Si Tiquico—Isang Kapuwa Alipin na Mapagkakatiwalaan
SA MARAMING pagkakataon, si Tiquico ay naglakbay kasama ni apostol Pablo at nagsilbi bilang kaniyang mensahero. Siya ay isang kinatawan na mapagkakatiwalaan sa salapi at sa mga pananagutan ng pangangasiwa. Yamang itinatampok ng Kasulatan ang kaniyang pagiging mapagkakatiwalaan—isang katangiang napakahalaga para sa lahat ng Kristiyano—marahil ay nanaisin mong malaman nang higit pa ang tungkol sa kaniya.
Inilarawan ni Pablo si Tiquico bilang kaniyang “iniibig na kapatid at tapat na ministro at kapuwa alipin sa Panginoon.” (Colosas 4:7) Bakit gayon ang pangmalas ng apostol sa kaniya?
Ang Misyon ng Pagtulong sa Jerusalem
Nagkaroon ng materyal na pangangailangan sa gitna ng mga Kristiyano sa Judea noong mga 55 C.E. Sa tulong ng mga kongregasyon sa Europa at Asia Minor, nag-organisa si Pablo ng pangongolekta upang makatulong sa mga ito. Si Tiquico, na gumanap ng isang papel, ay mula sa distrito ng Asia, sa misyon ng pagtulong.
Matapos magbigay ng mga tagubilin kung ano ang gagawin sa mga kontribusyong ito, iminungkahi ni Pablo na magpadala ng mga mapagkakatiwalaang lalaki sa Jerusalem o kaya’y sumama sa kaniya roon, na dala ang mga nalikom. (1 Corinto 16:1-4) Nang siya’y tumungo na sa isang mahabang paglalakbay mula sa Gresya patungong Jerusalem, kasama niya ang ilang kalalakihan at maliwanag na isa sa mga ito ay si Tiquico. (Gawa 20:4) Maaaring kinailangan na magsama siya ng marami sapagkat dala nila ang salaping ipinagkatiwala sa kanila ng ilang kongregasyon. Binigyang-pansin nila ang pangangailangang mag-ingat, yamang mapanganib ang paglalakbay dahil sa mga tulisan.—2 Corinto 11:26.
Yamang sinamahan nina Aristarco at Trofimo si Pablo sa Jerusalem, inisip ng ilan na malamang na kasama rin sina Tiquico at iba pa. (Gawa 21:29; 24:17; 27:1, 2) Dahil sa si Tiquico ay kasama sa programang ito ng pagtulong, siya’y isa sa ilang iminungkahi bilang ang “kapatid” na gumawang kasama ni Tito sa Gresya upang ayusin ang koleksiyon at na “inatasan din ng mga kongregasyon upang maging kasamahan [ni Pablo] sa paglalakbay may kaugnayan sa may-kabaitang kaloob na ito.” (2 Corinto 8:18, 19; 12:18) Kung ang unang atas na tinupad ni Tiquico ay maselan, ang kaniyang ikalawang atas ay gayundin.
Mula sa Roma Patungong Colosas
Makalipas ang lima o anim na taon (60-61 C.E.), umasa si Pablo na siya’y palalayain mula sa kaniyang unang pagkabilanggo sa Roma. Si Tiquico ay kasama niya, daan-daang kilometro ang layo mula sa kanilang tahanan. Ngayon ay pabalik na si Tiquico sa Asia. Ito ang nagpangyari kay Pablo na makapagpadala ng mga liham sa mga kongregasyong Kristiyano sa lugar na iyon at isugo ang takas na alipin ni Filemon, si Onesimo, pabalik sa Colosas. Sina Tiquico at Onesimo ay may dalang di-kukulangin sa tatlong liham na ngayo’y kasama sa kanon ng Bibliya—isa sa mga taga-Efeso, isa sa mga taga-Colosas, at isa kay Filemon. Maaaring may ipinadala ring isang sulat sa kongregasyon sa Laodicea, isang lunsod na mga 18 kilometro mula sa Colosas.—Efeso 6:21; Colosas 4:7-9, 16; Filemon 10-12.
Si Tiquico ay hindi lamang basta tagapagdala ng liham. Siya’y isang mapagkakatiwalaang personal na mensahero, sapagkat isinulat ni Pablo: “Ang lahat ng aking mga gawain ay si Tiquico, ang aking iniibig na kapatid at tapat na ministro at kapuwa alipin sa Panginoon, ang magbibigay-alam sa inyo. Para sa mismong layunin na malaman ninyo ang mga bagay na may kinalaman sa amin at upang maaliw niya ang inyong mga puso, akin siyang isinusugo sa inyo.”—Colosas 4:7, 8.
Ipinaliwanag ng iskolar na si E. Randolph Richards na ang isang tagapagdala ng liham “ay madalas na isang personal na kawing sa pagitan ng sumusulat at ng mga sinusulatan bukod pa sa nasusulat na kawing. . . . [Ang isang dahilan] kung bakit kailangan ang isang mapagkakatiwalaang tagapagdala ay [sapagkat] madalas na may dala rin siyang karagdagang impormasyon. Maaaring maigsing inilalarawan sa isang liham ang isang situwasyon, na kadalasa’y ayon sa palagay ng sumulat, ngunit inaasahan na ang tagapagdala ay magpapaliwanag nang higit pa tungkol sa lahat ng detalye.” Bagaman ang isang liham ay maaaring tungkol sa mga turo at mahahalagang bagay, may masasabi pang ibang bagay ang isang mapagkakatiwalaang mensahero.
Iilan lamang ang binabanggit sa mga liham sa mga taga-Efeso, sa mga taga-Colosas, at kay Filemon tungkol sa kalagayan ni Pablo. Sa gayon ay kinailangang ikuwento ni Tiquico ang kaniyang personal na masasabi, ipaliwanag ang kalagayan ni Pablo sa Roma, at sapat na mawatasan ang mga kalagayan sa kongregasyon upang makapagpatibay-loob. Ang mga mensahe at pananagutang tulad nito ay ipinagkakatiwala lamang sa mga tapat na mapagkakatiwalaan upang kumatawan sa nagpadala. Ganiyang uri ng lalaki si Tiquico.
Pangangasiwa sa Malalayong Atas
Matapos palayain mula sa pagkabilanggo sa bahay sa Roma, inisip ni Pablo na papuntahin si Tiquico o si Artemas kay Tito sa isla ng Creta. (Tito 1:5; 3:12) Noong ikalawang pagkabilanggo ni Pablo sa Roma (marahil mga 65 C.E.), muling isinugo ng apostol si Tiquico sa Efeso, malamang upang halinhan si Timoteo, na maglalakbay naman upang makapiling ni Pablo.—2 Timoteo 4:9, 12.
Hindi naging maliwanag kung pumunta man si Tiquico kapuwa sa Creta at sa Efeso noong panahong iyon. Gayunman, ang mga pagtukoy na tulad nito ay nagpapahiwatig na siya’y nanatiling isa sa mga tapat na kasama ni Pablo hanggang sa mga huling taon ng ministeryo ng apostol. Kung iniisip ni Pablo na siya’y ipadala sa mabigat at marahil sa mahihirap na misyon sa halip na sina Timoteo at Tito, maliwanag na si Tiquico ay isang maygulang na tagapangasiwang Kristiyano. (Ihambing ang 1 Timoteo 1:3; Tito 1:10-13.) Ang kaniyang pagiging handang maglakbay sa malalayong atas ay nagpangyari na siya’y maging kapaki-pakinabang para kay Pablo at sa buong kongregasyong Kristiyano.
Sa ngayon, ang mapagsakripisyo-sa-sarili na mga Kristiyano ay kusang naglilingkod sa Diyos sa lokal na mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova o naglalaan ng kanilang mga sarili sa pagtataguyod sa mga kapakanan ng Kaharian saanman. Libu-libo na ang buong-lugod na tumanggap ng mga atas bilang mga misyonero, naglalakbay na mga tagapangasiwa, international servant sa mga proyekto ng pagtatayo, sa pandaigdig na punong-tanggapan ng Samahang Watch Tower, o sa isa sa mga sangay nito. Gaya ni Tiquico, sila’y hindi lantad, ngunit sila’y masisipag, ‘tapat na mga ministro’ na mahal ng Diyos at iniibig ng iba pang mga Kristiyano bilang ‘kapuwa mga alipin sa Panginoon.’