Mga Magulang, Ilaan ang mga Pangangailangan ng Inyong Pamilya
“Kung ang sinuman nga ay hindi naglalaan para roon sa mga sariling kaniya, . . . itinatwa na niya ang pananampalataya.”—1 TIMOTEO 5:8.
1, 2. (a) Bakit nakapagpapatibay na makitang sama-samang dumadalo ang mga pamilya sa Kristiyanong mga pagpupulong? (b) Anu-anong hamon ang nakakaharap ng mga pamilya para makadalo sa mga pulong nang nasa oras?
KAPAG luminga-linga ka sa kongregasyong Kristiyano bago magsimula ang pulong, maaaring makakita ka ng mga batang malilinis at maaayos manamit na nakaupong tahimik sa tabi ng kanilang mga magulang. Hindi ba’t kaayaayang tingnan ang pag-ibig na kitang-kita sa gayong mga pamilya—ang pag-ibig kay Jehova at sa isa’t isa? Subalit napakadaling malimutan kung gaano kalaking pagsisikap ang ginagawa para makadalo sa mga pulong ang pamilya nang nasa oras.
2 Kadalasan nang napakaabala ng mga magulang sa maghapon, at sa mga gabing may pulong, lalong nagiging abala ang buhay ng pamilya. Ihahanda ang pagkain, aasikasuhin ang bahay, at tatapusin ang mga takdang-aralin. Ang mga magulang ang may pinakamaraming gawain, anupat tinitiyak na ang lahat ay malinis, napakain, at nakahanda pagsapit ng oras. Siyempre pa, sa mga bata, maaaring mangyari ang di-inaasahang abala sa panahong gipit na. Maaaring napunit ang pantalon ng panganay habang naglalaro. Natapon ng bunso ang kaniyang pagkain. Nagsimulang mag-away ang mga bata. (Kawikaan 22:15) Ang resulta? Maaaring masira maging ang maingat na plano ng magulang. Gayunman, halos laging nasa Kingdom Hall na ang pamilya bago pa magsimula ang pulong. Tunay ngang nakapagpapatibay na makita sila roon linggu-linggo, taun-taon, habang lumalaki ang mga bata upang maglingkod kay Jehova!
3. Paano natin nalalaman na lubos na pinahahalagahan ni Jehova ang mga pamilya?
3 Bagaman kung minsan ay mahirap, o nakahahapo pa nga, ang gawain mo bilang isang magulang, makatitiyak ka na lubos na pinahahalagahan ni Jehova ang iyong pagsisikap. Si Jehova ang Tagapagpasimula ng kaayusan sa pamilya. Kaya naman sinasabi ng kaniyang Salita na ‘utang ng bawat pamilya ang pangalan nito’—ang mismong pag-iral nito—kay Jehova. (Efeso 3:14, 15) Kaya kapag kayong mga magulang ay nagsisikap na tuparin ang inyong mga papel sa pamilya sa tamang paraan, pinararangalan ninyo ang Soberanong Panginoon ng sansinukob. (1 Corinto 10:31) Hindi ba isang dakilang pribilehiyo iyan? Kung gayon, angkop lamang na talakayin natin ang atas na ibinigay ni Jehova sa mga magulang. Sa artikulong ito, isasaalang-alang natin ito may kaugnayan sa paglalaan para sa pamilya. Repasuhin natin ang tatlong paraan kung saan inaasahan ng Diyos na maglalaan ang mga magulang.
Paglalaan sa Materyal na Paraan
4. Sa pamilya, anu-anong kaayusan ang ginawa ni Jehova upang ilaan ang mga pangangailangan ng mga anak?
4 Sumulat si apostol Pablo: “Kung ang sinuman nga ay hindi naglalaan para roon sa mga sariling kaniya, at lalo na para roon sa mga miyembro ng kaniyang sambahayan, itinatwa na niya ang pananampalataya at lalong masama kaysa sa taong walang pananampalataya.” (1 Timoteo 5:8) Nang banggitin dito ni Pablo ang “sinuman,” sino ang nasa isip niya? Ang ulo ng pamilya, karaniwan na ang ama. Binigyan din ng Diyos ng marangal na papel ang babae bilang katulong ng kaniyang asawa. (Genesis 2:18) Noong panahon ng Bibliya, karaniwan nang tumutulong ang mga babae sa kani-kanilang asawa sa paglalaan sa pamilya. (Kawikaan 31:13, 14, 16) Sa ngayon, lalong nagiging pangkaraniwan ang mga pamilyang may nagsosolong magulang.a Maraming nagsosolong mga magulang na Kristiyano ang gumaganap ng kapuri-puring gawain sa paglalaan para sa kanilang sambahayan. Siyempre pa, mas mabuti kung dalawa ang magulang sa isang pamilya, anupat ang ama ang nangunguna.
5, 6. (a) Anu-ano ang ilang hamon na napapaharap sa mga nagsisikap maglaan sa materyal na paraan para sa sariling pamilya? (b) Anong pangmalas sa sekular na trabaho ang dapat laging taglayin ng mga Kristiyanong tagapaglaan upang matulungan silang makapagtiyaga?
5 Sa 1 Timoteo 5:8, anong uri ng paglalaan ang nasa isip ni Pablo? Ipinahihiwatig ng konteksto na tuwiran niyang tinutukoy ang tungkol sa materyal na mga pangangailangan ng pamilya. Sa daigdig sa ngayon, maraming hadlang ang maaaring mapaharap sa isang ulo ng pamilya upang makapaglaan sa gayong paraan. Laganap sa buong daigdig ang kahirapan sa buhay, tulad ng pagkasesante, malaking bilang ng mga walang hanapbuhay, at pagtaas ng mga bilihin. Ano ang makatutulong upang mapagtiyagaan ng isang tagapaglaan ang pagharap sa gayong mga hamon?
6 Dapat tandaan ng isang tagapaglaan na ginagampanan niya ang isang atas mula kay Jehova. Ipinakikita ng kinasihang mga salita ni Pablo na ang isang lalaki na may kakayahang sundin ang utos na ito ngunit tumatangging gawin ito ay maihahalintulad sa isang ‘nagtatwa ng pananampalataya.’ Gagawin ng isang Kristiyano ang kaniyang buong makakaya upang hindi magkaroon ng gayong katayuan sa harap ng kaniyang Diyos. Subalit nakalulungkot, maraming tao sa daigdig sa ngayon ang “walang likas na pagmamahal.” (2 Timoteo 3:1, 3) Sa katunayan, maraming ama ang umiiwas sa kanilang pananagutan, anupat pinababayaan ang kanilang pamilya. Ang mga Kristiyanong asawang lalaki ay hindi sang-ayon sa gayong manhid at mapagpabayang pangmalas sa paglalaan sa sariling pamilya. Di-tulad ng marami sa kanilang mga katrabaho, itinuturing ng mga Kristiyanong tagapaglaan na marangal at mahalaga ang kahit pinakahamak na trabaho, isang paraan upang mapalugdan ang Diyos na Jehova, yamang tinutulungan sila nito na paglaanan ang kanilang mga mahal sa buhay.
7. Bakit angkop na bulay-bulayin ng mga magulang ang halimbawa ni Jesus?
7 Maaari ring masumpungan ng mga ulo ng pamilya na makatutulong ang pagbubulay-bulay sa sakdal na halimbawa ni Jesus. Tandaan, ang Bibliya ay makahulang tumutukoy kay Jesus bilang ating “Walang-hanggang Ama.” (Isaias 9:6, 7) Bilang “ang huling Adan,” mabisang hinalinhan ni Jesus “ang unang taong si Adan” bilang ama ng mga kabilang sa sangkatauhan na nananampalataya. (1 Corinto 15:45) Di-tulad ni Adan, na naging sakim at makasariling ama, si Jesus ang huwarang ama. Sinasabi ng Bibliya tungkol sa kaniya: “Sa ganito natin nakilala ang pag-ibig, sapagkat ibinigay ng isang iyon ang kaniyang kaluluwa para sa atin.” (1 Juan 3:16) Oo, kusang ibinigay ni Jesus ang kaniyang sariling buhay alang-alang sa iba. Gayunman, inuuna rin niya sa araw-araw ang mga pangangailangan ng iba sa mas maliliit na paraan. Kayong mga magulang ay dapat tumulad sa gayong mapagsakripisyong saloobin.
8, 9. (a) Ano ang maaaring matutuhan ng mga magulang sa mga ibon may kaugnayan sa walang-kasakimang paglalaan sa kanilang mga supling? (b) Paano nagpapakita ng mapagsakripisyong saloobin ang maraming magulang na Kristiyano?
8 Maraming matututuhan ang mga magulang hinggil sa walang-kasakimang pag-ibig mula sa mga sinabi ni Jesus sa suwail na bayan ng Diyos: “Kay dalas na ninais kong tipunin ang iyong mga anak, kung paanong tinitipon ng inahing manok ang kaniyang mga sisiw sa ilalim ng kaniyang mga pakpak!” (Mateo 23:37) Malinaw na inilarawan dito ni Jesus ang isang inahing manok na nagsasanggalang sa kaniyang mga sisiw sa pamamagitan ng kaniyang mga pakpak. Tunay na maraming matututuhan ang mga magulang sa likas na mapagsanggalang na ugali ng inahing ibon, na handang isapanganib ang kaniyang sarili upang maipagsanggalang ang kaniyang mga sisiw mula sa kapinsalaan. Gayunman, ang araw-araw na ginagawa ng mga magulang na ibon ay kahanga-hanga ring pagmasdan. Wala silang tigil sa paglipad nang paroo’t parito para humanap ng pagkain. Kahit na hapung-hapo na, inihuhulog nila ang pagkain sa nakabukang mga tuka ng kanilang mga inakay, na lumululon nito at karaniwan nang humihingi ng higit pa. Marami sa mga nilalang ni Jehova ang “may likas na karunungan” sa pag-aasikaso sa mga pangangailangan ng kanilang mga supling.—Kawikaan 30:24.
9 Sa katulad na paraan, ipinakikita ng mga magulang na Kristiyano sa buong daigdig ang kapuri-puring saloobin ng pagsasakripisyo sa sarili. Mamatamisin pa ninyong kayo mismo ang mapinsala kaysa hayaang mapinsala ang inyong mga anak sa anumang paraan. Bukod diyan, kusang-loob kayong nagsasakripisyo sa araw-araw upang mapaglaanan ang inyong sariling pamilya. Marami sa inyo ang bumabangon nang maaga para gampanan ang nakahahapo o nakapapagod na mga trabaho. Nagpapagal kayo upang makapaglaan ng nakapagpapalusog na pagkain. Nagpupunyagi kayo upang matiyak na may malinis na damit, angkop na tirahan, at sapat na edukasyon ang inyong mga anak. At sinisikap ninyong gawin ito araw-araw, taun-taon. Tunay ngang kalugud-lugod kay Jehova ang gayong pagsasakripisyo at pagbabata! (Hebreo 13:16) Subalit kasabay nito, alam ninyong may mas mahahalaga pang paraan ng paglalaan sa sariling pamilya.
Paglalaan sa Espirituwal na Paraan
10, 11. Ano ang pinakamahalaga sa mga pangangailangan ng tao, at ano muna ang dapat gawin ng mga magulang na Kristiyano upang mapunan ang pangangailangang ito sa kanilang mga anak?
10 Ang paglalaan sa espirituwal na paraan ay mas mahalaga sa paglalaan sa materyal na paraan. Sinabi ni Jesus: “Ang tao ay mabubuhay, hindi sa tinapay lamang, kundi sa bawat pananalitang lumalabas sa bibig ni Jehova.” (Mateo 4:4; 5:3) Kayong mga magulang, ano ang magagawa ninyo upang makapaglaan sa espirituwal na paraan?
11 Sa paksang ito, marahil wala nang teksto sa Kasulatan ang mas madalas sipiin kaysa sa Deuteronomio 6:5-7. Pakisuyong buksan ang inyong Bibliya at basahin ang mga talatang iyon. Pansinin na sinabihan muna ang mga magulang na linangin ang kanilang sariling espirituwalidad, anupat pinasisidhi ang pag-ibig kay Jehova at isinasapuso ang kaniyang mga salita. Oo, kailangan ka munang maging seryosong estudyante ng Salita ng Diyos, anupat regular na binabasa ang Bibliya at binubulay-bulay ito upang magkaroon ka ng tunay na pagkaunawa at pag-ibig sa mga daan, simulain, at kautusan ni Jehova. Bilang resulta, mapupuno ang iyong puso ng kawili-wiling mga katotohanan sa Bibliya na magpapakilos sa iyo na makadama ng kagalakan, pagpipitagan, at pag-ibig kay Jehova. Magkakaroon ka ng maraming mabubuting bagay na maibabahagi sa iyong mga anak.—Lucas 6:45.
12. Paano matutularan ng mga magulang ang halimbawa ni Jesus may kaugnayan sa pagkikintal ng mga katotohanan sa Bibliya sa kanilang mga anak?
12 Handang ikapit ng mga magulang na may malakas na espirituwalidad ang payo na nasa Deuteronomio 6:7, samakatuwid nga, ang ‘ikintal’ ang mga salita ni Jehova sa kanilang mga supling sa bawat pagkakataon. Ang ‘pagkikintal’ ay nangangahulugang pagtuturo at pagtitimo sa pamamagitan ng pag-uulit. Alam na alam ni Jehova na tayong lahat—lalo na ang mga bata—ay nangangailangan ng pag-uulit para matuto. Kaya naman gumamit si Jesus ng pag-uulit sa kaniyang ministeryo. Halimbawa, noong tinuturuan niya ang kaniyang mga alagad na maging mapagpakumbaba sa halip na maging mapagmapuri at mapagkompetensiya, gumamit siya ng iba’t ibang paraan upang ulitin ang simulaing iyon. Nagturo siya sa pamamagitan ng pangangatuwiran, paglalarawan, at maging ng pagpapakita ng halimbawa. (Mateo 18:1-4; 20:25-27; Juan 13:12-15) Subalit kapansin-pansin, hindi kailanman nawalan ng pasensiya si Jesus. Gayundin naman, kailangang humanap ng mga paraan ang mga magulang upang ituro ang saligang mga katotohanan sa kanilang mga anak, anupat matiyagang inuulit ang mga simulain ni Jehova hanggang sa maunawaan at maikapit ito ng mga bata.
13, 14. Anu-ano ang ilang pagkakataon kung saan maikikintal ng mga magulang sa kanilang mga anak ang mga katotohanan sa Bibliya, na ginagamit ang anu-anong pantulong?
13 Angkop na angkop ang mga sesyon sa pampamilyang pag-aaral para sa gayong pagtuturo. Sa katunayan, isang pangunahing salik sa espirituwalidad ng pamilya ang regular, nakapagpapatibay, at masayang pampamilyang pag-aaral. Ang mga pamilyang Kristiyano sa buong daigdig ay nalulugod sa gayong mga pag-aaral, anupat ginagamit ang mga literaturang inilaan sa pamamagitan ng organisasyon ni Jehova at ibinabagay ang pag-aaral sa mga pangangailangan ng mga anak. Isang natatanging paglalaan sa bagay na ito ang aklat na Matuto Mula sa Dakilang Guro, gayundin ang aklat na Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas.b Gayunman, hindi lamang sa panahon ng pampamilyang pag-aaral matuturuan ang mga anak.
14 Gaya ng ipinakikita ng Deuteronomio 6:7, maraming pagkakataon kung saan matatalakay ninyong mga magulang ang espirituwal na mga bagay sa inyong mga anak. Naglalakbay man kayong magkakasama, gumagawang magkakasama, o nagrerelaks nang magkakasama, makasusumpong kayo ng mga pagkakataon upang ilaan ang espirituwal na mga pangangailangan ng inyong mga anak. Sabihin pa, hindi naman kailangang palagi na lamang “pinangangaralan” ang inyong mga anak tungkol sa mga katotohanan sa Bibliya. Sa halip, sikaping mapanatiling nakapagpapatibay at tungkol sa espirituwal ang usapan sa pamilya. Halimbawa, ang magasing Gumising! ay naglalaman ng maraming artikulo hinggil sa napakaraming iba’t ibang paksa. Ang gayong mga artikulo ay maaaring magbigay-daan sa mga pag-uusap tungkol sa mga hayop na nilalang ni Jehova, mga lugar sa palibot ng daigdig na likas na magaganda, at sa kahanga-hangang pagkakaiba-iba ng mga kultura at paraan ng pamumuhay ng mga tao. Ang gayong mga pag-uusap ay maaaring magpakilos sa mga kabataan na higit pang basahin ang mga literatura na inilalaan ng uring tapat at maingat na alipin.—Mateo 24:45-47.
15. Paano matutulungan ng mga magulang ang kanilang mga anak na ituring na kawili-wili at kasiya-siya ang ministeryong Kristiyano?
15 Ang nakapagpapatibay na pakikipag-usap sa inyong mga anak ay tutulong sa inyo na masapatan ang isa pang espirituwal na pangangailangan. Kailangang matutuhan ng mga anak na Kristiyano na maibahagi sa iba ang kanilang pananampalataya sa mabisang paraan. Habang ipinakikipag-usap ang isang kawili-wiling punto mula sa Ang Bantayan o Gumising!, maaari kayong humanap ng mga pagkakataon upang maiugnay ang materyal sa ministeryo. Halimbawa, maaari ninyong itanong: “Hindi ba’t maganda kung mas maraming tao ang nakaaalam ng ganito tungkol kay Jehova? Paano kaya natin matutulungan ang isang tao na magkaroon ng interes sa paksang ito?” Ang gayong mga talakayan ay maaaring makatulong sa mga kabataan na magkaroon ng higit na interes na ibahagi sa iba ang kanilang natututuhan. Pagkatapos, kapag isinama ninyo ang inyong mga anak sa ministeryo, nakikita nila ang buháy na halimbawa kung paano isasagawa ang gayong pakikipag-usap. Maaari rin nilang matutuhan na kawili-wili at masayang gawain ang ministeryo, anupat nagdudulot ng malaking kasiyahan at kagalakan.—Gawa 20:35.
16. Ano ang maaaring matutuhan ng mga anak mula sa pakikinig sa panalangin ng kanilang mga magulang?
16 Naglalaan din ang mga magulang ng espirituwal na mga pangangailangan ng kanilang mga anak kapag sila’y nananalangin. Tinuruan ni Jesus ang kaniyang mga alagad kung paano manalangin, at nanalangin siyang kasama nila sa maraming pagkakataon. (Lucas 11:1-13) Isipin na lamang kung gaano karami ang kanilang natutuhan sa pakikiisa sa panalangin kasama ng mismong Anak ni Jehova! Gayundin naman, maraming matututuhan ang inyong mga anak mula sa inyong mga panalangin. Halimbawa, maaari nilang matutuhan na nais ni Jehova na malaya tayong makipag-usap sa kaniya nang mula sa puso, anupat inilalapit sa kaniya ang anumang suliranin natin. Oo, makatutulong ang inyong mga panalangin para matutuhan ng inyong mga anak ang isang mahalagang espirituwal na katotohanan: Maaari silang magkaroon ng kaugnayan sa kanilang makalangit na Ama.—1 Pedro 5:7.
Paglalaan sa Emosyonal na Paraan
17, 18. (a) Paano isinisiwalat ng Bibliya ang kahalagahan ng pagpapakita ng pag-ibig sa mga anak? (b) Paano dapat tularan ng mga ama si Jehova sa pagpapahayag ng pag-ibig sa kanilang mga anak?
17 Sabihin pa, may mahahalagang pangangailangan din sa emosyon ang mga bata. Sinasabi ng Salita ng Diyos sa mga magulang kung gaano kahalaga na ilaan ang bagay na ito. Halimbawa, pinapayuhan ang nakababatang mga babae na “ibigin ang kanilang mga anak.” Ang paggawa nila ng gayon ay may kaugnayan sa pagpapanauli sa katinuan ng mga kabataang ina. (Tito 2:4) Sa katunayan, isang katinuan na pagpakitaan ng pag-ibig ang isang anak. Tinuturuan nitong umibig ang isang anak at nagdudulot ito ng habambuhay na mga pakinabang. Sa kabilang panig naman, isang kamangmangan ang hindi pagpakitaan ng pag-ibig ang isang anak. Nagdudulot ito ng matinding kirot sa damdamin at nangangahulugan ng hindi pagtulad kay Jehova, na nagpapakita sa atin ng napakalaking pag-ibig sa kabila ng ating di-kasakdalan.—Awit 103:8-14.
18 Nauna pa nga si Jehova sa pagpapakita ng pag-ibig sa kaniyang makalupang mga anak. Gaya ng sinasabi sa 1 Juan 4:19, “siya ang unang umibig sa atin.” Kayong mga ama ang lalo nang dapat tumulad sa halimbawa ni Jehova, anupat nauunang kumilos upang magkaroon ng maibiging buklod sa inyong mga anak. Hinihimok ng Bibliya ang mga ama na iwasang yamutin ang kanilang mga anak, “upang hindi sila masiraan ng loob.” (Colosas 3:21) Iilang bagay lamang ang mas nakayayamot sa mga anak kaysa sa impresyon na hindi sila iniibig o pinahahalagahan ng isang magulang. Dapat alalahanin ng mga amang nag-aatubiling magpahayag ng kanilang nadarama ang halimbawa ni Jehova. Nagsalita pa nga si Jehova mula sa langit upang ipahayag ang pagsang-ayon at pag-ibig sa kaniyang Anak. (Mateo 3:17; 17:5) Tiyak na nakapagpapatibay-loob iyon kay Jesus! Sa katulad na paraan, lubhang lumalakas at tumitibay ang loob ng mga anak dahil sa tapat na mga kapahayagan ng pag-ibig at pagsang-ayon ng kanilang mga magulang.
19. Bakit mahalaga ang disiplina, at anong pagkatimbang ang pinagsisikapang makamit ng mga magulang na Kristiyano?
19 Siyempre pa, ang pag-ibig ng magulang ay hindi lamang sa salita. Ang pag-ibig ay pangunahin nang ipinakikita sa gawa. Ang paglalaan sa materyal at espirituwal na paraan ay maaaring isang kapahayagan ng pag-ibig ng magulang, lalo na kapag ginagawa ito ng mga magulang sa paraang nagpapahiwatig na ito’y pangunahin nang dahil sa pag-ibig. Karagdagan pa, ang pagdidisiplina ay isang mahalagang kapahayagan ng pag-ibig ng magulang. Sa katunayan, “ang iniibig ni Jehova ay dinidisiplina niya.” (Hebreo 12:6) Sa kabilang panig, ang hindi pagdidisiplina ay kapahayagan ng pagkapoot ng magulang! (Kawikaan 13:24) Laging timbang si Jehova, anupat nagdidisiplina “sa wastong antas.” (Jeremias 46:28) Ang pagkakaroon ng gayong pagkatimbang ay hindi laging madali para sa di-sakdal na mga magulang. Gayunman, sulit naman ang bawat pagpupunyagi ninyo na pagsikapan ang gayong pagkatimbang. Ang matatag at maibiging disiplina ay tumutulong sa isang bata na lumaking may maligaya at kapaki-pakinabang na buhay. (Kawikaan 22:6) Hindi ba’t iyan ang nais ng bawat magulang na Kristiyano para sa kaniyang anak?
20. Paano naibibigay ng mga magulang sa kanilang mga anak ang pinakamainam na pagkakataon upang ‘piliin ang buhay’?
20 Kayong mga magulang, kapag ginagawa ninyo ang mahalagang gawain na iniatas sa inyo ni Jehova—inilalaan ang materyal, espirituwal, at emosyonal na mga pangangailangan ng inyong mga anak—napakalaki ng inyong gantimpala. Sa gayong paraan ay naibibigay ninyo sa inyong mga anak ang pinakamainam na pagkakataon para ‘piliin ang buhay’ at pagkatapos ay ‘manatiling buháy.’ (Deuteronomio 30:19) Ang mga anak na iyon na nagpasiyang maglingkod kay Jehova at manatili sa landas ng buhay habang lumalaki sila ay nagdudulot ng napakalaking kagalakan sa kanilang mga magulang. (Awit 127:3-5) Mananatili magpakailanman ang gayong kagalakan! Subalit paano mapupuri ng mga kabataan si Jehova sa ngayon? Tatalakayin ng susunod na artikulo ang paksang iyan.
[Mga talababa]
a Sa pagtalakay na ito, karaniwan nang tutukuyin ang tagapaglaan sa kasariang panlalaki. Gayunman, kapit din ang mga simulain sa mga babaing Kristiyano na nagsisilbing pangunahing mga tagapaglaan.
b Inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
Paano Mo Sasagutin?
Ano ang magagawa ng mga magulang upang mapaglaanan ang kanilang mga anak
• sa materyal na paraan?
• sa espirituwal na paraan?
• sa emosyonal na paraan?
[Larawan sa pahina 18]
Maraming ibon ang walang-tigil sa pagpapagal upang paglaanan ang kanilang mga supling
[Larawan sa pahina 20]
Dapat munang linangin ng mga magulang ang kanilang sariling espirituwalidad
[Mga larawan sa pahina 20, 21]
Makasusumpong ng maraming pagkakataon ang mga magulang upang turuan ang kanilang mga anak tungkol sa Maylalang
[Larawan sa pahina 22]
Lumalakas at tumitibay ang loob ng mga anak dahil sa pagsang-ayon ng mga magulang