KAHINAHUNAN
Ganito ang sinasabi ng A New Testament Wordbook ni William Barclay tungkol sa pang-uring pra·ysʹ: “Isa itong magandang salita sa klasikal na Griego. Kung mga bagay ang inilalarawan, nangangahulugan ito ng ‘banayad’. Halimbawa, ginagamit ito may kaugnayan sa banayad na hangin o banayad na tinig. Kung mga tao naman ang inilalarawan, nangangahulugan ito ng ‘mahinahon’ o ‘magandang-loob’. . . . May pagkabanayad sa salitang praus ngunit sa likod ng pagkabanayad ay naroroon ang lakas ng bakal . . . Hindi ito isang walang-paninindigang pagkabanayad, sentimental na pagkagiliw, o sunud-sunurang pananahimik.” (London, 1956, p. 103, 104) Sinasabi ng Vine’s Expository Dictionary of Old and New Testament Words na ang anyong pangngalan na pra·yʹtes ay “tumutukoy hindi lamang sa ‘panlabas na paggawi ng isang tao; ni sa kaniyang pakikipag-ugnayan lamang sa kaniyang mga kapuwa-tao; ni bahagya man lamang sa kaniyang likas na disposisyon. Sa halip, isa itong nakapaloob na kagandahan ng kaluluwa; at ang mga pagpapamalas nito ay una at pangunahin nang patungkol sa Diyos. Ito ang kalagayan ng isip na kaayon nito’y tinatanggap natin ang Kaniyang mga pakikitungo sa atin bilang mabuti, samakatuwid ay nang walang pagtutol o paglaban; ito ay malapitang iniuugnay sa salitang tapeinophrosunē [kapakumbabaan], at tuwirang kasuwato niyaon.’”—1981, Tomo 3, p. 55, 56.
Sa mga bersiyon ng Bibliya, ang salitang pra·ysʹ ay isinasalin sa iba’t ibang paraan bilang “maamo,” “mahinahon,” “mahinahong-loob,” at “banayad.” (KJ, AS, NW, NE) Gayunman, gaya ng binanggit sa akda ni Barclay na sinipi sa naunang parapo, waring mas malalim ang pra·ysʹ kaysa sa pagkabanayad at, kapag ginagamit ito may kaugnayan sa mga persona, nangangahulugan ito ng mahinahon o magandang-loob.
Bagaman hindi kukunsintihin ni Jehova ang kasalanan at kasamaan, maibigin siyang naglaan ng paraan ng paglapit sa kaniya sa pamamagitan ng haing pantubos at ng mga paglilingkod ni Jesu-Kristo bilang saserdote. Dahil dito, ang mukha ni Jehova ay maaaring hanapin ng kaniyang mga mananamba at mga lingkod nang hindi nakadarama ng anumang malagim na pagkatakot at panghihilakbot. (Heb 4:16; 10:19-22; 1Ju 4:17, 18) Ganap na lumarawan si Jesus sa Diyos na Jehova anupat masasabi niya: “Siya na nakakita sa akin ay nakakita rin sa Ama.” Sinabi rin niya: “Pumarito kayo sa akin, lahat kayo na nagpapagal at nabibigatan, at pagiginhawahin ko kayo. Pasanin ninyo ang aking pamatok at matuto kayo mula sa akin, sapagkat ako ay mahinahong-loob [sa Gr., pra·ysʹ] at mababa ang puso, at masusumpungan ninyo ang kaginhawahan ng inyong mga kaluluwa. Sapagkat ang aking pamatok ay may-kabaitan at ang aking pasan ay magaan.” (Ju 14:9; Mat 11:28-30) Alinsunod dito, ang Diyos na Jehova ay tunay na madaling lapitan niyaong mga umiibig sa kaniya, at nauudyukan niyang magkaroon ng kahinahunan, lubos na pagtitiwala, at lakas yaong mga nagsusumamo sa kaniya.
Isang Katangiang Nagpapabanaag ng Lakas. Ang kahinahunan ng kalooban o ng espiritu ay hindi katangian ng isa na may mahinang personalidad. Sinabi ni Jesu-Kristo: “Ako ay mahinahong-loob at mababa ang puso.” (Mat 11:29; 2Co 10:1) Gayunman, noon ay sinusuportahan si Jesus ng buong kapangyarihan ng kaniyang Ama, at naging matatag siya sa kung ano ang tama; gumamit siya ng malaking kalayaan sa pagsasalita at pagkilos sa mga pagkakataong kinailangan iyon.—Mat 23:13-39; ihambing ang 21:5.
Nagiging mahinahong-loob ang isang tao dahil may pananampalataya siya at may pinagkukunan siya ng lakas. Hindi siya madaling mawalan ng kaniyang pagkatimbang o ng kaniyang katinuan. Ang kawalan ng kahinahunan ng kalooban ay resulta ng pagiging di-panatag, pagkasiphayo, kawalan ng pananampalataya at pag-asa, at maging ng matinding kagipitan. Inilalarawan ng kawikaan ang taong hindi mahinahong-loob: “Gaya ng lunsod na nilusob, na walang pader, ang taong hindi nagpipigil ng kaniyang espiritu.” (Kaw 25:28) Siya ay nakahantad sa lahat ng uri ng di-wastong kaisipan at madaling mapasukan ng mga ito, na maaari namang magtulak sa kaniya sa di-wastong mga pagkilos.
Isang Bunga ng Espiritu. Ang kahinahunan ay isang bunga ng banal na espiritu ng Diyos, ang kaniyang aktibong puwersa. (Gal 5:22, 23) Kung gayon, ang Diyos ang Pinagmumulan ng kahinahunan, at ang isa ay dapat na humiling sa Kaniya ng Kaniyang espiritu at maglinang ng bungang ito ng espiritu upang magkaroon siya ng tunay na kahinahunan ng kalooban. Samakatuwid, hindi ito natatamo sa pamamagitan ng basta pagkakaroon ng determinasyon, kundi resulta ito ng pagiging malapít sa Diyos.
Ang kawalan ng kahinahunan ay sanhi ng pagiging madaling magalit, kabagsikan, kawalan ng pagpipigil sa sarili, at mga pag-aaway. Sa kabilang dako, pinapayuhan ang mga Kristiyano na panatilihin ang pagkakaisa at kapayapaan sa pamamagitan ng “kababaan ng pag-iisip at kahinahunan.”—Efe 4:1-3.
Ang paninibugho at pagtatalo, kung hahayaang mag-ugat at tumubo, ay hahantong sa iba’t ibang uri ng kaguluhan. Sa kabilang dako, mahahadlangan ng kahinahunan ang paglaganap ng gayong mga kalagayan sa gitna ng mga tagasunod ni Kristo. Kaya naman hinihimok ng manunulat ng Bibliya na si Santiago yaong mga marunong at may-unawa sa kongregasyon na magpakita ng “mainam na paggawi” sa anyo ng “kahinahunan na nauukol sa karunungan,” “ang karunungan mula sa itaas.”—San 3:13, 17.
Sa Bibliya, ang “kahinahunan” ay kalimitang tinatambalan ng “espiritu,” halimbawa, “kahinahunan ng espiritu,” o “mahinahong espiritu.” Alinsunod dito, ang tunay na kahinahunan ay higit pa sa isang katangian na panlabas, pansamantala o paminsan-minsan lamang ipinakikita. Sa halip, bahagi ito ng pagkatao, o pag-uugali, ng isa. Itinawag-pansin ng apostol na si Pedro ang bagay na ito nang sabihin niya: “At ang inyong kagayakan ay huwag yaong panlabas na pagtitirintas ng buhok at ang pagsusuot ng mga gintong palamuti o ang pagbibihis ng mga panlabas na kasuutan, kundi ang lihim na pagkatao ng puso sa walang-kasiraang kasuutan ng tahimik at mahinahong espiritu, na malaki ang halaga sa paningin ng Diyos.”—1Pe 3:3, 4.
Isinulat ng apostol na si Pablo: “Damtan ninyo ang inyong sarili ng . . . kahinahunan,” na kung pahapyaw na babasahin ay maaaring magpahiwatig na sa wari’y isa itong pakitang-taong panlabas na kaanyuan; ngunit sa konteksto ring iyon ay ipinapayo niya: “Damtan ninyo ang inyong sarili ng bagong personalidad, na sa pamamagitan ng tumpak na kaalaman ay ginagawang bago ayon sa larawan ng Isa na lumalang nito.” (Col 3:10, 12; Efe 4:22-24) Ipinakikita nito na sa totoo, ang kahinahunan ay isang katangian ng personalidad, anupat pangunahin nang natatamo bilang isang bunga ng espiritu ng Diyos sa pamamagitan ng tumpak na kaalaman at ng pagkakapit nito, sa halip na likas na minamana lamang.
Mahalaga Para sa mga Nangangasiwa. Sa kaniyang liham ng mga tagubilin sa kabataang si Timoteo hinggil sa wastong pangangalaga sa kongregasyon, si Pablo ay nag-utos sa kaniya kung paano aasikasuhin ang mahihirap na suliranin, na sinasabi: “Ang alipin ng Panginoon ay hindi kailangang makipag-away, kundi kailangang maging banayad sa lahat, kuwalipikadong magturo, nagpipigil sa ilalim ng kasamaan, nagtuturo nang may kahinahunan doon sa mga hindi nakahilig sa mabuti; baka sakaling bigyan sila ng Diyos ng pagsisisi.” (2Ti 2:24, 25) Dito ay makikita nating may pagkakatulad ang kahinahunan at ang mahabang pagtitiis. Natatanto ng indibiduwal kung bakit kailangan niyang harapin ang suliranin: Pinahihintulutan ito ng Diyos, at bilang isang tagapangasiwa ay dapat niya itong asikasuhin para sa ikabubuti ng (mga) indibiduwal na nasasangkot. Kailangan niyang pagtiisan ang suliranin hanggang sa malutas ito nang hindi labis na nababalisa.
Si Tito, isa ring tagapangasiwa at naninirahan noon sa Creta, ay pinayuhan din na paalalahanan ang kaniyang mga kapatid na Kristiyano na “maging makatuwiran, nagpapakita ng buong kahinahunan sa lahat ng tao.” Upang idiin kay Tito ang pangangailangan na maging mahinahon, itinawag-pansin ni Pablo ang di-mapapantayang pag-ibig at awa ng Diyos na ipinahayag sa pamamagitan ng kaniyang Anak, anupat nanawagan siya na itakwil ang mga dating kinagawiang mapaminsalang saloobin at pagkapoot at sundin ang bagong landasin na umaakay tungo sa buhay na walang hanggan.—Tit 3:1-7.
Kinausap din ni Pablo yaong mga maygulang sa espirituwal sa kongregasyon, at binalangkas niya ang pananagutan nila: “Bagaman ang isang tao ay makagawa ng anumang maling hakbang bago niya mabatid ito, kayong may mga espirituwal na kuwalipikasyon ay magsikap na ibalik sa ayos ang gayong tao sa espiritu ng kahinahunan, habang minamataan ng bawat isa ang kaniyang sarili, dahil baka matukso rin kayo.” (Gal 6:1) Dapat nilang ingatan sa isipan kung paano sila pinakikitunguhan ng Diyos. Sa paggawa nito, hindi nila dapat sawayin nang may kabagsikan ang taong nagkamali kundi dapat nilang sikapin na ibalik siya sa ayos taglay ang espiritu ng kahinahunan. Ito ay higit na magiging mabisa at kapaki-pakinabang para sa lahat ng kasangkot.
Makatutulong ang pagiging mahinahon kapag ang isa ay humaharap sa mahirap na situwasyon o nakikitungo sa taong galít, yamang pinahuhupa nito ang kaigtingan, samantalang pinalalala naman ng kabagsikan ang di-kaayaayang situwasyon. Sinasabi ng kawikaan: “Ang sagot, kapag mahinahon, ay pumapawi ng pagngangalit, ngunit ang salitang nakasasakit ay pumupukaw ng galit.” (Kaw 15:1) Maaaring maging lubhang mapuwersa ang kahinahunan. “Dahil sa pagkamatiisin ay nagaganyak ang kumandante, at ang mahinahong dila ay nakababali ng buto.”—Kaw 25:15.
Mahalaga Kapag Dinidisiplina. Isa pang mainam na simulain ang inilahad ni Solomon may kaugnayan sa kahinahunan. May kinalaman ito sa tendensiya natin na magpakita ng mapaghimagsik na espiritu kapag itinutuwid o pinarurusahan ng isa na may awtoridad. Maaaring lubha tayong magalit at ayaw na nating magpasakop, anupat padalus-dalos na binibitiwan ang posisyong iniatas sa atin. Ngunit nagbababala si Solomon: “Kung ang espiritu ng tagapamahala ay bumangon laban sa iyo, huwag mong iwan ang iyong sariling dako, sapagkat ang kahinahunan ay nagpapahupa ng malalaking kasalanan.” (Ec 10:4; ihambing ang Tit 3:2.) Ang pagpapakita ng mahinahong saloobin kapag dinidisiplina ay hindi lamang nagpapahupa sa galit ng isa na may awtoridad kundi tumutulong din sa atin na pasulungin ang ating personalidad sa pamamagitan ng pagtitimpi, pananatili sa dako o posisyong iniatas sa atin, at pagkakapit sa ibinigay na disiplina.
Lalo nang totoo ito kapag ang tagapamahala ay ang Diyos na Jehova at kapag ibinibigay ang disiplina sa pamamagitan niyaong mga pinagkalooban niya ng awtoridad. (Heb 12:7-11; 13:17) Kumakapit din ito sa kaugnayan natin doon sa mga pinahintulutan ng Diyos na humawak ng makasanlibutang awtoridad bilang tagapamahala. (Ro 13:1-7) Ang gayong tagapamahala man ay may-kabagsikang humingi sa isang Kristiyano ng katuwiran para sa pag-asa na nasa kaniya, ang Kristiyanong iyon, habang matatag na inuuna ang pagsunod sa Diyos, ay dapat na sumagot “taglay ang mahinahong kalooban at matinding paggalang.”—1Pe 3:15.