Mga Anabaptist at “ang Uliran ng Magagaling na Salita”
SI APOSTOL Pablo ay nagbabala na pagkamatay niya, mga apostatang Kristiyano, tulad sa “mga ganid na lobo,” ang magsisipasok sa kawan ng Diyos at magsisikap na “makaakit ng mga alagad.” Paano nila gagawin ito? Sa pamamagitan ng pagsisingit ng mga tradisyon at mga maling turo upang pilipitin ang katotohanan ng Kasulatan.—Gawa 20:29, 30; 1 Timoteo 4:1.
Kaya naman, hinimok ni Pablo ang binatang si Timoteo: “Patuloy na ingatan mo ang uliran ng magagaling na salitang narinig mo sa akin na taglay ang pananampalataya at pag-ibig na may kaugnayan kay Kristo Jesus. Ang mainam na ipinagkatiwalang bagay na ito ay ingatan mo sa pamamagitan ng banal na espiritu na nananahan sa atin.” Ano baga ang “uliran ng magagaling na salitang” ito?—2 Timoteo 1:13, 14.
“Ang Uliran” na Itinatag
Lahat ng mga aklat ng Kasulatang Griegong Kristiyano ay nabuo noong siglo ng ating Karaniwang Panahon. Bagaman ang mga ito’y isinulat ng iba’t ibang mga manunulat, ang banal na espiritu ng Diyos, o aktibong puwersa, ang nagbigay ng katiyakan na ang mga ito ay magkakasuwato hindi lamang sa ganang sarili kundi gayundin kasuwato ng mas maagang Kasulatang Hebreo. Sa ganitong paraan, isang “uliran” ng tunay na turo ng Kasulatan ang nabuo at kinailangang siyang sundin ng mga Kristiyano, tulad sa kung paanong si Jesu-Kristo ay naging “isang modelo” para sundin nila.—1 Pedro 2:21; Juan 16:12, 13.
Noong daan-daang taon ng espirituwal na kadiliman pagkamatay ng mga apostol, ano ba ang nangyari sa “uliran ng magagaling na salita”? Maraming taimtim na mga tao ang nagsikap na muling matuklasan ito, bagama’t ang ganap na pagsasauli nito ay kailangang maghintay hanggang sa sumapit “ang panahon ng kawakasan.” (Daniel 12:4) Kung minsan ay isang tinig iyon ng nag-iisang tao, at sa mga ibang panahon naman isang maliit na grupo ng mga tao ang naghahanap sa “uliran.”
Ang Waldenses ay lumilitaw na isa sa gayong minoridad.a Sila’y doon naninirahan sa Pransiya, Italya, at iba pang mga lugar sa Europa noong ika-12 hanggang sa ika-14 na siglo. Buhat sa kilusang ito nanggaling nang malaunan ang mga Anabaptist. Sino ba sila, at ano ang kanilang paniwala?
Mga Saligang Turo
Ang mga Anabaptist ay unang napatanyag humigit-kumulang noong taong 1525, sa Zurich, Switzerland. Buhat sa siyudad na iyan ang kanilang mga paniwala ay lumaganap nang mabilis sa maraming panig ng Europa. Dahil sa Repormasyon noong may pasimula ng ika-16 na siglo nagkaroon ng mga ilang pagbabago, subalit sa paningin ng mga Anabaptist iyon ay walang gaanong narating.
Sa kanilang paghahangad na sila’y mapabalik sa mga turong Kristiyano noong unang siglo, kanilang tinanggihan ang higit pang mga aral Romano Katoliko kaysa tinanggihan ni Martin Luther at ng mga iba pang repormista. Halimbawa, ang mga Anabaptist ay may paniwala na mayroon lamang isang pag-aalay kay Kristo ang isang adulto. Dahilan sa kanilang ginagawang pagbabautismo sa adulto, maging para sa isang tao na nabautismuhan na bilang isang sanggol, sila’y binigyan ng pangalang mga “Anabaptist,” na ang ibig sabihin ay mga “tagabautismong-muli.”—Mateo 28:19; Gawa 2:41; 8:12; 10:44-48.
“Sa mga Anabaptist ang tunay na Iglesya ay isang samahan ng nananampalatayang mga tao,” ang isinulat ni Dr. R. J. Smithson sa kaniyang aklat na The Anabaptists—Their Contribution to Our Protestant Heritage. Kaya naman, kanilang itinuturing na sila’y isang kapisanan ng mga mananampalataya sa loob ng buong pamayanan at nang pasimula ay wala silang isang talagang sinanay, o binabayaran, na ministeryo. Tulad ng mga alagad ni Jesus, sila’y palakad-lakad na mga mangangaral na dumadalaw sa mga bayan at mga nayon, nakikipag-usap sa mga tao sa mga pamilihang dako, sa mga pagawaan, at sa mga tahanan.—Mateo 9:35; 10:5-7, 11-13; Lucas 10:1-3.
Bawat indibiduwal na Anabaptist ay itinuturing na mismong sa Diyos mananagot, taglay niya ang kalayaan ng kalooban at ipinakikita ang kaniyang pananampalataya sa pamamagitan ng kaniyang mga gawa, subalit kaniyang kinikilala na ang kaligtasan ay hindi sa mga gawa lamang nanggagaling. Kung ang isa’y nagkasala laban sa pananampalataya, siya’y maaaring itiwalag sa kongregasyon. Siya’y tatanggapin lamang pagka pinatunayan niyang siya’y talagang nagsisisi.—1 Corinto 5:11-13; ihambing ang 2 Corinto 12:21.
Ang Kanilang Pananaw Tungkol sa Sanlibutan
Batid ng mga Anabaptist na hindi nila maaaring baguhin ang sanlibutan. Bagaman ang Simbahan ay kaalyada ng Estado sapol noong panahon ng Romanong emperador Constantino noong ika-4 na siglo C.E., sa kanila hindi ibig sabihin na ang Estado ay naging Kristiyano na nga. Batay sa sinabi ni Jesus, batid nila na ang isang Kristiyano ay kailangang “hindi bahagi ng sanlibutang ito,” kahit na kung ito’y humantong sa pag-uusig.—Juan 17:15, 16; 18:36.
Pagka walang pagkakasalungatan sa pagitan ng budhing Kristiyano at ng sekular na mga interes, kinikilala ng mga Anabaptist na matuwid naman na igalang at sundin ang Estado. Subalit ang isang Anabaptist ay hindi sasangkot sa pulitika, manunungkulan sa bayan, magiging isang mahistrado, o manunumpa. Kaniyang itinatakwil ang lahat ng uri ng karahasan at ang paggamit ng lakas, siya’y hindi rin naman sumasali sa digmaan o sa serbisyo sa hukbo.—Marcos 12:17; Gawa 5:29; Roma 13:1-7; 2 Corinto 10:3, 4.
Ang mga Anabaptist ay sumusunod sa isang mataas na pamantayang-asal na nakasalig sa simpleng pamumuhay, sa kalakhang bahagi malaya buhat sa materyalistikong mga bagay at mga hangarin. Dahilan sa kanilang pag-ibig sa isa’t isa, kalimitan sila’y nagtatayo ng mga tirahang pamayanan, bagama’t karamihan sa kanila’y tumatanggi sa pangmadlang sistema ng pamumuhay bilang isang uri ng buhay. Gayunman, batay sa paniniwalang ang Diyos ang may-ari ng lahat ng bagay, sila’y laging handa na gamitin ang kanilang materyal na mga ari-arian ukol sa ikabubuti ng mga dukha.—Gawa 2:42-45.
Sa pamamagitan ng isang masinsinang pag-aaral ng Bibliya, lalo na ng Kasulatang Griegong Kristiyano, ang mga ibang Anabaptist ay tumangging tanggapin ang doktrina ng Trinidad tungkol sa tatlong persona sa iisang Diyos, gaya ng pinatotohanan ng ilan sa kanilang mga isinulat. Ang kanilang paraan ng pagsamba ay karaniwan nang simple lamang, na may natatanging dako ang Hapunan ng Panginoon. Sa pagtanggi nila sa tradisyunal na mga paniwalang Romano Katoliko, Lutherano, at Calvinista, kanilang itinuturing na ang mga gawang ito na pag-aalaala ay isang memoryal ng kamatayan ni Jesus. “Sa kanila,” ang isinulat ni R. J. Smithson, “ito ang pinakataimtim na gawa na maaaring lahukan ng isang Kristiyano, tungkol sa pagpapatuloy ng tipan ng mananampalataya na walang pasubaling italaga ang kaniyang buhay sa paglilingkod kay Kristo.”
Pag-uusig—At Pagkatapos
Mali ang pagkakaunawa sa mga Anabaptist, gaya rin sa mga sinaunang Kristiyano. Tulad nila, sila’y itinuturing na nagtataob ng tatag na kaayusan ng lipunan, ‘nagtitiwarik ng tinatahanang lupa.’ (Gawa 17:6) Sa Zurich, Switzerland, ang mga awtoridad, kaugnay ng repormistang si Huldrych Zwingli, ang lalung-lalo nang nagbangon ng isyu tungkol sa mga Anabaptist dahil sa kanilang pagtangging magbautismo sa mga sanggol. Noong 1527 kanilang buong kalupitan na nilunod si Felix Manz, isa sa mga lider ng mga Anabaptist, at kanilang pinangatawanan ang pag-uusig sa mga Swisong Anabaptist na anupa’t sila’y halos malipol noon.
Sa Alemanya ang mga Anabaptist ay puspusang pinag-usig ng kapuwa mga Katoliko at mga Protestante. Isang batas ng imperyo, na pinagtibay noong taóng 1528, ang nagpataw ng parusang kamatayan sa kaninuman na maging Anabaptists—at iyan ay hindi na daraan sa anumang anyo ng paglilitis. Sa Austria dahil sa pag-uusig karamihan ng mga Anabaptist doon ay tumakas upang humanap ng kanlungan sa Moravia, Bohemia, at Poland, at nang malaunan sa Hungary at Russia.
Dahil sa pagkamatay ng napakarami ng kanilang mga sinaunang lider, hindi naiwasan na mga ekstremista ang mapasa-unahan. Kasamang dala nila ang isang katiwalian na nagdala ng maraming kaguluhan at sa wakas ay ng paglayo sa mga pamantayan na sinusunod noong una. Ito’y malungkot na nahalata noong taong 1534, nang ang gayong mga ekstremista ay sapilitang umagaw ng gobyerno munisipal ng Münster, Westphalia. Nang sumunod na taon, ang siyudad ay muling nabawi sa gitna ng malaking pagdanak ng dugo at pagpapahirap. Ang episodyong ito ay hindi kasuwato ng tunay na turo ng mga Anabaptist at malaki ang nagawa upang sirain ang kanilang kredito. Ang mga ibang tagasunod ay nagsikap na itakwil ang pangalang Anabaptists at palitan iyon ng titulong “Baptists.” Subalit anumang pangalan ang kanilang piliin, sila pa rin ay mga biktima ng pagsalansang at ng Katolikong Inkisisyon lalo na.
Sa wakas, grupu-grupo ng mga Anabaptist ang nandayuhan sa paghahanap ng lalong malaking kalayaan at kapayapaan. Sa ngayon, ating masusumpungan sila sa Hilaga at Timog Amerika, gayundin sa Europa. Maraming mga denominasyon ang naimpluwensiyahan ng kanilang sinaunang mga turo, kasali na ang mga Quaker, ang modernong-panahong mga Baptist, at ang Plymouth Brethren. Ang mga Quaker ay katulad din ng mga Baptist na napopoot sa digmaan at naniniwala sa patnubay ng isang ‘panloob na liwanag.’
Ang pag-iral hanggang sa ngayon ng mga Anabaptist ay buong linaw na makikita sa dalawang partikular na grupo. Ang una ay ang Hutterian Brethren, na ang pangalan ay kinuha sa kanilang lider noong ika-16 na siglo, si Jacob Hutter. Sila’y nagtatag ng pamayanang mga tirahan sa Inglatera, Kanlurang Canada, Paraguay, at South Dakota sa Estados Unidos. Ang Mennonites ang isa pang grupo. Kinuha ang kanilang pangalan kay Menno Simons, na malaki ang nagawa upang mapawi ang masamang rekord na naiwan sa Netherlands pagkatapos ng pangyayari sa Münster. Si Simons ay namatay noong 1561. Sa ngayon, ang mga Mennonites ay masusumpungan sa Europa at Hilagang Amerika, kasama ng mga Amish Mennonites.
“Ang Uliran” sa Ngayon
Bagama’t ang mga Anabaptist ay marahil masikap na mahanap “ang uliran ng magagaling na salita,” sila’y hindi nagtagumpay na matuklasan ito. Isa pa, sa kaniyang aklat na A History of Christianity, ganito ang sabi ni K. S. Latourette: “Bagaman sa pasimula’y matindi ang pagkamisyonero, dahil sa pag-uusig ay marami sa kanila ang nagkasiya na lamang sa kanilang sarili at nagparami sa pamamagitan ng pag-aanak imbis na sa pamamagitan ng kombersiyon.” At ganiyan din ang totoo kahit na ngayon sa maliliit na mga grupo na matutunton na galing sa kilusang Anabaptist. Ang kanilang pagnanasa na manatiling hiwalay sa sanlibutan at sa mga lakad nito ay umakay sa kanila na manamit ng naiibang moda ng damit, anupa’t dahil ito sa kanilang kadalasa’y nabubukod na pamumuhay sa kanilang pamayanan.
Kung gayon, talaga nga kayang masusumpungan sa ngayon “ang uliran ng magagaling na salita”? Oo, ngunit ito’y nangangailangan ng panahon at ng pag-ibig sa katotohanan upang masumpungan ito. Bakit hindi magsuri upang mapatunayan kung ang iyong pinaniniwalaan ay naaayon sa isiniwalat na kinasihang “uliran”? Hindi mahirap na tiyakin kung ano ang gawang-taong tradisyon at kung ano ang katotohanan sa Kasulatan. Ang mga Saksi ni Jehova sa inyong lugar ang malugod na tutulong sa iyo, sapagkat sila man ay nagpapasalamat sa naitulong sa kanila upang maunawaan “ang uliran ng magagaling na salita.”
[Talababa]
a Tingnan ang The Watchtower ng Agosto 1, 1981, pahina 12-15.
[Larawan sa pahina 23]
Tinutulungan ng mga Saksi ni Jehova ang marami upang maunawaan “ang uliran ng magagaling na salita”