Dapat Mo Bang Ipilit ang Iyong Kagustuhan?
HABANG naglalaro ang dalawang bata, inagaw ng isa sa mga bata ang kaniyang paboritong laruan sa kalaro niya at sumigaw, “Akin ’yan!” Bata pa lamang ay makikita na sa mga di-sakdal na tao ang pagiging makasarili. (Gen. 8:21; Roma 3:23) Bukod diyan, itinataguyod ng sanlibutan ang saloobing “maka-ako.” Kung ayaw nating magkaroon ng ganitong saloobin, dapat nating labanan ang ating makasariling mga hilig. Kung hindi natin iyan gagawin, madali nating matitisod ang iba at magiging mabuway ang ating kaugnayan kay Jehova.—Roma 7:21-23.
Hinihimok tayo ni apostol Pablo na isaalang-alang ang magiging epekto sa iba ng ating pagkilos, kaya isinulat niya: “Ang lahat ng bagay ay matuwid; ngunit hindi lahat ng bagay ay kapaki-pakinabang. Ang lahat ng bagay ay matuwid; ngunit hindi lahat ng bagay ay nakapagpapatibay.” Sinabi pa ni Pablo: “Iwasan ninyo ang maging mga sanhi ng ikatitisod.” (1 Cor. 10:23, 32) Kaya pagdating sa personal na mga kagustuhan, isang katalinuhan na tanungin ang ating sarili: ‘Handa ba akong magparaya at isaisantabi ang aking mga karapatan kung naisasapanganib nito ang kapayapaan sa kongregasyon? Handa ko bang sundin ang mga simulain sa Bibliya kahit na mahirap itong gawin?’
Sa Pagpili ng Trabaho o Hanapbuhay
Para sa karamihan ng mga tao, ang pagpili ng trabaho o hanapbuhay ay personal na pagpapasiya at hindi naman nakaaapekto sa iba. Pero isaalang-alang ang karanasan ng isang negosyante mula sa isang maliit na bayan sa Timog Amerika. Kilala siyang sugarol at lasenggo. Gayunman, bilang resulta ng kaniyang pakikipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova, sinimulan niyang ikapit ang kaniyang natututuhan at baguhin ang kaniyang buhay. (2 Cor. 7:1) Nang sabihin niyang gusto na niyang mangaral kasama ng kongregasyon, mataktika siyang pinayuhan ng isang elder na pag-isipan ang uri ng kaniyang hanapbuhay. Matagal-tagal na ring siya ang pangunahing nagbebenta sa kanilang bayan ng purong basi—isang produkto na maraming gamit pero karaniwan nang inihahalo sa soft drink sa lugar na iyon para gawing inuming nakalalasing.
Natanto ng lalaki na kung mangangaral siya subalit patuloy na magbebenta ng produktong iyon, magdudulot ito ng masamang reputasyon sa kongregasyon at maaaring makasira sa kaniyang kaugnayan sa Diyos. Bagaman mayroon siyang malaking pamilya na kailangang suportahan, inihinto niya ang pagtitinda ng basi. Sinusuportahan niya ngayon ang kaniyang pamilya sa pamamagitan ng pagbebenta ng mga produktong gawa sa papel. Bautisado na ngayon ang lalaking ito, ang kaniyang asawa, at dalawa sa kanilang limang anak. Masigasig silang nangangaral ng mabuting balita nang may kalayaan sa pagsasalita.
Sa Pagpili ng mga Kasama
Kapag nakikisama tayo sa mga di-kapananampalataya, nagpapasiya ba tayo salig sa ating kagustuhan o sa mga simulain sa Bibliya? Isang sister ang gustong pumunta sa isang party kasama ng isang kabataang lalaki na hindi tunay na Kristiyano. Bagaman binabalaan siya hinggil sa mga panganib, sinabi niyang karapatan niyang gawin ang gusto niya kaya tumuloy pa rin siya sa party. Hindi pa natatagalan pagkarating niya roon, binigyan siya ng inuming may pampatulog. Nagising siya pagkalipas ng ilang oras at natuklasan niyang pinagsamantalahan pala siya ng inaakala niyang kaibigan.—Ihambing ang Genesis 34:2.
Bagaman hindi laging humahantong sa ganiyang trahedya ang pakikisama sa mga hindi kapananampalataya, nagbabala ang Bibliya: “Siyang lumalakad na kasama ng marurunong ay magiging marunong, ngunit siyang nakikipag-ugnayan sa mga hangal ay mapapariwara.” (Kaw. 13:20) Talaga ngang ang pagpili ng masasamang kasama ay maghahantad sa atin sa panganib! “Matalino ang nakakakita ng kapahamakan at nagkukubli, ngunit ang mga walang-karanasan ay dumaraan at daranas ng kaparusahan,” ang sabi ng Kawikaan 22:3. Ang ating mga kasama ay nakaiimpluwensiya sa atin at nakaaapekto sa ating kaugnayan sa Diyos.—1 Cor. 15:33; Sant. 4:4.
Sa Pananamit at Pag-aayos
Pabagu-bago ang moda at istilo ng pananamit. Gayunman, hindi nagbabago ang mga simulain ng Bibliya sa pananamit at pag-aayos. Hinimok ni Pablo ang mga Kristiyanong babae na “gayakan [nila] ang kanilang sarili ng maayos na pananamit, na may kahinhinan at katinuan ng pag-iisip”—isang simulain na kapit din sa mga lalaki. (1 Tim. 2:9) Hindi sinasabi ni Pablo na hindi maaaring magsuot ng magandang damit ang mga Kristiyano o na dapat na iisa lamang ang istilo ng kanilang pananamit at pag-aayos. Kaya ano ang ibig sabihin ng pagiging mahinhin? Ayon sa isang diksyunaryo, ang pagiging mahinhin ay tumutukoy sa “kalayaan sa pagmamahal sa sarili at kayabangan . . . pagsasaalang-alang sa kagandahang-asal at wastong pananamit, pagsasalita, at pagkilos.”
Dapat nating tanungin ang ating sarili: ‘Masasabi ko ba na talagang mahinhin ako kung ipinipilit ko ang aking karapatang manamit sa paraang gusto ko kahit na umaagaw ito ng atensiyon ng iba? Nagbibigay ba ng maling impresyon sa aking pagkatao o sa aking pamantayang moral ang paraan ng aking pananamit?’ Maiiwasan natin na magdulot ng maling impresyon sa iba kung “hindi [tayo] nagbibigay ng anumang dahilan na ikatitisod” samantalang “itinutuon ang mata, hindi lamang sa personal na kapakanan ng [ating] sariling mga bagay-bagay, kundi sa personal na kapakanan din ng iba.”—2 Cor. 6:3; Fil. 2:4.
Sa Usapin Hinggil sa Pera
Nang may bumangong usapin hinggil sa pandaraya sa loob ng kongregasyon sa Corinto, isinulat ni Pablo: “Bakit hindi na lamang ninyo hayaang gawan kayo ng mali? Bakit hindi na lamang ninyo hayaang dayain kayo?” Pinayuhan ni Pablo ang mga Kristiyano na maging handang magparaya sa halip na ihabla ang kanilang kapatid. (1 Cor. 6:1-7) Ikinapit ng isang brother sa Estados Unidos ang payong ito. Hindi sila magkasundo ng kaniyang amo na isa ring Kristiyano. Ang kanilang problema ay tungkol sa kaniyang suweldo. Bilang pagsunod sa mga tagubilin sa Kasulatan, ilang beses na nag-usap ang mga kapatid na ito, pero hindi nalutas ang problema. Nang dakong huli, dinala nila ang problema “sa kongregasyon,” na kinakatawanan ng mga Kristiyanong matatanda.—Mat. 18:15-17.
Nakalulungkot, hindi pa rin naayos ang usapin. Pagkatapos manalanging mabuti, ipinasiya ng empleado na magpalugi na lamang. Bakit? Sinabi niya nang maglaon, “Dahil sa di-pagkakasundong iyon, nawala ang aking kagalakan at marami akong nasayang na panahon na nagamit ko sana sa mga gawaing Kristiyano.” Pagkatapos niyang magparaya, nadama ng brother na nagiging masaya na siya ulit at pinagpapala ni Jehova ang kaniyang paglilingkod.
Maging sa Maliliit na Bagay
Pinagpapala rin tayo kapag hindi natin ipinipilit ang ating personal na kagustuhan maging sa maliliit na bagay. Sa unang araw ng isang pandistritong kombensiyon, maagang dumating ang isang mag-asawang payunir at naupo sa puwestong gusto nila. Nang magsimula na ang programa, isang malaking pamilya na may kasamang ilang bata ang nagmamadaling pumasok sa halos puno nang bulwagan. Napansin ng mag-asawang payunir na naghahanap ng sapat na mauupuan ang pamilya. Dahil dito, tumayo ang mag-asawa at ibinigay ang kanilang upuan, kaya naman nagkaroon ng mauupuan ang lahat ng miyembro ng pamilya. Ilang araw pagkatapos ng kombensiyon, nakatanggap ang mag-asawang payunir ng isang liham ng pasasalamat mula sa pamilyang iyon. Isinasaad sa liham na lungkot na lungkot sila dahil nagsisimula na ang programa nang sila’y dumating. Pero napalitan ito ng kagalakan at pasasalamat dahil sa kabaitang ipinakita ng mag-asawang payunir.
Kapag bumangon ang pagkakataon, magparaya nawa tayo at maging handang isaisantabi ang ating kagustuhan para sa kapakanan ng iba. Sa pamamagitan ng pagpapakita ng pag-ibig na “hindi naghahanap ng sarili nitong kapakanan,” makatutulong tayo na mapanatili ang kapayapaan sa loob ng kongregasyon at magkakaroon tayo ng mapayapang kaugnayan sa ating kapuwa. (1 Cor. 13:5) At higit sa lahat, mapananatili natin ang ating pakikipagkaibigan kay Jehova.
[Larawan sa pahina 20]
Handa ka bang magparaya at isaisantabi ang iyong personal na mga kagustuhan sa pagpili mo ng pananamit?
[Larawan sa pahina 20, 21]
Handa ka bang ibigay ang iyong upuan para sa iyong mga kapatid?