Inihula Ba ng Bibliya na Magiging Ganito ang Ugali ng mga Tao sa Ngayon?
Ang Sagot ng Bibliya
Oo, inihula sa Bibliya na sásamâ ang karamihan sa mga tao sa panahon natin. Ipinapakita din nito na dahil sa pagbabagong iyan, bababa ang moralidad ng mga tao at babale-walain nila ang magagandang asal.a (2 Timoteo 3:1-5) Pero inihula din ng Bibliya na hindi lahat ng tao ay magpapadala sa ganitong pagbabago. Sa tulong ng Diyos, lalabanan nila ang masasamang impluwensiya, at sisikapin nilang mag-isip at gumawi sa paraang gusto Niya.—Isaias 2:2, 3.
Sa artikulong ito
Ano ang inihula ng Bibliya na magiging ugali ng mga tao sa ngayon?
Sinasabi sa Bibliya ang iba’t ibang masasamang ugali na magiging karaniwan sa ngayon, at lahat ng ito ay dahil sa pagiging makasarili. Ang mga tao ay magiging “maibigin sa sarili,” “walang pagpipigil sa sarili,” at “maibigin sa kaluguran sa halip na maibigin sa Diyos.”—2 Timoteo 3:2-4, talababa.
Gaya ng inihula, ang iniisip na lang ng marami sa ngayon ay ang sarili nila, kung ano ang pabor sa kanila, kung saan sila makikinabang, at iba pa. Pangkaraniwan na lang ang mga ugaling ito, kaya may mga grupo ng tao na tinatawag na Henerasyong Maka-ako, at ngayon, lalo pa itong lumalala. Maraming tao ang nakapokus lang sa sarili nila at hindi na mahalaga sa kanila ang mabubuting katangian, kaya masasabing “napopoot [sila] sa kabutihan.” Dahil ‘wala silang utang na loob,’ pakiramdam nila, hindi nila kailangang magpasalamat sa kung anong mayroon sila o sa mga ginagawa ng iba para sa kanila.—2 Timoteo 3:2, 3.
Ang pagiging makasarili ang ugat ng iba pang ugali na inihula ng Bibliya na magiging karaniwan sa ngayon:
Sakim. Napakaraming “maibigin sa pera”—para sa kanila, masasabing matagumpay sila kapag marami silang pera o pag-aari.—2 Timoteo 3:2.
Mayabang. Marami ang “mayabang, mapagmataas,” at “mapagmalaki.” (2 Timoteo 3:2, 4) Ipinagyayabang nila ang mga kakayahan nila, katangian, o kayamanan.
Maninirang-puri. Napakaraming “mamumusong” at “maninirang-puri.” (2 Timoteo 3:2, 3) Tumutukoy ang mga ito sa mga taong nang-iinsulto o nagkakalat ng kasinungalingan tungkol sa iba o sa Diyos.
Mapagmatigas. Marami ang “di-tapat,” “ayaw makipagkasundo,” “taksil,” at “matigas ang ulo.” (2 Timoteo 3:2-4) Ayaw nilang pag-usapan ang mga bagay-bagay para ayusin ito, at hindi sila tumutupad sa mga pangako.
Marahas. Marami sa ngayon ang “mabangis” at nagpapadala sa galit, na kadalasang nauuwi sa karahasan o kalupitan.—2 Timoteo 3:3.
Masama. Inihula ni Jesus ang “paglaganap ng kasamaan” sa panahon natin. (Mateo 24:12) Inihula din niya na magiging laganap ang “kaguluhan,” o “pag-aaklas.”—Lucas 21:9, talababa.
Walang pagmamahal sa pamilya. Dahil marami ang “masuwayin sa magulang” at “walang likas na pagmamahal” sa pamilya, dumami ang nagpapabaya sa pamilya, nang-aabuso, at nananakit.—2 Timoteo 3:2, 3.
Nagkukunwaring makadiyos. Dumarami ang mga taong “mukhang makadiyos” lang. (2 Timoteo 3:5) Imbes na sumunod sa Diyos, sinusunod nila ang mga relihiyosong lider na nagsasabi ng mga bagay na gusto lang nilang marinig.—2 Timoteo 4:3, 4.
Ano’ng epekto ng makasariling mga tao sa iba?
Dahil laganap ang pagiging makasarili, nagkaroon ng epidemya ng sakit sa mental at emosyonal. (Eclesiastes 7:7) Halimbawa, dinadaya o sinasamantala ng mga maibigin sa pera ang kapuwa nila. Ang mga taong walang likas na pagmamahal ay nang-aabuso ng mga kapamilya nila. Kaya marami sa mga ito ang nade-depress o gustong magpakamatay. At dahil sa pagtataksil ng isa, nasasaktan at nato-trauma ang pinagtaksilan.
Bakit pasamâ nang pasamâ ang mga tao?
Ipinapaliwanag ng Bibliya kung bakit nagbabago ang mga tao:
Nawawala na ang pag-ibig ng mga tao sa Diyos at sa kapuwa nila. (Mateo 24:12) Dahil diyan, dumadami ang nagiging makasarili.
Pinalayas si Satanas na Diyablo sa langit at inihagis dito sa lupa. (Apocalipsis 12:9, 12) Mula noon, mas lalo pa niyang naimpluwensiyahan ang mga tao na maging makasarili.—1 Juan 5:19.
Ano ang dapat nating gawin sa pagbabagong ito ng mga tao?
Sinasabi ng Salita ng Diyos: “Layuan mo sila.” (2 Timoteo 3:5) Hindi naman ito nangangahulugang ihihiwalay natin ang sarili natin sa mga tao. Kailangan lang nating iwasang makipagkaibigan sa mga taong makasarili at di-makadiyos.—Santiago 4:4.
Lahat ba ng tao, magiging ganito?
Hindi. Inihula ng Bibliya na may mga taong ‘magbubuntonghininga at daraing dahil sa lahat ng kasuklam-suklam na bagay na ginagawa.’ (Ezekiel 9:4) Hindi sila magiging makasarili, at susundin nila sa buhay nila ang mga pamantayan ng Diyos. Magiging ibang-iba ang paggawi nila kumpara sa karamihan. (Malakias 3:16, 18) Halimbawa, sisikapin nilang mapanatili ang mapayapang kaugnayan sa iba, at hindi sila susuporta sa mga digmaan at karahasan.—Mikas 4:3.
Darating kaya sa punto na puro kaguluhan na lang ang nangyayari sa mundo?
Hindi. Hindi naman magiging sobrang sama ng lipunan ng tao na puro kaguluhan at karahasan na lang ang nangyayari. Malapit nang alisin ng Diyos ang lahat ng taong ayaw talagang sumunod sa mga pamantayan niya. (Awit 37:38) Magtatatag siya ng isang “bagong lupa”—isang bagong lipunan ng mga tao dito sa lupa. (2 Pedro 3:13) Sa panahong iyon, ang maaamo ay titira sa lupa nang payapa magpakailanman. (Awit 37:11, 29) Hindi iyan basta pangangarap lang. Ngayon pa lang, natutulungan na ng Bibliya ang mga tao na baguhin ang buhay nila at mamuhay ayon sa pamantayan ng Diyos.—Efeso 4:23, 24.
a Ipinapakita ng mga hula sa Bibliya at ng mga pangyayari sa mundo na nabubuhay na tayo sa “mga huling araw.” Inilalarawan ito bilang “mapanganib” o “panahon ng kaguluhan.” (2 Timoteo 3:1; Magandang Balita Biblia) Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang “Ano ang Tanda ng ‘mga Huling Araw,’ o ‘Katapusan ng Panahon’?”