Pagtakbo sa Takbuhan na may Pagtitiis
“Takbuhin natin na may pagtitiis ang takbuhang inilagay sa harapan natin.”—HEBREO 12:1.
1. (a) Ano ang inilalagay sa harapan natin pagka tayo’y nag-alay sa Diyos na Jehova? (b) Anong uri ng takbuhan ang kailangang paghandaan ng isang Kristiyano?
NANG tayo’y mag-alay ng sarili kay Jehova sa pamamagitan ni Jesu-Kristo, inilagay ng Diyos sa harapan natin ang isang takbuhan, sa pananalitang talinghaga. Sa katapusan ng takbuhan, isang gantimpala ang ipagkakaloob sa lahat ng mga nanalo. Anong gantimpala? Buhay na walang-hanggan! Upang makapanalo ng maningning na gantimpalang ito, ang mananakbong Kristiyano ay kailangang maging handa, hindi lamang para sa maikli, mabilis na malapitang distansiya, kundi sa isang takbuhan na pangmalayo. Kaya siya’y mangangailangan ng pagtitiis. Kailangang pagtiisan niya kapuwa ang mahabang pagpapagal sa takbuhan mismo at ang mga balakid na napapaharap sa panahon ng takbuhan.
2, 3. (a) Ano ang tutulong sa atin sa pagtakbo sa takbuhang Kristiyano hanggang sa katapusan? (b) Papaano tumulong kay Jesus ang kagalakan upang tumakbo sa takbuhan na may pagtitiis?
2 Ano ang tutulong sa atin na tumakbo sa gayong takbuhan hanggang sa katapusan? Bueno, ano ba ang tumulong kay Jesus upang magtiis habang siya’y isang tao sa lupa? Siya’y kumuha ng lakas ng loob buhat sa katangian na kagalakan. Mababasa sa Hebreo 12:1-3: “Kaya nga, yamang isang napakakapal na ulap ng mga saksi ang nakapalibot sa atin, iwaksi rin natin ang bawat pabigat at ang kasalanang madaling pumigil sa atin, at takbuhin nating may pagtitiis ang takbuhang inilagay sa harapan natin, habang masidhing minamasdan natin ang Punong Ahente at Tagasakdal ng ating pananampalataya, si Jesus. Dahil sa kagalakang inilagay sa harap niya siya’y nagtiis sa pahirapang tulos, hinamak ang kahihiyan, at umupo sa kanan ng trono ng Diyos. Oo, pag-isipan ninyong maingat yaong nagtiis ng gayong pag-alipusta ng mga makasalanan laban sa kanilang sariling kapakanan, upang huwag kayong manghimagod at manlupaypay sa inyong mga kaluluwa.”
3 Sa buong panahon ng kaniyang pangmadlang ministeryo, si Jesus ay nakapagpatuloy ng pagtakbo sa takbuhan dahilan sa kagalakan kay Jehova. (Ihambing ang Nehemias 8:10.) Ang kaniyang kagalakan ang tumulong sa kaniya na tiisin kahit na ang isang nakahihiyang kamatayan sa pahirapang tulos, at pagkatapos ay kaniyang naranasan ang di-kayang bigkasing kagalakan ng pagkabuhay-muli at pag-akyat sa kanan ng kaniyang Ama, upang doon ay masaksihan ang gawain ng Diyos hanggang sa matapos iyon. Dahil sa kaniyang pagtitiis bilang isang tao sa panig ng Diyos, siya’y patuloy na nanghawakan sa kaniyang karapatan sa buhay na walang-hanggan. Oo, gaya ng sinasabi ng Lucas 21:19: “Sa inyong pagtitiis ay tatamuhin ninyo ang inyong mga kaluluwa.”
4. Anong uring halimbawa ang ipinakita ni Jesus para sa kaniyang mga kapuwa mananakbo, at sa ano dapat nating panatiliing nakatutok ang ating mga kaisipan?
4 Ipinakita ni Jesu-Kristo ang pinakamainam na halimbawa para sa kaniyang kapuwa mga mananakbo, at ang kaniyang halimbawa ay nagbibigay sa atin ng katiyakan na tayo man ay maaaring magwagi. (1 Pedro 2:21) Ang hinihiling ni Jesus na gawin natin, ating magagawa iyon. Kung papaanong siya’y nakapagtiis, magagawa rin natin iyon. At sa ating patuloy na puspusang pagtulad sa kaniya, kailangang itutok natin ang ating kaisipan sa ating mga dahilan na magalak. (Juan 15:11, 20, 21) Ang kagalakan ay magpapalakas sa atin upang manatili ng pagtakbo sa takbuhan sa paglilingkuran kay Jehova hanggang sa matamo natin ang maluwalhating gantimpalang buhay na walang-hanggan.—Colosas 1:10, 11.
5. Papaano tayo magagalak at mapalalakas para sa takbuhan na nasa harapan natin?
5 Upang tulungan tayo na manatili sa takbuhan, si Jehova ay naglalaan ng kapangyarihang higit kaysa karaniwan. Pagka tayo’y pinag-uusig, ang kapangyarihang iyan at ang kaalaman sa kung bakit tayo binigyan ng pribilehiyong dumanas ng pag-uusig ang nagpapalakas sa atin. (2 Corinto 4:7-9) Anumang dinaranas upang maparangalan ang pangalan ng Diyos at maitaguyod ang kaniyang soberanya ay isang dahilan sa kagalakan na hindi makukuha sa atin ninuman. (Juan 16:22) Ito ang nagpapaliwanag kung bakit ang mga apostol, pagkatapos na gulpihin sa utos ng Judiong Sanhedrin dahil sa pagpapatotoo sa kamangha-manghang mga bagay na naisagawa ng Diyos na Jehova may kaugnayan kay Jesus, ay nangatuwa “dahil sa sila’y ibinilang na karapat-dapat magbata ng masama dahilan sa kaniyang pangalan.” (Gawa 5:41, 42) Ang kanilang kagalakan ay hindi nanggaling sa pag-uusig mismo kundi sa matinding kasiyahan ng kalooban sa pagkaalam na sila’y nakalulugod kay Jehova at kay Jesus.
6, 7. Bakit ang mananakbong Kristiyano ay maaaring magalak kahit sa gitna ng mga kapighatian, at ano ang resulta?
6 Ang isa pang umaalalay na lakas sa ating buhay ay ang pag-asa na inilagay ng Diyos sa harapan natin. Gaya ng pagkabanggit ni Pablo: “Tamasahin natin ang pakikipagpayapaan sa Diyos sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Kristo, na sa pamamagitan din niya ating tinatamasa ang paglapit natin sa pamamagitan ng pananampalataya sa di-sana-nararapat na awang ito na kinaroroonan natin ngayon; at tayo’y magalak, salig sa pag-asa sa kaluwalhatian ng Diyos. At hindi lamang iyan, kundi mangagalak tayo sa ating mga kapighatian, yamang alam natin na ang kapighatian ay nagbubunga ng pagtitiis; ang pagtitiis, naman, ng isang sinang-ayunang kalagayan; ang sinang-ayunang kalagayan, naman, ng pag-asa, at ang pag-asa ay hindi humahantong sa kabiguan.”—Roma 5:1-5.
7 Ang mga kapighatian sa ganang sarili ay hindi nakagagalak, gayunman ang mapayapang mga bunga pagkatapos ang kagalak-galak. Ang mga bungang ito ay pagtitiis, isang sinang-ayunang kalagayan, pag-asa, at ang katuparan ng pag-asang iyan. Ang ating pagtitiis ay hahantong sa ating pagtanggap ng banal na pagsang-ayon. Kung taglay natin ang pagsang-ayon ng Diyos, tayo’y may pagtitiwalang makaaasa sa katuparan ng kaniyang mga pangako. Ang pag-asang ito ang tumutulong sa atin na manatili sa tamang landas at nagpapalakas-loob sa atin sa gitna ng kapighatian hanggang sa matupad ang pag-asa.—2 Corinto 4:16-18.
Maligaya ang mga Nagtitiis!
8. Bakit ang panahong ito ng paghihintay ay hindi isang pag-aaksaya ng panahon para sa atin?
8 Samantalang hinihintay ang itinakda ng Diyos na panahon para sa pamamahagi ng mga gantimpala sa mga mananakbo, tayo’y nakararanas ng mga pagbabago. Ang mga ito ay ang ating espirituwal na pagsulong na resulta ng pagtatagumpay sa mga pagsubok, at ang mga ito ay maghahatid sa atin ng malaking pabor buhat sa Diyos. Ang mga ito ay nagpapatunay kung ano tayo at nagbibigay sa atin ng pagkakataon na ipakita ang ganoon ding maiinam na katangian na ipinakita ng mga tapat na lingkod noong sinaunang panahon, lalo na ng ating Uliran, si Jesu-Kristo. Ang sabi ng alagad na si Santiago: “Mga kapatid ko, ariin ninyong buong kagalakan, kung kayo’y mapaharap sa sari-saring pagsubok, yamang nalalaman ninyo na ang subók na uring ito ng inyong pananampalataya ay gumagawa ng pagtitiis. Subalit hayaang ang pagtitiis ay magkaroon ng kaniyang sakdal na gawa, upang kayo’y maging ganap at matatag sa lahat ng bagay, hindi nagkukulang ng anuman.” (Santiago 1:2-4) Oo, ating maaasahan ang pagdaranas ng sari-saring pagsubok, ngunit ang mga ito ay magsisilbing tulong upang mapaunlad natin ang nararapat na mga katangian. Sa gayo’y ipinakikita natin na tayo’y mananatili sa takbuhang ito hanggang sa makamtan ang gantimpala, anuman ang mga balakid na mapaharap sa atin.
9, 10. (a) Bakit yaong mga nagtitiis ng mga pagsubok ay maliligaya, at papaano dapat nating harapin ang mga pagsubok? (b) Sino ang mga maliligaya noong sinaunang mga panahon, at papaano tayo makakasali sa kanila?
9 Hindi kataka-taka, kung gayon, na sabihin ni Santiago: “Maligaya ang taong patuloy na nagtitiis ng pagsubok, sapagkat pagka nakapasa na sa pagsubok ay tatanggap siya ng korona ng buhay, na ipinangako ni Jehova sa mga nagpapatuloy ng pag-ibig sa kaniya”! (Santiago 1:12) Huwag tayong magbago sa pagharap sa mga pagsubok, samantalang nasasangkapan ng maka-Diyos na mga katangiang magpapalakas sa atin upang madaig ang mga ito.—2 Pedro 1:5-8.
10 Alalahanin na ang paraan ng pakikitungo ng Diyos sa atin ay hindi bago o napapaiba. Ang tapat na “ulap ng mga saksi” noong una ay pinakitunguhan sa ganiyang ding paraan habang kanilang pinatutunayan ang kanilang katapatan sa Diyos. (Hebreo 12:1) Ang pagsang-ayon sa kanila ng Diyos ay nasusulat sa kaniyang Salita, at atin itinuturing na lahat sila’y maligaya dahilan sa sila’y nanatiling tapat sa ilalim ng pagsubok. Sinasabi ni Santiago: “Kunan ninyo ng halimbawa ng pagbabata at ng pagtitiis, mga kapatid, ang mga propeta, na nagsipagsalita sa pangalan ni Jehova. Narito! Tinatawag nating maliligaya yaong mga nakapagtiis. Inyong nabalitaan ang pagtitiis ni Job at nakita ang pinapangyari ni Jehova na maging wakas, anupat si Jehova ay lubhang magiliw na magmahal at maawain.” (Santiago 5:10, 11) Inihula na sa panahong mapanganib sa mga huling araw na ito, mayroong mga iba na lilitaw sa eksena ng sanlibutan na maglilingkod kay Jehova nang may katapatan, gaya rin ng mga propetang iyon noong sinaunang mga siglo. Hindi ba tayo naliligayahan na maging kabilang sa mga gumagawa ng gayon?—Daniel 12:3; Apocalipsis 7:9.
Pinatitibay-Loob ng Salita ni Jehova
11. Papaanong ang Salita ng Diyos ay makatutulong sa atin na magtiis, at bakit hindi tayo dapat maging gaya ng batuhan na binanggit ni Jesus sa kaniyang talinghaga?
11 May binanggit si Pablo na isa pang tulong upang makapagtiis nang kaniyang sabihin na “sa pamamagitan ng matiyagang pagtitiis, at sa pamamagitan ng pampatibay-loob buhat sa Kasulatan, tayo’y makapanghahawakang matatag sa ating pag-asa.” (Roma 15:4, The Twentieth Century New Testament) Ang katotohanan, na Salita ng Diyos, ay kailangang nag-uugat nang malalim sa atin upang tayo’y makapagbigay ng nararapat na tugon sa lahat ng panahon. Tayo’y hindi nakikinabang ng anuman kung tayo ay katulad ng lupang batuhan na tinutukoy sa talinghaga ni Jesus ng manghahasik: “Ito ang mga nahasik sa batuhan: pagkarinig nila ng salita, pagdaka’y tinanggap nila iyon na may kagalakan. Gayunman sila’y walang ugat sa kanilang sarili, ngunit sila’y sandaling tumatagal; kaya’t pagkakaroon ng kapighatian o ng pag-uusig dahil sa salita, sila’y natitisod.” (Marcos 4:16, 17) Ang katotohanan buhat sa Salita ng Diyos ay hindi nagkakaugat nang malalim sa gayong mga tao; kaya naman, kung panahon ng kapighatian, sila’y walang nakukuhang anuman doon bilang ang tunay na pinagmumulan ng lakas at pag-asa.
12. Tayo’y di-dapat malinlang sa ano sa pagtanggap natin ng mabuting balita?
12 Sinumang tumatanggap sa mabuting balita ng Kaharian ay hindi dapat manlinlang sa kaniyang sarili tungkol sa mga bagay na kasunod. Siya’y lumalakad sa isang landas ng buhay na magdadala sa kaniya ng kapighatian o pag-uusig. (2 Timoteo 3:12) Ngunit dapat na ariin niyang “buong kagalakan” ang pribilehiyo na mapaharap sa sari-saring pagsubok sa panghahawakang matatag sa Salita ng Diyos at pagsasalita sa iba tungkol doon.—Santiago 1:2, 3.
13. Papaano at bakit nagalak si Pablo dahil sa mga Kristiyano sa Tesalonica?
13 Noong unang siglo, ang mga mananalansang na nasa Tesalonica ay nanggulo dahilan sa pangangaral ni Pablo. Nang pumaroon si Pablo sa Beroea, ang mga mang-uusig na ito ay nagsisunod sa kaniya roon upang patuloy na manggulo. Sa mga tapat na nagpaiwan sa Tesalonica, ang pinag-usig na apostol ay sumulat: “Kami ay obligadong magpasalamat na lagi sa Diyos dahil sa inyo, mga kapatid, gaya ng nararapat, dahil sa ang inyong pananampalataya ay lumalaking lubha at ang pag-ibig ng bawat isa sa isa’t isa sa inyong lahat ay sumasagana. Kaya naman kayo ay ipinagmamapuri namin sa mga kongregasyon ng Diyos dahilan sa inyong pagtitiis at pananampalataya sa lahat ng inyong pag-uusig at sa mga kapighatiang inyong pinagtitiisan. Ito ay patotoo ng matuwid na kahatulan ng Diyos, upang kayo’y ariing karapat-dapat sa kaharian ng Diyos, na dahilan nga ng inyong pagdurusa.” (2 Tesalonica 1:3-5) Sa kabila ng kanilang mga pagdurusa sa kamay ng kaaway, ang mga Kristiyano sa Tesalonica ay sumulong sa kanilang pagtulad kay Kristo at sa bilang. Papaano nga iyon nangyari? Sapagkat sila’y kumuha ng lakas buhat sa nagpapatibay-loob na Salita ni Jehova. Sila’y tumalima sa utos ng Panginoon at tumakbo sa takbuhan na may pagtitiis.—2 Tesalonica 2:13-17.
Para sa Ikaliligtas ng Iba
14. (a) Sa anong mga dahilan may kagalakang nagpapatuloy tayo sa ministeryo bagaman may mga kahirapan? (b) Ano ang idinadalangin natin, at bakit?
14 Unang-una para sa ikapagbabangong-puri ng Diyos, tayo’y buong katapatan at walang reklamo na nagtitiis ng mga kahirapan at mga pag-uusig. Subalit may isa pang mabuting dahilan kung bakit tayo nagtitiis ng gayong mga bagay: upang ating maibahagi sa iba ang balita ng Kaharian upang dumami pa ang mga mamamahayag ng Kaharian ng Diyos na gagawa ng “pangmadlang pagpapahayag ukol sa kaligtasan.” (Roma 10:10) Ang mga naglilingkod sa Diyos ay dapat dumalangin na pagpalain ng Panginoon ng pag-aani ang kanilang gawain sa pamamagitan ng paglalaan ng higit pang mamamahayag ng Kaharian. (Mateo 9:38) Si Pablo ay sumulat kay Timoteo: “Ang mga bagay na narinig mo sa akin sa gitna ng maraming saksi, ang mga bagay na ito ang siya mo ring ipagkatiwala sa mga taong tapat, na magkakaroon naman ng sapat na kakayahan na magturo sa mga iba. Bilang isang mabuting kawal ni Kristo Jesus makipagtiis ka ng kahirapan.”—2 Timoteo 2:2, 3.
15. Bakit tayo kailangang kumilos na gaya ng mga kawal at makipaglaban “sa mga laro”?
15 Ang isang kawal ay humihiwalay buhat sa di-gaanong mahigpit na pamumuhay ng mga sibilyan na wala sa hukbo. Sa katulad na paraan, tayo’y huwag makikihalubilo sa pamumuhay ng mga taong wala sa hukbo ng Panginoon kundi, ang totoo, nasa kasalungat na panig. Sa gayon, nagpapatuloy ang sulat ni Pablo kay Timoteo: “Sinumang taong nagsisilbing kawal ay hindi sumasangkot sa makakomersiyong mga pangangalakal sa buhay, upang siya’y kalugdan niyaong isang nagtala sa kaniya bilang isang kawal. Isa pa, kung ang sinuman ay nakikipaglaban maging sa mga laro, siya’y hindi pinuputungan ng korona maliban sa siya’y nakipaglaban ayon sa mga alituntunin.” (2 Timoteo 2:4, 5) Sa pagsusumikap na magtamo ng tagumpay sa takbuhan para kamtin “ang korona ng buhay,” ang mga mananakbo ay kailangang magsanay sa pagpipigil-sa-sarili at iwasan ang walang kabuluhang mga pabigat at mga pakikihalubilo. Sa ganitong paraan sila ay makapagtututok ng pansin sa pagdadala sa iba ng mabuting balita ng kaligtasan.—Santiago 1:12; ihambing ang 1 Corinto 9:24, 25.
16. Ano ang hindi maigagapos, at sa kapakinabangan nino kaya tayo nagtitiis?
16 Dahilan sa ating iniibig ang Diyos at ang tulad-tupang mga tao na humahanap sa kaniya, tayo ay nagagalak na dumanas ng malaking pagtitiis upang madalhan ang iba ng mabuting balita ng kaligtasan. Tayo’y maaaring maigapos ng mga kaaway dahilan sa pangangaral ng Salita ng Diyos. Subalit ang Salita ng Diyos ay hindi maaaring igapos, at ang pagsasalita nito para sa kaligtasan ng iba ay hindi maitatanikala. Inilarawan ni Pablo kay Timoteo kung bakit siya ay totoong handang humarap sa paglilitis: “Alalahanin mo na si Jesu-Kristo ay binuhay sa mga patay at nanggaling sa binhi ni David, ayon sa mabuting balita na aking ipinangangaral; ang dahilan ng aking pagdurusa hanggang sa maigapos na tulad ng isang salarin. Gayunman, ang salita ng Diyos ay hindi maigagapos. Kaya aking patuloy na tinitiis ang lahat ng bagay alang-alang sa mga pinili, upang sila man ay magkamit ng kaligtasan may kaugnayan kay Kristo Jesus kalakip ng walang-hanggang kaluwalhatian.” (2 Timoteo 2:8-10) Sa ngayon ating isinasaisip hindi lamang ang munting nalalabi ng mga nakahanay para sa makalangit na Kaharian kundi pati rin ang malaking pulutong ng mga ibang tupa ng Mabuting Pastol, si Jesu-Kristo, ang lubhang karamihan na magkakamit ng buhay sa makalupang Paraiso sa ilalim ng Kaharian ni Kristo.—Apocalipsis 7:9-17.
17. Bakit tayo hindi dapat huminto ng pagtakbo sa takbuhan, at ano ang resulta kung tayo’y magpapatuloy ng pagtakbo hanggang sa katapusan?
17 Kung tayo’y hihinto, hindi natin matutulungan ang ating sarili o ang sinuman sa pagtatamo ng kaligtasan. Sa pagiging matiisin sa takbuhang Kristiyano, anuman ang makasagupang mga balakid, ang ating sarili ay ating pinananatiling nakahanay para sa gantimpala at maaari nating tuwirang tulungan ang iba na magtamo rin ng kaligtasan, samantalang tayo’y nagiging mabisang halimbawa ng lakas sa iba. Anuman ang ating pag-asa, makalangit man o makalupa, ang saloobin ni Pablo na “patuloy na nagsusumikap tungo sa pagkakamit ng gantimpala” ay mabuting tularan.—Filipos 3:14, 15.
Patuloy na Pagtakbo sa Takbuhan
18. Ang pagkapanalo ng gantimpala ay depende sa ano, ngunit upang makapanatili hanggang sa katapusan, ano ang kailangang iwasan?
18 Ang matagumpay na pagtapos sa ating takbuhing Kristiyano sa ikapagbabangong-puri ni Jehova at pagkakamit natin ng gantimpalang inilaan niya para sa atin ay depende sa ating patuloy na pagtakbo sa buong kahabaan ng takbuhan. Samakatuwid, hindi tayo makapagtitiis hanggang sa wakas kung ating kakargahan ang ating sarili ng mga bagay na hindi nagsisilbi sa kapakanan ng katuwiran. Kahit na kung inalis na natin ang gayong mga bagay, ang mga kahilingan ay mahigpit pa rin at nangangailangan ng lakas ng loob na maaari nating taglayin. Kaya, si Pablo ay nagpapayo: “Iwaksi rin natin ang bawat pabigat at ang kasalanang madaling pumigil sa atin, at takbuhin natin na may pagtitiis ang takbuhan na inilagay sa harapan natin.” (Hebreo 12:1) Tulad ni Jesus hindi natin dapat labis na ipakadiin ang mga kahirapan na kailangang tiisin kundi ituring ang mga ito na isang munting halaga na ibabayad para sa nakagagalak na gantimpala.—Ihambing ang Roma 8:18.
19. (a) Anong pagtitiwala ang ipinahayag ni Pablo nang malapit ng magwakas ang kaniyang buhay? (b) Habang palapit ang katapusan ng takbuhan ng pagtitiis, anong pagtitiwala ang dapat nating taglayin tungkol sa ipinangakong gantimpala?
19 Nang malapit ng magwakas ang kaniyang buhay, nasabi ni Pablo: “Nakipagbaka ako ng mabuting pakikipagbaka, natapos ko na ang aking pagtakbo, iningatan ko ang pananampalataya. Buhat ngayon ay nakalaan sa akin ang korona ng katuwiran.” (2 Timoteo 4:7, 8) Tayo ay tumatakbo sa takbuhang ito ng pagtitiis upang kamtin ang gantimpalang buhay na walang hanggan. Kung tayo’y huminto ng pagtitiis dahil lamang sa ang takbuhan ay medyo mahaba kaysa ating inaasahan nang tayo’y magsimula roon, tayo’y mabibigo ngayon na malapit nang kamtin natin ang ipinangakong gantimpala. Huwag magkakamali. Walang bahagya mang pag-aalinlangan na naroon ang gantimpala.
20. Ano ang dapat na ating kapasiyahan hanggang sa sumapit sa katapusan ang takbuhan?
20 Kaya harinawang ang ating mga mata ay huwag manghimagod ng pagbabantay sa pagsisimula ng malaking kapighatian, na pupuksa una sa Babilonyang Dakila at pagkatapos ay sa natitirang bahagi ng organisasyon ng Diyablo. (2 Pedro 3:11, 12) Dahilan sa ubod-linaw na mga tanda sa buong palibot natin, harinawang tayo’y may pananampalatayang magmasid sa hinaharap. Harinawang maghanda tayo na lalong higit na patibayin ang ating pagtitiis, at sana ay magpatuloy tayo nang buong kagitingan sa takbuhan na inilagay ng Diyos na Jehova sa harapan natin, hanggang sa sumapit sa katapusan at matamo ang nakagagalak na gantimpala, sa ikapagbabangong-puri ni Jehova sa pamamagitan ni Jesu-Kristo.
Papaano Mo Sasagutin?
◻ Anong uri ng takbuhan ang kailangang paghandaan ng isang Kristiyano?
◻ Bakit ang kagalakan ay napakahalaga sa pagtakbo sa takbuhan?
◻ Sa anong pangunahing mga dahilan kung kaya tayo nananatili sa ministeryo bagaman may mga kahirapan?
◻ Bakit hindi tayo dapat huminto sa takbuhan na inilagay sa harapan natin ng Diyos?
[Larawan sa pahina 15]
Tulad sa isang nasa mahabang-distansyang takbuhan, ang mga Kristiyano ay kailangang magtiis
[Larawan sa pahina 17]
Sa pagsisikap na makamtan “ang korona ng buhay,” ang mga mananakbo ay kailangang magsanay ng pagpipigil-sa-sarili