Ang Baha—Babala Buhat sa Nakaraan
SA MAHABANG kasaysayan ng tao, nagkaroon ng maraming likas na kapahamakan na malaki o mas malaki kaysa pagsabog ng Mount St. Helens. Subalit walang isa man na katumbas ng napakalaking Baha noong kaarawan ni Noe. Pagkalaki-laki ang pinsalang nagawa ng Delubyong iyon kung kaya’t nag-iwan ng di-mapapawing impresyon sa sangkatauhan sa buong globo.
Mayroong 150 bukod na mga alamat ng Baha buhat sa maraming iba’t-ibang parte ng mundo, kasali na ang Babilonya, Roma, India, Australia, at ang Americas. Bagamat ang mga alamat na ito ay nagkakaiba-iba sa detalye, nagkakaisa naman ang karamihan tungkol sa isang moral na sanhi ng Baha, ng pagkapuksa ng sangkatauhan sa buong globo, at ang pagkaligtas naman ng isang pamilya sa isang arka o isang barko. Tanging ang isang kapahamakan sa buong globo ang maaaring nag-iwan ng ganiyang malaganap at di-mapawi-pawing impresyon.
Isang eskolar ng Bibliya ang sumulat: “Ang pagkakasuwato ng lahat ng mga ulat na ito ay isang di-maitatatuwang garantiya na ang tradisyon ay hindi isang imbento lamang; ang isang bungang-isip ay indibiduwal, hindi unibersal; samakatuwid, ang tradisyon na iyon ay may makasaysayang pundasyon; ito’y resulta ng isang pangyayari na talagang naganap noong mga panahon na bata pa ang sangkatauhan.” Subalit bakit ang kapahamakang iyan noong sinaunang panahon ay babala sa salinglahi na nabubuhay ngayon?
Mahalaga sa atin na bigyan-pansin ang mga kalagayan na humantong sa Baha. Ang kanilang pagkakahawig sa mga kalagayan ng daigdig sa ngayon ay nagpapaunawa sa atin na may inilalarawan ang gayong Baha. Ganito ang pagkalarawan sa mga kalagayang iyon ng aklat ng Bibliya na Genesis: “Nakita ni Jehova na ang kasamaan ng tao ay laganap sa lupa at bawat hilig ng kaisipan ng kaniyang puso ay masama lamang sa lahat ng panahon. At minasdan ng Diyos ang lupa at, narito! iyon ay sumamâ, sapagkat pinasamâ ng lahat ng tao ang kanilang lakad sa ibabaw ng lupa.”—Genesis 6:5, 12.
Ang sangkatauhan ay dumanas ng laganap na pagguho ng moral, sapagkat bawat hilig ng puso ng tao ay masama na lamang na parati. Kaya naman, “ang lupa ay napuno ng karahasan.” (Genesis 6:11) Ang mga buhay ay lubusang nakatalaga sa paghanap ng materyal at seksuwal na mga pita. Ito’y itinawag-pansin ni Jesu-Kristo nang kaniyang sabihin: “Gaya ng mga araw bago bumaha, sila’y nagsisikain at nagsisiinom, nag-aasawa ang mga lalaki at pinapag-aasawa naman ang mga babae, hanggang sa araw na pumasok si Noe sa arka; at hindi nila pinansin hanggang sa dumating ang baha at tinangay silang lahat, gayundin ang pagkanaririto ng Anak ng tao.” (Mateo 24:38, 39) Wala silang ibang inaasikaso kundi ang bigyang-kasiyahan ang mga pita ng laman.
Nagbigay na ng patiunang babala si Noe sa loob ng maraming taon, subalit ang salinglahing iyon ay hindi naniwala. Sila’y tiyak na hindi pa nakakaranas noon ng gayong baha. Kaya naman sa gayong pagpapatuloy ng mga bagay-bagay, ang mga tao’y hindi nakinig. Sila’y “hindi nagbigay-pansin.” Balewala sa kanila kung ang babala man ay nanggaling sa kanilang Maylikha na ibinigay sa pamamagitan ni Noe.
Subalit sinabi ng Diyos kay Noe: “Ang wakas ng lahat ng laman ay dumating sa harap ko, sapagkat ang lupa ay puno ng karahasan na dahil dito; kaya’t sila’y aking lilipulin kasama ng lupa.” (Genesis 6:13) Nang sumapit ang Baha, si Noe at ang kaniyang sambahayan ay iniligtas sapagkat sila’y nakinig sa babala at sumunod sa mga tagubilin ng Diyos. Subalit bakit nga lahat ng ito ay dapat pumukaw ng ating natatanging interes?
Mga Kahalintulad na Kalagayan
Tulad noong mga araw bago sumapit ang Baha, lalo na sapol noong Pandaigdig na Digmaang I ang karahasan ay naging bahagi na ng buhay. Ang politikal na karahasan sa mga bansa ay nagbunga ng pinakamapangwasak at nakapangingilabot na mga digmaan sa kasaysayan ng tao. Ang karahasan ay lumaganap hanggang sa mga lunsod, sa mga lansangan, at sa mga tahanan, at pinagbabantaan kahit na ang mga naglalakbay. At, ang telebisyon, mga panoorin sa sine, at mga nobela ay sa pangkalahatan ang mga tema’y tungkol sa karahasan.
Ang isa pang kahawig ay nasa modernong paraan ng pamumuhay. Ang kasalukuyang salinglahi ng tao ay karaniwan nang ang hilig ay masapatan ang kanilang mga pita sa sekso at sa materyalismo. Sa buong daigdig ay nasasaksihan natin ang pagguho ng moral at ang resulta’y ang mga sakit na isinasalin sa pamamagitan ng seksuwal na pagtatalik sa lawak na parang ito’y isang salot. Ang adulterya, pakikiapid, at homoseksuwal na mga pakikipagtalik ay karaniwan. Tulad ng salinglahi bago sumapit ang Baha ang kasalukuyang salinglahi ay maibigin sa mga kalayawan ng laman at sa mga ari-arian higit kaysa pag-ibig sa Diyos.
Yamang nakadama ang Diyos ng “pagdaramdam” dahil sa labis na masamang pamumuhay noon ng mga tao bago sumapit ang Baha, hindi baga makatuwirang isipin na ganoon din ang kaniyang madarama sa ngayon dahil sa masamang pamumuhay na karaniwan sa buong daigdig? Hindi baga ang kaniyang ginawa na pagpuksa sa sanlibutan noong kaarawan ni Noe ay dapat na maging babala sa kasalukuyang lahi? Hindi baga makatuwiran na isipin na siya’y magkakaroon ng ganoon ding konklusyon na mababasa natin sa Genesis 6:5-7? Nang makita ng Diyos ang kasamaan ng tao, “siya’y nagdamdam sa kaniyang puso. Kaya’t sinabi ni Jehova: ‘Lilipulin ko ang mga tao na aking nilalang sa ibabaw ng lupa.’” Sa pamamagitan ng kinasihang manunulat ng Bibliya, ipinahayag ng Diyos na siya’y magsasagawa ng isang nakakatulad na paghuhukom sa mahilig sa layaw na salinglahi ngayon. Palapit na nang palapit ang pinakamalaking kapahamakan sa kasaysayan ng tao.
Ang mga Huling Araw
Tungkol sa ating panahon, ang kasamaan na ating nakikita sa buong daigdig ay inilarawan ng kinasihang manunulat ng Bibliya ng ikalawang liham kay Timoteo. Sa kabanata 3, 2 Tim 3 talatang 1 hanggang 4, sinasabi niya: “Ngunit alamin mo ito, na sa mga huling araw ay darating ang mapanganib na mga panahong mahirap pakitunguhan. Sapagkat ang mga tao ay magiging maibigin sa kanilang sarili, maibigin sa salapi, mapagpakunwari, mapagmataas, mamumusong, masuwayin sa mga magulang, walang utang na loob, di-tapat, walang katutubong pagmamahal, di marunong tumupad ng kasunduan, maninirang-puri, walang pagpipigil sa sarili, mababangis, di-maibigin sa kabutihan, mga traydor, matitigas ang ulo, mga palalo, maibigin sa kalayawan kaysa maibigin sa Diyos.”
Si Jesu-Kristo ay humula rin tungkol sa mga huling araw ng sistemang ito ng mga bagay. Sa kaniyang hula ay binanggit niya ang sukdulang karahasan na ating nasasaksihan sapol noong Digmaang Pandaigdig I na ang sabi: “Sapagkat ang bansa ay titindig laban sa bansa at ang kaharian laban sa kaharian.” (Mateo 24:7) Binanggit din niya ang karahasan na laganap sa ngayon at ang pagkatakot ng mga tao sa hinaharap. “Dahilan sa paglaganap ng katampalasanan,” sinabi ni Jesus, “ang pag-ibig ng lalong marami ay manlalamig.” (Mateo 24:12) Sinabi rin niya na ang mga tao ay “manlulupaypay dahil sa takot at sa paghihintay ng mga bagay na darating sa tinatahanang lupa.”—Lucas 21:26.
Ang pananalitang “mga huling araw” ay nangangahulugan ng ganoon din para sa kasalukuyang salinglahi kung paano ang kahulugan nito para sa mga lahi ng tao noong bago sumapit ang Baha—ang pagwawakas ng umiiral na sistema ng mga bagay ng mga tao noon. Sa 2 Tesalonica 1:8, 9, ang kinasihang manunulat ng Bibliya na si Pablo ay nagsasabi na, sa pamamagitan ni Jesu-Kristo, ang Diyos ay “maghihiganti sa kanila na hindi nakakakilala sa Diyos at sa kanila na hindi tumatalima sa mabuting balita tungkol sa ating Panginoon Jesus. Ang mga ito nga ang magdaranas ng hatol na parusa ng walang hanggang pagkapuksa mula sa Panginoon at mula sa kaluwalhatian ng kaniyang lakas.”
Nakita ng mga nakaligtas sa Baha na ang lahi ng tao bago sumapit ang Baha ay nalipol sa lupa. Ang mga tao at lahat ng mayroon sila ay pawang nangalipol. Ganiyan din ang mangyayari pagka naghiganti na ang Diyos at winakasan ang kasalukuyang marahas na lahi ng tao. “Sandali na lamang at ang balakyot ay mawawala na; at iyong uusisaing mainam ang kaniyang dako, at siya’y mawawala na.”—Awit 37:11.
Posible ang Kaligtasan
Ang pagkakatulad ng lahi ng tao noong bago sumapit ang Baha at ng ating lahi ngayon ay hindi lamang yaong kasamaan ng mga tao at ang kanilang pagkalipol. Kung paano may mga nakaligtas sa Baha, magkakaroon din ng mga makaliligtas sa katapusan ng kasalukuyang sistema ng mga bagay. Ang mga nakaligtas na iyon sa Baha ay mga taong maaamo na ang pamumuhay ay di tulad ng pangkalahatang mga tao. Sila’y mga maibigin sa katuwiran at masunurin sa Diyos at nakinig sa kaniyang mga babala. Sa atin ay sinasabi sa Genesis 6:8, 9: “Si Noe ay nakasumpong ng biyaya sa paningin ni Jehova. . . . Si Noe ay isang matuwid na tao. Kaniyang pinatunayan na siya’y walang kapintasan sa gitna ng mga taong iyon.” Tungkol sa kaniya at sa kaniyang mga kasamang nakaligtas din, ang apostol Pedro ay sumulat na ang Diyos ay “hindi nagpigil ng pagpaparusa sa isang sinaunang sanlibutan, ngunit si Noe, na mangangaral ng katuwiran ay iningatang ligtas kasama ng pito pa nang gunawin niya ang isang sanlibutan ng mga taong masasama.”—2 Pedro 2:5.
Sa ati’y itinitiyak ng mga propeta ng Diyos na isang lubhang karamihan ng mga tao ang makaliligtas sa napipintong pagwawasak ng Diyos sa kasalukuyang sistema ng mga bagay. Sila rin ay mga taong maaamo na umiibig sa katuwiran at tumatalima sa mga tagubilin ng Diyos gaya ni Noe. Pagkatapos na ihula ang pagkalipol ng mga balakyot, ang salmista ay nagsasabi: “Ngunit ang maaamo ay magmamana ng lupain, at sila’y lubusang masasayahan sa kasaganaan ng kapayapaan.”—Awit 37:10, 11; Apocalipsis 7:9, 13, 14.
Inihula ni Jesus na ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos ay ipangangaral sa buong daigdig sa mga huling araw. Ito ang paraan na sa pamamagitan nito ang mga taong nahihilig sa katuwiran dito sa lupa ay tinitipon para iligtas. Ipinaghalimbawa ito ni Jesus sa kaniyang talinghaga tungkol sa pagbubukud-bukod ng mga tupa at mga kambing. At kaniyang winakasan ang talinghaga ng pagsasabi na ang tulad-kambing na mga taong di-matuwid ay “pupunta sa walang hanggang pagkalipol, ngunit ang [tulad-tupang] mga matuwid ay sa buhay na walang hanggan.”—Mateo 25:31-46.
Bagaman ang Baha ay noong sinaunang panahon, maliwanag na ito’y isang babala sa atin na dapat nating pakinggan. Ito’y napasulat, gaya ng sinasabi ng Bibliya, “ukol sa ating ikatututo.” (Roma 15:4) Ito’y isang babala laban sa pamumuhay sa marahas, makalaman, at materyalistikong paraan na sinusunod ng sanlibutan na hindi tumatalima sa ating Maylikha. Siya’y hindi nagbabago. Nilipol ng Diyos ang lahi ng tao noong bago sumapit ang Baha dahilan sa kanilang kasamaan. Sa katulad na dahilan, kaniya ring lilipulin ang lahing ito ngayon at ang buong sistema nito ng makapolitikang pamahalaan, materyalistikong komersiyalismo, at huwad na relihiyon.
Upang makaligtas sa katapusan ng sistemang ito ng mga bagay, kailangang makinig tayo sa babala buhat sa nakaraan. Patunayan natin na tayo’y mga umiibig sa katuwiran, gaya ng walong nakaligtas sa Baha. At sundin natin ang payo sa Zefanias 2:3: “Hanapin ninyo ang katuwiran, hanapin ninyo ang kaamuan. Kaipala’y malilingid kayo sa araw ng galit ni Jehova.”
[Larawan sa pahina 7]
Kung paano si Noe at ang kaniyang sambahayan ay nakaligtas sa Delubyo, ikaw man ay maaaring makabilang sa maligayang mga makaliligtas sa wakas ng sistemang ito