LARO AT PALARO, MGA
Sa pasimula pa lamang ng kasaysayan ng tao ay namalas na ang interes ng mga tao sa dibersiyon at paglilibang. Sinasabing kay Jubal, sa ikapitong salinlahi mula kay Adan, “nagpasimula ang lahat niyaong humahawak ng alpa at ng pipa.” (Gen 4:21) Sa paglipas ng panahon, noong yugto pagkaraan ng Baha, naimbento rin ang mga laro.
Sa Ehipto at Mesopotamia. Sa nakapangalat na mga lugar sa Ehipto, Palestina, at Mesopotamia, nakahukay ang mga arkeologo ng iba’t ibang uri ng mga game board, mga dice, at mga bagay na ginagamit sa mga laro, anupat ang ilan sa mga ito ay umiral bago pa ang panahon ni Abraham. Sa isang relyebe naman mula sa pintuang-daan ng isang templo sa Ehipto ay inilalarawan si Ramses III na nakikipaglaro ng isang larong kahawig ng dama sa isa sa kaniyang mga babae. Noon, ang karamihan sa mga laro ay ginagamitan ng dice o ng mga patpat na inihahagis upang malaman ang magiging takbo ng laro.
Bukod sa mga tagpo ng pagsasayaw at pagtugtog ng mga instrumento sa musika, ang mga ipinintang larawan sa Ehipto ay kakikitaan din ng mga tagpo ng mga batang babaing Ehipsiyo na naglalaro ng mga bola, anupat inihahagis at sinasalo ang mga iyon nang salitan. Ang ibang mga laro noon ng mga kabataan, gaya ng hilahan, ay nangangailangan naman ng mga koponan ng manlalaro. Popular din noon ang mga holen.
Sa Israel. Walang tuwirang pagtukoy sa Bibliya hinggil sa mga laro ng mga Hebreo, ngunit may mga pahiwatig ito tungkol sa ilang anyo ng paglilibang bukod pa sa musika, pag-awit, pagsasayaw, at pag-uusap. Ang Zacarias 8:5 ay bumabanggit ng mga batang naglalaro sa mga liwasan, at sa Job 21:11, 12 ay may binabanggit naman na pag-awit at pagsasayaw ng mga batang lalaki. Noong panahon ni Jesus, naging laro ng mga bata ang paggaya sa masasaya at malulungkot na mga pangyayari. (Mat 11:16, 17) Sa mga paghuhukay sa Palestina, may nasumpungang mga laruan ng mga bata gaya ng mga rattle, mga pito, at maliliit na palayok at karo. Ang Job 41:5 ay maaaring nagpapahiwatig ng pag-aalaga ng maaamong ibon. Lumilitaw na noon ay nagsasanay sila sa pagpana ng mga palaso at pagpapahilagpos sa isang tudlaan. (1Sa 20:20-22, 35-40; Huk 20:16) Gayunman, waring ang mga Judio ay hindi nagsagawa ng mga larong may paligsahan hanggang noong yugtong Heleniko.
Popular noon sa Israel ang mga bugtong at mga larong palaisipan, gaya ng ipinakikita ng paghaharap ni Samson ng bugtong sa mga Filisteo.—Huk 14:12-14.
Sa Gresya. Humigit-kumulang noong panahong magsimulang humula si Isaias sa Juda, pinasimulang ilunsad ng mga Griego ang kanilang bantog na mga paligsahan ng mga atleta para sa Olympic bilang parangal kay Zeus, noong taóng 776 B.C.E. Bagaman nanatiling pinakabantog ang mga palaro sa Olympia, tatlo pang Griegong bayan ang naging mahahalagang sentro ng mga paligsahan. Sa Isthmus malapit sa Corinto ginaganap ang Palarong Isthmian, na itinalagang sagrado para kay Poseidon. Sa Delphi naman idinaraos ang Palarong Pythian, samantalang ang Palarong Nemean, na isa ring parangal kay Zeus, ay ginaganap malapit sa Nemea.
Noon, tuwing ikaapat na taon idinaraos ang Palarong Olympic at mayroon itong malalim na kaugnayan sa relihiyon. Prominenteng mga bahagi ng kapistahang ito ang relihiyosong mga paghahain at ang pagsamba sa apoy ng Olympic. Tuwing ikalawang taon naman ginaganap ang Palarong Isthmian, malapit sa Corinto.
Kabilang sa pangunahing programa ng lahat ng paligsahan ang takbuhan, pakikipagbuno, boksing, paghahagis ng discus at diyabelin, karera ng mga karo, at iba pang mga laro. Nananata noon ang mga kalahok na tutuparin nila ang mahigpit na sampung buwang iskedyul ng pagsasanay, anupat ginugugol nila rito ang malaking bahagi ng kanilang panahon. Istriktong pinangangasiwaan naman ng mga hurado na naninirahan kasama ng mga kalahok ang iskedyul ng pagsasanay. Kadalasan, ang mga nagsasanay ay pinag-eensayo sa ilalim ng mga kalagayang mas mahirap pa kaysa sa aktuwal na paligsahan, anupat ang mga mananakbo ay nagsasanay na may mga pabigat sa kanilang mga paa at ang mga boksingero naman ay nagsasanay nang nakasuot ng mabibigat na uniporme. Kadalasan na, maraming taon ang ginugugol para malinang ng isang tao ang kinakailangang mga katangian upang manalo sa mga palaro. Ang gantimpala noon ay isang simpleng putong o koronang dahon, anupat ligáw na olibo ang ginagamit sa Palarong Olympian, mga dahon naman ng pino sa Palarong Isthmian, laurel sa Palarong Pythian, at ligáw na seleri sa Palarong Nemean. Kadalasa’y idinidispley noon sa dulo ng takbuhan sa tabi ng reperi ang gantimpala, anupat gumaganyak ito sa mga kalahok sa mga takbuhan na lubusang magpunyagi samantalang itinutuon nila ang kanilang mata sa gantimpala. Gayunman, ang hindi pagsunod sa mga alituntunin ay magbubunga ng diskuwalipikasyon. Bago at pagkatapos ng okasyon, o sa panahon nito, ang mga palaro ang paksa ng usapan ng lahat. Ang mga nanalong atleta ay pinapupurihan, iniidolo, binibigyan ng maraming regalo, at ipinagpipiging. Pinagkakalooban naman ng Corinto ng panghabang-buhay na pensiyon ang mga atletang nagwawagi.
Sa Roma. Ibang-iba ang mga palarong Romano sa mga palarong Griego, anupat ang pangunahing mga bahagi ng mga ito ay paglalaban ng mga gladyador at iba pang mga pagtatanghal ng matinding kalupitan. Ang mga paligsahan ng mga gladyador ay orihinal na nagsimula noong ikatlong siglo B.C.E. bilang isang relihiyosong serbisyo sa mga libing; maaaring may malapit na kaugnayan ang mga ito sa sinaunang paganong mga ritwal kung saan ang mga mananamba ay naghihiwa ng kanilang sarili, anupat hinahayaan nilang dumanak ang kanilang dugo bilang parangal sa kanilang mga diyos o sa kanilang mga patay. (1Ha 18:28; ihambing ang pagbabawal ng gayong mga kaugalian sa Israel sa Lev 19:28.) Noong dakong huli, ang mga palarong Romano ay iniaalay na sa diyos na si Saturno. Wala nang hihigit pa sa mga ito sa kalupitan at kawalang-habag. Minsan ay nagdaos si Emperador Trajan ng mga palarong nagtampok ng 10,000 gladyador, na ang karamihan ay naglaban hanggang sa kamatayan bago natapos ang palaro. Mayroon ding ilang senador, mga babaing “maharlika,” at isang emperador, si Commodus, na pumasok sa arena ng mga gladyador. Pasimula noong panahon ni Nero, maraming Kristiyano ang pinatay sa mga palabas na ito.
Mga Palarong Pagano na Dinala sa Palestina. Noong panahon ng paghahari ni Antiochus Epiphanes noong ikalawang siglo B.C.E., dinala sa Israel ng Helenisadong mga Judio ang kultura at atletikong mga paligsahan ng mga Griego, at isang himnasyo ang itinayo sa Jerusalem, ayon sa unang kabanata ng Apokripal na aklat ng Unang Macabeo. Sa 2 Macabeo 4:12-15, binabanggit na pinabayaan maging ng mga saserdote ang kanilang mga tungkulin upang makibahagi sa mga palaro. Ngunit mahigpit na tinutulan ng iba ang gayong pagtanggap sa paganong mga kaugalian.
Noong unang siglo B.C.E., nagtayo si Herodes na Dakila ng isang dulaan sa Jerusalem, ng isang ampiteatro sa kapatagan, at ng isang dulaan at ampiteatro sa Cesarea, at itinatag niya ang pagdaraos ng mga palaro tuwing ikalimang taon bilang parangal kay Cesar. Bukod pa sa pakikipagbuno, karera ng mga karo, at iba pang mga paligsahan, naglunsad siya ng mga palarong nagmula sa mga palarong Romano, anupat nagsaayos siya ng mga labanan ng mababangis na hayop o kaya’y pinaglalaban niya ang gayong mga hayop at ang mga taong hinatulan ng kamatayan. Ayon kay Josephus, dahil sa lahat ng ito, nagsabuwatan ang nagalit na mga Judio upang paslangin si Herodes ngunit nabigo sila.—Jewish Antiquities, XV, 267-291 (viii, 1-4); XV, 331-341 (ix, 6).
Ang Pangmalas ng mga Kristiyano. Inilahad ni Tertullian, na isang manunulat noong ikalawa at ikatlong siglo C.E., ang posisyon ng unang mga Kristiyano hinggil sa mga libangang pangkaraniwan noon sa mga Romano. Sinabi niya na ang mga Kristiyano ay “walang pakialam, sa pananalita, panonood o pakikinig, sa kabaliwan ng sirkus, sa kawalang-kahihiyan ng dulaan, sa kalupitan ng arena, sa kapalaluan ng himnasyo.” Idinagdag niya: “Bakit kayo magagalit sa amin, kung tinatanggap namin na may ibang mga kaluguran? . . . tinatanggihan namin ang nakalulugod sa inyo; ang nakalulugod sa amin ay hindi nagbibigay-kasiyahan sa inyo.” (Apology, XXXVIII, 4, 5) May kinalaman sa pagsasanay sa katawan o disiplina sa kabuuan, binuod ng apostol na si Pablo ang saloobin ng mga Kristiyano sa payo niya kay Timoteo sa 1 Timoteo 4:7-10.
Ginamit sa mga Ilustrasyon. Buong-husay na ginamit nina Pablo at Pedro ang mga bahagi ng ilang palaro upang ilarawan ang mga puntong itinuturo nila. Naiiba sa gantimpalang hinahangad ng mga kalahok sa mga palarong Griego, ang koronang pinagsisikapang matamo ng isang pinahirang Kristiyano ay hindi isang lumilipas na putong na dahon, kundi ang gantimpalang imortal na buhay. (1Pe 1:3, 4; 5:4) Kailangan niyang tumakbo taglay ang determinasyong makamit ang gantimpala at dapat niyang panatilihing nakatuon doon ang kaniyang mga mata; ang paglingon sa likuran ay kapaha-pahamak. (1Co 9:24; Fil 3:13, 14) Upang hindi maging diskuwalipikado, dapat siyang makipaglaban ayon sa mga alituntunin ng isang malinis na pamumuhay. (2Ti 2:5) Mahalaga ang pagpipigil sa sarili, disiplina sa sarili, at pagsasanay. (1Co 9:25; 1Pe 5:10) Ang mga pagsisikap ng isang Kristiyano ay dapat niyang ipuntiryang mabuti, na isinasaisip ang tagumpay, kung paanong ang mga suntok ng isang sinanay na boksingero ay tumatama at hindi nag-aaksaya ng lakas; ngunit ang pinupuntirya ng mga suntok ng Kristiyano ay hindi tao, kundi mga bagay, kabilang na rito yaong mga nasa loob niya mismo, na maaaring maging dahilan upang mabigo siya. (1Co 9:26, 27; 1Ti 6:12) Ang lahat ng nakasasagabal na pabigat at ang nakasasalabid na kasalanan ng kawalan ng pananampalataya ay kailangang alisin, kung paanong hinuhubad ng mga kalahok sa mga takbuhan ang nakasasagabal na damit. Ang Kristiyanong mananakbo ay kailangang handa sa isang takbuhan na nangangailangan ng pagbabata, at hindi sa takbuhang pabilisan sa isang maikling distansiya.—Heb 12:1, 2.
Sa Hebreo 12:1, mapapansing binabanggit ni Pablo na “napalilibutan tayo” ng isang malaking “ulap ng mga saksi [sa Gr., mar·tyʹron].” Hindi isang pulutong ng mga nagmamasid ang tinutukoy niya rito at ipinakikita ito ng nilalaman ng naunang kabanata na tinukoy ni Pablo nang sabihin niya, “Kung gayon nga, . . . ” Samakatuwid, pinasisigla ni Pablo ang mga Kristiyano na magpatuloy sa takbuhan sa pamamagitan ng pagtatawag-pansin, hindi sa mga tagapagmasid lamang, kundi sa maiinam na halimbawa ng iba na mga mananakbo rin, at partikular niyang hinihimok ang mga Kristiyano na tuminging mabuti sa isa na nagtagumpay na at ngayon ay kanilang Hukom, si Kristo Jesus.
Ang ilustrasyon sa 1 Corinto 4:9 ay maaaring halaw sa mga paligsahang Romano, anupat dito ay inihahambing si Pablo at ang kaniyang mga kapuwa apostol sa mga taong nasa panghuling palabas sa arena—yamang karaniwan nang inihuhuli noon ang pinakamadugong palabas, at yaong mga inirereserba para roon ay tiyak na mamamatay. Maaaring mga palarong Romano rin ang ipinahihiwatig ng Hebreo 10:32, 33. (Tingnan ang DULAAN, TEATRO.) Sa katunayan, maaaring si Pablo mismo ay nahantad sa mga panganib ng mga palarong Romano, yamang sa 1 Corinto 15:32 ay may tinutukoy siyang ‘pakikipaglaban sa mababangis na hayop sa Efeso.’ Ipinapalagay ng ilan na malayong mangyari na ang isang mamamayang Romano ay ihaharap sa mababangis na hayop sa arena, at iminumungkahi nila na ang pananalitang ito ay ginamit sa makasagisag na paraan upang tumukoy sa tulad-hayop na mga mananalansang sa Efeso. Gayunman, ang pananalita ni Pablo sa 2 Corinto 1:8-10 tungkol sa napakalubhang panganib na naranasan nila sa distrito ng Asia, na kinaroroonan ng Efeso, at tungkol sa pagliligtas sa kaniya ng Diyos mula sa “gayon kalaking bagay na gaya ng kamatayan” ay tiyak na mas tutugma sa pakikipaglaban sa literal na mababangis na hayop sa arena kaysa sa pananalansang ng mga tao kay Pablo sa Efeso. (Gaw 19:23-41) Kung gayon, maaaring isa ito sa ilang karanasan ni Pablo kung saan nalagay siya sa “bingit ng kamatayan” sa kaniyang ministeryo.—2Co 11:23; tingnan ang PAGLILIBANG.
[Larawan sa pahina 186]
“Game board” mula sa Ur