Tagumpay—Anuman ang Halaga?
ANG determinasyon na magtagumpay ay nagpapakitang ang isa ay may isang tiyak na tunguhin. Ano ba ang iyong tunguhin sa buhay? Ano ang handa ka na gawin upang kamtin iyon? Oo, ano ang dapat mong pangunahing hanapin upang tunay na masiyahan at lumigaya?
Sa maraming bansang Third World, ang pangkalahatang pamantayan ng pamumuhay ay lubhang malaki ang kakulangan. Dahilan sa mga suliraning nakakaharap doon, na isinasaalang-alang ang angkop na payo buhat sa Salita ng Diyos, tutulungan tayong mauunawaan ng lalong higit ang tungkol sa ating mga sariling tunguhin at tagumpay, saanman tayo naninirahan.
Palibhasa’y laganap ang karalitaan, maraming tao ang walang ibang hinahanap kundi ang tagumpay na may kinalaman sa salapi at hindi na nila alintana ang anumang iba pang bagay. Ang ilan ay daya ang ginagamit upang makamit ito. Pagka sila’y naging tunay na mga Kristiyano, gayumpaman, dapat nga na pamalagian nang naiwaksi nila ang ganitong saloobin upang sila’y makaayon sa matuwid na mga pamantayan ng Bibliya.
Gayunman, may ilang mga Kristiyano pa rin na muling nagbabalik at nasisilo sa makasanlibutang mga tunguhin. Baka sila ay nahuhulog sa mga pamumuhay na labag sa pagka-Kristiyano upang magtamo lamang ng tagumpay. Pinababayaan ng mga magulang ang kani-kanilang pamilya. Pinababayaan ng mga indibiduwal ang kanilang paglilingkod sa Diyos. Ano sa palagay mo ang magiging resulta kung tungkol sa kasiyahan sa buhay at kaligayahan?
Upang bigyang-babala tayo sa magiging resulta, ang Bibliya ay nagbabala: “Silang mga disididong yumaman ay nahuhulog sa tukso at sa silo at sa maraming pitang walang kabuluhan at nakasasama . . . Sapagkat ang pag-ibig sa salapi ay ugat ng lahat ng uring kasamaan, at sa pagsusumakit sa pag-ibig na ito ang iba ay naihiwalay sa pananampalataya at tinuhog ang kanilang sarili ng maraming pasakit.”—1 Timoteo 6:9, 10.
“Lahat ng uring kasamaan.” ‘Tinuhog ng maraming pasakit.’ Tiyak na hindi iyon isang paglalarawan ng kasiyahan at kaligayahan, di ba? Subalit, ang karanasan ng milyun-milyong mga tao noong lumipas na mga siglo, at hanggang sa mismong araw na ito ay nagpapatunay na totoong-totoo ang pangungusap na iyan ng Bibliya. Ano, kung gayon, ang inirirekomenda nito kung tungkol sa mga tunguhin at landas sa buhay ng isang Kristiyano?
Naihiwalay—Paano?
Sa anong mga paraan naihihiwalay ang mga Kristiyano sa pananampalataya? Ang ilan ay humantong hanggang sa lubos na itakwil ang maka-Diyos na mga moral at paniniwala. Sa mga ibang kaso ang mga indibiduwal ay naihihiwalay buhat sa landas na maka-Diyos na debosyon, at sinasamantala pa rin ang gayong debosyon upang gamitin sa pagkakaroon ng impluwensiya sa iba. Kaya may tinutukoy ang Bibliya na “mga taong masasama ang pag-iisip at salat sa katotohanan, na may akalang ang banal na debosyon ay paraan ng pakinabang.” (1 Timoteo 6:5) Bagama’t hindi naman sila lubusang umaalis sa pagka-Kristiyano, baka nilalabag nila ang mga prinsipyo sa Bibliya na mahalagang mga bahagi ng pananampalatayang Kristiyano.
Sinabi ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod na huwag maging tagatulad ng mga tao ng sanlibutan na nag-aastang mga panginoon sa iba. Sinabi niya: “Sa inyo’y hindi ganito; kundi ang sinumang ibig maging dakila sa inyo ay kailangang maging ministro ninyo.” Sa paghatol sa mga relihiyosong lider na Judio, higit pa ang sinaklaw ni Jesus. Sinabi niya na ang malaking pag-ibig sa katanyagan sa daigdig ay hindi kinalulugdan ng Diyos. (Mateo 20:26; 23:6-9, 33) Samakatuwid, ang dapat hangarin ng mga Kristiyano ay ang makapaglingkod sa isa’t isa imbis na madaig o maduminahan ang iba. Ang mangingibig sa salapi na naghahangad ng tagumpay anuman ang kabayarang halagang iyon ay madaling maihihiwalay sa ganitong landasin.
Kung tungkol dito paano mo ba maihahambing ang iyong sarili? Sinusukat mo ba ang iyong tagumpay ayon sa laki ng iyong pagsisikap na magkaroon ng kapamahalaan sa iba? Iyo bang inaareglo o binabaluktot ang mga prinsipyo at mga doktrinang Kristiyano upang magkaroon ka ng kapamahalaan sa iba o makamit mo iyon? Inaakala mo bang kinakailangang magtamo ka ng higit kaysa iyong mga kasamahan anuman ang halagang kailangang ibayad doon? Ikaw ba ay totoong natutuwa na magbida ng tungkol sa iyong kayamanan o sa iyong naabot na karera? Kung gayon, kailangan na suriin mo kung ikaw nga ay naihihiwalay sa pananampalataya.
Mga Pasakit na Dulot ng “Tagumpay”
Sinabi rin ni Jesus: “Huwag kayong magtipon ng kayamanan sa lupa . . . Sapagkat kung saan naroon ang iyong kayamanan, doroon din ang iyong puso . . . Hindi ka makapagpapaalipin sa Diyos at sa Kayamanan.” (Mateo 6:19-24) Ang payong ito ba ay sinusunod ng mga magulang na ang kanilang mga anak ay inaakay unang-una sa materyal na mga tunguhin at makasanlibutang mga karera? Ang higit na pagpapahalaga ba sa makasanlibutang tagumpay ay sulit kung ang mga anak ay umaalis sa katotohanan at ang sinusunod ay mga istilo ng pamumuhay na di-maka-Kristiyano? Sulit ba naman na isakripisyo o, sa pinakamaliit, isapanganib ang kanilang espirituwal na buhay alang-alang sa “kayamanan sa lupa”? Ang mga magulang na gumagawa nito ay kalimitan ‘tinutuhog ang kanilang sarili ng maraming pasakit’ ng dahil sa pagkabahala nila para sa kanilang mga anak at sa pagsisisi dahilan sa espirituwal—at kung minsa’y sa pisikal—na pagkawala ng mga ito.
Ang pag-ibig sa kayamanan ay mistulang isang panginoon na mapaghanap. Ninanakaw nito ang panahon, lakas, at mga abilidad ng mga tao; at pinapawi nito ang maka-Diyos na debosyon. Kadalasa’y inaakit nito ang mga tao na maghangad ng lalong malaking kayamanan at katanyagan sa daigdig, anupa’t sila’y lalong inilalayo nito sa pananampalataya. May katuwirang magsabi ang Bibliya: “Siyang umiibig sa pilak ay hindi masisiyahan sa pilak, ni siya mang umiibig sa kayamanan ay masisiyahan sa pakinabang.”—Eclesiastes 5:10.
Kahit na pagkatapos na maging isang Kristiyano, ang pag-ibig sa tagumpay sa pananalapi ang nag-udyok sa isang negosyanteng Aprikano na iyon ang naging tunguhin niya sa buhay. Kaniyang napabayaan ang mga aktibidades Kristiyano at ang inatupag niya ay ang sosyal na mga pagbisita sa kaniyang makasanlibutang mga kasosyo sa negosyo. Siya’y hindi sumulong sa espirituwal, sa kabila ng pagsisikap ng mga matatanda sa kaniyang kongregasyon na tulungan siya. Kaya naman siya’y napalagay sa isang alanganing kalagayan sa espirituwal—sa isang kalagayan na mahirap masabing siya’y isang Kristiyano ngunit ang ibig niya’y kilalanin siya na gayon. Tayong lahat ay makapagpapahalaga na ang kaniyang situwasyong iyon ay hindi masasabing siya’y may malaking kasiyahan sa buhay o sa walang-hanggang kaligayahan.
Ang gayong mga tao ay nakaharap sa pagtatamo ng espirituwal na mga pasakit. Ang pakikisalamuha sa negosyo at sa lipunan sa mga taong nasa alanganing katayuan kung tungkol sa pagiging tapat o sa seksuwal na moralidad ay naglalagay sa isa sa di-mabuting mga impluwensiya. Ang mga Kristiyanong nakahantad sa ganiyang mga bagay ay kailangang makipagbaka laban sa mga impluwensiyang ito at kadalasa’y nakikipagpunyagi rin sila sa kanilang mga budhi. Ang ilan ay nagiging katulad na rin ng kanilang mga kasalamuha at lubusang naihihiwalay sa pananampalataya sa bandang huli. (1 Corinto 15:33) Ano ang mapapala sa tagumpay sa pananalapi kung iyon nama’y hahantong sa gayong kasalatan sa espirituwal at sa moral? Gaya ng sinabi ni Jesus: “Ano ang mapapakinabang ng isang tao kung makakamit niya ang buong sanlibutan ngunit maiwawala naman ang kaniyang kaluluwa?”—Mateo 16:26.
Isang Lalong Mainam na Tagumpay
Pinatutunayan ng karanasan na isang karunungan ang makinig sa payong ito ng Bibliya: “Huwag na kayong lumakad na kaayon ng sistemang ito ng mga bagay, kundi . . . patunayan ninyo sa inyong sarili ang mabuti at kalugud-lugod at sakdal na kalooban ng Diyos.” “Huwag ninyong ibigin ang sanlibutan ni ang mga bagay na nasa sanlibutan. Kung ang sinuman ay umiibig sa sanlibutan, wala sa kaniya ang pag-ibig ng Ama.” Oo, tayo ay pantas kung hindi natin tinutularan ang sanlibutan o minimithi ang mga bagay na iniaalok nito. Ang pangunahing dapat na maging mithiin natin ay ang makamit ang pagsang-ayon ng Diyos, na hindi matatamo sa pamamagitan ng paghanap sa mga bagay ng sanlibutan.—Roma 12:2; 1 Juan 2:15, 16.
Ito’y ipinaghalimbawa ni Jesus sa isang magbubukid na nagtitiwala sa kaniyang kayamanan ngunit sa kaniya’y sinabi ng Diyos: “Ikaw na walang katuwiran, sa gabing ito ay kanilang hihingin sa iyo ang iyong kaluluwa. Kanino, kung gayon, mapapapunta ang mga bagay na ikinamalig mo?” Bilang sumaryo ng kaniyang ilustrasyon, sinabi ni Jesus: “Ganiyan nga ang taong nag-iimbak ng kayamanan para sa kaniyang sarili ngunit hindi mayaman sa Diyos.” Ipinakikita ni Jesus na “kahit na ang isang tao ay may kayamanan ang kaniyang buhay ay hindi resulta ng mga bagay na pag-aari niya.”—Lucas 12:15-21.
Ginamit ni Jesus ang buhay na halimbawa ng isang mayamang binatang tagapamahala upang ipakita ang ganiyan ding bagay. Ang taong ito ay matagumpay ayon sa pangangahulugan ng sanlibutan, at marahil ibig niyang maging matuwid. Gayumpaman, hindi binanggit ni Jesus na siya’y isang halimbawa ng tagumpay. Bagkus, sinabi ni Jesus na mahirap para sa gayong tao na “pumasok sa kaharian ng Diyos.” Karamihan sa mga taong nasa gayong kalagayan ay hindi handa na isakripisyo ang kanilang mga kapakanang materyalistiko at hanapin ang Kaharian ng Diyos bilang pangunahing tunguhin sa kanilang buhay.—Lucas 18:18-30.
Sa patuloy na pagdiriin na kailangang unahin ang espirituwal na mga kapakanan, sinabi ni Jesus: “Huwag kayong mabalisa at magsabi, ‘Ano ang aming kakainin?’ o, ‘Ano ang aming iinumin?’ o ‘Ano ang aming daramtin?’ Sapagkat ang lahat ng ito ay siyang mga bagay na masikap na pinaghahanap ng mga bansa. Sapagkat talastas ng iyong Ama sa kalangitan na kailangan ninyo ang lahat ng mga bagay na ito. Patuloy, kung gayon, na hanapin muna ang kaharian at ang kaniyang katuwiran, at ang lahat ng iba pang mga bagay na ito ay idaragdag sa inyo.” Samakatuwid, kahit na kung tungkol sa kailangang mga bagay, kailangang unahin natin ang mga dapat na unahin. Upang tayo’y tunay na maging matagumpay—upang makamit ang kaligayahan at makasumpong ng tunay na kasiyahan—ang espirituwal ang kailangang mauna sa materyal.—Mateo 6:31-33.
Patuloy na Hanapin ang Espirituwal na Tagumpay
Samakatuwid maliwanag na ang matalinong hakbang ay ang hanapin ang tagumpay sa pamamagitan ng pagtataguyod sa Kaharian ng Diyos at sa kaniyang katuwiran. Kasangkot dito ang pag-aaral ng Bibliya upang “mapatunayan ninyo sa inyong sarili ang mabuti at kalugud-lugod at sakdal na kalooban ng Diyos.” Kasali sa kaniyang kalooban na unahin mo sa iyong buhay ang paglilingkod sa kaniya, ang pagkakaroon mo ng hustong bahagi sa ministeryong Kristiyano, ang hindi mo pagpapabaya sa mga pulong Kristiyano, at ang iyong pamumuhay ayon sa matuwid na pamantayan ng asal kasuwato ng katuwiran ng Diyos. Ang mga bagay na ito ay hindi dapat isaisang tabi, o madaig ng materyalistikong mga kapakanan. Ito ang ipinahihiwatig ng payo ni Jesus sa mayamang binatang tagapamahala: “Ipagbili mo ang lahat mong ari-arian at ipamahagi sa dukha, at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit; at pumarito ka sumunod ka sa akin.”—Roma 12:2; Lucas 18:22.
Sa paggawa mo nito, patitibayin mo ang iyong sariling espirituwalidad pati ng sa iyong pamilya. Imbis na magkaroon ng matayog na kaisipan o ilagak ang iyong pag-asa sa walang kasiguruhang kayamanan, ikaw ay mapapabilang sa mga taong “sagana sa mabubuting gawa, . . . may katatagang nagtitipon para sa kanilang sarili ng mainam na pundasyon para sa hinaharap, upang sila’y makakapit nang mahigpit sa tunay na buhay.” Oo, ang iyong tunguhin ay maaari na maging ang buhay na walang-hanggan sa isasauling makalupang Paraiso sapagkat “ang sanlibutan ay lumilipas at ang pita niyaon, datapuwat ang gumagawa ng kalooban ng Diyos ay nananatili magpakailanman.” Wala nang hihigit pa ritong tagumpay na maaari nang kamtin.—1 Timoteo 6:17-19; 1 Juan 2:17.
[Larawan sa pahina 5]
Salapi ba ang susi?
[Larawan sa pahina 7]
Hahayaan ba ng mga magulang na ang itaguyod ng kanilang mga anak ay tagumpay sa pamamagitan ng mataas na pinag-aralan?