Nagmamalasakit ang Diyos sa mga May-edad Na
HINDI kataka-taka na laganap sa ngayon ang pagmamalupit sa mga may-edad na. Malaon nang inihula ng Bibliya na sa “mga huling araw” ng sistemang ito na walang takot sa Diyos, ang mga tao ay magiging “mga maibigin sa kanilang sarili, . . . mga walang likas na pagmamahal.” (2 Timoteo 3:1-3) Maaaring kasama sa salitang Griego na isinaling “likas na pagmamahal” ang pag-ibig na karaniwang makikita sa loob ng pamilya. Ayon sa hula ng Bibliya, kapansin-pansing wala ang gayong uri ng pagmamahal sa ngayon.
Kabaligtaran ng mga nagmamalupit sa mga may-edad na, ang Diyos na Jehova ay lubhang nagpapahalaga at nagmamalasakit sa mga may-edad na. Isaalang-alang kung paano ito ipinakikita sa Bibliya.
“Hukom ng mga Babaing Balo”
Makikita sa Hebreong Kasulatan ang pagmamalasakit ng Diyos na Jehova sa mga may-edad na. Halimbawa, sa Awit 68:5, tinawag ni David ang Diyos na “hukom ng mga babaing balo,” na kadalasan ay mga may-edad na.a Sa ibang mga salin ng Bibliya, ang salitang “hukom” ay isinaling “tagapagtanggol” at “tagapagsanggalang.” Maliwanag, si Jehova ay nagmamalasakit sa mga babaing balo. Sa katunayan, sinasabi pa nga ng Bibliya na kapag sila ay pinagmamalupitan, naglalagablab ang kaniyang galit. (Exodo 22:22-24) Ang mga babaing balo—at lahat ng tapat na mga may-edad na—ay lubhang pinahahalagahan ng Diyos at ng kaniyang mga lingkod. Ipinahahayag ng Kawikaan 16:31 ang pangmalas ng Diyos na Jehova at ng kaniyang bayan nang sabihin nito: “Ang ulong may uban ay korona ng kagandahan kapag ito ay nasusumpungan sa daan ng katuwiran.”
Hindi kataka-taka, mahalagang bahagi ng Kautusan na ibinigay ni Jehova sa Israel ang paggalang sa mga may-edad na. Ang mga Israelita ay pinag-utusan: “Sa harap ng may uban ay titindig ka, at pakukundanganan mo ang pagkatao ng isang matanda, at matakot ka sa iyong Diyos. Ako ay si Jehova.” (Levitico 19:32) Kaya sa Israel, ang pagpapakundangan sa mga may-edad na ay may malaking kaugnayan sa relasyon ng isa sa Diyos na Jehova. Hindi masasabi ng isang tao na iniibig niya ang Diyos kung pinagmamalupitan niya ang mga may-edad na.
Ang mga Kristiyano ay wala naman sa ilalim ng Kautusang Mosaiko. Subalit nasa ilalim sila ng “kautusan ng Kristo,” na may malaking epekto sa kanilang paggawi at saloobin, pati na ang pagpapakita ng pag-ibig at pagmamalasakit sa mga magulang at sa mga may-edad na. (Galacia 6:2; Efeso 6:1-3; 1 Timoteo 5:1-3) At ang mga Kristiyano ay umiibig hindi lamang dahil sa inuutusan silang gawin iyon kundi nauudyukan silang gawin ito mula sa puso. “Ibigin ninyo ang isa’t isa nang masidhi mula sa puso,” ang payo ni apostol Pedro.—1 Pedro 1:22.
Ang alagad na si Santiago ay nagbibigay sa atin ng isa pang dahilan upang pagmalasakitan ang mga may-edad na. Sumulat siya: “Ang anyo ng pagsamba na malinis at walang dungis sa pangmalas ng ating Diyos at Ama ay ito: alagaan ang mga ulila at mga babaing balo sa kanilang kapighatian, at ingatan ang sarili na walang batik mula sa sanlibutan.” (Santiago 1:27) Binabanggit ni Santiago ang isang nakaaantig-damdaming punto. Itinatawag-pansin nito sa atin kung gaano kahalaga kay Jehova ang minamahal na mga ulila at mga babaing balo na ito.
Kaya hindi sapat ang basta huwag pagmalupitan ang mga may-edad na. Sa halip, dapat tayong magpakita ng taimtim na pagmamalasakit sa kanila sa pamamagitan ng kapaki-pakinabang na mga gawa. (Tingnan ang kahon na “Pag-ibig na May Gawa,” sa pahina 6-7.) Sumulat si Santiago: “Ang pananampalataya na walang mga gawa ay patay.”—Santiago 2:26.
Aliwin “sa Kanilang Kapighatian”
May isa pang puntong matututuhan mula sa pananalita ni Santiago. Pansinin na sinabi ni Santiago sa mga Kristiyano na alagaan ang mga babaing balo “sa kanilang kapighatian.” Ang salitang Griego na isinaling “kapighatian” ay pangunahin nang nangangahulugan ng kabagabagan, dalamhati, o pagdurusa mula sa mga panggigipit ng ating kalagayan sa buhay. Walang alinlangan na marami sa mga may-edad na ang nakararanas ng gayong kabagabagan. Ang ilan ay nangungulila. Ang iba ay nanlulumo dahil sa mga limitasyong kaakibat ng pagtanda. Kahit na ang mga lubhang aktibo sa kanilang paglilingkod sa Diyos ay maaaring masiraan ng loob. Isaalang-alang si John,b isang tapat na tagapaghayag ng Kaharian ng Diyos sa loob ng mahigit na apat na dekada, na ang huling tatlo nito ay ginugol niya sa pantanging buong-panahong paglilingkod. Aminado si John, na mahigit 80 anyos na ngayon, na kung minsan ay nasisiraan siya ng loob. Sinabi niya: “Madalas kong naiisip at naaalaala ang aking mga pagkakamali, napakaraming pagkakamali. Lagi kong sinasabi sa aking sarili na sana’y hindi ko ginawa iyon.”
Ang gayong mga indibiduwal ay maaaliw sa pagkaalam na si Jehova, bagaman sakdal, ay hindi perpeksiyonista. Bagaman alam niya ang ating mga pagkakamali, sinasabi ng Bibliya tungkol sa kaniya: “Kung mga kamalian ang binabantayan mo, O Jah, O Jehova, sino ang makatatayo?” (Awit 130:3) Oo, hindi itinutuon ni Jehova ang kaniyang pansin sa ating mga pagkakamali kundi nakikita niya ang nasa puso. Paano natin ito nalaman?
Si Haring David—na nagkasala at di-sakdal—ay kinasihan ng Diyos na kathain ang sumusunod na pananalita, na nakaulat sa Awit 139:1-3: “O Jehova, siniyasat mo ako, at kilala mo ako. Nalalaman mo rin ang aking pag-upo at ang aking pagtayo. Isinaalang-alang mo ang aking kaisipan mula sa malayo. Ang aking paglalakbay at ang aking paghigang nakaunat ay sinukat mo, at naging pamilyar ka sa lahat nga ng aking mga lakad.” Dito, ang salitang “sinukat” ay literal na nangangahulugang “pagtahip,” kung paanong tinatahip ng magsasaka ang ipa at iniiwan ang butil. Sa ilalim ng pagkasi ng Diyos, tinitiyak sa atin ni David na nalalaman ni Jehova kung paano tatahipin at iingatan sa kaniyang alaala ang ating mabubuting gawa.
Natatandaan—at pinahahalagahan—ng ating maawain at makalangit na Ama ang ating mabubuting gawa hangga’t nananatili tayong tapat sa kaniya. Oo, sinasabi ng Bibliya na itinuturing niyang kalikuan na limutin ang ating gawa at pag-ibig na ipinakita sa kaniyang pangalan.—Hebreo 6:10.
“Ang mga Dating Bagay ay Lumipas Na”
Ipinakikita ng Bibliya na hindi layunin ng Diyos na maranasan ng sangkatauhan ang mga problema ng katandaan. Tangi lamang pagkatapos maghimagsik ng ating unang mga magulang, ang unang lalaki at babae, laban sa kanilang Maylalang naranasan ng tao ang nakapanghihinang mga epekto ng pagtanda. (Genesis 3:17-19; Roma 5:12) Hindi ito magpapatuloy magpakailanman.
Gaya ng nabanggit na, marami sa masasamang kalagayan na nararanasan natin sa ngayon—pati na ang pagmamalupit sa mga may-edad na—ay katibayan na nabubuhay na tayo sa “mga huling araw” ng sistemang ito ng mga bagay. (2 Timoteo 3:1) Layunin ng Diyos na alisin ang mga epekto ng kasalanan, pati na ang mga pinsalang dulot ng pagtanda at kamatayan. Sinasabi ng Bibliya: “Papahirin [ng Diyos] ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man. Ang mga dating bagay ay lumipas na.”—Apocalipsis 21:4.
Sa bagong sanlibutan ng Diyos, lilipas na ang mga sakit at kirot dahil sa pagtanda. Mawawala na rin ang pagmamalupit sa mga may-edad na. (Mikas 4:4) Maging ang mga namatay na nasa alaala ng Diyos ay bubuhaying muli, upang sila rin ay magkaroon ng pagkakataong mabuhay magpakailanman sa isang paraisong lupa. (Juan 5:28, 29) Sa panahong iyon, magiging maliwanag higit kailanman na nagmamalasakit ang Diyos na Jehova hindi lamang sa mga may-edad na kundi sa lahat ng sumusunod sa kaniya.
[Mga talababa]
a Sabihin pa, hindi lahat ng babaing balo ay may-edad na. Ang isang halimbawa na ang Diyos ay nagmamalasakit din sa kanila ay makikita sa Levitico 22:13.
b Hindi niya tunay na pangalan.
[Kahon/Mga larawan sa pahina 6, 7]
Pag-ibig na May Gawa
Sa mga Saksi ni Jehova, ang mga elder sa kongregasyon ang nangunguna sa pangangalaga sa mga may-edad na. Dinidibdib nila ang payo ni apostol Pedro: “Pastulan ninyo ang kawan ng Diyos na nasa inyong pangangalaga.” (1 Pedro 5:2) Ang pag-aasikaso sa mga may-edad na sa praktikal na mga paraan ay bahagi ng pangangalaga sa kawan ng Diyos. Gayunman, ano ba ang maaaring kasangkot dito?
Nangangailangan ng pagkamatiisin at marahil ng ilang pagdalaw at palakaibigang pakikipag-usap sa isang may-edad na upang matiyak kung ano ang kaniyang mga pangangailangan. Baka kailangan niya ng tulong sa pamimili at paglilinis, sa pagpunta sa Kristiyanong mga pagpupulong, sa pagbabasa ng Bibliya at Kristiyanong mga publikasyon, at sa marami pang bagay. Kailanma’t posible, dapat gumawa at ipatupad ang praktikal at maaasahang mga kaayusan.c
Subalit kumusta naman kung ang isang may-edad nang kapatid sa kongregasyon ay malagay sa gipit na kalagayan, marahil ay lubhang mangailangan ng pinansiyal na tulong? Makabubuting alamin muna kung mayroon siyang mga anak o ibang kamag-anak na makatutulong. Kasuwato ito ng binabanggit sa 1 Timoteo 5:4: “Kung ang sinumang babaing balo ay may mga anak o mga apo, matuto muna ang mga ito na magsagawa ng makadiyos na debosyon sa kanilang sariling sambahayan at patuloy na magbayad ng kaukulang kagantihan sa kanilang mga magulang at mga lolo’t lola, sapagkat ito ay kaayaaya sa paningin ng Diyos.”
Baka nangangailangan ng tulong ang may-edad na upang alamin kung may makukuha ba siyang anumang tulong mula sa gobyerno. Marahil makatutulong ang ilan sa kongregasyon. Kung walang makukuhang tulong, maaaring alamin ng mga elder kung ang indibiduwal ay karapat-dapat tumanggap ng tulong mula sa kongregasyon. Sa ilang kaso, ipinahintulot ito sa unang-siglong kongregasyon, sapagkat sumulat si apostol Pablo sa kaniyang kamanggagawang si Timoteo: “Ilagay sa talaan ang babaing balo na hindi bababà sa animnapung taóng gulang, asawa ng isang lalaki, na pinatototohanan dahil sa maiinam na gawa, kung nagpalaki siya ng mga anak, kung nag-asikaso siya ng ibang tao, kung naghugas siya ng mga paa ng mga banal, kung pinaginhawa niya yaong mga nasa kapighatian, kung masikap siyang sumunod sa bawat mabuting gawa.”—1 Timoteo 5:9, 10.
[Talababa]
c Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang artikulong “Pagtugon sa Pangangailangan ng Ating Matatanda Na—Isang Hamon sa mga Kristiyano,” sa isyu ng Hulyo 15, 1988, ng Ang Bantayan.
[Larawan sa pahina 5]
Nagmalasakit si Dorcas sa nagdarahop na mga babaing balo.—Gawa 9:36-39