“Dumating Nawa ang Iyong Kaharian”—Pero Kailan?
“Kapag nakita ninyo ang lahat ng mga bagay na ito, alamin ninyo na siya ay malapit na at nasa mga pintuan na.”—MAT. 24:33.
1, 2. (a) Ano ang maaaring makaapekto sa kakayahan nating makakita? (b) Ano ang nalalaman natin tungkol sa Kaharian ng Diyos?
GAYA ng maaaring napapansin mo, kadalasa’y magkakaiba ang detalyeng natatandaan ng mga saksi sa iisang pangyayari. Gayundin, ang isang pasyente ay baka nahihirapang alalahanin ang eksaktong sinabi ng doktor matapos itong magbigay ng diyagnosis. O baka hindi makita ng isa ang kaniyang salamin o mga susi kahit nasa harap lang niya iyon. Ang ganitong mga sitwasyon ay maaaring may kaugnayan sa sinasabi ng mga mananaliksik na isang uri ng pagkabulag—hindi napapansin ng isa, o kaya’y nalilimutan niya, ang isang bagay dahil may iba pa siyang pinagkakaabalahan. Lumilitaw na hindi nakapagpopokus ang ating utak sa maraming bagay nang sabay-sabay.
2 Marami sa ngayon ang masasabing “bulag” pagdating sa mga pangyayari sa daigdig. Maaaring aminado silang malaki na ang ipinagbago ng daigdig mula noong 1914, pero hindi nila nakikita ang tunay na kahulugan ng mga pangyayaring iyon. Bilang mga nag-aaral ng Bibliya, alam natin na ang Kaharian ng Diyos, sa isang diwa, ay dumating noong 1914 nang iluklok si Jesus sa langit bilang Hari. Pero alam din natin na hindi pa lubos na nasasagot ang panalanging “Dumating nawa ang iyong kaharian. Mangyari nawa ang iyong kalooban, kung paano sa langit, gayundin sa lupa.” (Mat. 6:10) Lubusang masasagot iyan kapag pinuksa na ang masamang sanlibutang ito. Kailangan munang mangyari iyon para matupad ang kalooban ng Diyos sa lupa gaya sa langit.
3. Paano nakakatulong sa atin ang pag-aaral ng Bibliya?
3 Dahil regular nating pinag-aaralan ang Salita ng Diyos, nakikita nating natutupad na ngayon ang mga hula. Napakalaking kaibahan sa karamihan! Abalang-abala sila sa kanilang mga gawain kaya hindi nila nakikita ang malinaw na ebidensiyang namamahala na si Kristo mula noong 1914 at malapit na niyang ilapat ang hatol ng Diyos. Pero pag-isipan ito: Kung matagal ka nang naglilingkod sa Diyos, naniniwala ka pa bang napakalapit na ng katapusan ng sanlibutang ito at na pinatutunayan iyan ng mga nangyayari sa daigdig? Kung baguhan ka naman sa katotohanan, saan nakapokus ang atensiyon mo? Anuman ang ating sagot, repasuhin natin ang tatlong mahahalagang dahilan kung bakit tayo makapagtitiwalang malapit nang kumilos ang pinahirang Hari para lubusang tuparin ang layunin ng Diyos sa lupa.
ANG PAGLITAW NG MGA MANGANGABAYO
4, 5. (a) Ano ang ginagawa ni Jesus mula noong 1914? (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulong ito.) (b) Ano ang isinasagisag ng paghayo ng tatlong mangangabayo? Paano natutupad ang hulang ito?
4 Noong 1914, si Jesu-Kristo—inilalarawang nakasakay sa isang kabayong puti—ay iniluklok bilang Hari. Agad siyang humayo para lubusin ang pananaig sa napakasamang sistema ni Satanas. (Basahin ang Apocalipsis 6:1, 2.) Ipinakikita ng hula sa Apocalipsis kabanata 6 na kapag itinatag na ang Kaharian ng Diyos, mabilis na sasamâ ang kalagayan ng daigdig dahil sa mga digmaan, kakapusan sa pagkain, sakit, at iba pang sanhi ng kamatayan. Ang mga pangyayaring ito ay isinasagisag ng tatlong mangangabayo na humahayong kasunod ni Jesu-Kristo.—Apoc. 6:3-8.
5 Gaya ng inihula, ang kapayapaan ay ‘inalis mula sa lupa,’ sa kabila ng pangako ng mga bansa na magtutulungan sila at pananatilihin ang kapayapaan. Ang Digmaang Pandaigdig I ay pasimula lang ng marami pang mapangwasak na digmaan, gaya ng ipinakikita ng mga kaganapan sa daigdig kamakailan. At sa kabila ng maraming pagsulong sa ekonomiya at siyensiya mula noong 1914, banta pa rin sa katiwasayan ng daigdig ang kakapusan sa pagkain. Bawat taon, milyun-milyon ang nasasawi sa mga “nakamamatay na salot” at likas na sakuna. Sa buong kasaysayan, ngayon lang naging ganito kalawak, kadalas, at kalubha ang mga pangyayaring ito. Nauunawaan mo ba kung ano ang ipinahihiwatig niyan?
6. Sino ang nagbigay-pansin sa katuparan ng hula ng Bibliya? Ano ang ginawa nila nang maunawaan nila ang katuparan ng hula?
6 Sa pagsiklab ng Digmaang Pandaigdig I at pagkalat ng trangkaso Espanyola noong 1914, ang pansin ng maraming tao ay doon nabaling. Samantala, inaasahan na ng pinahirang mga Kristiyano na sa taóng iyon matatapos ang Panahong Gentil, o “takdang panahon ng mga bansa.” (Luc. 21:24) Hindi nila alam kung paano eksaktong matutupad ang hulang ito ng Bibliya, pero alam nila na ang 1914 ay mahalagang taon may kaugnayan sa pamamahala ng Diyos. Nang maunawaan nila ang katuparan ng hula, lakas-loob nilang inihayag sa iba na nagsimula nang mamahala ang Diyos. Pero dumanas sila ng matinding pag-uusig dahil sa kanilang pangangaral tungkol sa Kaharian. Ang pag-uusig na iyon ay katuparan din ng hula. Sa sumunod na mga dekada, ang mga kaaway ng Kaharian ay ‘nagpanukala ng kaguluhan sa pamamagitan ng batas.’ Gayundin, sinaktan nila ang ibang mga kapatid, may mga ibinilanggo, at pinatay pa nga ang ilan sa pamamagitan ng pagbitay, pagbaril, o pagpugot ng ulo.—Awit 94:20; Apoc. 12:15.
7. Bakit hindi maunawaan ng karamihan ang tunay na kahulugan ng mga nangyayari sa daigdig?
7 Yamang napakarami nang ebidensiya na naitatag na ang Kaharian ng Diyos sa langit, bakit hindi pa rin tinatanggap ng karamihan ang kahulugan nito? Bakit hindi nila makita na ang mga nangyayari sa daigdig ay katuparan ng mga hula sa Bibliya gaya mismo ng matagal nang sinasabi ng bayan ng Diyos? Posible kayang ang karamihan ay nakapokus lang sa nakikita ng kanilang mata? (2 Cor. 5:7) Dahil ba sa abala sila sa pang-araw-araw na mga gawain kaya hindi nila nakikita ang ginagawa ng Diyos? (Mat. 24:37-39) Ang ilan kaya sa kanila ay nabubulagan dahil sa mga propaganda ni Satanas? (2 Cor. 4:4) Kailangan ng pananampalataya at espirituwal na kaunawaan para maintindihan kung ano ang ginagawa ng Kaharian ng Diyos. Laking pasasalamat natin na hindi tayo bulag sa kung ano talaga ang nangyayari!
ANG PAGLALA NG KASAMAAN
8-10. (a) Paano natutupad ang 2 Timoteo 3:1-5? (b) Bakit natin masasabing lumalala ang kasamaan?
8 May ikalawang dahilan kung bakit alam natin na malapit nang mamahala ang Kaharian ng Diyos sa lupa: Patuloy na lumalala ang kasamaan sa lipunan ng tao. Sa loob ng halos sandaang taon, nakikita na nating natutupad ang hula sa 2 Timoteo 3:1-5. Ang mga pag-uugaling inilalarawan dito ay laganap saanmang sulok ng daigdig. Napapansin mo rin ba iyan? Talakayin natin ang ilang halimbawa.—Basahin ang 2 Timoteo 3:1, 13.
9 Paghambingin natin ang mga itinuturing na di-katanggap-tanggap noong dekada ’40 o ‘50 at ang mga nangyayari ngayon sa lugar ng trabaho at sa larangan ng entertainment, sports, at fashion. Karaniwan na lang ngayon ang matinding karahasan at imoralidad. Ipinagmamalaki ng mga tao ang kanilang pagiging marahas, malaswa, o walang awa. Ang mga panoorin sa telebisyon na masama sa pananaw ng marami noong dekada ’50 ay itinuturing na ngayong angkop para sa buong pamilya. Napapansin din ng marami na ang mga homoseksuwal ay may malaking impluwensiya sa larangan ng entertainment at fashion; ipinagmamalaki pa nga nila ang kanilang paraan ng pamumuhay. Mabuti na lang at alam natin ang pangmalas ng Diyos sa mga bagay na ito.—Basahin ang Judas 14, 15.
10 Paghambingin din ang itinuturing na pagrerebelde ng mga kabataan noong dekada ’50 at ang mga nangyayari ngayon. Noon, nag-aalala na ang mga magulang—at tama naman—kapag ang mga anak nila ay naninigarilyo, umiinom ng alak, o nagsasayaw nang di-angkop. Ngayon, pangkaraniwan na lang ang nakapangingilabot na mga balita: Pinagbabaril ng isang 15-anyos na estudyante ang kaniyang mga kaklase; 2 ang namatay at 13 ang sugatán. Brutal na pinatay ng isang grupo ng lasing na mga tin-edyer ang isang siyam-na-taóng-gulang na batang babae at binugbog ang kaniyang tatay at pinsan. Sa isang lupain sa Asia, sinasabing sa loob ng sampung taon, kalahati ng bilang ng mga krimen ay kagagawan ng mga kabataan. Kaya sino ang magsasabing hindi lumalala ang mga kalagayan ngayon?
11. Bakit hindi napapansin ng marami na lumalala ang mga kalagayan?
11 Itinawag-pansin ni apostol Pedro: “Sa mga huling araw ay darating ang mga manunuya na may pagtuya, na lumalakad ayon sa kanilang sariling mga pagnanasa at nagsasabi: ‘Nasaan itong ipinangakong pagkanaririto niya? Aba, mula nang araw na matulog sa kamatayan ang ating mga ninuno, ang lahat ng mga bagay ay nananatiling gayung-gayon mula noong pasimula ng sangnilalang.’ ” (2 Ped. 3:3, 4) Bakit kaya ganito ang reaksiyon ng ilan? Lumilitaw na miyentras madalas nating nakikita ang isang bagay, hindi na natin ito gaanong napapansin. Dahil nakasanayan na nating makita ang patuloy na pagbaba ng moralidad ng mga tao, baka mas mapansin pa natin ang biglang pagbabago ng ugali ng isang malapít na kaibigan. Pero ang gayong unti-unting pagbaba ng moralidad ay mapanganib.
12, 13. (a) Bakit hindi tayo dapat masiraan ng loob dahil sa mga nangyayari sa daigdig? (b) Ano ang dapat nating maunawaan para mabata ang mga kalagayang “mahirap pakitunguhan”?
12 Nagbabala si apostol Pablo na “sa mga huling araw,” ang mga kalagayan ay magiging “mahirap pakitunguhan.” (2 Tim. 3:1) Pero posible pa rin tayong makapamuhay nang maayos sa magulong daigdig na ito. Sa tulong ni Jehova, ng kaniyang espiritu, at ng kongregasyong Kristiyano, madaraig natin ang anumang takot o pagkabigo. Makapananatili tayong tapat. “Ang lakas na higit sa karaniwan” ay mula sa Diyos at hindi sa atin.—2 Cor. 4:7-10.
13 Pansinin na sinimulan ni Pablo ang hula tungkol sa mga huling araw sa pananalitang “alamin mo ito.” Garantiya iyan na matutupad ang inihula. Tiyak na ang kasamaan ng di-makadiyos na sanlibutang ito ay patuloy na lalala hanggang sa wakasan ito ni Jehova. Batay sa kasaysayan, may ilang lipunan o bansa na bumagsak noon dahil sa pagguho ng moralidad. Pero ngayon lang nangyari na bumagsak nang ganito kababa ang moralidad ng mga tao sa buong daigdig. Baka bale-walain ng marami ang kahulugan nito, pero malinaw na ipinakikita ng mga nangyayari mula noong 1914 na makapagtitiwala tayong malapit nang kumilos ang Kaharian ng Diyos.
ANG SALINLAHING ITO AY HINDI LILIPAS
14-16. Ano ang ikatlong dahilan para maniwalang malapit nang “dumating” ang Kaharian ng Diyos?
14 Ang kasaysayan ng bayan ng Diyos ay nagbibigay sa atin ng ikatlong dahilan para magtiwalang malapit na ang wakas. Halimbawa, bago nagsimulang mamahala sa langit ang Kaharian ng Diyos, isang grupo ng tapat na mga pinahiran ang aktibong naglilingkod sa Diyos. Nang hindi matupad ang ilan sa mga inaasahan nila noong 1914, ano ang ginawa nila? Karamihan sa kanila ay nanatiling tapat sa kabila ng mga pagsubok at pag-uusig at patuloy na naglingkod kay Jehova. Sa paglipas ng mga taon, karamihan—kung hindi man lahat—sa mga pinahirang iyon ay nakatapos na sa kanilang tapat na paglilingkod dito sa lupa.
15 Sa kaniyang detalyadong hula tungkol sa katapusan ng sistemang ito ng mga bagay, sinabi ni Jesus: “Ang salinlahing ito ay hindi lilipas sa anumang paraan hanggang sa maganap ang lahat ng mga bagay na ito.” (Basahin ang Mateo 24:33-35.) Nauunawaan natin na nang banggitin ni Jesus ang “salinlahing ito,” dalawang grupo ng pinahirang mga Kristiyano ang tinutukoy niya. Ang unang grupo ay buháy na noong 1914, at agad nilang naunawaan ang tanda ng pagkanaririto ni Kristo nang taóng iyon. Bukod diyan, pinahiran sila ng banal na espiritu bilang mga anak ng Diyos noong 1914 o bago pa nito.—Roma 8:14-17.
16 Ang ikalawang grupo na kabilang sa “salinlahing ito” ay mga pinahiran na kakontemporaryo ng unang grupo. Bukod sa buháy na sila noong panahong buháy pa ang ilan sa unang grupo, pinahiran sila ng banal na espiritu sa panahong narito pa sa lupa ang ilang kasama sa unang grupo. Kaya naman hindi lahat ng pinahiran ngayon ay kabilang sa “salinlahing ito” na binanggit ni Jesus. Sa ngayon, nagkakaedad na rin ang mga nasa ikalawang grupo. Gayunman, tinitiyak sa atin ng sinabi ni Jesus sa Mateo 24:34 na ang ilan sa “salinlahing ito ay hindi lilipas sa anumang paraan” bago magsimula ang malaking kapighatian. Dahil diyan, lalong tumitibay ang pagtitiwala natin na malapit nang kumilos ang Hari ng Kaharian ng Diyos para puksain ang masasama at akayin tayo sa matuwid na bagong sanlibutan.—2 Ped. 3:13.
MALAPIT NANG LUBUSIN NI KRISTO ANG KANIYANG PANANAIG
17. Ano ang nauunawaan natin batay sa tinalakay na tatlong ebidensiya?
17 Ano ang mauunawaan natin batay sa tinalakay na tatlong ebidensiya? Nagbabala si Jesus na hindi natin malalaman ang eksaktong araw o oras ng pagdating ng wakas. (Mat. 24:36; 25:13) Pero sinabi ni Pablo na alam natin “ang kapanahunan.” (Basahin ang Roma 13:11.) Nabubuhay tayo sa kapanahunang iyon, ang mga huling araw. Kung magtutuon tayo ng pansin sa mga hula ng Bibliya at sa mga ginagawa ng Diyos na Jehova at ni Jesu-Kristo, makikita natin ang malinaw na ebidensiyang malapit na ang wakas ng sistemang ito ng mga bagay.
18. Ano ang mangyayari sa mga ayaw tumanggap sa Kaharian ng Diyos?
18 Di-magtatagal, ang mga ayaw kumilala sa awtoridad na ibinigay kay Jesu-Kristo, ang nagtatagumpay na Sakay ng kabayong puti, ay mapipilitang umamin na nagkamali sila. Hindi sila makakatakas. Sa panahong iyon, marami ang manghihilakbot at hihiyaw: “Sino ang makatatayo?” (Apoc. 6:15-17) Ang tanong na iyan ay sinasagot sa kasunod na kabanata ng Apocalipsis. Ang mga pinahiran at ang mga may makalupang pag-asa ay tiyak na “makatatayo” sa araw na iyon taglay ang pagsang-ayon ng Diyos. Pagkatapos, “isang malaking pulutong” ng ibang mga tupa ang makaliligtas sa malaking kapighatian.—Apoc. 7:9, 13-15.
19. Bilang isa na nakauunawa, tumatanggap, at tumutugon sa malinaw na ebidensiyang malapit na ang wakas, ano ang inaasam-asam mo?
19 Kung patuloy tayong magbibigay-pansin sa katuparan ng mga hula sa Bibliya sa kapana-panabik na panahong ito, hindi maililihis ng mga propaganda ng sanlibutan ni Satanas ang ating atensiyon, ni mabubulagan man tayo sa tunay na kahulugan ng mga nangyayari sa daigdig. Malapit nang lubusin ni Kristo ang pananaig sa di-makadiyos na sanlibutang ito sa kaniyang pangwakas na pakikipagdigma ayon sa katuwiran. (Apoc. 19:11, 19-21) Pagkatapos niyan, isang napakagandang kinabukasan ang naghihintay sa atin!—Apoc. 20:1-3, 6; 21:3, 4.