Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
◼ Angkop ba para sa isang babaing Kristiyano na gumamit ng alahas o makeup, magkulay ng kaniyang buhok o sumunod sa nakakatulad na mga kaugalian?
Noong lumipas at sa ating kaarawan, ang iba na nag-aangking sumusunod sa Bibliya ay nakabuo ng matitindi ngunit ibang-ibang mga punto-de-vista tungkol sa kagayakan.a
May mga babae sa ilang relihiyon na talagang hindi gumagamit ng makeup at alahas. Halimbawa, ang aklat na The Amish People ay nag-uulat na sila’y may sinusunod na “mga pagbabawal may kaugnayan sa kanilang pisikal na ayos sapagkat kanilang inaakala na ang sinumang miyembro na lubhang interesado sa makasanlibutang hitsura ay nanganganib, sapagkat ang [gayong] interes ay dapat na nakatutok sa espirituwal na mga bagay imbes na sa pisikal. Ang iba . . . ay sumisipi sa Kasulatan.”
Ang teksto na sinipi ay 1 Samuel 16:7: “Sinabi ni Jehova kay Samuel: ‘Huwag mong tingnan ang kaniyang hitsura at ang kaniyang taas . . . Ang nakikita lamang ng hamak na tao ay yaong nakikita ng mga mata; ngunit para kay Jehova, nakikita niya ang nasa puso.’ ” Gayunman, ang tekstong iyan ay may kinalaman sa taas ng kapatid ni David na si Eliab. Maliwanag buhat sa konteksto na ang tinutukoy rito ng Diyos ay hindi ang mga kaugalian sa pag-aayos, tulad halimbawa kung si David o ang kaniyang mga kapatid baga ay nag-aayos ng kanilang buhok o gumagamit ng mga dekorasyon sa kanilang kasuotan.—Genesis 38:18; 2 Samuel 14:25, 26; Lucas 15:22.
Ipinakikita nito na ang ibang naniniwala na ang mga Kristiyano’y dapat na simpleng-simple lamang, hindi gumagamit ng anumang makeup o alahas, ay humahanap ng patotoo sa pamamagitan ng maling ikinapit na mga teksto. Ang Bibliya ay hindi naman nagbibigay ng detalyadong pagtalakay sa pag-aayos; hindi rin naman sinasang-ayunan nito ang ilang kaugalian tungkol sa kosmetiko samantalang ipinagbabawal naman ang iba. Ang ibinibigay nito ay makatuwirang mga alituntunin. Ating isaalang-alang ito at tingnan kung papaano maikakapit ito sa ngayon.
Si apostol Pablo ay nagbigay ng kinasihang patnubay: “Ibig kong ang mga babae ay magsigayak nang maayos na damit, na may kahinhinan at katinuan ng isip, hindi ng mga istilo ng pag-aayos ng buhok at ginto o perlas o napakamamahaling kasuotan.” (1 Timoteo 2:9) Si Pedro ay sumulat na katulad din nito: “Ang inyong paggayak sana ay huwag ang sa panlabas na pagtitirintas ng buhok at sa pagsusuot ng mga gintong palamuti o pagbibihis ng panlabas na kasuotan, kundi ito sana’y maging ang lihim na pagkatao sa puso sa di-nasisirang kasuotan ng tahimik at mahinahong espiritu, na siyang napakahalaga sa paningin ng Diyos.”—1 Pedro 3:3, 4.
Ang mga salitang Griego roon na isinaling “magsigayak,” “maayos” at “paggayak” ay mga anyo ng koʹsmos, na siya ring ugat ng salitang “kosmetiko,” na ang ibig sabihin “pampaganda lalung[lalo na] ng kutis.” Sa gayon ang mga tekstong ito ay tumutulong sa atin na sagutin ang mga tanong tungkol sa paggamit ng kosmetiko o makeup, alahas, at iba pang mga aspeto ng gayak ng babae.
Ang ibig bang sabihin ni Pablo at ni Pedro ay kailangang iwasan ng mga Kristiyano ang pagtitirintas ng kanilang buhok, pagsusuot ng mga alahas na perlas at ginto, o, kung palalawakin pa, paggamit ng kosmetiko? Hindi. Ang pagsasabing iyan ang kanilang kahulugan ay pag-uutos din sa mga kapatid na babaing Kristiyano na huwag ‘magbibihis ng panlabas na kasuotan.’ Gayumpaman, si Dorcas, na binuhay ni Pedro, ay minahal dahilan sa siya’y gumawa ng “panlabas na mga kasuotan” para sa ibang mga kapatid na babae. (Gawa 9:39) Kung gayon, ang 1 Timoteo 2:9 at 1 Pedro 3:3, 4 ay hindi nangangahulugan na ang mga kapatid na babae’y kailangang tumanggi sa mga pagtitirintas ng buhok, sa mga perlas, sa panlabas na mga kasuotan, at sa iba pa. Bagkus, dito’y idiniriin ni Pablo na kailangan ang kahinhinan at katinuan ng isip sa pag-aayos ng mga babae. Ipinakita ni Pedro na ang mga babae’y dapat magbigay ng higit na pansin sa kanilang panloob na espiritu upang mahikayat ang kanilang di-sumasampalatayang mga asawa, hindi ang pinag-uukulan ng higit na pansin ay ang panlabas na hitsura o ang makeup.
Sa simpleng pangungusap, hindi naman ibinabawal ng Bibliya ang lahat ng pagsisikap na ang isa’y magpaganda o maging kaakit-akit. May mga lingkod ng Diyos, mga lalaki at mga babae, na gumamit ng alahas. (Genesis 41:42; Exodo 32:2, 3; Daniel 5:29) Ang tapat na si Esther ay dumaan sa malawak na kaayusan sa pagpapaganda sa pamamagitan ng mga langis kosmetiko, pabango, at pagmamasahe. (Esther 2:7, 12, 15; ihambing ang Daniel 1:3-8.) Sinabi ng Diyos sa makasagisag na pananalita na kaniyang ginayakan ang Israel ng mga pulseras, kuwintas, hikaw sa ilong at sa tainga. Iyan ay tumulong upang siya’y maging “totoong, napakaganda.”—Ezekiel 16:11-13.
Bagaman gayon, ang salaysayin sa Ezekiel ay nagbibigay ng isang aral laban sa pagtututok ng ating pansin sa hitsura. Sinabi ng Diyos: “Ikaw ay tumiwala sa iyong kagandahan at naging isang patutot dahil sa iyong kabantugan at ikinalat mo ang iyong gawang pagpapatutot sa bawat dumaraan.” (Ezekiel 16:15; Isaias 3:16, 19) Sa gayon, sa Ezekiel 16:11-15 ay idiniriin ang karunungan ng huling pagpapayo ni Pablo at ni Pedro tungkol sa hindi pagbibigay ng labis na pansin sa panlabas na hitsura. Kung ibig ng isang babae na gayakan ang kaniyang sarili ng mga alahas, ang halaga at istilo niyaon ay kailangang isaalang-alang na taglay ang kahinhinan, hindi nagpapakalabis o nagpapasikat, di-masagwa.—Santiago 2:2.
Kumusta naman ang isang Kristiyanong babae na gumagamit ng kosmetiko, tulad halimbawa ng lipstick, kolorete, o pangkulay sa talukap ng mata at pangguhit sa kilay? Ang mga arkeologo sa Israel at sa karatig na mga lugar ay nakasumpong ng mga lalagyan ng makeup, at gayundin ng mga gamit sa paglalagay ng makeup at mga salamin. Oo, ang mga babae sa sinaunang Silangan ay gumamit ng mga kosmetiko na mga nauna sa marami sa kasalukuyang mga produkto. Ang pangalan ng anak na babae ni Job na Keren-happuch ay malamang na nangangahulugang “Sungay ng Itim na Pintura (ng Mata),” o isang lalagyan para sa makeup ng mata.—Job 42:13-15.
May ilang kosmetiko na ginagamit sa Israel, gayunma’y ipinakikita ng mga halimbawa sa Bibliya ang panganib ng pagpapakalabis. Makalipas ang mga taon pagkatapos na siya’y maging reyna ng Israel, ang ginawa ni Jesebel ay ‘pinintahan ng itim ang kaniyang mga mata at ginayakan ang kaniyang ulo.’ (2 Hari 9:30) Sa bandang huli nang isinasaysay kung papaano inakit ng Israel ang mga bansang pagano upang sa kaniya’y makiapid, sinabi ng Diyos na kaniyang ‘ginayakan ang kaniyang sarili ng mga hiyas na ginto, pinalaki ang kaniyang mga mata ng pinturang itim, at nagpaganda.’ (Jeremias 4:30; Ezekiel 23:40) Alinman sa mga talatang ito o sa mga iba pa ay hindi nagsasabi na masama ang gumamit ng artipisyal na mga paraan upang pagandahin ang hitsura ng isang tao. Gayumpaman, ang istorya ni Jesebel ay nagpapahiwatig na gumamit siya ng napakaraming pinturang itim sa palibot ng kaniyang mga mata kung kaya iyon ay napapansin kahit sa malayo, maging ni Jehu nang siya’y nasa labas ng palasyo. Ano ang iniaaral nito? Huwag gumamit ng maraming makeup, sa sobrang paraan.b
Mangyari pa, sinumang babae na gumagamit ng alahas o makeup ay hindi magsasabi na ang kaniyang sariling mga paraan at dami ng ginagamit ay di-angkop. Gayunman, hindi matututulan na dahilan sa pagiging walang kasiguruhan o sa impluwensiyang mapagsamantalang pag-aanunsiyo, ang isang babae ay magkakaroon ng kaugalian ng paggamit ng labis na makeup. Baka siya’y mahirati na sa resulta ng gayong labis na pagme-makeup kung kaya hindi na niya napapansin na iyon ay labag sa “kahinhinan at katinuan ng isip” na taglay ng karamihan ng babaing Kristiyano.—Tingnan ang Santiago 1:23, 24.
Ipagpalagay, na may sarisaring kagustuhan; ang ilang mga babae ay bahagyang gumamit ng makeup o hindi gumagamit ng makeup o ng mga alahas, ang iba naman ay gumagamit ng marami. Kaya hindi mabuti na hatulan natin ang isang gumagamit ng makeup o alahas na iba ang dami kaysa atin. Ang isa pang batayan ay ang lokal na kaugalian. Bagaman may mga istilong tinatanggap sa ibang bansa (o karaniwang ginagamit noong sinaunang panahon) hindi ibig sabihin na ang mga ito ay maaaring gamitin ngayon sa isang lugar.
Ang isang matalinong babaing Kristiyano ay manakanakang pag-iisipan ang kaniyang ayos, na taimtim na tatanungin ang kaniyang sarili: ‘Karaniwan bang ako’y nagsusuot ng lalong marami (o lalong kapuna-puna) na mga alahas o makeup kaysa karamihan ng mga Kristiyano sa lugar na aking kinaroroonan? Ang akin bang pag-aayos ay isinusunod ko sa mapagpahalaga-sa-sariling mga tao sa lipunan o sa hambog na mga bituin sa pelikula, o ako ba ay inaakay higit sa lahat ng payo sa 1 Timoteo 2:9 at 1 Pedro 3:3, 4? Oo, ang ayos ko ba ay talagang mahinhin, nagpapakita ng tunay na paggalang sa opinyon at damdamin ng iba?’—Kawikaan 31:30.
Ang mga babaing may mga asawang Kristiyano ay dapat humingi sa mga ito ng kanilang masasabi at maipapayo. Gayundin, kung iyon ay taimtim na hinahangad, ang nakatutulong na payo ay maaaring makuha sa ibang kapatid na babae. Subalit imbes na lumapit ka sa isang kaibigan na may mga kagustuhan na katulad ng sa iyo, marahil ay mas mabuti na ang kausapin mo ay ang mas nakatatandang mga kapatid na babae na ang pagkatimbang at karunungan ay iginagalang. (Ihambing ang 1 Hari 12:6-8.) Sinasabi ng Bibliya na ang kagalang-galang na nakatatandang mga babae ay “makapagpapaalaala sa may kabataang mga babae . . . upang magpakatino, magpakalinis . . ., upang huwag lapastanganin ang salita ng Diyos.” (Tito 2:2-5) Walang maygulang na Kristiyano ang magnanais na dahilan sa kaniyang sobrang paggamit ng mga alahas o ng makeup ay mangyaring “lapastanganin” ang Salita ng Diyos o ang kaniyang bayan.
Ang salaysay sa Bibliya tungkol kay Tamar ay nagpapakita na ang gayak ng isang babae ay nagpapakilala kung ano bang uri siya ng babae, nagbibigay ng isang matinding mensahe. (Genesis 38:14, 15) Ano bang mensahe ang inihahatid ng istilo ng buhok ng isang babaing Kristiyano at ng kulay niyaon (kung iyon ay kinulayan) o ang kaniyang paggamit ng mga alahas at kosmetiko? Iyon ba ay: Ito ay isang malinis, mahinhin, at matinong lingkod ng Diyos?
Ang sinuman na nakakakita sa mga Kristiyano sa ministeryo sa larangan, o dumadalo sa ating mga pulong, ay dapat magkaroon ng magandang impresyon. Sa pangkalahatan ay gayon nga ang mga nakapagmamasid sa atin. Karamihan ng mga babaing Kristiyano ay hindi nagbibigay ng dahilan upang ang isang tagalabas ay mag-isip na sila’y hindi maayos manamit, o, dili kaya, labis na mag-makeup o gumayak; sa halip, sila’y nag-aayos “sa paraan na nararapat sa mga babaing nag-aangking sumasamba sa Diyos.”—1 Timoteo 2:10.
[Mga talababa]
a Noong ikatlong siglo C.E., binanggit ni Tertullian na ang mga babaing “nagpapahid sa kanilang balat ng mga pamahid, nagkokolerete sa kanilang pisngi, nagpapapungay ng kanilang mga mata sa tulong ng pangkulay [na itim], ay nagkakasala laban sa Kaniya.” Kaniya ring pinintasan ang mga nagkukulay ng kanilang buhok. Sa maling pagkakapit ng mga salita ni Jesus sa Mateo 5:36, sinabi ni Tertullian: “Kanilang tinatanggihan ang Panginoon! ‘Narito!’ sabi nila, ‘sa halip na puti o itim, ginagawa nating dilaw [ang ating buhok].’ ” Isinusog niya: “Mayroon pa riyang mga tao na ikinahihiya ang kanilang katandaan, at ang kanilang puting buhok ay pinaiitim nila.” Iyan ang personal na opinyon ni Tertullian. Subalit kaniyang pinipilipit ang mga bagay-bagay, sapagkat ang kaniyang buong argumento ay nakasalig sa kaniyang pangmalas na ang mga babae ang sanhi ng pagkapariwara ng tao, kaya sila’y dapat ‘lumakad na gaya ni Eva, na nagdadalamhati at nagsisisi’ dahil sa tinanggap na ‘kahihiyan sa unang pagkakasala.’ Walang sinasabing ganiyan ang Bibliya; si Adan ang pinapananagot ng Diyos sa kasalanan ng tao.—Roma 5:12-14; 1 Timoteo 2:13, 14.
b Hindi pa natatagalan nang ang mga pahayagan sa Estados Unidos ay labis na nagbandila sa isang iskandalo ng isang predikador sa TV, samantalang ang kaniyang asawang babae na kasama niya sa paglabas ay nakatawag ng halos gayunding atensiyon. Sang-ayon sa mga ulat ng pahayagan, siya [ang asawang babae] ay lumaki na ang paniwala ay “makasalanan ang kapuwa makeup at mga pelikula sa sine,” ngunit nang maglaon ay binago niya ang kaniyang opinyon at siya’y napatanyag dahil sa labis-labis na “makeup na napakakapal kung kaya parang nililok.”
[Mga larawan sa pahina 31]
Mga natuklasan ng mga arkeologo sa Gitnang Silangan: Kahong garing ng mga kosmetiko, salamin, at mga kuwintas na ginto at carnelian
[Credit Line]
Lahat ng tatlo: Pictorial Archive (Near Eastern History) Est.