“Kayo’y Binili sa Halaga”
“Kayo’y binili sa halaga. Sa lahat ng paraan, luwalhatiin ninyo ang Diyos sa katawan ninyo na mga tao.”—1 CORINTO 6:20.
1, 2. (a) Ano ang nagbukas ng “mga daan ng paglaya buhat sa kamatayan”? (b) Ano ang kinailangang gawin upang ang hain ni Kristo ay maging legal at mabisa, gaya ng inilarawan ng ano?
“ANG tunay na Diyos sa ganang atin ay Diyos ng kaligtasan,” ang sabi ng salmista, “at si Jehova na Soberanong Panginoon ang may kapangyarihan sa mga daan ng paglaya buhat sa kamatayan.” (Awit 68:20) Ang hain na inihandog ni Jesu-Kristo ang nagbukas ng daan na iyan. Ngunit upang ang haing iyon ay maging legal at mabisa, si Kristo’y kinailangan na humarap nang personal sa Diyos mismo.
2 Ito’y inilarawan noong Araw ng Pagtubos na ang mataas na saserdote ay pumapasok sa Kabanal-banalan. (Levitico 16:12-15) “Gayunman,” isinulat ni apostol Pablo, “nang dumating si Kristo bilang mataas na saserdote . . . , siya’y pumasok, hindi, hindi taglay ang dugo ng mga kambing at ng mga guyang baka, kundi taglay ang kaniyang sariling dugo, siya’y pumasok nang minsanan at magpakailanman sa dakong banal at kinamtan ang walang-hanggang katubusan para sa atin. Sapagkat pumasok si Kristo, hindi sa dakong banal na ginawa ng mga kamay, na isang kopya lamang ng tunay, kundi sa mismong langit, ngayo’y upang humarap sa persona ng Diyos alang-alang sa atin.”—Hebreo 9:11, 12, 24.
Ang Bisa ng Dugo
3. (a) Ano ang pagkakilala sa dugo ng mga sumasamba kay Jehova, at bakit? (b) Ano ang nagpapakita na ang dugo ay may legal na bisang tumubos buhat sa mga kasalanan?
3 Ano ba ang papel na ginagampanan ng dugo ni Kristo sa ating kaligtasan? Magbuhat na noong kaarawan ni Noe, ang dugo ay kinikilala ng tunay na mga mananamba bilang sagrado. (Genesis 9:4-6) Ang dugo ay gumaganap ng isang mahalagang bahagi sa kaayusan ng buhay, sapagkat sinasabi ng Bibliya na “ang kaluluwa [o buhay] ng laman ay nasa dugo.” (Levitico 17:11) Kaya kahilingan ng Kautusang Mosaiko na pagka ang isang hayop ay inihain, ang dugo nito ay kailangang ibuhos sa harap ni Jehova. Kung minsan ang dugo ay inilalagay rin sa mga sungay ng dambana. Maliwanag, ang tumutubos na bisa ng isang hain ay nasa dugo nito. (Levitico 8:15; 9:9) “Halos lahat ng bagay ay nililinis ng dugo ayon sa Kautusan, at malibang may ibuhos na dugo ay walang mangyayaring kapatawaran.”—Hebreo 9:22.
4. (a) Ano ang layunin ng Diyos sa paghihigpit sa paggamit ng dugo? (b) Ano ang makahulugan tungkol sa paraan ng pagkamatay ni Jesus?
4 Kung gayon, hindi nga katakataka na sa ilalim ng Kautusan, ang maling paggamit sa dugo ay pinarurusahan ng kamatayan! (Levitico 17:10) Batid nating lahat na pagka ang isang bagay ay pambihira mong nakikita, o lubhang hinihigpitan ang gamit, tumataas ang halaga niyaon. Ang iniutos ni Jehova na limitadong paggamit sa dugo ay nagbigay ng kasiguruhan na ang dugo’y mamalasin, hindi bilang isang bagay na pangkaraniwan, kundi mahalaga, mamahalin. (Gawa 15:29; Hebreo 10:29) Ito’y naaayon sa dakilang layunin na kinauukulan ng dugo ni Kristo. Tama naman, siya’y namatay sa paraan na nagpapangyaring mabuhos ang kaniyang dugo. Sa gayon, malinaw na hindi lamang inihain ni Kristo ang kaniyang katawang-tao kundi ibinuhos niya ang kaniyang kaluluwa, inihain ang kaniya mismong buhay bilang isang sakdal na tao! (Isaias 53:12) Hindi iniwala ni Kristo ang legal na karapatan sa buhay na iyan dahilan sa di-kasakdalan, kaya’t ang kaniyang ibinuhos na dugo ay may napakalaking halaga at maaaring ihandog nga sa harap ng Diyos para sa pagtubos sa tao buhat sa mga kasalanan.
5. (a) Ano ang dala ni Jesus sa langit, at bakit? (b) Papaano maliwanag nga na tinanggap ng Diyos ang hain ni Kristo?
5 Hindi madadala ni Kristo sa langit ang kaniyang literal na dugo. (1 Corinto 15:50) Bagkus, ang dala niya’y ang isinasagisag ng dugong iyon: ang legal na halaga ng kaniyang inihaing sakdal na buhay-tao. Sa harap ng mismong persona ng Diyos, kaniyang pormal na maihahandog ang buhay na iyan bilang isang kapalit na pantubos para sa makasalanang sangkatauhan. Ang pagtanggap ni Jehova sa haing iyan ay maliwanag na nakita noong Pentecostes 33 C.E., nang ang 120 alagad sa Jerusalem ay mapuspos ng banal na espiritu. (Gawa 2:1-4) Si Kristo, wika nga, ang may-ari ngayon ng lahi ng tao dahil sa kaniyang pagkabili rito. (Galacia 3:13; 4:5; 2 Pedro 2:1) Kung gayon, ang mga pakinabang na bunga ng pantubos ay maaaring umagos sa sangkatauhan.
Ang mga Unang Makikinabang sa Pantubos
6. Anong mga kaayusan ang ginawa ng Diyos para sa pagkakapit ng mga kapakinabangan buhat sa pantubos ni Kristo?
6 Gayunman, ito’y hindi nangangahulugan na ang sangkatauhan ay pagkakalooban ng biglaang pisikal na kasakdalan, sapagkat maliban sa madaig ang makasalanang kalikasan ng tao, hindi mangyayari ang pisikal na kasakdalan. (Roma 7:18-24) Papaano at kailan madadaig ang pagkamakasalanan? Una muna’y isinaayos ng Diyos na 144,000 ang maging makalangit na ‘mga saserdote sa ating Diyos na maghahari sa lupa, kasama ni Kristo Jesus.’ (Apocalipsis 5:9, 10; 7:4; 14:1-3) Sa pamamagitan nila ang mga kapakinabangan na dulot ng pantubos ay unti-unting ikakapit sa sangkatauhan sa loob ng isang libong taon.—1 Corinto 15:24-26; Apocalipsis 21:3, 4.
7. (a) Ano ba ang bagong tipan, sino ang dalawang panig nito, at sa anong layunin nagsisilbi ito? (b) Bakit kailangan na may mamatay upang magkabisa ang bagong tipan, at ano ang papel na ginagampanan ng dugo ni Kristo?
7 Upang humantong diyan, ang 144,000 haring-saserdote ay “binili buhat sa sangkatauhan.” (Apocalipsis 14:4) Ito’y isinasagawa sa pamamagitan ng “isang bagong tipan.” Ang tipan na ito ay isang kasunduan sa pagitan ng Diyos na Jehova at ng espirituwal na Israel ng Diyos para ang mga miyembro nito ay maglingkod bilang mga hari at mga saserdote. (Jeremias 31:31-34; Galacia 6:16; Hebreo 8:6-13; 1 Pedro 2:9) Subalit, papaanong ang isang tipan sa pagitan ng Diyos at ng di-sakdal na tao ay posible? Ipinaliwanag ito ni Pablo: “Kung saan may tipan [sa pagitan ng Diyos at ng di-sakdal na tao], doo’y kinakailangan ang kamatayan ng taong gumawa niyaon. Sapagkat ang isang tipan ay may bisa kung mamamatay ang gumawa, sapagkat walang anumang bisa samantalang nabubuhay ang taong gumawa niyaon.”—Hebreo 9:16, 17.
8, 9. Papaanong ang pantubos ay may kaugnayan sa bagong tipan?
8 Samakatuwid, ang haing pantubos ay kailangan sa bagong tipan, na si Jesus ang Tagapamagitan. Sumulat si Pablo: “May isang Diyos at isang tagapamagitan sa Diyos at sa mga tao, isang tao, si Kristo Jesus, na ibinigay ang kaniyang sarili bilang katumbas na pantubos para sa lahat—ito ang patototohanan sa sariling pantanging kapanahunan.” (1 Timoteo 2:5, 6) Ang mga salitang iyan ay lalong-lalo nang kumakapit sa 144,000, na mga kasali sa bagong tipan.
9 Nang ang Diyos ay gumawa ng pakikipagtipan sa likas na Israel, iyon ay hindi legal na nagkabisa hangga’t hindi nabuhos ang dugo ng mga hayop na nagsilbing hain. (Hebreo 9:18-21) Sa katulad na paraan, upang ang bagong tipan ay magkabisa, kinailangan ni Kristo na magbuhos ng “dugo ng tipan.” (Mateo 26:28; Lucas 22:20) Samantalang si Kristo’y nagsisilbing kapuwa Mataas na Saserdote at “tagapamagitan ng isang bagong tipan,” ikinakapit ng Diyos ang halaga ng dugo ni Jesus sa mga isinasali sa bagong tipan, legal na inaaring-matuwid sila kahit mga tao pa. (Hebreo 9:15; Roma 3:24; 8:1, 2) Kung magkagayo’y maaari na ngayon silang isali ng Diyos sa bagong tipan upang maging makalangit na mga haring-saserdote! Bilang kanilang Tagapamagitan at Mataas na Saserdote, sila’y tinutulungan ni Jesus upang makapanatiling may malinis na katayuan sa harap ng Diyos.—Hebreo 2:16; 1 Juan 2:1, 2.
Pagtitipon sa mga Bagay sa Lupa
10, 11. (a) Papaanong ang pantubos ay hindi lamang ang pinahirang mga Kristiyano ang sakop? (b) Sino ang malaking pulutong, at ano ang kanilang katayuan sa harap ng Diyos?
10 Ang pinahirang mga Kristiyano ba lamang ang maaaring makaranas ng pagkatubos, ang kapatawaran ng kanilang mga kasalanan? Hindi, tinitipon ng Diyos sa kaniya ang lahat ng iba pang mga bagay sa pamamagitan ng pakikipagpayapaan na salig sa dugong nabuhos sa pahirapang tulos, gaya ng ipinakikita ng Colosas 1:14, 20. Kasali na rito ang mga bagay sa langit (ang 144,000) at gayundin ang mga bagay sa lupa. Itong huli ay yaong mga nakahanay para sa makalupang buhay, mga taong magtatamasa ng sakdal na buhay sa Paraiso sa lupa. Lalung-lalo na sapol noong 1935 may sama-samang pagsisikap na tipunin ang gayong mga tao. Sa Apocalipsis 7:9-17 ay tinutukoy sila bilang “isang malaking pulutong” na ang kanilang kaligtasan ay utang sa Diyos at sa Kordero. Sila’y kailangan pa ring makaligtas sa “malaking kapighatian” at ‘akayin sa mga bukal ng mga tubig ng buhay,’ sapagkat ipinakikita ng Apocalipsis 20:5 na ang gayong mga tao ay magiging lubusang buháy, may sakdal na buhay bilang tao, sa katapusan ng Sanlibong Taóng Paghahari ni Kristo. Ang mga makapapasa sa isang pangkatapusang pagsubok sa kanilang sakdal na kalagayan bilang tao ay aariing matuwid ukol sa buhay na walang-hanggan sa lupa.—Apocalipsis 20:7, 8.
11 Gayunman, sa isang patiunang paraan, nagawa na ng malaking pulutong na “labhan ang kanilang kasuotan at paputiin ito sa dugo ng Kordero.” (Apocalipsis 7:14) Si Kristo ay hindi nagsisilbing Tagapamagitan ng bagong tipan kung tungkol sa kanila, subalit sila’y nakikinabang sa tipan na ito sa pamamagitan ng gawa ng Kaharian ng Diyos. Gayunman, si Kristo ay nagsisilbi rin sa kanila bilang Mataas na Saserdote, na sa pamamagitan nila si Jehova ay maaaring magkapit at nagkakapit nga ng mga kapakinabangan na dulot ng pantubos hanggang sa sukdulan na ngayo’y inaaring-matuwid sila bilang mga kaibigan ng Diyos. (Ihambing ang Santiago 2:23.) Sa panahon ng Milenyo, sila ay unti-unting “palalayain mula sa pagkaalipin sa kabulukan [hanggang sa wakas sila] ay may maluwalhating kalayaan ng mga anak ng Diyos.”—Roma 8:21.
12. Salig sa ano nakitungo ang Diyos sa mga taong may pananampalataya bago ng panahong Kristiyano?
12 Tungkol sa kanilang katayuan sa harap ng Diyos, baka waring ang mga nasa malaking pulutong ay bahagya lamang ang ipinagkakaiba sa mga mananamba bago noong panahon ng mga Kristiyano. Gayunman, ang Diyos ay nakitungo rito sa huli na taglay ang pangmalas sa hinaharap ng inilaang pantubos. (Roma 3:25, 26) Kanilang nakamit ang kapatawaran ng kanilang mga kasalanan sa isa lamang pansamantalang paraan. (Awit 32:1, 2) Imbis na lubusang alisin sa kanila ang “kamalayan sa mga kasalanan,” ang nagawa ng mga haing hayop ay “pagpapaalaala ng mga kasalanan.”—Hebreo 10:1-3.
13. Ano ang ating bentaha sa mga lingkod ng Diyos bago ng panahong Kristiyano?
13 Naiiba naman kung tungkol sa mga tunay na Kristiyano sa ngayon. Sila’y sumasamba salig sa isang pantubos na nabayaran na! Sa pamamagitan ng kanilang Mataas na Saserdote, sila’y “nagsisilapit nang may kalayaan ng pagsasalita sa trono ng di-sana nararapat na awa.” (Hebreo 4:14-16) Ang pagiging naipagkasundo sa Diyos ay hindi isang inaasahan lamang na pangyayari kundi sa kasalukuyan ay isang katuparan na! (2 Corinto 5:20) Pagka sila’y nagkasala, sila’y maaaring tumanggap ng tunay na kapatawaran. (Efeso 1:7) Sila’y nagtatamasa ng isang tunay na malinis na budhi. (Hebreo 9:9; 10:22; 1 Pedro 3:21) Ang mga pagpapalang ito ay isang patiunang pagtikim ng maluwalhating kalayaan ng mga anak ng Diyos na tatamasahin ng mga lingkod ni Jehova sa hinaharap!
Ang Lalim ng Karunungan at Pag-ibig ng Diyos
14, 15. Papaanong ang pantubos ay nagtatampok sa di-malirip na karunungan ni Jehova, gayundin sa kaniyang pagkamatuwid at pag-ibig?
14 Anong kagila-gilalas na kaloob buhat kay Jehova ang pantubos! Ito’y madaling maunawaan, gayunman ay may sapat na lalim upang manggilalas ang pinakadakilang kaisipan. Ang ating pagrerepaso sa mga nagagawa ng pantubos ay halos ibabaw lamang ang nararating. Gayunman, katulad ni apostol Pablo ay ating maibubulalas: “Oh anong lalim ng mga kayamanan at karunungan at kaalaman ng Diyos! Di-malirip ang kaniyang mga hatol at hindi kayang sukatin ang kaniyang mga lakad!” (Roma 11:33) Ang karunungan ni Jehova ay makikita sa bagay na nagawa niya kapuwa na sagipin ang sangkatauhan at ipagbangong-puri ang kaniyang pagkasoberano. Sa pamamagitan ng pantubos, “ay nahayag ang pagkamatuwid ng Diyos . . . Inilagay ng Diyos [si Kristo] bilang isang handog na pantakip-kasalanan sa pamamagitan ng pananampalataya sa kaniyang dugo.”—Roma 3:21-26.
15 Hindi mapipintasan ang Diyos dahil sa pagpapatawad sa mga kasalanan na nagawa noong nakalipas ng mga mananamba bago sumapit ang panahong Kristiyano. Gayundin, walang maipipintas kay Jehova dahilan sa kaniyang inaaring-matuwid ang mga pinahiran bilang kaniyang mga anak o ang malaking pulutong bilang kaniyang mga kaibigan. (Roma 8:33) Bagaman nangailangan siya ng malaking pagsasakripisyo, ang Diyos ay sakdal ng pagsunod sa batas, o matuwid, sa kaniyang mga pakikitungo, lubusang pinasisinungalingan niya ang walang-katotohanang pamamarali ni Satanas na si Jehova ay isang pinunong walang katarungan! Ang walang-imbot na pag-ibig ng Diyos sa kaniyang mga nilalang ay naipakita rin nang hindi mapag-aalinlanganan.—Roma 5:8-11.
16. (a) Papaano naglaan ang pantubos para sa paglutas sa isyu ng katapatan ng mga lingkod ng Diyos? (b) Papaanong ang pantubos ay nagbibigay sa atin ng isang saligan para sa pananampalataya sa isang dumarating na bagong sanlibutan ng katuwiran?
16 Ang paraan ng paglalaan ng pantubos ay lumutas din sa mga isyu tungkol sa katapatan ng mga lingkod ng Diyos. Kahit na lamang ang pagsunod ni Jesus ay nagpangyari niyan. (Kawikaan 27:11; Roma 5:18, 19) Subalit karagdagan pa riyan ang kalakaran ng buhay ng 144,000 Kristiyano na, sa kabila ng pananalansang ni Satanas, ay nanatiling tapat hanggang kamatayan! (Apocalipsis 2:10) Dahilan sa pantubos ay posible para sa mga ito na tumanggap bilang kanilang gantimpala ng pagkawalang-kamatayan—buhay na hindi maaaring puksain! (1 Corinto 15:53; Hebreo 7:16) Kaya ginagawa nitong katawa-tawa ang pag-aangkin ni Satanas na ang mga lingkod ng Diyos ay hindi mapagkakatiwalaan! Ang pantubos ay nagbigay rin sa atin ng isang matatag na batayan para sa pananampalataya sa mga pangako ng Diyos. Naaari nating makita ang isang balangkas ng kaligtasan na “itinatag sa legal na paraan” sa pamamagitan ng haing pantubos. (Hebreo 8:6) Isang bagong sanlibutan ng katuwiran kung gayon ang tiyak!—Hebreo 6:16-19.
Huwag Walaing-Kabuluhan ang Layunin Nito
17. (a) Papaano ipinakikita ng iba na kanilang niwawalang-kabuluhan ang layunin ng pantubos? (b) Ano ang mag-uudyok sa atin na manatili sa kalinisang-asal?
17 Upang makinabang sa pantubos, kailangan na ang isa’y kumuha ng kaalaman, sumampalataya, at mamuhay ayon sa mga pamantayan ng Bibliya. (Juan 3:16; 17:3) Subalit, kakaunti lamang ang handang gumawa ng ganiyan. (Mateo 7:13, 14) Kahit na sa mga tunay na Kristiyano, marahil “tatanggapin [ng iba] ang di-sana nararapat na awa ng Diyos upang walaing-kabuluhan lamang.” (2 Corinto 6:1) Halimbawa, sa nakalipas na mga taon libu-libo ang natiwalag dahil sa seksuwal na imoralidad. Lubhang kahiya-hiya iyan kung iisipin na lamang ang nagawa ni Jehova at ni Kristo para sa atin! Hindi baga ang pagpapahalaga sa pantubos ay dapat humila sa isang tao na iwasan ang pagiging “nakalilimot sa kaniyang pagkalinis buhat sa kaniyang mga kasalanan noong lumipas na panahon”? (2 Pedro 1:9) Angkop, kung gayon, na ipinaalaala ni Pablo sa mga Kristiyano: “Kayo’y binili sa halaga. Sa lahat ng paraan, luwalhatiin ninyo ang Diyos sa katawan ninyo na mga tao.” (1 Corinto 6:20) Kung tinatandaan natin ito ay malakas ang puwersang nag-uudyok sa atin na manatili sa kalinisang-asal!—1 Pedro 1:14-19.
18. Papaano maaari pa ring makinabang sa pantubos ang isang Kristiyano na nahulog sa malubhang pagkakasala?
18 Ano kung ang isang tao ay nahulog na sa malubhang pagkakasala? Dapat na samantalahin niya ang kapatawaran na pinapangyayari ng pantubos, na tumatanggap ng tulong sa maibiging mga tagapangasiwa. (Santiago 5:14, 15) Kahit na kung mahigpit na disiplina ang kinakailangan, ang isang nagsising Kristiyano ay hindi dapat manghina dahil sa gayong pagtutuwid. (Hebreo 12:5) Taglay natin ang ganitong kahanga-hangang katiyakan buhat sa Bibliya: “Kung ipagtatapat natin ang ating mga kasalanan, tapat at matuwid siya upang patawarin tayo sa ating mga kasalanan at linisin tayo sa lahat ng kalikuan.”—1 Juan 1:9.
19. Ano ang maaaring maging pangmalas ng isang Kristiyano sa kaniyang naging pagkakamali bago siya nakaalam ng katotohanan?
19 Kung minsan ang mga Kristiyano ay labis na nasisiraan ng loob dahilan sa nakalipas na pagkakamali nila. “Bago ako napasa-katotohanan,” ang isinulat ng isang kapatid na lalaking nasiraan ng loob, “kaming mag-asawa ay nagkasakit ng genital herpes. Kung minsan ay aming nadaramang kami’y marumi, na para bang hindi kami ‘bagay’ sa malinis na organisasyon ni Jehova.” Ipagpalagay natin, kahit na pagkatapos maging mga Kristiyano, ang iba ay maaaring dumanas din ng bahagyang pagdurusa buhat sa nakalipas na pagkakamali. (Galacia 6:7) Gayunman, walang dahilan na madama ng isa na siya’y marumi sa paningin ni Jehova kung siya’y nakapagsisi na. “Ang dugo ng Kristo” ay may kakayahan na “linisin ang ating mga budhi sa patay na mga gawa.”—Hebreo 9:14.
20. Papaanong ang pananampalataya sa pantubos ay makatutulong upang magaangan ang isang Kristiyano buhat sa di-kinakailangang mga pabigat ng pagkadama ng kasalanan?
20 Oo, ang pananampalataya sa pantubos ay nakatutulong upang magaangan tayo buhat sa di-kinakailangang mga pabigat ng pagkadama ng kasalanan. Inamin ng isang kabataang sister: “Ako’y nakikipagpunyagi sa maruming nakasanayan na masturbasyon sa loob ng mahigit na 11 taon na ngayon. Halos lilisanin ko na nga noon ang kongregasyon, sa pagkadama ko na hindi kailanman ibig ni Jehova ng isang tao na totoong nakasusuklam upang magparumi sa kaniyang kongregasyon.” Gayunman, tandaan natin na si Jehova ay “mabuti at handang magpatawad” habang tayo’y puspusang nakikipagbaka sa kalikuan, hindi napadadala roon!—Awit 86:5.
21. Papaano dapat maapektuhan ng pantubos ang ating pangmalas sa mga nagkakasala sa atin?
21 Ang pantubos ay dapat ding may kaugnayan sa kung papaano tayo nakikitungo sa iba. Halimbawa, papaano ka naaapektuhan pagka sumamâ ang loob mo sa isang kapuwa Kristiyano? Madali mo ba siyang pinatatawad gaya ng pagpapatawad ni Kristo? (Lucas 17:3, 4) Ikaw ba ay “malumanay sa kaawaan, saganang nagpapatawad [sa iba] gaya ng saganang pagpapatawad sa iyo ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo”? (Efeso 4:32) O ikaw ba ay nagkikimkim ng sama ng loob o pinayayabong mo ang pagkapoot? Ang ganiyan ay tunay na pagwawalang-kabuluhan sa layunin ng pantubos.—Mateo 6:15.
22, 23. (a) Ano ang dapat maging epekto ng pantubos sa ating mga tunguhin at istilo ng pamumuhay? (b) Ano ang dapat maging kapasiyahan ng lahat ng Kristiyano tungkol sa pantubos?
22 Sa wakas, ang pagpapahalaga sa pantubos ay dapat na may matinding epekto sa ating mga tunguhin at istilo ng pamumuhay. Sinabi ni Pablo: “Kayo’y binili sa halaga; huwag kayong maging alipin ng mga tao.” (1 Corinto 7:23) Ang mga pangunahing pangangailangan ba—tahanan, trabaho, pagkain, pananamit—ang hanggang ngayon ay sentro pa rin ng iyong buhay? O ang paghanap sa Kaharian ang inuuna mo, na sumasampalataya sa pangako ng Diyos na siya ang maglalaan para sa iyo? (Mateo 6:25-33) Ikaw kaya ay mistulang alipin sa iyong among pinagtatrabahuhan ngunit hindi nagbibigay ng sapat na panahon para sa teokratikong mga aktibidades? Tandaan, “ibinigay [ni Kristo] ang kaniyang sarili alang-alang sa atin upang kaniyang . . . malinis para sa kaniyang sarili ang isang bayan na tanging kaniya, masikap sa mabubuting gawa.”—Tito 2:14; 2 Corinto 5:15.
23 “Salamat sa Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Kristo” ukol sa pinakamagaling na regalong ito—ang pantubos! (Roma 7:25) Harinawang huwag nating walaing-kabuluhan ang layunin ng pantubos kundi hayaang ito ang maging isang tunay na lakas sa ating buhay. Sa pag-iisip, sa salita, at sa gawa, harinawang laging luwalhatiin natin ang Diyos, na buong-pasasalamat na tinatandaang tayo’y binili sa halaga.
Mga Tanong sa Repaso
◻ Bakit ang dugo ay itinuturing na sagrado, at papaano inihandog sa harap ni Jehova sa langit ang dugo ni Kristo?
◻ Anong bahagi ang ginampanan ng dugo ni Kristo sa pagpapatibay sa bagong tipan?
◻ Papaano nakikinabang sa pantubos ang pinahiran at ang malaking pulutong?
◻ Papaano natin maipakikita na hindi natin niwawalang kabuluhan ang layunin ng pantubos?
[Larawan sa pahina 16]
Ang bisa na tumubos ng isang hain ay nasa dugo ng buhay
[Larawan sa pahina 17]
Ang isang taong nagpapahalaga sa pagpapatawad ng Diyos ay handa ring magpatawad sa iba