Ang Pangmalas ng Bibliya
Dapat Bang Maging Mahirap ang mga Kristiyano?
MINSAN ay sinabi ni Jesus sa isang mayamang kabataang tagapamahala na kailangan niyang humayo at ipagbili ang lahat ng kaniyang ari-arian at ibigay ito sa mga dukha. Sinabi ng ulat na ang lalaki ay nalungkot sa sinabi ni Jesus at umalis na napipighati, “sapagkat marami siyang tinataglay na mga pag-aari.” Pagkatapos ay sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad: “Kay hirap na bagay nga para roon sa mga may salapi ang pumasok sa kaharian ng Diyos!” Sinabi pa ni Jesus: “Mas madali pa sa isang kamelyo na makalusot sa butas ng karayom kaysa sa isang taong mayaman na makapasok sa kaharian ng Diyos.”—Marcos 10:21-23; Mateo 19:24.
Ano ang ibig sabihin ni Jesus? Magkasalungat ba ang kayamanan at tunay na pagsamba? Dapat bang makadama ng pagkakasala ang mga Kristiyano kapag sila ay may pera? Hinihiling ba ng Diyos na dapat silang maghikahos sa buhay?
Tinatanggap ng Diyos ang “Lahat ng Uri ng mga Tao”
Noong sinaunang panahon, hindi naman hiniling ng Diyos na maging mahirap sa buhay ang mga Israelita. Pag-isipan ito: Pagkatapos sakupin ang lupaing pinaghati-hatian nila, ang mga tao ay nagsaka at nagnegosyo upang matustusan ang kanilang sarili at ang mga mahal nila sa buhay. Ang mga salik na gaya ng kalagayan sa kabuhayan, lagay ng panahon, kalusugan, o kakayahan sa pagnenegosyo ay makaaapekto sa tagumpay ng kanilang pagsisikap. Iniutos ng Batas ni Moises sa mga Israelita na maging mahabagin sila kung may sinumang naghihikahos sa buhay at naging dukha. (Levitico 25:35-40) Sa kabilang dako naman, ang iba ay naging mayaman. Si Boaz, isang lalaking may pananampalataya at integridad na naging ninuno ni Jesu-Kristo, ay inilarawan bilang “isang lalaking makapangyarihan sa yaman.”—Ruth 2:1.
Gayundin naman ang kalagayan noong kapanahunan ni Jesus. Kung may kinalaman sa mayamang lalaki na binanggit sa umpisa, hindi naman layunin ni Jesus na itaguyod ang pagiging asetiko. Sa halip, itinuturo niya ang isang mahalagang aral sa buhay. Sa pangmalas ng tao, baka nga imposible para sa mayayaman na magpakumbaba at tanggapin ang paraan ng Diyos para sa kaligtasan. Subalit sinabi ni Jesus: “Sa mga tao ay imposible ito, ngunit sa Diyos ay posible ang lahat ng mga bagay.”—Mateo 19:26.
Tinanggap ng unang-siglong kongregasyong Kristiyano “ang lahat ng uri ng mga tao.” (1 Timoteo 2:4) Kasali na rito ang ilang mayayaman, ang iba na maalwan sa buhay, at ang marami na mahihirap. Baka ang ilang indibiduwal ay nakapagkamal na ng kayamanan bago pa naging mga Kristiyano. Sa ilang kaso, ang mabuting mga kalagayan at ang matatalinong pasiya sa pagnenegosyo ang maaaring nagpayaman sa iba sa bandang huli.
Sa katulad na paraan, kabilang sa kapatirang Kristiyano sa ngayon ang mga taong may iba’t ibang kalagayan sa buhay. Lahat sila ay nagsusumikap na sumunod sa patnubay ng Bibliya hinggil sa pananalapi, yamang maaaring maapektuhan ng materyalismo ang sinuman. Nagbibigay-babala sa bawat Kristiyano ang aral na itinuro ni Jesus sa mayamang kabataang tagapamahala hinggil sa malakas na impluwensiya ng salapi at ari-arian sa bawat tao.—Marcos 4:19.
Isang Babala Para sa Mayayaman
Bagaman hindi hinahatulan sa Bibliya ang kayamanan mismo, ang pag-ibig sa salapi ang siyang hinahatulan. Sinabi ng manunulat ng Bibliya na si Pablo: “Ang pag-ibig sa salapi ay ugat ng lahat ng uri ng nakapipinsalang mga bagay.” Sinabi niya na sa pamamagitan ng pagpapabaya sa espirituwal na mga kapakanan dahil sa pagnanais na yumaman, “ang ilan ay nailigaw mula sa pananampalataya at napagsasaksak ng maraming kirot ang kanilang sarili.”—1 Timoteo 6:10.
Kapansin-pansin na nagbigay si Pablo ng espesipikong mga tagubilin para sa mayayaman. Sinabi niya: “Magbigay ka ng utos doon sa mayayaman sa kasalukuyang sistema ng mga bagay na huwag maging mataas ang pag-iisip, at na ilagak ang kanilang pag-asa, hindi sa walang-katiyakang kayamanan, kundi sa Diyos, na saganang naglalaan sa atin ng lahat ng mga bagay para sa ating kasiyahan.” (1 Timoteo 6:17) Maliwanag na may panganib na ang mayayaman ay maging mayabang at makadama na sila’y nakatataas sa iba. Baka matukso rin silang mag-isip na makapagbibigay ang kayamanan ng tunay na kasiguruhan sa buhay—isang bagay na Diyos lamang ang lubusang makapagbibigay.
Maaaring maging mapagbantay ang mga Kristiyanong nakaririwasa sa buhay laban sa mga panganib na ito sa pamamagitan ng ‘pagiging mayaman sa maiinam na gawa.’ Kalakip sa mga gawang ito ang pagiging “mapagbigay, handang mamahagi,” anupat bukas-palad na tumutulong sa mga nangangailangan. (1 Timoteo 6:18) Magagamit din ng mga Kristiyano—mayaman man o mahirap—ang ilan sa kanilang mga tinataglay upang palaganapin ang mabuting balita tungkol sa Kaharian ng Diyos, ang pangunahing pinagkakaabalahan ng tunay na mga Kristiyano sa ngayon. Isinisiwalat ng espiritu ng pagkabukas-palad na ito ang tamang saloobin hinggil sa mga materyal na ari-arian at pinangyayari nitong mapamahal ang isang tao sa Diyos na Jehova at kay Jesu-Kristo, na umiibig sa masayang nagbibigay.—Mateo 24:14; Lucas 16:9; 2 Corinto 9:7.
Ang Higit na Mahahalagang Bagay
Maliwanag na hindi kailangang maging maralita ang mga Kristiyano. Ni kailangan man nilang maging ‘determinadong yumaman.’ (1 Timoteo 6:9) Nagbabanat lamang sila ng buto upang kumita ng makasasapat para sa kanilang kabuhayan. Palibhasa’y depende sa iba’t ibang salik at sistema ng ekonomiya kung saan sila nakatira, iba’t iba ang magiging bunga ng kanilang tagumpay dahil sa kanilang mga pagsisikap.—Eclesiastes 11:6.
Anuman ang kanilang kalagayan sa pinansiyal, dapat pagsikapan ng mga Kristiyano na ‘tiyakin ang mga bagay na higit na mahalaga.’ (Filipos 1:10) Sa pag-una sa mahahalagang espirituwal na bagay, ‘maingat nilang iniimbak para sa kanilang sarili ang isang mainam na pundasyon para sa hinaharap, upang makapanghawakan silang mahigpit sa tunay na buhay.’—1 Timoteo 6:19.