Mga Batang ‘Pahiram’—Gaano Katalino ang Kaugalian?
“GAYA ng alam mo, Daniel, ako’y maraming anak,” ang sabi ng pinsan ni Daniel. “Kaya ipinasiya ko na ang ilan sa kanila’y ilagak ko muna sa aking mga kamag-anakan.” Itinuro ng pinsan ang isang batang babae na kasama niya, at ang sabi: “Ang isang ito ay iyo na.”
“Salamat,” ang sabi ni Daniel. Gayunman, sa kaniyang kalooban, siya ay nagbuntong-hininga. Ang kaniyang sariling mga anak ay sapat na at hindi niya ibig o hindi siya nangangailangan ng karagdagan pa. Subalit ayon sa lokal na mga kaugalian, ang pagtanggi sa alok ay ituturing na isang malubhang kasalanan—di-maubos maisip! Si Daniel ngayon ay nagkaroon ng isa pang anak na babae na aalagaan.
Sa maraming nagpapaunlad na mga bansa, lalo na sa Aprika, karaniwan na para sa mga magulang na ang kanilang mga anak ay ipahiram sa mga kamag-anak o sa mga kaibigan sa loob ng mga ilang buwan, taon—at kung minsan hanggang sa panahong walang takda. Marahil ang mga taga-Kanluran ay maninibago sa kaugaliang iyan, subalit sa prinsipyo ay nahahawig ito sa kaugalian ng pagpapaaral sa mga anak sa mga paaralang may pangaserahan o pangmahabaang-panahong summer camps. Ano nga ba ang nasa likod ng kaugalian ng mga anak na pahiram? Ito ba ay isang matalinong kaugalian?
Kung Bakit Nila Ipinahihiram ang Kanilang mga Anak
Bagama’t nagbabago ang tradisyunal na mga bagay na pinahahalagahan, para sa mga Aprikano, ang mga anak ay hindi bukod-tanging pag-aari ng mga magulang. Bagkus, sila’y pag-aari ng malawakang pamilya. Mga tiyahin, tiyuhin, ninuno, at iba pa ay pawang inaakala na may karapatan at awtoridad sa mga bata. Gaya ng pagkasabi ng isang kawikaan sa Kanlurang Aprika: “Isa ang nagluluwal, subalit marami ang nag-aasikaso sa bata.”
Kaya naman, pagka may bumangong biglaang mga pangyayari, tulad baga ng pagkamatay ng mga magulang ng isang bata, ang mga kamag-anak ay handa at payag sila na ampunin ang naulilang bata. Ang pangunahing dahilan ng pagpapahiram ng mga anak sa mga kamag-anak, gayumpaman, ay karaniwan nang dahil sa kasalatan sa pananalapi. Pagka ang isang pamilya ay dukha at maraming mga anak, baka inaakala ng mga magulang na isa o higit pa sa bata ang makikinabang kung pipisan siya sa mga kamag-anak na mas mabuti ang buhay. Kanilang ikinakatuwiran na ang kamag-anak ay higit na may kakayahan na gumastos sa pagpapaaral, sa pagpaparamit, sa pagpapagamot, at sa pagpapakain. Kaya hindi isang kakulangan ng pag-ibig ng mga magulang kundi, sa halip, ang paghahangad na mapaglaanan ng pinakamagaling ang kanilang mga anak ang nagtutulak sa mga ibang magulang na ipagkatiwala sila sa iba.
Ang isa pang dahilan ay ang paghahangad ng mga anak na magkamit ng mabuting edukasyon. Baka ang pinakamalapit na paaralan ay malayo sa tahanan ng pamilya. Yamang baka mahirap o imposible para sa buong pamilya na lumipat, baka ikatuwiran ng mga magulang na ang pinakamagaling ay patirahin ang kanilang mga anak sa mga kamag-anakan na malapit sa isang paaralan.
Ang mga kamag-anak ay karaniwan nang natutuwa na tanggapin ang mga anak na ito. Bukod sa iba pang mga bagay, ang isa pang bibig na pakakanin ay nangangahulugan din ng isa pa na tutulong sa mga gawaing-bahay. At ang mga magulang kung minsan ay tumutulong sa mga gastusin sa pamamagitan ng pagpapadala ng pera o pagkain.
Mga Salik na Dapat Isaalang-alang
Bagama’t totoo na marahil ay mayroong mga bentahang edukasyonal at materyal sa pagpapahiram ng isang anak sa iba, mayroong iba pang mga salik na dapat maingat na isaalang-alang. Unang-una, paano makikibagay ang bata sa kaniyang bagong mga tagapag-andukha, at paano naman sila makikibagay sa bata? Kung minsan ang ganiyang mga kaayusan ay umaandar nang mainam, at ang mga bagong magulang ay nakapagtatatag ng matibay, maibiging relasyon sa kanilang inampong mga anak. Halimbawa, isang elder na Kristiyano sa Sierra Leone ang umampon sa kaniyang naulilang pamangking lalaki. Nang tanungin mga ilang taon na ang nakalipas tungkol sa kaniyang inampong anak, ito ay tumugon: “Hindi ko itinuturing si Desmond na isang ampon—siya ay aking anak. Siya ay aking laman at dugo.”
Gayunman, hindi lahat ay ganito ang tingin sa kanilang mga inampong anak. Bilang paghahalimbawa, sa isang siyudad sa Kanlurang Aprika ay mayroong mga gulo. Nagliliparan ang mga bala. “Dali!” ang sigaw ng isang ginang sa kaniyang dalawang anak: “Arthur, mangubli ka sa ilalim ng kama! Ikaw, Sorie, tumanaw ka sa bintana at sabihin mo sa amin kung ano na ang nangyayari!” Si Arthur ang kaniyang tunay na anak, ngunit si Sorie, ay isang ampon, o anak-anakan.
Karaniwan nang ang binibigyan ng magandang trato sa pamilya ay ang tunay na mga anak. Kaya naman, ang lubhang pinakananasang materyal na mga kapakinabangan ay kadalasang hindi nakakamit. Malimit na ang mga ampon ay labis na pinagtatrabaho, pinagkakaitan ng edukasyon, at siyang huling-huling tumatanggap ng kaloob na damit at gayundin ng medikal at dental na pangangalaga. Ang sabi ng isang misyonero na nakapaglingkod sa Aprika sa loob ng mahigit na 23 taon: “Ang mga ampon ay halos sa tuwina’y segunda-klaseng mga anak.”
Isa pang puntong dapat isaalang-alang: Pagka umalis sa tahanan ang isang anak, karaniwan nang lumilikha ito ng emosyonal na mga suliranin. Ang isip at puso ng mga bata ay sensitibo at madaling hubugin. Sapol sa pagkasanggol ay nasasabik sila na makamit ang kaaliwan at kapanatagan ng isang matalik na kaugnayan ng mga magulang. Kung ang mga anak ay bubunutin sa kanilang mga tahanan upang pumaroon at makipisan sa halos mga di nila kilala ito ay labis na magiging mahirap.
Sa Sierra Leone isang babaing nagngangalang Comfort ay pinaalis upang makipisan sa kaniyang tiyahin sa gulang na siyam na taon. Ganito pa ang kaniyang naalaala: “Ang mga taon na ginugol ko na malayo ako sa aming tahanan ay napakahirap. Nangungulila ako nang ganiyan na lamang sa aking pamilya—lalo na sa aking mga kapatid na lalaki at babae. Para ngang mistulang binunot nila ako sa dakong talagang dapat kong kalagyan at inilagay ako sa dakong hindi ko dapat kalagyan. Bagaman mabuti naman ang trato sa akin ng aking tiyahin, kailanman ay hindi ako nakikipag-usap sa kaniya nang sinlaya na gaya ng pakikipag-usap ko sa aking sariling ina. . . . Gaano man kahirap ang maging kalagayan namin, kailanman ay hindi ko patitirahin sa iba ang aking mga anak.”
Si Francis, isang taga-Kanlurang Aprika na lumaki rin na isang ampon, ay ganito ang masasabi: “Ikinalulungkot ko na hindi ako nakapagpaunlad ng isang matalik na kaugnayan sa aking tunay na ina. Bueno, inaakala kong kami’y kapuwa nalugi sa isang bagay na may halaga.”
Ang Mahalagang Espirituwal na mga Pangangailangang Iyon
Gayunman ang pinakamahalagang salik sa lahat ay ang espirituwal na kapakanan ng bata. At ang Diyos sa kaniyang karunungan ang nag-uutos na ang mga magulang mismo ang mangalaga sa espirituwal na mga pangangailangan ng kanilang mga anak. Kinakausap ang mga magulang na Israelita, ang payo ng Diyos ay: “Ang mga salitang ito na iniuutos ko sa iyo sa araw na ito ay sasaiyong puso; at ikikintal mo sa isipan ng iyong anak at sasalitain mo ang mga yaon kapag ikaw ay nakaupo sa iyong bahay at kapag ikaw ay lumalakad sa lansangan at kapag ikaw ay nahihiga at kapag ikaw ay bumabangon.” (Deuteronomio 6:6, 7) Ganoon din ang tagubilin ni apostol Pablo sa mga amang Kristiyano: “Huwag ninyong ipamungkahi sa galit ang iyong mga anak, kundi patuloy na palakihin sila sa disiplina at pangkaisipang patnubay ni Jehova.”—Efeso 6:4.
Subalit paano mapalalaki ang isang bata “sa disiplina at pangkaisipang patnubay ni Jehova” kung siya’y pinapunta upang makipanirahan sa mga kamag-anak na di-sumasampalataya? Anong pagkaikli-ikling pananaw, kung gayon, ang isakripisyo ang espirituwal na mga kapakanan ng isang anak para sa materyal o edukasyunal na mga kapakinabangan!
Kumusta naman ang pagpapapunta sa isang anak upang tumira sa mga kapananampalataya? Bagaman mas mainam ito kaysa ipahiram sila sa mga di-kapananampalataya, sa maraming paraan ito man ay di-kanais-nais. Ang bata ay baka mangailangan pa ring humarap sa mga malalaking suliraning panlipunan, emosyonal, at sikolohikal. Ang ibang mga anak ay nasiraan ng loob o napadala sa delingkuwensiya at masasamang kasama. Ang iba naman ay nawalan ng lahat ng pagpapahalaga sa espirituwal na mga bagay.
Gaya ng alam na alam ng mga magulang, nangangailangan ng kasanayan, pagtitiyaga, at malaking panahon upang itanim sa isang bata ang pag-ibig kay Jehova. Kung ang ganiyang gawain ay mahirap para sa tunay na mga magulang ng isang bata, na may matalik na pagkakilala sa kaniya sapol sa kapanganakan, di lalo nang mahirap para sa mag-asawa na magpalaki ng hindi naman nila tunay na anak! Yamang nakataya ang buhay na walang-hanggan ng isang bata, kailangang seryoso at may lakip-panalangin na pag-isipan nila kung ang pagpapahiram sa isang anak sa ibang tao ay sulit dahil sa mga panganib na nakaharap dito.
Gayumpaman, ang mga magulang na Kristiyano ang kailangang magpasiya para sa kanilang sarili kung paano nila tutuparin ang payo sa 1 Timoteo 5:8: “Tunay na kung ang sinuman ay hindi naglalaan para sa mga sariling kaniya, at lalo na para sa kaniyang sariling sambahayan, kaniyang itinakwil ang pananampalataya at lalong masama kaysa isang taong walang pananampalataya.” Kung sila mismo ay hindi kayang tumustos sa materyal na pangangailangan ng anak, siguruhin nila na ang espirituwal na pangangailangan ng anak, siguruhin nila na ang espirituwal na pangangailangan ng kanilang anak ay natutustusan sa pinakamagaling na paraang maaari sa ilalim ng anumang mga kalagayan.
Ang salmista ay sumulat: “Ang mga anak ay isang kaloob buhat sa Diyos; sila ang kaniyang kagantihan.” (Awit 127:3, The Living Bible) Kaya pakamahalin ang inyong mga anak na nasa kabataan, at hayaan silang laging malapit sa inyo. Ibigin sila, at hayaang ibigin naman nila kayo. Tulungan sila na maging espirituwal na mga lalaki at mga babae, sapagkat ang paggawa ng gayon ay magbubunga sa kanila ng walang-hanggang pagpapala. Marahil ay masasabi ninyo, ang gaya ng sinabi ni Juan tungkol sa kaniyang espirituwal na mga anak: “Wala nang lalong higit na dahilan na dapat kong ipagpasalamat kaysa mga bagay na ito, na aking mabalitaan na ang aking mga anak ay patuloy na lumalakad sa katotohanan.—3 Juan 4.