatalong humantong sa paghihiwalay nina Pablo at Bernabe.
3 Sa kabanatang ito, marami tayong matututuhan tungkol sa pinakamahusay na paraan kung paano haharapin ang mga pagtatalo. Malalaman din natin kung bakit si Timoteo ang pinili ni Pablo para makasama niya sa paglalakbay, at magkakaroon tayo ng higit na kaunawaan tungkol sa mahalagang papel ng mga tagapangasiwa ng sirkito sa ngayon.
“Balikan Natin Ngayon at Dalawin ang mga Kapatid” (Gawa 15:36)
4. Ano ang layunin ni Pablo sa kaniyang ikalawang paglalakbay bilang misyonero?
4 Sa naunang kabanata, nakita natin kung paano napalakas ng apat na kapatid—sina Pablo, Bernabe, Hudas, at Silas—ang kongregasyon sa Antioquia may kinalaman sa desisyon ng lupong tagapamahala tungkol sa pagtutuli. Ano ang sumunod na ginawa ni Pablo? Kinausap niya si Bernabe tungkol sa kaniyang plano para sa susunod nilang paglalakbay, na sinasabi: “Balikan natin ngayon at dalawin ang mga kapatid sa lahat ng lunsod kung saan natin ipinahayag ang salita ni Jehova para makita ang kalagayan nila.” (Gawa 15:36) Hindi lang basta pagdalaw sa mga bagong kaibigan ang ibig sabihin ni Pablo. Isinisiwalat sa aklat ng Mga Gawa ang talagang layunin ng ikalawang paglalakbay ni Pablo bilang misyonero. Una, para patuloy na ipaalam ang mga tuntuning napagpasiyahan ng lupong tagapamahala. (Gawa 16:4) Ikalawa, bilang naglalakbay na tagapangasiwa, determinado si Pablo na palakasin ang mga kongregasyon sa espirituwal na paraan at tulungan silang maging matibay ang pananampalataya. (Roma 1:11, 12) Paano tinutularan ng organisasyon ng mga Saksi ni Jehova sa ngayon ang parisang iniwan ng mga apostol?
5. Paano pinapatnubayan at pinapatibay ng Lupong Tagapamahala ang mga kongregasyon sa ngayon?
5 Sa ngayon, ginagamit ni Kristo ang Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova para patnubayan ang kaniyang kongregasyon. Sa pamamagitan ng mga liham, mga publikasyong nakaimprenta o makikita online, mga pulong, at iba pang paraan ng komunikasyon, pinapatnubayan at pinapatibay ng tapat na mga pinahirang ito ang lahat ng kongregasyon sa buong daigdig. Sinisikap din ng Lupong Tagapamahala na magkaroon ng regular na pakikipag-ugnayan sa bawat kongregasyon. Para magawa ito, ginagamit nila ang mga naglalakbay na tagapangasiwa. Libo-libong kuwalipikadong elder sa buong daigdig ang tuwirang inatasan ng Lupong Tagapamahala para maglingkod bilang mga tagapangasiwa ng sirkito.
6, 7. Ano ang ilang pananagutan ng mga tagapangasiwa ng sirkito?
6 Ang mga naglalakbay na tagapangasiwa sa ngayon ay nagtutuon ng pansin sa pagbibigay ng personal na atensiyon at espirituwal na pampatibay sa mga kapatid sa mga kongregasyong dinadalaw nila. Paano? Sa pamamagitan ng pagtulad sa parisang iniwan ng unang-siglong mga Kristiyanong gaya ni Pablo. Pinayuhan niya ang kaniyang kapuwa tagapangasiwa: “Ipangaral mo ang salita ng Diyos; gawin mo ito nang apurahan, maganda man o mahirap ang kalagayan; sumaway ka, magbabala, at magpayo nang may pagtitiis at husay sa pagtuturo. . . . Gawin mo ang gawain ng isang ebanghelisador.”—2 Tim. 4:2, 5.
7 Kasuwato ng mga salitang ito, sinasamahan ng tagapangasiwa ng sirkito—at ng kaniyang asawa, kung mayroon—ang lokal na mga mamamahayag sa iba’t ibang pitak ng paglilingkod sa larangan. Ang mga naglalakbay na mángangarál na ito ay masisigasig sa ministeryo at mahuhusay na tagapagturo—mga katangiang nagpapasigla sa kawan. (Roma 12:11; 2 Tim. 2:15) Kilalang-kilala sila sa kanilang mapagsakripisyong pag-ibig. Bukal sa loob ang kanilang paglilingkod, anupat handa silang maglakbay sa gitna ng masamang lagay ng panahon at maging sa mapanganib na mga lugar. (Fil. 2:3, 4) Ang mga tagapangasiwa ng sirkito ay nagpapatibay rin, nagtuturo, at nagpapayo sa bawat kongregasyon sa pamamagitan ng mga pahayag na salig sa Bibliya. Makikinabang ang lahat sa kongregasyon kung pag-iisipan nila ang paggawi ng mga naglalakbay na ministrong ito at tutularan ang kanilang pananampalataya.—Heb. 13:7.
“Mainitang Pagtatalo” (Gawa 15:37-41)
8. Paano tumugon si Bernabe sa plano ni Pablo?
8 Sang-ayon si Bernabe sa plano ni Pablo na “dalawin ang mga kapatid.” (Gawa 15:36) Naging matagumpay sila sa kanilang paglalakbay noon na magkasama at pamilyar na silang pareho sa mga lugar at mga taong dadalawin nila. (Gawa 13:2–14:28) Kaya waring tama naman at praktikal na magsama silang muli sa atas na ito. Pero may problema. Iniulat ng Gawa 15:37: “Ipinipilit ni Bernabe na isama si Juan, na tinatawag na Marcos.” Hindi lamang basta nagmumungkahi si Bernabe. “Ipinipilit” niyang isama ang kaniyang pinsang si Marcos sa ikalawang paglalakbay na ito.
9. Bakit hindi pumayag si Pablo sa gustong mangyari ni Bernabe?
9 Hindi pumayag si Pablo. Bakit? Ganito ang sabi ng ulat: “Pero ayaw ni Pablo na isama [si Marcos], dahil iniwan sila nito sa Pamfilia at hindi na sumama sa kanila sa gawain.” (Gawa 15:38) Nakasama na nina Pablo at Bernabe si Marcos sa kanilang unang paglalakbay bilang misyonero, pero iniwan sila ni Marcos. (Gawa 12:25; 13:13) Sa Pamfilia pa lang, bumalik na si Marcos sa Jerusalem. Hindi binabanggit sa Bibliya kung bakit, ngunit para kay apostol Pablo, hindi ito gagawin ng isang responsableng tao. Marahil ay nag-aalinlangan na si Pablo kung maaasahan ba talaga si Marcos.
10. Saan humantong ang pagtatalo nina Pablo at Bernabe, at ano ang ibinunga nito?
10 Nagmatigas pa rin si Bernabe na isama si Marcos. Pero matigas din si Pablo sa kaniyang pagtutol. “Dahil dito, nagkaroon sila ng mainitang pagtatalo at naghiwalay ng landas,” ang sabi sa Gawa 15:39. Naglayag si Bernabe pauwi sa kanila sa isla ng Ciprus, kasama si Marcos. Itinuloy naman ni Pablo ang kaniyang plano. Ganito ang mababasa sa ulat: “Pinili ni Pablo si Silas, at umalis si Pablo matapos siyang maipagkatiwala ng mga kapatid sa walang-kapantay na kabaitan ni Jehova.” (Gawa 15:40) Magkasama silang naglakbay at lumibot “sa Sirya at Cilicia, at pinatibay [nila] ang mga kongregasyon.”—Gawa 15:41.
11. Kapag nagkaroon ng di-pagkakaunawaan, anong mga katangian ang kailangan upang hindi tuluyang magkalamat ang ating kaugnayan sa isang kapatid?
11 Ipinapaalaala sa atin ng ulat na ito na tayong lahat ay hindi perpekto. Inatasan sina Pablo at Bernabe bilang mga pantanging kinatawan ng lupong tagapamahala. Malamang na naging miyembro pa nga si Pablo ng lupong iyon. Pero sa pagkakataong ito, sina Pablo at Bernabe ay nadaig ng kanilang pagiging di-perpekto. Tuluyan na bang nagkalamat ang kanilang kaugnayan sa isa’t isa? Bagaman mga di-perpekto, parehong mapagpakumbaba sina Pablo at Bernabe at taglay nila ang kaisipan ni Kristo. Di-nagtagal, pinatawad nila ang isa’t isa at inayos ang pagkakaibigan nila. (Efe. 4:1-3) Nang dakong huli, nagkasama ulit sina Pablo at Marcos sa iba pang teokratikong mga atas.a—Col. 4:10.
12. Anong mga katangian ang dapat ipakita ng mga elder sa ngayon bilang pagtulad kina Pablo at Bernabe?
12 Hindi naman likas kay Bernabe ni kay Pablo man na mag-init sa galit. Kilala si Bernabe bilang isang mapagmahal at bukas-palad na tao—kaya naman sa halip na tawagin siya sa kaniyang tunay na pangalang Jose, binigyan siya ng mga apostol ng apelyidong Bernabe, na nangangahulugang “Anak ng Kaaliwan.” (Gawa 4:36) Kilala naman si Pablo sa kaniyang pagiging mapagmahal at mabait. (1 Tes. 2:7, 8) Bilang pagtulad kina Pablo at Bernabe, ang lahat ng tagapangasiwang Kristiyano sa ngayon, pati na ang mga tagapangasiwa ng sirkito, ay dapat na palaging nagsisikap na magpakita ng kapakumbabaan at maging mabait sa kapuwa elder at sa buong kawan.—1 Ped. 5:2, 3.
“Mabuti ang Sinasabi Tungkol sa Kaniya” (Gawa 16:1-3)
13, 14. (a) Sino si Timoteo, at paano siya nakilala ni Pablo? (b) Bakit napansin ni Pablo si Timoteo? (c) Anong atas ang natanggap ni Timoteo?
13 Sa ikalawang paglalakbay ni Pablo bilang misyonero, nagtungo naman siya sa lalawigan ng Galacia na sakop ng Roma, kung saan mayroon nang ilang kongregasyon. Nang maglaon, “nakarating siya sa Derbe at gayundin sa Listra.” Sinabi pa ng ulat: “Naroon ang alagad na si Timoteo, na ang ina ay isang mananampalatayang Judio pero ang ama ay Griego.”—Gawa 16:1.b
14 Malamang na nakilala ni Pablo ang pamilya nina Timoteo sa kaniyang unang pagdalaw sa lugar nila noong mga taóng 47 C.E. Ngayon, sa kaniyang ikalawang pagdalaw makalipas ang dalawa o tatlong taon, napansin ni Pablo ang kabataang si Timoteo. Bakit? Dahil “mabuti ang sinasabi tungkol sa kaniya ng mga kapatid.” Hindi lamang napamahal si Timoteo sa mga kapatid sa kaniyang sariling bayan. Naging maganda rin ang kaniyang reputasyon sa ibang kongregasyon. Ipinapaliwanag sa ulat na ang mga kapatid sa Listra at sa Iconio, na mga 30 kilometro ang layo, ay may mabubuting ulat tungkol sa kaniya. (Gawa 16:2) Sa patnubay ng banal na espiritu, ipinagkatiwala ni Pablo at ng matatanda sa kabataang si Timoteo ang isang mabigat na atas—sasama siya kina Pablo at Silas sa pagmimisyonero.—Gawa 16:3.
15, 16. Paano nagkaroon si Timoteo ng magandang reputasyon?
15 Paano kaya nagkaroon ng gayong magandang reputasyon ang kabataan pa lamang na si Timoteo? Dahil ba sa kaniyang talino, hitsura, o mga likas na kakayahan? Ang mga katangiang ito ang karaniwan nang hinahangaan ng mga tao. Maging si propeta Samuel ay nadaya rin ng panlabas na hitsura. Pero pinaalalahanan siya ni Jehova: “Ang pagtingin ng tao ay hindi gaya ng pagtingin ng Diyos. Ang tao ay tumitingin sa panlabas na anyo, pero si Jehova ay tumitingin sa puso.” (1 Sam. 16:7) Nagkaroon ng magandang reputasyon si Timoteo sa gitna ng kaniyang mga kapuwa Kristiyano dahil sa kaniyang mabuting pagkatao at hindi dahil sa kaniyang hitsura o kakayahan.
16 Makalipas ang ilang taon, binanggit ni apostol Pablo ang tungkol sa ilang Kristiyanong katangian ni Timoteo—ang kaniyang mahusay na saloobin, ang kaniyang mapagsakripisyong pag-ibig, at ang kaniyang kasipagan sa pag-aasikaso sa teokratikong mga atas. (Fil. 2:20-22) Kilala rin si Timoteo sa pagkakaroon ng pananampalatayang “walang halong pagkukunwari.”—2 Tim. 1:5.
17. Paano matutularan ng mga kabataan sa ngayon si Timoteo?
17 Sa ngayon, maraming kabataan ang tumutulad kay Timoteo sa pamamagitan ng pagpapasulong ng makadiyos na mga katangian. Sa gayon ay gumagawa sila ng magandang pangalan kay Jehova at sa kaniyang bayan, kahit nasa kabataan pa lamang. (Kaw. 22:1; 1 Tim. 4:15) Nagpapakita sila ng pananampalatayang walang halong pagkukunwari, at ayaw nilang magkaroon ng dobleng pamumuhay. (Awit 26:4) Dahil dito, may mahalagang papel na ginagampanan sa kongregasyon ang maraming kabataan, gaya ni Timoteo. Napakalaki ngang pampatibay para sa lahat ng iba pang umiibig kay Jehova kapag kuwalipikado na silang maging mga mamamahayag ng mabuting balita at dumating ang panahon na mag-alay na sila kay Jehova at magpabautismo!
“Tumitibay ang Pananampalataya” (Gawa 16:4, 5)
18. (a) Ano ang naging mga pribilehiyo nina Pablo at Timoteo bilang mga naglalakbay na ministro? (b) Paano pinagpala ang mga kongregasyon?
18 Ilang taon ding nagkasama sa gawain sina Pablo at Timoteo. Palibhasa’y mga naglalakbay na misyonero, nagsagawa sila ng iba’t ibang misyon bilang mga kinatawan ng lupong tagapamahala. Ganito ang ulat ng Bibliya: “Habang naglalakbay sila sa mga lunsod, ipinaaalam nila sa mga naroroon ang mga tuntunin na napagpasiyahan ng mga apostol at matatandang lalaki sa Jerusalem para masunod din nila ang mga iyon.” (Gawa 16:4) Lumilitaw na sinunod ng mga kongregasyon ang tagubilin ng mga apostol at ng matatandang lalaki sa Jerusalem. Bilang resulta, “patuloy na tumitibay ang pananampalataya ng mga kongregasyon at nadaragdagan sila araw-araw.”—Gawa 16:5.
19, 20. Bakit dapat na maging masunurin sa “mga nangunguna” ang mga Kristiyano?
19 Sa katulad na paraan, ang mga Saksi ni Jehova sa ngayon ay pinagpapala dahil sa kanilang pagpapasakop at pagsunod sa patnubay ng “mga nangunguna” sa kanila. (Heb. 13:17) Dahil palaging nagbabago ang eksena sa sanlibutan, mahalaga para sa mga Kristiyano na makialinsabay sa espirituwal na pagkaing inilalaan ng “tapat at matalinong alipin.” (Mat. 24:45; 1 Cor. 7:29-31) Kung gagawin natin ito, hindi tayo maaanod palayo sa katotohanan at mananatili tayong walang bahid ng sanlibutan.—Sant. 1:27.
20 Oo, ang mga tagapangasiwang Kristiyano sa ngayon, pati na ang mga miyembro ng Lupong Tagapamahala, ay hindi perpekto, gaya rin nina Pablo, Bernabe, Marcos, at ng iba pang pinahirang matatanda noong unang siglo. (Roma 5:12; Sant. 3:2) Pero dahil mahigpit na sinusunod ng Lupong Tagapamahala ang Salita ng Diyos at nanghahawakan sila sa parisang iniwan ng mga apostol, napatutunayan nilang nararapat silang pagtiwalaan. (2 Tim. 1:13, 14) Dahil dito, ang mga kongregasyon ay lumalakas at tumitibay ang pananampalataya.
a Tingnan ang kahong “Nagkaroon ng Maraming Pribilehiyo si Marcos.”
b Tingnan ang kahong “Nagpaalipin si Timoteo sa ‘Ikasusulong ng Mabuting Balita.’”