Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
◻ Si Jesus ba ay Tagapamagitan lamang para sa pinahiran-ng-espiritung mga Kristiyano o para sa lahat ng tao, yamang sa 1 Timoteo 2:5, 6 ay tinutukoy siya bilang ang “tagapamagitan” na “nagbigay ng kaniyang sarili na isang kaukulang pantubos para sa lahat”?
Taglay ng Bibliya ang kapuwa saligang mga turo at malalalim na katotohanan, na matigas na pagkain para pag-aralan. Ang isa sa gayong pag-aaral ay tungkol kay Jesu-Kristo bilang Tagapamagitan. Si apostol Pablo ay sumulat: “May isang Diyos, at isang tagapamagitan sa Diyos at sa mga tao, isang tao, si Kristo Jesus, na nagbigay ng kaniyang sarili na isang kaukulang pantubos para sa lahat—ito ang sasaksihan sa sariling tanging mga kapanahunan.”—1 Timoteo 2:5, 6.
Upang masakyan ang sinasabi ni Pablo, una muna’y kailangang maunawaan natin na ang Bibliya’y tumutukoy ng dalawang katutunguhan para sa tapat na mga tao: (1) sakdal na buhay sa isang isinauling makalupang paraiso at (2) buhay sa langit para sa “munting kawan” ni Kristo, na may bilang na 144,000. (Lucas 12:32; Apocalipsis 5:10; 14:1-3) Ang turo ng Sangkakristiyanuhan ay na lahat ng mabubuting tao’y pumupunta sa langit, kung kaya’t dahil dito ay nailigaw ang paniwala ng karamihan, kaya si Jesus ay itinuturing na isang tagapamagitan para sa lahat ng gayong mga tao. Subalit, ano nga ba ang ipinakikita ng Bibliya?
Ang salitang Griego na me·siʹtes, na ginagamit para sa “tagapamagitan,” ay nangangahulugang ‘isa na ang kaniyang sarili’y nasumpungang nasa pagitan ng dalawang pangkat o partido.’ Yaon ay isang ‘maraming-panig na terminong teknikal sa Hellenistikong legal na wika.’ Si Propesor Albrecht Oepke (Theological Dictionary of the New Testament) ay nagsasabi na ang me·siʹtes ay “isa sa pinakasarisaring terminong teknikal sa bokabularyo ng Hellen[istikong] batas.”
Subalit bakit gumagamit ang Bibliya ng isang terminong legal para sa tungkulin ni Jesus na pagkatagapamagitan? Batay sa nakaraan, isaalang-alang ang isinulat ni Pablo tungkol sa Kautusan ng Diyos na ibinigay sa Israel na nagtipon doon sa harap ng Bundok Sinai: “Ito’y tinanggap sa pamamagitan ng mga anghel buhat sa kamay ng isang tagapamagitan.” (Galacia 3:19, 20) Ang tagapamagitang iyon ay si Moises. Siya ang tagapamagitan kay Jehova at sa likas na bansa ng Israel. Isang tagapamagitan para sa ano? Sa pagkatatag ng isang tipan, o legal na kontrata, sa pagitan ng Diyos at ng bansa.a
Ang ibig bang sabihin nito ay na may isang espesipikong diwang legal na nasasangkot sa pagiging Tagapamagitan ni Jesus? Oo. Pansinin ang sinabi ni Pablo sa Hebreo 8:6. Pagkatapos banggitin ang tungkol sa tabernakulo at iba pang mga tipo na may inilalarawan sa ilalim ng tipang Kautusan, siya’y sumulat: “Natamo ni Jesus ang lalong magaling na paglilingkod sa madla, kaya siya rin naman ang tagapamagitan ng isang katumbas na lalong mabuting tipan na pinagtibay ayon sa kautusan salig sa lalong mabubuting pangako.” Ang “lalong mabuting tipan” ay ang bagong tipan, na humalili sa tipang si Moises ang tagapamagitan. (Hebreo 8:7-13) Ang bagong tipan ay “pinagtibay ayon sa kautusan.” Iyon ang nagsilbing saligan para ang ilan sa mga tagasunod ni Kristo, pasimula sa mga apostol, ay “makapasok sa dakong banal,” ang langit mismo.—Hebreo 9:24; 10:16-19.
May iba pang mga patotoo tungkol sa pagkalegal ng bahaging ginagampanan ni Jesus bilang Tagapamagitan ng “bagong tipan.” Tungkol sa pangako ng Diyos sa Awit 110:4, si Pablo ay sumulat: “Anupa’t si Jesus ang isang ibinigay bilang garantiya [enʹgy·os] ng isang lalong mainam na tipan.” (Hebreo 7:22) Ito ang tanging pagkagamit sa Bibliya ng salitang enʹgy·os. Ang The New International Dictionary of New Testament Theology ay nagsasabi: “Ang engyos ang garantiya na ang isang legal na obligasyon ay isasakatuparan.” Kaya’t si Jesus bilang Tagapamagitan ng bagong tipan ay nagsisilbing isang legal na garantiya na matutupad ang “isang lalong mainam na pangako.”—Hebreo 7:19.
Sa ibang lugar si Pablo ay gumagamit ng isa pang salitang may diwang legal, ar·ra·bonʹ, na isinaling “patotoo.” Ang diksiyunaryo ring iyan ay nagsasabi: “Ang Gr. salitang arrabōn . . . ay isang legal na ideya buhat sa wika ng negosyo at pangangalakal.” Pansinin kung papaano ginagamit ni Pablo ang legal na terminong ito: “Ang nagpahid sa atin ay ang Diyos. Siya rin ang nagtatak sa atin at binigyan tayo ng patotoo ng darating, samakatuwid baga, ang espiritu, sa ating mga puso.” (2 Corinto 1:21, 22) Kapuwa ang iba pang mga pagkagamit sa ar·ra·bonʹ ay tungkol din sa pagpapahid ng Diyos ng espiritu sa mga Kristiyano, na binibigyan sila ng isang ‘walang-hanggang gantimpala o mana sa langit’ bilang mga espiritung anak ng Diyos.—2 Corinto 5:1, 5; Efeso 1:13, 14; tingnan ang Kingdom Interlinear Translation of the Greek Scriptures.
Kung gayon, maliwanag na ang bagong tipan ay hindi isang maluwag na kaayusan na bukás sa lahat ng mga tao. Ito ay isang maingat na isinaayos na legal na kaayusan sa pagitan ng Diyos at ng pinahirang mga Kristiyano.
Ito’y dapat tumulong sa atin na maunawaan ang 1 Timoteo 2:5, 6. Dito ang pagtukoy sa “tagapamagitan” ay ginawa pagkatapos ng lima pang mga pagkagamit ng mga salita sa mga liham na isinulat nang mas maaga. Kung gayon, malamang na naunawaan ni Timoteo ang pagiging tagapamagitan ni Jesus bilang ang Kaniyang legal na ginagampanang bahagi may kaugnayan sa bagong tipan. Kinikilala ng The Pastoral Epistles, ni Dibelius at Conzelmann, na sa 1 Timoteo 2:5 ‘ang terminong “tagapamagitan” ay may legal na kahulugan,’ at “bagaman sa talatang ito, na naiiba sa Heb 8:6, ang [tipan] ay hindi binabanggit, gayunman ay dapat ipagpalagay na ang kahulugan ay ‘tagapamagitan ng tipan,’ gaya ng ipinakikita ng konteksto.” Pinapansin ni Propesor Oepke na sa 1 Timoteo 2:5 ay inihaharap si Jesus bilang “ang abogado at negosyador.”
Isang modernong-panahong ilustrasyon ang makatutulong upang liwanagin ito, lalo na kung ikaw ay hindi isang pinahiran-ng-espiritung Kristiyano. Pag-isipan ang isang legal na kaso na doo’y may isang abogadong kasangkot. Ang kaniyang ginagampanang bahagi ay marahil hindi gaanong ang bahagi ng isang abogadong nagtatanggol ng katarungan kundi ng isa na namamagitan o nagsasaayos ng isang legal na kontrata na tatanggapin at pakikinabangan ng dalawang panig. Mangyari pa, hindi ka kasangkot sa legal na kasong iyon, kaya’t sa ganiyang diwa siya ay hindi nagsisilbing iyong abogado. Gayunman baka siya ay isang matalik na kaibigan mo na sa mga ibang paraan ay nagbibigay sa iyo ng mahalagang tulong.
Kung minsan ang trabaho ng isang abogado ay nagbubunga ng mga resulta na napapakinabangan ng maraming mga iba pa. Ganiyan din kung tungkol sa legal na mga ibinunga ng nagawa ni Jesu-Kristo bilang Tagapamagitan ng bagong tipan. Ito’y nagbubunga ng hindi ibinunga ng tipang Kautusan, isang makalangit na “kaharian ng mga saserdote.” (Exodo 19:6; 1 Pedro 2:9) Pagkatapos ang pinahirang mga Kristiyano sa Kaharian ay gagawang kasama ni Jesus buhat sa langit upang magdulot ng pagpapala sa “lahat ng bansa sa lupa.”—Genesis 22:18.
Ang mga tao ng lahat ng bansa na may pag-asang magtamo ng buhay na walang-hanggan sa lupa ay nakikinabang kahit na ngayon buhat sa paglilingkod ni Jesus. Bagaman siya’y hindi kanilang legal na Tagapamagitan, sapagkat sila’y wala sa bagong tipan, siya ang tagapamagitan nila sa paglapit kay Jehova. Sinabi ni Jesus: “Ako ang daan at ang katotohanan at ang buhay. Walang sinumang makalalapit sa Ama maliban sa pamamagitan ko.” (Juan 14:6) Lahat ng mga magtatamo ng buhay sa lupa ay kailangang kay Jehova manalangin sa pamamagitan ni Jesus. (Juan 14:13, 23, 24) Si Jesus na nagsisilbi ring isang mahabaging Mataas na Saserdote na alang-alang sa kanila’y nagagawa niyang magkabisa ang kaniyang hain, anupa’t ito’y nagpapangyaring sila’y magkamit ng kapatawaran at sa wakas ay kaligtasan.—Gawa 4:12; Hebreo 4:15.
Samakatuwid, sa 1 Timoteo 2:5, 6 ang “tagapamagitan” ay hindi ginagamit sa malawakang diwa na karaniwan sa maraming wika. Hindi sinasabi na si Jesus ay isang tagapamagitan sa Diyos at sa lahat ng tao. Bagkus, ito’y tumutukoy kay Kristo bilang legal na “tagapamagitan (o, “abogado”) ng bagong tipan, yamang ito ang limitadong paraan ng paggamit ng Bibliya sa terminong iyan. Si Jesus ay isa ring kaukulang pantubos para sa lahat ng mga nasa tipang iyan, kapuwa Judio at Gentil, na mga magtatamo ng walang kamatayang buhay sa langit. Ito’y tinutukoy ni apostol Juan sa 1 Juan 2:2. Subalit kaniyang ipinakita na ang mga iba ay makikinabang din sa hain ni Kristo: “Siya’y pampalubag-loob na hain para sa ating mga kasalanan, ngunit hindi lamang para sa atin kundi para rin sa buong sanlibutan.”
Yaong “buong sanlibutan” ay tumutukoy sa lahat ng mangagtatamo ng buhay na walang-hanggan sa isang isinauling makalupang paraiso. Angaw-angaw ng gayong sinang-ayunang mga lingkod ng Diyos ngayon ay may makalupang pag-asa. Kanilang itinuturing na si Jesus ang kanilang Mataas na Saserdote at Hari na sa pamamagitan niya sa araw-araw ay makalalapit sila kay Jehova. Sila’y umaasa sa pantubos na inihandog ni Jesus at maaari nilang pakinabangan, tulad sa kung papaano makikinabang doon ang mga taong gaya nina Abraham, David, at Juan Bautista pagka sila’y binuhay-muli. (Mateo 20:28) Sa gayon, ang hain ni Kristo ay magbubunga ng buhay na walang-hanggan para sa lahat ng masunuring tao.
[Talababa]
a Tinatalakay ang tungkol sa mga tipan sa Ang Bantayan ng Pebrero 1, 1989, pahina 10-20.
[Larawan sa pahina 31]
Dito sa Bundok Sinai, si Moises ay nagsilbing tagapamagitan ng tipang Kautusan
[Credit Line]
Pictorial Archive (Near Eastern History) Est.