Magbantay Laban sa Maling Kabaitan
1 Ang bayan ni Jehova ay kilala sa kanilang espiritu ng pagiging mapagbigay. Kadalasan ito ay ipinakikita sa materyal na paraan kapag ating tinutularan ang Samaritano sa talinghaga ni Jesus. (Luc. 10:29-37) Gayunpaman, ang ilan na hindi karapatdapat sa ating tulong ay maaaring magsikap na samantalahin ang ating kabaitan. Kaya ang ating pag-ibig sa iba ay dapat na timbangin taglay ang “tumpak na kaalaman at ganap na kaunawaan.”—Fil. 1:9.
2 Sa Loob ng Kongregasyon: Halimbawa, maaaring may magsabi na wala siyang trabaho o gumagawa ng ibang pagdadahilan upang humingi ng tulong. Kung minsan ang mga taong ito ay ayaw magtrabaho kundi nagnanais lamang na iba ang maglaan ng kanilang pangangailangan sa buhay. Hinggil sa mga ito nag-utos ang apostol Pablo: “Kung ang sinuman ay ayaw gumawa, huwag din siyang pakainin.”—2 Tes. 3:10.
3 “Ang panahon at di inaasahang pangyayari” ay dumarating sa ating lahat, anupat kung tayo’y nangangailangan ng materyal na tulong, nagkukulang sa “ating tinapay sa araw na ito,” hindi tayo dapat na lubos na mabahala, yamang si Jehova ay naglalaan sa mga umiibig sa kaniya. (Ecles. 9:11; Mat. 6:11, 31, 32) Sa halip na humingi ng pera sa ating mga kapatid sa kongregasyon, pinakamabuting makipag-usap sa isa sa mga matatanda. Siya, sa kabilang dako, ay makikipag-usap nang sarilinan sa lupon ng mga matatanda. Ang mga matatandang ito ay nakakaalam marahil ng mga programa ng gobyerno sa pagbibigay ng tulong at maaaring makatulong sa mga nangangailangan na makinabang mula sa gayong programa. Sa anumang paraan, maaaring masuri ng lupon ng mga matatanda ang kalagayan ng bawat isa na humihiling ng tulong at maisaalang-alang kung papaano makatutulong ang kongregasyon sa pinakamabuting paraan.
4 Naglalakbay na mga Impostor: Ang Samahan ay patuloy na nakakatanggap ng mga ulat na ang ilan sa mga kongregasyon ay napagsamantalahan ng pera at materyal na mga bagay ng mga naglalakbay na impostor. Ito’y hindi natin ipinagtataka, yamang binabalaan tayo ng Kasulatan na “ang mga taong balakyot at mga impostor ay susulong mula sa masama tungo sa lalong masama, nanliligáw at naililigaw.” (2 Tim. 3:13) Kadalasan ang mga impostor na ito ay nag-aangkin na hindi sila makauwi at nangangailangan ng pera para pamasahe at pagkain sa pagbabalik sa kanilang tahanan. Bagaman waring taimtim, kadalasang ang mga ito ay hindi mga Saksi ni Jehova kundi nag-aangkin lamang.
5 Kapag humihingi ng tulong ang isang estranghero, magiging katalinuhan na sumangguni sa isa sa mga matatanda, na maaaring makakilala kung ang taong ito ay ating kapatid. Maaaring tumawag sa telepono sa kaniyang kongregasyon upang matiyak ang katayuan ng taong iyon. Ang tunay na mga kapatid ay makakaunawa na ang gayong pagtatanong ay ukol sa proteksiyon ng lahat ng nasasangkot. Sa kabilang panig, ang mga impostor ay mahahayag sa ganitong uri ng pagsusuri. Hindi kailangang maging masyadong mapaghinala sa lahat ng hindi natin kilala, subalit kailangan tayong maging mapagbantay laban sa mga impostor.
6 Ang pantas na si Haring Solomon ay nagpayo: “Huwag mong ikait ang mabuti sa kinauukulan, pagka nasa kapangyarihan ng iyong kamay na ito’y gawin.” (Kaw. 3:27) Sa pamamagitan ng ating matalinong pang-unawa, maaari tayong patuloy na maging maawain samantalang nagbabantay laban sa maling kabaitan.