IMORTALIDAD
Ang salitang Griego na a·tha·na·siʹa ay binubuo ng negatibong unlaping a na sinusundan ng isang anyo ng salita para sa “kamatayan” (thaʹna·tos). Kaya naman, ang saligang kahulugan nito ay “kawalang-kamatayan,” at tumutukoy ito sa kalidad ng tinatamasang buhay, ang kawalang-katapusan at pagiging di-nasisira niyaon. (1Co 15:53, 54, tlb sa Rbi8; 1Ti 6:16, tlb sa Rbi8) Ang salitang Griego na a·phthar·siʹa, na nangangahulugang “kawalang-kasiraan,” ay tumutukoy sa bagay na hindi maaaring mabulok o masira.—Ro 2:7; 1Co 15:42, 50, 53; Efe 6:24; 2Ti 1:10.
Ang mga pananalitang “imortal” o “imortalidad” ay hindi lumilitaw sa Hebreong Kasulatan, gayunma’y mababasa rito na ang Diyos na Jehova, bilang ang Bukal ng lahat ng buhay, ay hindi maaaring mamatay, samakatuwid ay imortal. (Aw 36:7, 9; 90:1, 2; Hab 1:12) Mariin ding ipinahayag ng Kristiyanong apostol na si Pablo ang bagay na ito nang tukuyin niya ang Diyos bilang “Haring walang hanggan, walang kasiraan.”—1Ti 1:17.
Gaya ng ipinakikita sa artikulong KALULUWA, nililiwanag din ng Hebreong Kasulatan na ang tao ay hindi likas na imortal. Maraming ulit nitong tinutukoy ang kaluluwang tao (sa Heb., neʹphesh) bilang namamatay, humahantong sa libingan, at napupuksa. (Gen 17:14; Jos 10:32; Job 33:22; Aw 22:29; 78:50; Eze 18:4, 20) Sabihin pa, sang-ayon dito ang Kristiyanong Griegong Kasulatan at tinutukoy rin nito ang pagkamatay ng kaluluwa (sa Gr., psy·kheʹ). (Mat 26:38; Mar 3:4; Gaw 3:23; San 5:20; Apo 8:9; 16:3) Samakatuwid, hindi kinokontra o binabago ng Kristiyanong Griegong Kasulatan ang kinasihang turo ng Hebreong Kasulatan na ang tao, ang kaluluwang tao, ay mortal at namamatay. Gayunman, isinisiwalat ng Kristiyanong Griegong Kasulatan ang layunin ng Diyos na pagkalooban ng imortalidad ang ilan sa kaniyang mga lingkod.
Bakit si Jesus “ang isa na tanging nagtataglay ng imortalidad”?
Sa Bibliya, ang unang indibiduwal na inilarawang ginantimpalaan ng kaloob na imortalidad ay si Jesu-Kristo. Hindi pa siya imortal bago siya binuhay-muli ng Diyos, at makikita ito sa kinasihang mga salita ng apostol sa Roma 6:9: “Si Kristo, ngayong ibinangon na siya mula sa mga patay, ay hindi na namamatay; ang kamatayan ay hindi na namamanginoon sa kaniya.” (Ihambing ang Apo 1:17, 18.) Dahil dito, nang ilarawan siya sa 1 Timoteo 6:15, 16 bilang “Hari niyaong mga namamahala bilang mga hari at Panginoon niyaong mga namamahala bilang mga panginoon,” ipinakikita nito na si Jesus ay naiiba sa lahat ng gayong mga hari at mga panginoon sapagkat siya “ang isa na tanging nagtataglay ng imortalidad.” Ang ibang mga hari at mga panginoon, palibhasa’y mga mortal, ay namamatay, gaya rin ng mga mataas na saserdote ng Israel. Gayunman, ang niluwalhating si Jesus, na inatasan ng Diyos bilang Mataas na Saserdote ayon sa pagkasaserdote ni Melquisedec, ay may “buhay na di-masisira.”—Heb 7:15-17, 23-25.
Dito, ang salitang “di-masisira” ay isinalin mula sa terminong Griego na a·ka·taʹly·tos, na sa literal ay nangangahulugang “di-mabubuwag.” (Heb 7:16, tlb sa Rbi8) Ang salitang ito ay isang tambalan ng negatibong unlaping a na idinurugtong sa ibang mga salitang nauugnay sa “pagguho,” gaya ng pananalita ni Jesus may kinalaman sa pagguho o pagbagsak ng mga bato ng templo sa Jerusalem (Mat 24:1, 2), at ng pagtukoy ni Pablo sa pagguho ng makalupang “tolda” ng mga Kristiyano, samakatuwid nga, ang pagkasira ng kanilang makalupang buhay na nasa mga katawang-tao. (2Co 5:1) Kaya naman, ang imortal na buhay na ipinagkaloob kay Jesus nang buhayin siyang muli ay hindi lamang walang-katapusan kundi malaya rin sa pagkabulok o pagkaagnas at hindi masisira.
Pagkakalooban ng Imortalidad ang mga Tagapagmana ng Kaharian. Para sa mga pinahirang Kristiyano na tinawag upang maghari kasama ni Kristo sa langit (1Pe 1:3, 4), ipinangako sa kanila na sila’y makikibahagi kay Kristo sa wangis ng kaniyang pagkabuhay-muli. (Ro 6:5) Kaya naman gaya ng kanilang Panginoon at Ulo, ang pinahirang mga miyembro ng kongregasyong Kristiyano na mamamatay nang tapat ay tatanggap ng pagkabuhay-muli tungo sa imortal na buhay bilang espiritu, upang ‘ito na mortal ay magbihis ng imortalidad.’ (1Co 15:50-54) Gaya ni Jesus, ang pagiging imortal nila ay hindi lamang mangangahulugan ng buhay na walang hanggan, o basta kalayaan mula sa kamatayan. Bilang mga kapuwa tagapagmana ni Kristo, pagkakalooban din sila ng “kapangyarihan ng isang buhay na di-masisira.” Makikita ito nang pag-ugnayin ni Pablo ang kawalang-kasiraan at ang matatamo nilang imortalidad. (1Co 15:42-49) Sa kanila “ay walang awtoridad ang ikalawang kamatayan.”—Apo 20:6; tingnan ang KAWALANG-KASIRAAN.
Lalo pang nagiging kamangha-mangha ang pagkakaloob na ito ng imortalidad sa mga tagapagmana ng Kaharian dahil kahit ang mga anghel ng Diyos ay ipinakikitang mortal, bagaman nagtataglay sila ng katawang espiritu at hindi laman. Ang pagiging mortal ng mga anghel ay makikita sa hatol na kamatayang ipinataw kay Satanas, ang espiritung anak na naging Kalaban ng Diyos, at sa iba pang mga anghel na sumunod sa satanikong landasing iyon at “hindi nag-ingat ng kanilang orihinal na kalagayan kundi nag-iwan ng kanilang sariling wastong tahanang dako.” (Jud 6; Mat 25:41; Apo 20:10, 14) Kaya ang pagkakaloob ng “buhay na di-masisira” (Heb 7:16) o “buhay na di-mabubuwag” sa mga Kristiyanong magtatamo ng pribilehiyong makasama ng Anak ng Diyos sa makalangit na Kaharian ay kamangha-manghang pagpapakita ng tiwala ng Diyos sa kanila.—Tingnan ang BUHAY; LANGIT (Ang daan tungo sa makalangit na buhay).