Gawing Hayag ang Inyong Pagsulong
1 Alalahanin ang panahon nang una ninyong narinig ang mensahe ng Kaharian. Ang simpleng mga katotohanan ay umantig sa inyong pagnanais ng kaalaman. Di natagalan at nakita ninyo ang pangangailangang gumawa ng mga pagbabago sa inyong buhay upang maabot ang mataas na mga pamantayan ni Jehova. (Isa. 55:8, 9) Kayo’y gumawa ng pagsulong, inialay ang inyong buhay, at nabautismuhan.
2 Kahit na pagkatapos na gumawa ng ilang pagsulong, mayroon pa ring mga kahinaan na kailangang mapagtagumpayan. (Roma 12:2) Marahil ay nagkaroon kayo ng takot sa tao, anupat kayo ay bantulot na makibahagi sa paglilingkod sa larangan. O marahil kayo ay nagkukulang sa pagpapamalas ng bunga ng espiritu ng Diyos. Subalit kayo ay determinado na gumawa ng pagsulong sa pamamagitan ng pagtatakda ng mga teokratikong tunguhin sa inyong sarili.
3 Mga ilang taon na marahil ang nakalilipas mula nang kayo ay gumawa ng pag-aalay. Sa pagbabalik-tanaw, anong pagsulong ang nagawa na ninyo? Natamo na ba ninyo ang ilan sa inyong mga tunguhin? Taglay pa ba ninyo ang gayunding sigasig na ‘tinaglay ninyo sa pasimula’? (Heb. 3:14) Si Timoteo ay isa nang maygulang na Kristiyano noong hinimok siya ni Pablo: “Magmuni-muni ka sa mga bagay na ito; magbuhos ka ng pansin sa mga iyon, upang ang iyong pagsulong ay mahayag sa lahat ng mga tao.”—1 Tim. 4:15.
4 Kailangan ang Personal na Pagsusuri: Kapag minumuni-muni natin ang ating nakaraang landasin, naroroon pa ba sa atin ang ilang kahinaang taglay natin noong tayo’y magsimula? Nabigo ba tayong abutin ang ilan sa mga tunguhing ating itinakda? Kung gayon, bakit? Kahit na taglay natin ang mabubuting hangarin, maaaring tayo’y nag-urong-sulong. Marahil tayo’y nagpahintulot sa mga kabalisahan ng buhay na pigilan tayo.—Luc. 17:28-30.
5 Bagaman hindi natin mababago ang nakaraan, tiyak na may magagawa tayo hinggil sa hinaharap. Maaari nating alamin kung saan tayo nagkukulang, at pagkatapos ay gumawa ng buong pagsisikap upang sumulong. Maaaring kailanganin natin na pasulungin ang pagpapamalas ng mga bunga ng espiritu ng Diyos, gaya ng pagpipigil-sa-sarili o mahabang-pagtitiis. (Gal. 5:22, 23) Kung nahihirapan tayong makipagtulungan sa matatanda, kakailanganin nating linangin ang pagpapakumbaba at kababaan ng pag-iisip.—Fil. 2:2, 3.
6 Maaari bang gawing hayag ang ating pagsulong sa pamamagitan ng pag-abot sa mga pribilehiyo ng paglilingkod? Taglay ang karagdagang pagsisikap maaaring maging kuwalipikado ang mga kapatid na lalaki bilang mga ministeryal na lingkod o matatanda. Marami sa atin ang maaaring magpatala bilang mga regular o auxiliary pioneer. Ang iba ay maaaring magsikap na pasulungin ang kaugalian sa personal na pag-aaral o makibahagi nang higit pa sa mga pulong ng kongregasyon.
7 Sabihin pa, nasa sa bawat isa sa atin na magpasiya kung saan kailangan tayong gumawa ng pagsulong. Makatitiyak tayo na ang ating taimtim na pagsisikap na “sumulong sa pagkamaygulang” ay malaki ang maidaragdag sa ating kagalakan.—Heb. 6:1.