“Lalakad Ako sa Iyong Katotohanan”
“Turuan mo ako, O Jehova, ng tungkol sa iyong daan. Lalakad ako sa iyong katotohanan.”—AWIT 86:11.
1-3. (a) Ano ang dapat na maging pananaw natin tungkol sa katotohanan sa Bibliya? Ilarawan. (Tingnan ang mga larawan sa simula ng artikulo.) (b) Anong mga tanong ang tatalakayin sa artikulong ito?
KARANIWAN na sa ngayon ang pagsasauli ng isang produktong nabili na. Sa ilang bansa, tinatayang halos 9 na porsiyento ng mga produktong binili sa mga tindahan ang isinasauli. Posibleng mahigit 30 porsiyento naman ng mga produktong nabili online ang isinasauli. Marahil ay nakita ng mga mámimili na ang kanilang binili ay iba sa inaasahan nila, sirâ, o hindi lang talaga nila nagustuhan. Kaya hinihiling nilang palitan na lang ang nabiling produkto o ibalik ang kanilang bayad.
2 Kung nahihiling man nating maibalik ang ating ipinambayad sa mga produktong binili natin, hinding-hindi natin gugustuhing isauli, o “ipagbili,” ang “tumpak na kaalaman” sa katotohanang nasa Bibliya na ‘binili’ natin. (Basahin ang Kawikaan 23:23; 1 Tim. 2:4) Gaya ng tinalakay sa naunang artikulo, binili natin ang katotohanan nang maglaan tayo ng malaking panahon para pag-aralan ito. O baka iniwan pa nga natin ang isang magandang karera, hinarap ang mga pagbabago sa kaugnayan sa iba, binago ang ating pag-iisip at paggawi, o tinalikuran ang di-makakasulatang kaugalian at gawain. Pero napakaliit lang ng mga sakripisyong ito kumpara sa mga pagpapalang tinanggap natin.
3 Ang ating pananaw tungkol sa katotohanan sa Bibliya ay katulad ng naging pananaw ng lalaki sa ilustrasyon ni Jesus. Para ipakita kung gaano kahalaga ang katotohanan ng Kaharian ng Diyos sa mga nakaalam nito, sinabi ni Jesus ang tungkol sa isang naglalakbay na mangangalakal na naghahanap ng maiinam na perlas at nakasumpong ng isa nito. Napakataas ng halaga ng perlas na iyon kaya ‘dali-dali niyang ipinagbili’ ang lahat ng taglay niya para mabili ito. (Mat. 13:45, 46) Sa katulad na paraan, ang katotohanang nasumpungan natin—katotohanan tungkol sa Kaharian ng Diyos at lahat ng iba pang mahahalagang katotohanan mula sa Salita ng Diyos—ay may napakataas na halaga kung kaya handa tayong magsakripisyo para matamo ito. Hangga’t pinahahalagahan natin ang katotohanan, hinding-hindi natin ito ipagbibili. Nakalulungkot, may ilang lingkod ng Diyos na nawalan ng pagpapahalaga sa katotohanan—at ipinagbili pa nga ito. Huwag sanang mangyari ito sa atin! Para maipakita na malalim ang pagpapahalaga natin sa katotohanan at na hinding-hindi natin ito ipagbibili, dapat nating sundin ang payo ng Bibliya na ‘patuloy na lumakad sa katotohanan.’ (Basahin ang 3 Juan 2-4.) Kasama sa paglakad sa katotohanan ang pamumuhay ayon dito—ginagawa itong pangunahin sa ating buhay at gumagawi kasuwato nito. Talakayin natin ang mga tanong na ito: Bakit at paano ‘ipinagbibili’ ng ilan ang katotohanan? Paano natin maiiwasan ang pagkakamaling ito? Paano tayo magiging mas determinadong ‘patuloy na lumakad sa katotohanan’?
BAKIT AT PAANO ‘IPINAGBIBILI’ NG ILAN ANG KATOTOHANAN?
4. Noong unang siglo, bakit ‘ipinagbili’ ng ilan ang katotohanan?
4 Noong unang siglo, ang ilan sa positibong tumugon sa mga turo ni Jesus ay hindi nagpatuloy sa paglakad sa katotohanan. Halimbawa, matapos makahimalang pakainin ni Jesus ang isang malaking pulutong, sinundan nila siya hanggang sa kabilang panig ng Dagat ng Galilea. Doon, may sinabi si Jesus na ikinagulat nila: “Malibang kainin ninyo ang laman ng Anak ng tao at inumin ang kaniyang dugo, wala kayong buhay sa inyong sarili.” Imbes na hingan ng paliwanag si Jesus, natisod sila at sinabi: “Ang pananalitang ito ay nakapangingilabot; sino ang makapakikinig nito?” Bilang resulta, “marami sa kaniyang mga alagad ang bumalik sa mga bagay na nasa likuran at hindi na lumakad na kasama niya.”—Juan 6:53-66.
5, 6. (a) Bakit hindi nakapanghawakan ang ilan sa katotohanan? (b) Paano maaaring unti-unting iwan ng isa ang katotohanan?
5 Nakalulungkot, may ilan din sa ngayon na hindi nanghawakan sa katotohanan. Natisod ang ilan dahil sa bagong pagkaunawa sa isang teksto sa Bibliya, o sa sinabi o ginawa ng isang kilaláng kapatid. Nagdamdam naman ang iba nang payuhan sila mula sa Kasulatan, o iniwan nila ang katotohanan dahil hindi nila nakasundo ang isang kapatid. May iba pa na pumanig sa mga apostata at ibang mananalansang na pumipilipit sa ating paniniwala. Bilang resulta, kusang ‘lumayo’ ang ilan kay Jehova at sa kongregasyon. (Heb. 3:12-14) Napabuti sana sila kung pinanatili nila ang kanilang pananampalataya at patuloy na nagtiwala kay Jesus, gaya ng ginawa ni apostol Pedro! Nang tanungin ni Jesus ang mga apostol kung gusto rin nilang umalis, agad sumagot si Pedro: “Panginoon, kanino kami paroroon? Ikaw ang may mga pananalita ng buhay na walang hanggan.”—Juan 6:67-69.
6 Unti-unti namang iniiwan ng iba ang katotohanan, marahil nang hindi man lang nila namamalayan. Katulad sila ng isang bangka na unti-unting naaanod papalayo mula sa pampang. Ginamit ng Bibliya ang pananalitang “maanod papalayo” para ilarawan ang gayong unti-unting pagbabago. (Heb. 2:1) Ang isa na naaanod papalayo ay di-gaya ng isa na sinasadyang lumayo sa katotohanan. Pero isinasapanganib ng taong iyon ang kaniyang kaugnayan kay Jehova at posible pa ngang maiwala niya ito. Paano natin maiiwasan ang gayong kapahamakan?
PAANO NATIN MAIIWASANG IPAGBILI ANG KATOTOHANAN?
7. Ano ang unang hakbang na tutulong sa ating huwag ipagbili ang katotohanan?
7 Para makalakad sa katotohanan, kailangan nating tanggapin at sundin ang lahat ng sinasabi ni Jehova. Dapat na maging pangunahin sa ating buhay ang katotohanan at dapat tayong mamuhay ayon sa mga simulain ng Bibliya. Sinabi ni Haring David sa kaniyang panalangin kay Jehova: “Lalakad ako sa iyong katotohanan.” (Awit 86:11) Gaya ni David, dapat din tayong maging determinadong patuloy na lumakad sa katotohanan. Dahil kung hindi, baka magdalawang-isip tayo kung sulit ba ang ipinambili natin sa katotohanan at matuksong bawiin ang ilan sa ipinambayad natin. Sa halip, nanghahawakan tayo nang mahigpit sa lahat ng katotohanan. Alam nating hindi tayo puwedeng mamilì kung aling katotohanan ang tatanggapin natin o babale-walain. Sa katunayan, dapat tayong lumakad sa “lahat ng katotohanan.” (Juan 16:13) Isaalang-alang natin ang limang bagay na maaaring ipinambili natin sa katotohanan. Magpapatibay ito sa ating determinasyong huwag bawiin ang anumang ipinambayad natin.—Mat. 6:19.
8. Paano maaaring maanod papalayo sa katotohanan ang isang Kristiyano dahil sa di-matalinong paggamit ng panahon? Magbigay ng halimbawa.
8 Panahon. Kailangang gamitin nang may katalinuhan ang ating panahon para hindi tayo maanod papalayo sa katotohanan. Kung hindi tayo mag-iingat, baka umubos tayo ng malaking panahon sa paglilibang, pag-i-Internet, o panonood ng TV. Hindi naman mali ang mga gawaing ito, pero posibleng maagaw nito ang panahong ginugugol sana natin para sa personal study at iba pang espirituwal na gawain. Tingnan ang nangyari sa sister na si Emma.a Bata pa lang siya, mahilig na siya sa kabayo. Basta may pagkakataon, nangangabayo siya. Pagkalipas ng ilang panahon, nakonsensiya na siya sa panahong nauubos niya rito. Gumawa siya ng pagbabago at nailagay niya sa tamang lugar ang paglilibang. Napatibay rin siya sa karanasan ni Cory Wells, na dating trick rider sa mga rodeo.b Ngayon, mas marami nang panahon si Emma sa espirituwal na mga gawain kasama ng mga kapananampalataya at kaibigan. Mas malapít na siya kay Jehova at panatag dahil alam niyang nagagamit niya nang may katalinuhan ang kaniyang panahon.
9. Paano isinasaisantabi ng ilan ang espirituwal na mga gawain dahil sa materyal na pakinabang?
9 Materyal na Pakinabang. Para patuloy na makalakad sa katotohanan, dapat nating panatilihin sa tamang lugar ang materyal na mga bagay. Nang malaman natin ang katotohanan, ang materyal na mga bagay ay naging pangalawahin na lang sa ating espirituwal na mga gawain. Masaya nating isinakripisyo ang materyal na mga bagay para makalakad sa katotohanan. Pero sa paglipas ng panahon, baka mapansin natin na nakakabili ang iba ng pinakabagong gadyet o nasisiyahan sa iba pang materyal na pakinabang. Baka maramdaman nating may kulang sa atin. Kapag hindi na tayo kontento sa mga pangunahing pangangailangan, baka isaisantabi natin ang espirituwal na mga gawain para magpayaman. Ipinapaalaala sa atin nito ang nangyari kay Demas. Dahil inibig niya ang “kasalukuyang sistema ng mga bagay,” pinabayaan niya si apostol Pablo at iniwan ang paglilingkod. (2 Tim. 4:10) Bakit? Mas inibig kaya niya ang materyal na mga bagay kaysa sa espirituwal na mga gawain? Ayaw na kaya niyang magsakripisyo para makapaglingkod kasama ni Pablo? Walang binabanggit ang Bibliya. Tiyak na ayaw nating manumbalik ang pag-ibig natin sa materyal na mga bagay at matabunan nito ang pag-ibig natin sa katotohanan.
10. Para patuloy na makalakad sa katotohanan, anong panggigipit ang dapat nating paglabanan?
10 Kaugnayan sa Iba. Para patuloy na makalakad sa katotohanan, hindi tayo dapat magpadala sa panggigipit. Nang lumakad tayo sa katotohanan, nagbago ang kaugnayan natin sa ating mga di-Saksing kapamilya at kasamahan. Tanggap ito ng ilan; kontra naman dito ang iba. (1 Ped. 4:4) Siyempre pa, sinisikap nating magkaroon ng mabuting kaugnayan sa ating kapamilya at maging mabait sa kanila, pero dapat tayong mag-ingat na huwag ikompromiso ang katotohanan para lang paluguran sila. Sa kabila nito, sisikapin pa rin nating makasundo sila. Dahil sa babala sa 1 Corinto 15:33, magkakaroon lang tayo ng matalik na pakikipagkaibigan sa mga umiibig kay Jehova.
11. Paano natin maiiwasan ang mga di-makakasulatang paggawi?
11 Di-makadiyos na pag-iisip at paggawi. Dapat na maging banal ang lahat ng lumalakad sa katotohanan. (Isa. 35:8; basahin ang 1 Pedro 1:14-16.) Nang malaman natin ang katotohanan, lahat tayo ay gumawa ng pagbabago para maabot ang matuwid na mga pamantayan ng Bibliya. Baka nga malaking pagbabago pa ang ginawa ng ilan. Anumang pagbabago ang ginawa natin, hindi natin kailanman ipagpapalit ang ating malinis at banal na katayuan para lang sa maruming moralidad ng sanlibutan. Paano natin maiiwasang magpadala sa imoral na gawain? Bulay-bulayin kung gaano kalaki ang ibinayad ni Jehova para maging banal tayo—ang mahalagang dugo ng kaniyang Anak, si Jesu-Kristo. (1 Ped. 1:18, 19) Para mapanatili ang malinis na katayuan sa harap ni Jehova, napakahalagang laging isaisip at isapuso kung gaano kahalaga ang haing pantubos ni Jesus.
12, 13. (a) Bakit mahalagang laging isaisip ang pananaw ni Jehova sa mga kapistahan? (b) Ano ang susunod nating tatalakayin?
12 Di-makakasulatang kaugalian at gawain. Baka yayain tayo ng ating kapamilya, katrabaho, at kaeskuwela sa kanilang mga selebrasyon. Paano natin mapaglalabanan ang panggigipit na makibahagi sa mga kaugalian at kapistahan na hindi nakalulugod kay Jehova? Magagawa natin ito kung lagi nating isasaisip ang pananaw ni Jehova sa gayong mga gawain. Makatutulong sa atin ang pagsusuri sa mga publikasyong tumatalakay sa pinagmulan ng popular na mga kapistahan. Kapag inaalaala natin ang mga dahilan sa Kasulatan kung bakit hindi tayo nakikibahagi sa gayong mga kapistahan, nakukumbinsi tayo na lumalakad tayo sa paraang “kaayaaya sa Panginoon.” (Efe. 5:10) Ang pagtitiwala kay Jehova at sa kaniyang Salita ng katotohanan ay tutulong sa atin na huwag “manginig sa harap ng mga tao.”—Kaw. 29:25.
13 Ang paglakad sa katotohanan ay isang patuluyang proseso, isang daan na gusto nating tahakin magpakailanman. Paano natin mapatitibay ang ating determinasyong patuloy na lumakad sa katotohanan? Talakayin natin ang tatlong paraan.
PATIBAYIN ANG IYONG DETERMINASYONG LUMAKAD SA KATOTOHANAN
14. (a) Paanong ang patuloy na pagbili ng katotohanan ay magpapatibay ng ating determinasyong huwag itong ipagbili? (b) Bakit mahalaga ang karunungan, disiplina, at pagkaunawa?
14 Una, patuloy na pag-aralan ang mahahalagang katotohanan sa Salita ng Diyos at bulay-bulayin ito. Oo, bilhin ang katotohanan sa pamamagitan ng pagtatakda ng regular na iskedyul para pag-aralan ang katotohanan mula sa Salita ng Diyos. Palalalimin nito ang pagpapahalaga mo sa katotohanan at patitibayin ang iyong determinasyong huwag itong ipagbili. Bukod sa pagbili ng katotohanan, sinasabi sa Kawikaan 23:23 na dapat din nating bilhin ang “karunungan at disiplina at pagkaunawa.” Hindi sapat ang kaalaman lang. Kailangan nating isabuhay ang katotohanan. Dahil sa pagkaunawa, nakikita natin ang pagkakasuwato ng lahat ng pananalita ni Jehova. Ang karunungan naman ang mag-uudyok sa atin na kumilos ayon sa ating nalalaman. Kung minsan, dinidisiplina tayo ng katotohanan para makita kung ano ang kailangan nating baguhin. Lagi sana tayong tumugon sa gayong patnubay. Di-hamak na mas mahalaga ito kaysa sa pilak.—Kaw. 8:10.
15. Paano tayo pinoprotektahan ng bigkis ng katotohanan?
15 Ikalawa, maging determinadong mamuhay ayon sa katotohanan araw-araw. Isuot ang bigkis ng katotohanan sa ating baywang. (Efe. 6:14) Noong panahon ng Bibliya, ang bigkis, o sinturon, ng isang sundalo ay sumusuporta at pumoprotekta sa kaniyang baywang at mga organ sa loob ng katawan. Pero kailangang mahigpit itong nakasuot para makapagbigay ng proteksiyon. Hindi ito gaanong mapapakinabangan kung maluwag ito. Paano tayo pinoprotektahan ng ating espirituwal na bigkis ng katotohanan? Kung mahigpit itong nakasuot sa atin, babantayan tayo ng katotohanan mula sa maling pangangatuwiran at makapagdedesisyon tayo nang tama. Kapag natutukso tayo o sinusubok, ang katotohanan mula sa Bibliya ay magpapatibay ng ating determinasyong gawin ang tama. Kung paanong hindi pupunta sa digmaan ang isang sundalo nang walang sinturon, maging determinado rin tayong huwag luwagan o alisin ang ating bigkis ng katotohanan. Sa halip, sisiguruhin nating mahigpit itong nakasuot sa pamamagitan ng pamumuhay ayon sa katotohanan. Ang sinturon ay nagsisilbi ring kumbinyenteng sabitan ng tabak ng sundalo. Iyan naman ang ating tatalakayin.
16. Paano napatitibay ang ating determinasyong patuloy na lumakad sa katotohanan kapag ibinabahagi natin ito sa iba?
16 Ikatlo, lubusang makibahagi sa pagtuturo sa iba ng katotohanan sa Bibliya. Sa paggawa nito, makapanghahawakan ka sa ating espirituwal na tabak, ang “salita ng Diyos.” (Efe. 6:17) Lahat tayo ay makapagpapasulong ng ating kakayahan bilang guro, na “ginagamit nang wasto ang salita ng katotohanan.” (2 Tim. 2:15) Habang ginagamit natin ang Bibliya para tulungan ang iba na bilhin ang katotohanan at tanggihan ang kasinungalingan, ikinikintal natin sa ating puso’t isipan ang mga pananalita ng Diyos. Sa gayo’y napatitibay natin ang ating determinasyong patuloy na lumakad sa katotohanan.
17. Bakit napakahalaga sa iyo ng katotohanan?
17 Ang katotohanan ay isang napakahalagang regalo mula kay Jehova. Dahil dito, taglay natin ang ating pinakamahalagang pag-aari, ang malapít na kaugnayan sa ating makalangit na Ama. Marami nang naituro si Jehova sa atin, pero simula pa lang iyan! Pangako niyang tuturuan tayo magpakailanman para madagdagan ang katotohanang nabili na natin. Kaya pahalagahan ang katotohanan gaya ng isang mainam na perlas. Patuloy na ‘bilhin ang katotohanan at huwag itong ipagbili.’ Kung gayon, tulad ni David, maipapangako mo rin kay Jehova: “Lalakad ako sa iyong katotohanan.”—Awit 86:11.
a Binago ang pangalan.
b Magpunta sa JW Broadcasting, at tingnan sa MGA INTERBYU AT KARANASAN > BINAGO NG KATOTOHANAN ANG BUHAY NILA.