Talaga Kayang Nabubuhay Na Tayo sa “mga Huling Araw”?
MGA pagbabago sa dalawang larangan ang tutulong sa atin na matukoy ang tinatawag ng Bibliya na mga huling araw. Inihuhula ng Kasulatan ang mga pangyayaring magaganap sa panahon ng “katapusan ng sistema ng mga bagay.” (Mateo 24:3) Binabanggit din ng Bibliya ang mga pagbabago sa mga saloobin at pagkilos ng mga taong nabubuhay sa “mga huling araw.”—2 Timoteo 3:1.
Ang mga pangyayari sa daigdig pati na ang paggawi at pag-uugali ng mga tao ay nagpapatunay na nabubuhay na nga tayo sa mga huling araw at na di-magtatagal, ang Kaharian ng Diyos ay magdudulot ng walang-hanggang mga pagpapala para sa mga umiibig sa Diyos. Simulan natin ang pagtalakay sa pamamagitan ng pagsusuri sa sinabi ni Jesus na tatlong pagkakakilanlan ng mga huling araw.
“Pasimula ng mga Hapdi ng Kabagabagan”
“Ang bansa ay titindig laban sa bansa at ang kaharian laban sa kaharian,” ang sabi ni Jesus, “at magkakaroon ng mga kakapusan sa pagkain at mga lindol sa iba’t ibang dako.” Idinagdag pa niya: “Ang lahat ng mga bagay na ito ay pasimula ng mga hapdi ng kabagabagan.” (Mateo 24:7, 8) Isa-isa nating suriin ang “mga bagay na ito.”
Laksa-laksang tao ang pinaslang sa mga digmaan at alitan dahil sa lahi nitong nakalipas na siglo. “Ang mga biktima ng digmaan sa [ika-20] siglong ito ay tatlong beses ang dami kung ihahambing sa mga biktima ng lahat ng digmaan mula noong unang siglo AD hanggang 1899,” ang sabi ng isang ulat ng mga eksperto mula sa Worldwatch Institute. Sa kaniyang aklat na Humanity—A Moral History of the Twentieth Century, sumulat si Jonathan Glover: “Tinataya na mula noong 1900 hanggang 1989, 86 na milyon katao ang namatay sa digmaan. . . . Hindi mailarawan ang dami ng mga nasawi sa mga digmaan ng ikadalawampung siglo. Hindi magiging tumpak kung aalamin ang katamtamang bilang ng mga namatay, yamang mga dalawang-katlo (58 milyon) ng kabuuang bilang ay namatay noong dalawang digmaang pandaigdig. Pero kung hahati-hatiin ang bilang ng mga namatay na ito sa buong siglo, mga 2,500 katao ang namamatay araw-araw sa digmaan, iyan ay mahigit sa 100 katao bawat oras, walang hinto, sa loob ng siyamnapung taon.” Isip-isipin ang pighati at kirot na tiyak na naidulot nito sa milyun-milyong kamag-anak at kaibigan ng mga namatay!
Sa kabila ng katotohanan na sagana ang produksiyon ng pagkain sa daigdig, ang mga kakapusan sa pagkain ay kasama sa mga pagkakakilanlan ng mga huling araw. Sinasabi ng mga mananaliksik na sa nakalipas na 30 taon, mas mabilis ang produksiyon ng pagkain kaysa sa pagdami ng populasyon. Gayunpaman, laganap ang kakapusan sa pagkain sa kalakhang bahagi ng daigdig dahil maraming tao ang walang sapat na lupa upang pagtamnan ng pagkain o sapat na perang pambili ng pagkain. Sa papaunlad na mga bansa, mga 1.2 bilyong tao ang nakararaos sa isang dolyar o wala pang isang dolyar (U.S.) bawat araw. Sa bilang na ito, mga 780 milyon ang dumaranas ng matinding gutom. Ayon sa World Health Organization, taun-taon, ang malnutrisyon ay isang pangunahing sanhi ng pagkamatay ng mahigit limang milyong bata.
Ano naman ang masasabi tungkol sa inihulang mga lindol? Ayon sa U.S. Geological Survey, ang katamtamang bilang ng mga lindol na makasisira ng mga gusali ay 17 taun-taon mula noong 1990 pa lamang. Sa katamtaman, ang mga lindol na halos kayang magpabagsak ng buong mga gusali ay nagaganap nang minsan taun-taon. “Sa nakalipas na 100 taon, daan-daang libo ang namatay dahil sa mga lindol,” ang sabi ng isa pang reperensiya. Ang isang dahilan nito ay na mula noong 1914, mabilis dumami ang populasyon sa maraming lugar na nasa mga sona ng lindol.
Iba Pang Kapansin-pansing mga Pangyayari
‘Magkakaroon ng mga salot sa iba’t ibang dako,’ ang sabi ni Jesus. (Lucas 21:11) Higit kailanman, malaki ang isinulong ng siyensiya ng medisina sa ngayon. Subalit patuloy pa ring sinasalot ng bago at dating mga sakit ang sangkatauhan. Ganito ang sinabi ng isang dokumento ng U.S. National Intelligence Council: “Dalawampung kilalang sakit—kasama na ang tuberkulosis (TB), malarya, at kolera—ang muling lumitaw o kumalat sa mas maraming lugar mula noong 1973, na kadalasa’y mas nakamamatay at hindi na tinatablan ng gamot. Di-kukulangin sa 30 sanhi ng sakit ang nakilala mula noong 1973, kasama na ang HIV, Ebola, hepatitis C, at Nipah virus, at wala pang natutuklasang panlunas sa mga ito.” Ayon sa isang ulat ng Red Cross noong Hunyo 28, 2000, noong 1999, ang bilang ng mga namatay sa nakahahawang mga sakit ay mga 160 beses ang dami kung ihahambing sa bilang ng mga namatay sa mga likas na kasakunaan.
Ang “paglago ng katampalasanan” ay isa pang kapansin-pansing pagkakakilanlan ng mga huling araw. (Mateo 24:12) Sa maraming lugar sa lupa sa ngayon, hindi iniiwan ng mga tao ang kanilang mga bahay nang hindi nakakandado o hindi sila nakadarama na ligtas sila sa lansangan kapag gabi. At kumusta naman ang polusyon sa hangin, tubig, at lupa, na kadalasan nang resulta ng ilegal na mga gawain? Katuparan din ito ng inihula ng Bibliya. Binabanggit ng aklat ng Apocalipsis ang tungkol sa itinakdang panahon ng Diyos kung kailan ‘ipapahamak niya yaong mga nagpapahamak sa lupa.’—Apocalipsis 11:18.
Kung Ano ang Magiging Ugali ng mga Tao sa mga Huling Araw
Pakisuyong buksan ang iyong Bibliya sa 2 Timoteo 3:1-5 at basahin ito. Sumulat si apostol Pablo: “Sa mga huling araw ay darating ang mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan.” Pagkatapos ay itinala niya ang 20 pag-uugali na makikita sa di-makadiyos na mga tao. Napapansin mo ba ang ilan sa mga pag-uugaling iyan sa mga naninirahan sa inyong komunidad? Isaalang-alang ang sinabi kamakailan hinggil sa mga tao sa ngayon.
“Mga maibigin sa kanilang sarili.” (2 Timoteo 3:2) “Higit kailanman, mapilit [ang mga tao] na gawin ang gusto nilang gawin. [Sila] ay nag-aastang mga diyos, at inaasahan nila na tratuhin sila nang gayon.”—Financial Times, diyaryo sa Inglatera.
“Mga maibigin sa salapi.” (2 Timoteo 3:2) “Kamakailan ay nadaig ng makasariling espiritu ng materyalismo ang espiritu ng pagiging simple. Malibang makita kang mayaman sa lipunan, hindi sulit ang mabuhay.”—Jakarta Post, diyaryo sa Indonesia.
“Mga masuwayin sa mga magulang.” (2 Timoteo 3:2) “Palaisipan sa mga magulang na makita ang kanilang 4-na-taóng-gulang na anak na nag-uutos sa kanila na para bang siya si Louis XIV [hari ng Pransiya] o ang kanilang 8-taóng-gulang na anak na sumisigaw, ‘Ayoko sa iyo!’”—American Educator, magasin sa Estados Unidos.
“Mga di-matapat.” (2 Timoteo 3:2) “Ang pagdami ng mga lalaking handang iwan ang kanilang mga kabiyak at anak ay marahil ang pinakamalaking pagbabago sa pamantayang moral sa [nakalipas na 40 taon].”—Wilson Quarterly, magasin sa Estados Unidos.
“Mga walang likas na pagmamahal.” (2 Timoteo 3:3) “Nangingibabaw ang karahasan sa pamilya sa pang-araw-araw na buhay sa mga pamayanan sa buong daigdig.”—Journal of the American Medical Association, magasin sa Estados Unidos.
“Mga walang pagpipigil sa sarili.” (2 Timoteo 3:3) “Tuwing umaga, makikita sa maraming balita sa unang pahina ng diyaryo ang mga kaisipang nagpapaaninag ng kawalan ng pagpipigil sa sarili, kawalan ng paninindigan sa mga prinsipyo at kawalan ng awa sa kanilang kapuwa at maging sa kanilang sarili. . . . Kung patuloy na sasang-ayunan ng ating lipunan ang pagiging agresibo gaya ng nangyayari sa ngayon, di-magtatagal at lubusan nang malilipol ang pamantayang moral ng ating lipunan.”—Bangkok Post, diyaryo sa Thailand.
“Mga mabangis.” (2 Timoteo 3:3) “Ang di-makatuwirang galit at di-makontrol na pagngangalit [ay] nakikita sa mga nagmamaneho, sa mga pag-abuso sa loob ng pamilya, . . . at [sa] lumilitaw na di-makatarungan at walang-kabuluhang karahasan na madalas na may kaakibat na krimen. Nagaganap ang karahasan nang biglaan at di-inaasahan at dahil dito, nagiging manhid ang mga tao at walang kalaban-laban.”—Business Day, diyaryo sa Timog Aprika.
“Mga maibigin sa mga kaluguran kaysa maibigin sa Diyos.” (2 Timoteo 3:4) “Ang pagiging liberal sa sekso ay naging isang kalakaran sa moral, kung saan kaaway nito ang Kristiyanong moralidad.”—Boundless, isang reperensiya sa Internet.
“May anyo ng makadiyos na debosyon ngunit nagbubulaan sa kapangyarihan nito.” (2 Timoteo 3:5) “Sinabi ng [isang dating patutot sa Netherlands] na ang pagsalansang sa pagiging legal [ng prostitusyon] ay pangunahin nang nagmumula sa mga relihiyosong grupo. Huminto siya sandali at saka pangiting sinabi na noong siya’y isang patutot, regular na mga kliyente niya ang ilang [relihiyosong] ministro. ‘Palaging sinasabi ng mga patutot na ang pinakamahusay nilang mga kliyente ay nagmumula sa relihiyosong komunidad,’ ang sabi niya sabay tawa.”—National Catholic Reporter, diyaryo sa Estados Unidos.
Ano ang Mangyayari sa Hinaharap?
Napakagulo ng daigdig sa ngayon, gaya ng inihula ng Bibliya. Subalit may positibo namang pangyayari na makikita sa hula hinggil sa “tanda ng . . . pagkanaririto [ni Kristo] at ng katapusan ng sistema ng mga bagay.” “Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng mga bansa,” ang sabi ni Jesus. (Mateo 24:3, 14) Ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos ay ipinangangaral sa mahigit 230 lupain. Mahigit anim na milyon katao na nagmula sa “lahat ng mga bansa at mga tribo at mga bayan at mga wika” ang aktibong nakikibahagi sa gawain ng paghahayag ng Kaharian. (Apocalipsis 7:9) Ano na ang naisakatuparan ng kanilang masigasig na gawain? Ito iyon: Ang mensahe kung ano ang Kaharian, kung ano ang gagawin nito, at kung paano tatanggap ng mga pagpapala nito ay maaaring malaman ng halos lahat ng nasa lupa. Sa katunayan, ‘ang tunay na kaalaman ay naging sagana sa panahon ng kawakasan.’—Daniel 12:4.
Dapat mong makuha ang kaalamang ito. Isaalang-alang kung ano ang mangyayari kapag naipangaral na ang mabuting balita sa antas na nais ni Jehova. Sinabi ni Jesus: “Kung magkagayon ay darating ang wakas.” (Mateo 24:14) Sa panahong iyon, aalisin na ng Diyos ang lahat ng kasamaan sa lupa. Ganito ang sinasabi ng Kawikaan 2:22: “Kung tungkol sa mga balakyot, lilipulin sila mula sa mismong lupa; at kung tungkol sa mga mapandaya, bubunutin sila mula rito.” Ano naman ang gagawin kay Satanas at sa kaniyang mga demonyo? Sila ay ihahagis sa kalaliman, kung saan hindi na nila maililigaw pa ang mga bansa. (Apocalipsis 20:1-3) Pagkatapos, “ang mga matuwid . . . at ang mga walang kapintasan ang siyang maiiwan” sa lupa. At matatamasa nila ang kamangha-manghang mga pagpapala ng Kaharian.—Kawikaan 2:21; Apocalipsis 21:3-5.
Ano ang Maaari Mong Gawin?
Walang-alinlangang matutupad ito. Napakalapit na ng kawakasan ng sistema ni Satanas. Ang mga nagwawalang-bahala sa ebidensiya na nabubuhay na tayo sa mga huling araw ay hindi magiging handa kapag dumating ang wakas. (Mateo 24:37-39; 1 Tesalonica 5:2) Kaya sinabi ni Jesus sa kaniyang mga tagapakinig: “Bigyang-pansin ninyo ang inyong sarili na ang inyong mga puso ay hindi mapabigatan ng labis na pagkain at labis na pag-inom at mga kabalisahan sa buhay, at bigla na lang na ang araw na iyon ay kagyat na mapasainyo na gaya ng silo. Sapagkat darating ito sa lahat ng mga nananahanan sa ibabaw ng buong lupa. Manatiling gising, kung gayon, na nagsusumamo sa lahat ng panahon na magtagumpay kayo sa pagtakas mula sa lahat ng mga bagay na ito na nakatalagang maganap, at sa pagtayo sa harap ng Anak ng tao.”—Lucas 21:34-36.
Yaon lamang may sinang-ayunang katayuan sa harap ng Anak ng tao, si Jesus, ang magkakaroon ng pag-asang makaligtas sa kawakasan ng sistemang ito ng mga bagay. Napakahalaga nga na gamitin natin ang natitirang panahon upang makamit ang pagsang-ayon ng Diyos na Jehova at ni Jesu-Kristo! Sinabi ni Jesus sa kaniyang panalangin sa Diyos: “Ito ay nangangahulugan ng buhay na walang hanggan, ang kanilang pagkuha ng kaalaman tungkol sa iyo, ang tanging tunay na Diyos, at sa isa na iyong isinugo, si Jesu-Kristo.” (Juan 17:3) Kung gayon, isang katalinuhan para sa iyo na pag-aralan pa nang higit ang tungkol sa Diyos na Jehova at sa kaniyang mga kahilingan. Malulugod ang mga Saksi ni Jehova sa inyong komunidad na tulungan kang maunawaan ang itinuturo ng Bibliya. Magiliw ka naming inaanyayahan na makipag-ugnayan sa kanila o sumulat sa mga tagapaglathala ng magasing ito.
[Kahon/Mga larawan sa pahina 7]
MGA PAGKAKAKILANLAN NG MGA HULING ARAW
MALALAKING PANGYAYARI:
▪ Mga digmaan.—Mateo 24:6, 7.
▪ Mga kakapusan sa pagkain.—Mateo 24:7.
▪ Mga lindol.—Mateo 24:7.
▪ Mga salot.—Lucas 21:11.
▪ Paglago ng katampalasanan.—Mateo 24:12.
▪ Pagpapahamak sa lupa.—Apocalipsis 11:18.
MGA TAO:
▪ Mga maibigin sa kanilang sarili.—2 Timoteo 3:2.
▪ Mga maibigin sa salapi.—2 Timoteo 3:2.
▪ Mga palalo.—2 Timoteo 3:2.
▪ Mga masuwayin sa mga magulang.—2 Timoteo 3:2.
▪ Mga walang utang-na-loob.—2 Timoteo 3:2.
▪ Mga di-matapat.—2 Timoteo 3:2.
▪ Mga walang likas na pagmamahal.—2 Timoteo 3:3.
▪ Mga walang pagpipigil sa sarili.—2 Timoteo 3:3.
▪ Mga mabangis.—2 Timoteo 3:3.
▪ Mga maibigin sa mga kaluguran.—2 Timoteo 3:4.
▪ Mga nagkukunwaring relihiyoso.—2 Timoteo 3:5.
MGA TUNAY NA MANANAMBA:
▪ May saganang kaalaman.—Daniel 12:4.
▪ Nangangaral ng mabuting balita sa buong daigdig.—Mateo 24:14.
[Credit Line]
UNITED NATIONS/Photo by F. GRIFFING