Palaging Asikasuhin Mo ang Iyong Turo
“Palaging asikasuhin mo ang iyong sarili at ang iyong turo. Manatili ka sa mga bagay na ito, sapagkat sa paggawa nito’y ililigtas mo ang iyong sarili at pati ang mga nakikinig sa iyo.”—1 TIMOTEO 4:16.
1. Bakit ito ay hindi panahon para tayo magmabagal sa ating gawaing pangangaral ng Kaharian?
PINABIBILIS ngayon ni Jehova ang pagtitipon sa mga taong tulad-tupa. Kung gayon, tiyak na hindi ito ang panahon upang ang kaniyang bayan ay magmabagal sa kanilang gawaing pangangaral ng Kaharian at paggawa ng mga alagad. (Isaias 60:8, 22; Mateo 24:14; 28:19, 20) Tayo’y kailangang kumilos na kasuwato ng espiritu ng ginagawa ng Diyos sa panahon natin. Habang palapit ang wakas, tayo’y lalong madalas na magbabalik sa ating mga kapuwa tao. Tunay nga, ang lalong matinding gawaing pagpapatotoo ng higit pang maraming mga mamamahayag at mga payunir ang ngayon ay pumupukaw sa larangang pandaigdig. At ang bilis ng masayang pagtitipong ito ay lalo pang titindi.—Isaias 60:11; ihambing ang Awit 126:5, 6.
2. (a) Ayon sa Isaias 40:28-31, anong bukal ng lakas ang mapagkukunan natin para sa kinakailangang kalakasan upang tapusin ang gawaing pangangaral ng Kaharian? (b) Ano ang isang mabuting dahilan sa pagbibigay ng higit pang atensiyon sa uri ng ating ministeryo sa panahong ito?
2 Imbis na magbigay-daan sa anumang damdamin ng ‘panghihimagod’ dahilan sa ang ilang teritoryo ay malimit na nagagawa, dapat nating kilalanin na ito ang panahon na dapat tayong manalangin kay Jehova na bigyan tayo ng kinakailangang “dinamikong lakas” upang tapusin ang gawain. (Isaias 40:28-31; 1 Juan 5:14) Totoo, milyun-milyon na kabilang sa “malaking pulutong” ng “mga ibang tupa” ang natipon na. Subalit ang dating matagumpay na paraan sa pagtulong sa ibang mga tao ay maaaring hindi na epektibo sa pagtulong sa mga iba na narito pa sa ating mga teritoryo. (Apocalipsis 7:9, 10; Juan 10:16) Samakatuwid, ang kalidad ng ating ministeryo ay nangangailangan ng higit pang atensiyon.
3. Paano mabibigyan ng panibagong sigla ang ating ministeryo sa larangan?
3 Taglay ang panibagong determinasyon, tayo’y makapagbubuhos ng ating atensiyon sa pagpapahusay pa ng pagiging epektibo natin sa ministeryo. Ito’y makapagbibigay ng panibagong sigla sa ating paglilingkod sa larangan. Subalit paano nga magagawa ito? Sa pamamagitan ng ‘palaging pag-aasikaso sa ating sarili at sa ating turo,’ hindi basta pagganap lamang ng ating ministeryo na parang isang rutina. (1 Timoteo 4:16) Ang ating mga labi ay kailangang maghandog ng hindi parang isang pinagkaugalian lamang na “hain ng papuri.” (Hebreo 13:15) Tayo’y kailangang maging bihasa sa ating gawain. (Kawikaan 22:29) Ang kailangan, kung gayon, ay ang bihasang paggawa sa ating teritoryo. Narito ang ilang pitak ng ating ministeryo na kailangan nating “palaging asikasuhin.”
Kung Paano Pauunlarin ang “Bagong” Teritoryo
4. Paano natin mapauunlad ang “bagong” teritoryo doon sa teritoryo ng kongregasyon na iniatas sa atin?
4 Tingnan natin ang situwasyon sa praktikal na paraan. Sa maraming lugar, walang bago o bihirang nagagawa na teritoryo. Kaya’t bakit hindi magpaunlad ng “bagong” teritoryo sa loob ng teritoryo ng kongregasyon? Paano? Bueno, kapag tayo’y dumadalaw nang malimit, tayo’y hindi makakakilos na para bagang hindi pa tayo nakadadalaw sa tahanang iyon sa pamamagitan ng pagsasabi lamang ng karaniwan na nating sinasabi sa mga bahay-bahay. Malamang, sa paano man ay makikilala tayo ng maybahay kung paulit-ulit na nakagawa na tayo sa isang teritoryo. Ang aklat na Nangangatuwiran mula sa Kasulatan ay nagbibigay ng mahigit na 40 mga pambungad na magagamit natin sa ating ministeryo. Ating ihandang mainam ang mga ito upang magtinging bago at kaakit-akit sa pamamagitan ng pag-uugnay ng mga ito sa lokal at kasalukuyang mga pangyayari. Imbis na madamang tayo’y dapat magpaumanhin dahil sa malimit na pagdalaw, kailangang mayroon tayong positibong saloobin at gawin nating “bago” ang ating teritoryo sa pamamagitan ng mahuhusay-na-uring mga presentasyon. Subalit ito kaya ay tutulong kung ang mga maybahay ay hindi palakaibigan?
5. (a) Paano natin magagawang ang isang dating di-palakaibigang saloobin ay gumana para sa ating bentaha? (b) Ano ang natagpuan mo na gumaganang mainam sa inyong lugar? (c) Bakit ang pakikinig at ang pagbibigay ng taimtim na kumendasyon ay tumutulong?
5 Ang pagkaalam sa dating saloobin ng maybahay ay baka magbunga ng negatibong mga damdamin tungkol sa pagdalaw muli sa kaniyang tahanan. Subalit bakit hindi samantalahin ang pagkaalam na iyon upang gumana para sa iyong bentaha? Paano? Marahil kung ikaw na ang uuna sa kaniya tungkol doon at iuugnay mo ang sasabihin mo sa nasabi mo na noong nakaraang pagpunta mo roon. Puwede mong sabihin: “Magandang umaga, Mr. Hernandez!” Kung angkop, isusog mo pa: “Kumusta po kayo?” Pagkatapos ay sabihin mo: “Nang ako’y pumarito noong nakaraang linggo, sinabi po ninyo na pinangangalagaan ng inyong simbahan ang lahat ninyong espirituwal na mga pangangailangan at na kayo ay isang miyembrong kasangkot doon. Bilang inyong kapuwa na seryoso sa relihiyon, puwede po bang itanong ko sa inyo kung ano ang sinasabi ng inyong simbahan tungkol sa pag-asa ng kaligtasan sa panahon ng digmaang nuklear?” Pagkatapos, hayaan mong sabihin niya iyon sa iyo. Bigyan ng kumendasyon ang maybahay kung saan taimtim na magagawa mo iyon. Ang pakikinig sa kaniya at pagbibigay ng kumendasyon ay baka magpabago ng kaniyang saloobin. Kadalasan, papayag ang mga tao na sila’y dalawin muli kung sila mismo ay medyo mabibigyang laya na magsalita. Siyempre, nanaisin mong ibagay ang iyong mensahe sa sinasabi ng maybahay.
6. (a) Paano natin masasanay ang mga maybahay upang asahan na tayo’y regular na dadalaw? (b) Anong pangunahing mga pagbati ang tutulong sa atin upang magtagumpay? (c) Ano ang gumaganang mainam sa inyong sariling teritoryo?
6 Sa tulong ng iyong sinasabi, masasanay mo ang mga maybahay na umasang tayo’y dadalaw nang regular. Subukin na sabihin: “Hello, Mrs. Federico! Kumusta kayo? Sa pagdalaw na ito sa inyong mga kapitbahay, aming tinatalakay . . . ” O puwedeng ganito: “Magandang umaga po! Amin pong isinasagawa ang aming regular na lingguhang mga pagdalaw. Mabuti naman po at kami ay nakabalik. Ang inyong mga kapitbahay ay nasiyahan sa bagong paksang aming tinalakay sa pagdalaw na ito.” Saka magpatuloy. Ito’y nagsisilbi rin na gawing “bago” ang teritoryo para sa inyo. Ang aktuwal na mga pananalita ay maaaring medyo mabago sa inyong bansa, subalit ibinibigay nito ang pangunahing ideya. Bakit hindi samantalahin ang pinakamagaling na mapapakinabang dito, sa sariling bentaha mo?
7. (a) Sa pag-alis, paano inihahanda ng mga ibang Saksi ang maybahay para sa isa pang pagdalaw? (b) Sa bagay na ito, ano ang gumaganang mainam sa inyong sariling teritoryo?
7 Upang maihanda ang maybahay para sa susunod na pagdalaw, ang mga ibang Saksi ay nagtatagumpay ng paggamit ng ganitong konklusyon: “Kami’y umaasang madadalaw uli namin kayo sa madaling panahon.” Sa mga medyo nag-aatubili ng pakikipag-usap sa iyo sa primero, puwede mong sabihin: “Ako’y nasiyahan sa ating pag-uusap. Tunay na kayo’y nakagawa ng mga ilang mabubuting punto. Ito’y gumugol ng mga ilang minuto, ngunit wala naman tayong pinag-usapang masamang balita, na marahil naririnig natin anumang oras. Tunay na kapaki-pakinabang iyon.” Walang alinlangan, ikaw ay makabubuo ng mga ibang angkop na paraan ng pakikipag-usap sa mga maybahay. Sa paano man, sa pamamagitan ng positibong mga pangungusap, mabuting-uring presentasyon, at pagkapalakaibigan, sikapin na tulungan ang madla na huwag ikayamot ang ating regular na mga pagdalaw.
Lubusang Magpatotoo
8, 9. Anong mga mungkahi ang ibinibigay para sa puspusang paghahanap sa mga karapat-dapat?
8 Isa pang bagay na maaari nating bigyang-pansin na magpapanatili ng ating kasiglahan ay ang puspusang paghahanap sa mga karapat-dapat. (Gawa 8:25; 20:24) Halimbawa, maaaring hilingin ng isang kapatid na lalaki na sana ang gusto niyang kausapin ay ang ama ng tahanan kung sakaling isang babae o isang bata ang haharap sa kaniya kung mga dulo ng sanlinggo o kung gabi. Marahil, ang asawang babae ang ating nakakausap na malimit. Kaya’t maaari tayong magsimula uli sa pakikitungo sa isang sambahayan sa pamamagitan ng pakikipag-usap sa ulo ng pamilya. Kung magkagayon, maaari nating ibagay sa kaniya ang mensahe, at sabihin ang gaya ng: “Ano po sa palagay ninyo ang tiyak na magbibigay sa iyong pamilya ng isang maligayang kinabukasan?” o, “Pansinin po ninyo kung paano itinataguyod ng Bibliya ang pagkakaisa ng pamilya.” Bigyan ng kumendaysyon ang taong iyon sa mabuting ideya na ipapahayag niya.
9 Ang isa pang paraan upang makasumpong ng “bagong” teritoryo ay ang hanapin ang mga ibang miyembro ng pamilya na doon nakatira sa ilalim ng bubong na iyon—ang lola, ang pamangkin, o ang pinsan na nag-aaral, ang hipag na nagtatrabaho kung mga simpleng araw. Praktikal din na pansinin kung ilang kuntador ng ilaw o mga buson mayroon ang isang tirahan. Baka nagpapahiwatig ito na kinumpuni ng mga tao roon ang pinaka-silong, ang bandang itaas ng bahay, o ang iba pang lugar doon upang mapaupahan. Sikapin na makausap ninyo yaong mga nangungupahan doon—mga estudyante, manggagawang nagsosolo, biyuda, at iba pa. Ito’y nagpapalawak din ng teritoryong maaaring gawin.
10. Ano ang isa pang paraan upang mapalawak ang ating teritoryo sa pagbabahay-bahay, at ano ang ginawa ng iba upang makausap ang mga manggagawang panggabi?
10 Ang isa pang paraan upang mapalawak ang teritoryo sa pagbabahay-bahay ay ang hintuan paminsan-minsan ang paggawa roon samantalang tayo’y nakikibahagi sa mga ibang pitak ng ating ministeryo. Para sa pagkakasarisari, maaaring gawin natin ang teritoryo sa pamamagitan ng isang tuwirang pag-aalok ng isang walang bayad na pampamilyang pag-aaral ng Bibliya sa tahanan. Ang ibang tao na wala sa tahanan pagka tayo’y dumalaw ay maaaring masumpungan sa kanilang dakong pinaghahanapbuhayan o pinapasukan. At ang pagpapatotoo sa mga lugar ng hanapbuhay ay maaaring maging totoong mabunga. Ang iba sa mga taong ito ay maaari ring makausap kung tayo’y nagpapatotoo sa lansangan sa angkop na mga oras na maaaring magkaroon ng resulta. Sa Canada ang mga payunir ay nagkaroon ng mabubuting resulta sa pagdalaw kung des-oras ng gabi sa mga empleado sa mga gasolinahan na magdamagang bukás, sa mga tindahan, at mga otel na kung saan kung mga oras na iyon ay karaniwang hindi gaanong magawain ang mga kawani at kalimitan ibig nilang mayroon silang mababasa. Siyempre pa, ang mga kapatid na babae lalo na ay dapat umiwas sa maseselang na lugar kung des-oras ng gabi.
11. (a) Ano ang ginagawa ng mga ibang Saksi kung saan marami ang wala sa tahanan sa unang pagdalaw nila? (b) Ano ang maaaring maging epekto ng pagkamasigasig ng pagdalaw sa mga dating wala sa tahanan sa ating teritoryo, at ano ang resulta nito sa ministeryo?
11 Kumusta naman yaong mga taong wala sa tahanan pagka tayo’y dumadalaw? Dito na naman kailangang tayo’y lubusang magpatotoo. May mga Saksi na pagkatapos na pagkatapos ng kanilang pagbabahay-bahay ay ginagamit ang kanilang maayos na mga rekord sa pagbabahay-bahay at bumabalik sa mga lugar na kung saan ang mga tao’y wala sa tahanan maaga nang araw na iyon. Kadalasan, ang mga maybahay ay nakauwi na sa tahanan, o ang mga manggagawang panggabi ay gising na sa oras na iyon. Sa maraming lugar, 50 porsiyento o higit pa ang wala sa tahanan kung araw. Kaya naman, sa totoo lang, mapalalawak natin ang teritoryo nang doble pa sa pamamagitan ng pagdalaw nang iba’t ibang oras sa mga taong wala sa tahanan hanggang sa makasumpong tayo ng tao sa tahanan. Ang mga payunir at ang may karanasang mga mamamahayag ay sumasang-ayon na ang pagkamasigasig sa pagdalaw sa mga dating wala sa tahanan ay kadalasan nagbubunga ng lalong maiinam na resulta kaysa ating unang paggawa sa gayong teritoryo. Ang pagbibigay-pansin sa pitak na ito ng ating ministeryo ay malamang na magbunga ng maraming pagpapala.—Kawikaan 10:22.
Yaong mga Nagrireklamo
12. Paano tayo dapat maapektuhan pagka ang mga tao ay nagrireklamo na tayo’y dumadalaw na napakadalas? Bakit?
12 Ano ba ang masasabi sa mga tao na nagrireklamo na tayo’y dumadalaw nang napakadalas naman? Higit sa lahat, kailangang magpakita tayo ng pagkamaunawain. (Mateo 7:12) Para sa kanila, wari ngang napakadalas nating dumalaw. Subalit, mabuting tandaan na kahit na mga taon na ang lumipas ang mga tao ay nagsasabing, ‘Noon lamang nakaraang linggo nagpunta kayo rito,’ gayong alam na alam natin na anim na buwan o higit pa ang nakalipas sapol nang dumalaw tayo. Isa pa, ang malimit na pagdalaw ay maaaring pumukaw ng interes. Sa Guadeloupe isang lalaki ang humabol sa isang Saksi upang sabihin: “Aking naobserbahan ka na ngayon nang maraming linggo. Karaniwan na, hindi ako nakikinig sa mga Saksi, pero ibig kong malaman kung bakit kayo napakadalas dumalaw sa mga tao!” Ang resulta ay isang bagong pag-aaral sa Bibliya.
13, 14. Paano pinakikitunguhan ng mga ibang kapananampalataya ang mga bagay-bagay pagka ang mga maybahay ay nagrireklamo?
13 Ang ibang mga kapatid ay may kabaitang nagsabi sa mga nagrireklamo ng eksaktong petsa ng nakaraang pagdalaw nila at nag-alok ng pinakahuling mga magasin, na nililiwanag na ang mga artikulo’y naiiba sa mga artikulo sa mga magasin na dala natin noong huling dumalaw tayo. Sa pakikipagkatuwiranan sa ganoong mga maybahay, marahil ay maaari nating sabihin na sila’y nakatanggap ng maraming pahayagan at mga magasin magmula nang huling pagdalaw natin, subalit ang mga ito’y hindi laging may dalang mabuting balita. Maaari nating ipaliwanag na tayo’y nagdadala ng mabuting balita at hindi naman matagal ang ating mga pagdalaw. Subalit kung ang isang maybahay ay totoong abala sa gawain, maaari nating sabihin: “Kung hindi ito ang pinakamagaling na panahon upang makipag-usap sa inyo, maaari pong bumalik na lamang ako hindi lalampas ng isang linggo.”
14 Ano pa ang maaaring sabihin? Ito ay depende sa saloobin ng maybahay at sa pangkaraniwang paggalang na inaasahang ipakikita sa atin sa dakong kinatitirhan natin. Isang kapatid na babae sa Hapón ay may ganitong paliwanag tungkol sa ating malimit na pagdalaw: ‘Ang balita sa telebisyon ay paulit-ulit na nag-uulat tungkol sa galaw ng isang bagyo, anupa’t inuulit-ulit nang madalas ang impormasyon sa kapakinabangan ng mga taong hindi nakarinig noong nakaraang mga pagsasahimpapawid. Ito’y ginagawa sapagkat mga buhay ang nasasangkot. Lalong dumadalas ang pag-uulat habang papalapit ang bagyo. Kaya naman, habang papalapit ang bagyo ng Armagedon, ang babalang balita ay kailangang ulit-ulitin nang pinakamadalas hangga’t maaari upang mailigtas ang mga buhay.’ Mangyari pa, kailangang tayo’y magsalita nang may kabaitan at nang may kataimtiman, na umaasang mararating natin ang puso ng mga tagapakinig.
Pagharap sa Hamon ng Kawalang-Interes
15. (a) Ano ang lumalaking hamon pagka tayo’y gumagawang madalas sa ating teritoryo? (b) Bakit ang mga ibang tao ay walang interes?
15 Habang dumadalas ang ating mga pagdalaw, malimit na ang isang lumalaking hamon sa atin ay ang kawalan ng interes. Subalit ang pagsusuri sa ilan sa mga sanhi ng kawalang-interes ay makapagpatibay-loob sa atin na makilalang marahil ay posible na marating ang mga puso ng ilan sa mga taong ito. Baka sa kanilang kawalang-interes ay mababanaag ang kanilang kabiguan at kawalang pag-asa. Marahil ay inaakala nila na hindi na makakaahon pa sa kasalukuyang kalagayan ng daigdig, at ikinakatuwiran nila na basta mamumuhay sila sa pinakamagaling na paraang magagawa nila. Ang iba ay disgustado sapagkat ang ibang mga lider sa relihiyon ay nakikialam sa pulitika, nagkakasala ng imoralidad, o hindi naninindigang matatag laban sa seksuwal na imoralidad. Kaya’t ang mga maybahay na ito ay nawawalan ng tiwala at namumuhay para sa kasalukuyan lamang.
16. Paano kaya mararating ang puso ng isang taong walang interes?
16 Batid natin na ang mga sinaunang ministrong Kristiyano ay nagtagumpay sa pagharap sa hamon ng ganiyan ding saloobin, sapagkat may mga taong nagsabi noon: “Kumain tayo at uminom, sapagkat bukas ay mamamatay na tayo.” (1 Corinto 15:32) Batid natin na taglay natin ang kailangang mapakinggan ng gayong mga tao. Paano natin mararating ang kanilang puso? Ang isang paraan ay ang itabi muna ang taglay nating literatura sa Bibliya sa sandaling iyon, hayaang makita nila na ganoon nga ang ating ginagawa. Pagkatapos ay itanong natin sa kanila ang mahusay na pinag-isipang mga tanong na gaya nito: “Sa palagay kaya ninyo ay mayroong kalutasan ang kasalukuyang mga problema? Ang totoo kaya’y karamihan ng tao’y hindi pa nakasusumpong ng mga kalutasan? Sa palagay kaya ninyo ay dapat tayong maging positibo at patuloy na humanap?” Sa mga iba, maaari nating sabihin: “Tiyak na sasang-ayon kayo na mas magaling ang mamumuhay na may pag-asa kaysa walang anumang pag-asa sa lalong mabubuting bagay. Ano ba ang inaasahan ninyong makikita ninyo?” Maaaring itanong natin: “Ano po ba sa palagay ninyo ang pinakamalaking balakid sa pagkakaisa at kapayapaan ng daigdig?” Ang iba ay maaari namang tanungin: “Sa palagay kaya ninyo lahat ng relihiyon ay kagaya ng inyong inilalarawan?” Malimit na ang ganiyang mga tanong ay hihila sa mga maybahay na ipahayag ang kanilang kuru-kuro. Pagkatapos, pagka sila’y tumugon, tiyakin na nakikinig ka. Oo, hayaang ibuhos nila sa iyo ang nilalaman ng kanilang puso. Marami sa kanila ang ‘nagbubuntong-hininga at nagsisidaing dahil sa lahat ng kasuklam-suklam na mga bagay na ginagawa ngayon.’—Ezekiel 9:4.
17. Paano magagamit ang ating mga publikasyon upang marating ang mga iba kahit na sa simula ay iginigiit nila na sila’y hindi interesado?
17 Ang isa pang paraan ng pagharap sa kawalang-interes ay ang pansinin ang isang punto o pagtutol buhat sa maybahay at bumalik ka na taglay ang isang magasin o iba pang mga publikasyon ng Watch Tower na tungkol sa bagay na iyon. Sa primero, maaari pa ngang iyon ay isang paksang walang kaugnayan sa relihiyon, tulad halimbawa ng isang artikulo tungkol sa biglang pagkamatay ng sanggol o tungkol sa namamatay na mga kagubatan. Ipaliwanag na iniisip mo kung sa ano interesado ang maybahay at gunitain kung saan makikita ang artikulong iyon. Pagkatapos ay halawin mo sa materyal ang mga pangunahing ideya. Isang babae na katatanggi-tanggi lamang sa ating literatura ang tumanggap ng isang magasin mga ilang segundo lamang ang nakalilipas. Bakit? Sapagkat nagtanong ang Saksi kung batid ng babae na mayroong 55 milyong pagpapalaglag taun-taon. Nabigla ang babae nang kaniyang mapag-alaman ito, kaya humingi siya ng magasin na mayroon ng gayong impormasyon.
Sinasaksihan Ito Hanggang sa Matapos
18, 19. (a) Sa anong karagdagang mga punto dapat tayong ‘magbigay-pansin’ samantalang ginaganap natin ang ating ministeryo? (b) Anong maling kuru-kuro ang taglay ng mga ibang tao tungkol sa atin at sa ating mga paniniwala, at paano natin sila masasagot?
18 Higit sa lahat, tayo’y kailangang maging matiisin sa mga tao. Magsalita nang dahan-dahan at masigla. Magpakita ng pag-ibig at kabaitan. (Galacia 5:22, 23) Bago pumaroon sa susunod na bahay, pag-isipan ang naganap sa naunang bahay upang alamin kung saan maaaring gumawa ng higit pang pagsulong. Maging maunawain, sapagkat ang maraming tao ay may mga maling kuru-kuro tungkol sa mga Saksi ni Jehova. Marahil kanilang sinasabi: ‘Inyong iniiwasan ang pulitika at mga tungkulin ng mga mamamayan,’ ‘Inyong tinatanggihan ang pagsiserbisyo sa hukbo,’ o, ‘Inyong pinagwawatak-watak ang pami-pamilya.’ Subalit ang ganitong saloobin ay katulad ng saloobin ng sanlibutan sa ating mga kapananampalataya noong unang siglo. Ipakita ito sa mga maybahay, at maaaring gamitin ang mga sinipi sa ilalim ng titulong “Neutralidad” sa aklat na Nangangatuwiran.
19 Tungkol sa mga sinaunang Kristiyano, ang historyador na si Will Durant ay sumulat: “Sa isang Kristiyano ang kaniyang relihiyon ay isang bagay na hiwalay sa at mataas kaysa sa pulitikal na lipunan; ang kaniyang pinakamataas na sinumpaang itataguyod ay hindi si Cesar kundi si Kristo. . . . Ang pagkahiwalay ng Kristiyano sa makalupang mga pamamalakad ay waring sa pagano isang paglayo sa tungkulin ng mamamayan, isang kahinaan ng pambansang himaymay at kalooban. Si Tertullian ay nagpayo sa mga Kristiyano na tanggihan ang pagsiserbisyo sa hukbo; . . . ang mga Kristiyano ay sinasabihan ng kanilang mga lider na iwasan ang mga di-Kristiyano, lumayo sa kanilang pangkapistahang mga laro dahil sa ito’y makahayop, at layuan ang kanilang mga dulaan na pinamumugaran ng kalaswaan. . . . Ang Kristiyanismo [sa kanilang pangungumberte] ay pinaratangan ng pagwawasak sa tahanan.”—Caesar and Christ, pahina 647.
20, 21. (a) Ano ang ibig nating matiyak pagka ang mga tao’y hindi tumutugon? (b) Bakit tayo hindi dapat “magsawa” kundi magpatuloy sa ating mabuting gawa na pangangaral ng Kaharian?
20 Ang ibang mga tao ay hindi makikinig, anuman ang sabihin natin. Subalit dapat na iyan ay dahilan sa kanilang pagtanggi sa balita ng Kaharian, hindi dahil sa hindi natin paggamit ng mga mahuhusay-uring presentasyon sa ating ministeryo. (Lucas 10:8-11; Gawa 17:32; Ezekiel 3:17-19) Gawin natin ang pinakamagaling na magagawa natin sa tulong ng Diyos, at pangyayarihin ni Jehova na ang gawain ay magpatuloy hanggang sa iyon ay matapos.—Ihambing ang Filipos 1:6.
21 Taglay ang higit na pagtitiwala, kung gayon, patuloy na magkaroon ng “maraming gawain sa Panginoon, yamang nalalaman ninyo na hindi walang kabuluhan ang inyong gawa sa Panginoon.” (1 Corinto 15:58) “Palaging asikasuhin mo ang iyong sarili at ang iyong turo. Manatili ka sa mga bagay na ito, sapagkat sa paggawa nito’y ililigtas mo ang iyong sarili at pati ang mga nakikinig sa iyo.” (1 Timoteo 4:16) Higit sa lahat, “huwag tayong magsasawa sa paggawa ng mabuti, sapagkat sa takdang panahon ay mag-aani tayo kung tayo ay hindi kailanman manghihimagod.”—Galacia 6:9
Natatandaan Mo Ba?
◻ Ano ang ilan sa mga paraan upang makapanatili na mayroong positibong saloobin sa malimit na ginagawang teritoryo?
◻ Paano natin lalong puspusang mahahanap ang mga taong karapat-dapat?
◻ Paano natin masusubukan na makitungo sa mga taong nagrireklamo na tayo’y napakadalas dumalaw?
◻ Sa anu-anong mga paraan mahaharap natin ang hamon ng kawalang-interes?
◻ Ano ang magpapasulong sa uri ng ating ministeryo?
[Kahon sa pahina 20]
HABANG LUMALAWAK ANG PAGGAWA SA TERITORYO,
“Palaging asikasuhin” ang:
◻ Positibong mga paglapit at mga presentasyon
◻ Lalong puspusang paghahanap sa mga taong karapat-dapat
◻ Matiyagang pakikitungo sa mga nagrireklamo
◻ Pagharap sa hamon ng kawalang-interes at maling pagkakilala