Tinatalikuran ng Bayan ni Jehova ang Kalikuan
“Talikuran ng bawat isa na tumatawag sa pangalan ni Jehova ang kalikuan.”—2 TIM. 2:19.
1. Ano ang napakahalaga sa ating pagsamba?
ANG pangalang Jehova ay makikitang nakaukit sa maraming gusali at sa iba’t ibang displey sa museo. Tiyak na matutuwa kang makita ang pangalang iyan sa gayong mga lugar. Napakahalaga kasi ng personal na pangalan ng Diyos sa pagsamba natin bilang mga Saksi ni Jehova. Sa ngayon, walang ibang grupo ang gumagamit ng pangalang iyan. Pero alam natin na ang pribilehiyong matawag sa pangalan ng Diyos ay may kasamang pananagutan.
2. Anong pananagutan ang kasama sa pribilehiyong matawag sa pangalan ng Diyos?
2 Pero para matamo ang pagsang-ayon ng Diyos, hindi sapat na basta gamitin natin ang pangalan niya. Dapat din tayong mamuhay kaayon ng kaniyang pamantayang moral. Kaya naman ipinapaalala ng Bibliya sa bayan ni Jehova na “talikuran . . . ang kasamaan.” (Awit 34:14) Tuwirang sinabi ni apostol Pablo ang simulaing ito nang sumulat siya: “Talikuran ng bawat isa na tumatawag sa pangalan ni Jehova ang kalikuan.” (Basahin ang 2 Timoteo 2:19.) Bilang kaniyang mga Saksi, talagang kilala tayo sa pagtawag sa pangalan ni Jehova. Pero paano natin tatalikuran ang kalikuan?
LUMAYO SA KASAMAAN
3, 4. Anong teksto ang matagal nang palaisipan sa mga iskolar ng Bibliya? Bakit?
3 Pag-isipan ang konteksto ng pananalita ni Pablo sa 2 Timoteo 2:19. Binanggit sa tekstong ito ang “matatag na pundasyon ng Diyos” at pagkatapos ay ang dalawang kapahayagan na nakatatak doon. Ang una, “Kilala ni Jehova yaong mga nauukol sa kaniya,” ay lumilitaw na sinipi mula sa Bilang 16:5. (Tingnan ang sinundang artikulo.) Ang ikalawa, “Talikuran ng bawat isa na tumatawag sa pangalan ni Jehova ang kalikuan,” ay matagal nang palaisipan sa mga iskolar ng Bibliya. Bakit?
4 Ipinahihiwatig ng pananalita ni Pablo na sumisipi siya mula sa ibang teksto. Pero parang walang teksto sa Hebreong Kasulatan na kapareho ng sinabi ni Pablo. Ano kaya ang tinutukoy ng apostol nang sabihin niya: “Talikuran ng bawat isa na tumatawag sa pangalan ni Jehova ang kalikuan”? Ang pangungusap bago nito ay sinipi ni Pablo mula sa Bilang kabanata 16, na nag-uulat tungkol sa pagrerebelde ni Kora. May kaugnayan din kaya sa pangyayaring iyon ang ikalawang kapahayagan?
5-7. Anong pangyayari noong panahon ni Moises ang tinutukoy ni Pablo sa 2 Timoteo 2:19? (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulo.)
5 Sinasabi ng Bibliya na ang mga anak ni Eliab na sina Datan at Abiram ay sumama kay Kora sa pangunguna sa rebelyon laban kina Moises at Aaron. (Bil. 16:1-5) Tahasan nilang sinalansang si Moises at ang awtoridad na ibinigay sa kaniya ng Diyos. Ang mga rebeldeng iyon ay nakikisama pa rin sa bayan ni Jehova, kaya nanganib ang espirituwalidad ng mga tapat. Nang dumating ang araw para ipakita ni Jehova kung sino ang mga tapat na mananamba at kung sino ang mga rebelde, nagbigay siya ng isang malinaw na utos.
6 Mababasa sa ulat: “Nagsalita naman si Jehova kay Moises, na sinasabi: ‘Salitain mo sa kapulungan, na sinasabi, “Lumayo kayo mula sa palibot ng mga tabernakulo ni Kora, ni Datan at ni Abiram!” ’ Pagkatapos ay tumindig si Moises at pumaroon kay Datan at kay Abiram, at ang matatandang lalaki ng Israel ay pumaroong kasama niya. At nagsalita siya sa kapulungan, na sinasabi: ‘Umalis kayo, pakisuyo, mula sa harap ng mga tolda ng mga balakyot na taong ito at huwag kayong humipo ng anumang bagay na pag-aari nila, upang hindi kayo malipol sa lahat ng kanilang kasalanan.’ Kaagad silang lumayo mula sa harap ng tabernakulo ni Kora, ni Datan at ni Abiram, mula sa bawat panig.” (Bil. 16:23-27) Pagkatapos, pinatay ni Jehova ang lahat ng rebelde. Pero ang tapat na mga mananamba—na lumayo para talikuran ang kalikuan—ay iningatan niyang buháy.
7 Nababasa ni Jehova ang mga puso! Nakikita niya ang katapatan ng mga nauukol sa kaniya. Gayunman, ang mga tapat sa kaniya ay kinailangang kumilos agad at lumayo sa masasama. Kaya posibleng ang ulat sa Bilang 16:5, 23-27 ang tinutukoy ni Pablo nang sumulat siya: “Talikuran ng bawat isa na tumatawag sa pangalan ni Jehova ang kalikuan.” Ang gayong konklusyon ay kaayon ng pananalita ni Pablo: “Kilala ni Jehova yaong mga nauukol sa kaniya.”—2 Tim. 2:19.
“TANGGIHAN MO ANG MANGMANG AT WALANG-MUWANG NA MGA PAGTATANONG”
8. Bakit hindi sapat ang basta paggamit ng pangalan ni Jehova o ang pagiging bahagi ng kongregasyong Kristiyano?
8 Ginamit din ni Pablo ang mga pangyayaring iyon noong panahon ni Moises para ipaalala kay Timoteo na kailangan nitong kumilos agad para protektahan ang kaniyang kaugnayan kay Jehova. Hindi sapat na maging bahagi ng kongregasyong Kristiyano, kung paanong hindi rin sapat noong panahon ni Moises ang basta pagtawag lang sa pangalan ni Jehova. Dapat maging determinado ang mga tapat na mananamba na talikuran ang kalikuan. Paano ito gagawin ni Timoteo? At ano-ano ang matututuhan ng bayan ni Jehova ngayon sa kinasihang payo ni Pablo?
9. Paano nakaapekto sa unang-siglong kongregasyon ang “mangmang at walang-muwang na mga pagtatanong”?
9 Nagbibigay ang Bibliya ng espesipikong payo tungkol sa mga kalikuang dapat talikuran o tanggihan ng mga Kristiyano. Halimbawa, sa iba pang talata ng 2 Timoteo kabanata 2, nagpayo si Pablo na “huwag makipag-away tungkol sa mga salita” at “iwasan . . . ang walang-katuturang mga usapan.” (Basahin ang 2 Timoteo 2:14, 16, 23.) May ilang miyembro ng kongregasyon noon na nagtuturo ng mga doktrinang apostata. Lumilitaw rin na may mga nagbabangon ng mga ideyang maaaring pagmulan ng pagtatalo. Hindi man salungat sa Kasulatan ang gayong mga ideya, naging dahilan ito ng pagkakabaha-bahagi. Nagtalo-talo sila tungkol sa mga bagay na walang saysay, at nakaapekto ito sa espirituwalidad ng kongregasyon. Kaya naman idiniin ni Pablo ang pangangailangang ‘tanggihan ang mangmang at walang-muwang na mga pagtatanong.’
10. Ano ang dapat nating gawin kung mapaharap tayo sa apostasya?
10 Sa ngayon, bihira naman ang mga apostata sa loob ng kongregasyon. Pero kung mapaharap tayo sa mga turong salungat sa Bibliya, saanman ito nagmula, dapat na determinado tayong tanggihan ang mga iyon. Hindi katalinuhan ang makipagdebate sa mga apostata, sa personal man, sa Internet, o sa iba pang paraan. Kahit ang motibo natin ay tulungan ang isang indibiduwal, ang gayong pakikipag-usap ay salungat sa tinalakay nating tagubilin ng Bibliya. Bilang bayan ni Jehova, lubusan nating iniiwasan, oo itinatakwil, ang apostasya.
11. Ano ang maaaring mauwi sa ‘mangmang na pagtatanong’? Paano magpapakita ng mabuting halimbawa ang mga elder?
11 Bukod sa apostasya, may iba pang mga bagay na maaaring makasira sa kapayapaan ng kongregasyon. Halimbawa, ang magkakaibang opinyon tungkol sa paglilibang ay maaaring mauwi sa “mangmang at walang-muwang na mga pagtatanong,” o pagtatalo. Siyempre, kapag may mga nang-eengganyo sa iba na sumama sa libangang salungat sa pamantayang moral ng Bibliya, hindi pinalalagpas ng mga elder ang gayong paggawi para lang maiwasan ang pagtatalo. (Awit 11:5; Efe. 5:3-5) Pero hindi rin dapat igiit ng mga elder ang personal nilang pananaw. Sinusunod nila ang payo ng Bibliya sa mga tagapangasiwang Kristiyano: “Pastulan ninyo ang kawan ng Diyos na nasa inyong pangangalaga, . . . hindi namamanginoon sa mga mana ng Diyos, kundi maging mga halimbawa sa kawan.”—1 Ped. 5:2, 3; basahin ang 2 Corinto 1:24.
12, 13. (a) Ano ang pananaw ng mga Saksi ni Jehova pagdating sa pagpili ng libangan? Anong mga simulain sa Bibliya ang kapit? (b) Paano maikakapit sa personal na mga bagay ang mga simulaing tinalakay sa parapo 12?
12 Pagdating sa libangan, ang ating organisasyon ay hindi nagre-review ng espesipikong mga pelikula, video game, aklat, o awit para sabihin kung alin ang dapat iwasan. Bakit? Hinihimok ng Bibliya ang bawat isa na sanayin ang kaniyang “mga kakayahan sa pang-unawa na makilala kapuwa ang tama at ang mali.” (Heb. 5:14) May mga simulain sa Bibliya na maaaring maging gabay ng isang Kristiyano sa pagpili ng libangan. Anumang bagay ang kailangan nating pagpasiyahan, tunguhin nating “patuloy [na] tiyakin kung ano ang kaayaaya sa Panginoon.” (Efe. 5:10) Itinuturo din ng Bibliya na ang mga ulo ng pamilya ay may awtoridad sa kanilang sambahayan, kaya puwede silang magdesisyon kung anong libangan ang angkop sa kanilang pamilya.a—1 Cor. 11:3; Efe. 6:1-4.
13 Hindi lang sa pagpili ng libangan kapit ang mga simulain sa Bibliya na tinalakay natin. Ang magkakaibang opinyon tungkol sa pananamit at pag-aayós, kalusugan at nutrisyon, at iba pang personal na bagay ay maaari ding pagmulan ng pagtatalo. Kaya kung wala namang nalalabag na simulain sa Bibliya, iniiwasan ng bayan ni Jehova na pagtalunan ang gayong mga bagay, dahil “ang alipin ng Panginoon ay hindi kailangang makipag-away, kundi kailangang maging banayad [o, mataktika] sa lahat.”—2 Tim. 2:24.
IWASAN ANG MASASAMANG KASAMA!
14. Anong ilustrasyon ang ginamit ni Pablo para idiin ang pangangailangang umiwas sa masasamang kasama?
14 Bilang mga lingkod ng Diyos, ano pa ang puwede nating gawin para ‘talikuran ang kalikuan’? Iwasang maging malapít sa mga gumagawa ng kalikuan. Kapansin-pansin na ang ilustrasyon tungkol sa “matatag na pundasyon ng Diyos” ay sinundan ni Pablo ng isa pang ilustrasyon. Sumulat siya tungkol sa “isang malaking bahay” na “may mga sisidlan na hindi lamang ginto at pilak kundi kahoy at luwad din, at ang ilan ay para sa isang marangal na layunin ngunit ang iba ay para sa isang layuning walang dangal.” (2 Tim. 2:20, 21) Pagkatapos, pinayuhan niya ang mga Kristiyano na ‘manatiling hiwalay’ sa mga sisidlang ginagamit sa layuning “walang dangal.”
15, 16. Ano ang matututuhan natin sa ilustrasyon tungkol sa “isang malaking bahay”?
15 Ano ang ibig sabihin ng ilustrasyong ito? Itinutulad ni Pablo ang kongregasyong Kristiyano sa “isang malaking bahay” at ang mga miyembro ng kongregasyon naman sa “mga sisidlan,” o mga kasangkapan sa bahay. May mga kasangkapan sa bahay na maaaring marumhan at hindi na angkop gamitin. Ang gayong mga gamit ay inihihiwalay ng may-bahay mula sa malilinis na kasangkapan, gaya ng mga kagamitan sa pagluluto.
16 Sa katulad na paraan, ang bayan ni Jehova ngayon, na nagsisikap manatiling malinis, ay hindi dapat maging malapít sa mga indibiduwal sa kongregasyon na namimihasa sa pagbale-wala sa mga simulain ni Jehova. (Basahin ang 1 Corinto 15:33.) Kung iniiwasan natin ang masasamang kasama sa loob ng kongregasyon, mas lalo nating dapat “talikuran” ang pakikipagkaibigan sa mga nasa labas ng kongregasyon, na karamihan ay ‘maibigin sa salapi, masuwayin sa mga magulang, di-matapat, maninirang-puri, mabangis, walang pag-ibig sa kabutihan, mapagkanulo, at maibigin sa mga kaluguran kaysa maibigin sa Diyos.’—2 Tim. 3:1-5.
PINAGPAPALA NI JEHOVA ANG ATING KATAPATAN
17. Paano ipinakita ng tapat na mga Israelita na lubusan nilang tinalikuran ang kalikuan?
17 Espesipikong sinasabi sa Bibliya kung ano ang ginawa ng mga Israelita nang utusan silang “lumayo . . . mula sa palibot ng mga tabernakulo ni Kora, ni Datan at ni Abiram.” Sinasabi ng ulat na “kaagad silang lumayo.” (Bil. 16:24, 27) Hindi sila nagdalawang-isip o nagpaliban sa pagkilos. Ipinakikita rin sa teksto na lubusan ang pagsunod nila. Sila ay “lumayo . . . mula sa bawat panig.” Ayaw nilang mabahiran ng kasamaan. Nanindigan sila sa panig ni Jehova at tinalikuran ang kalikuan. Ano ang matututuhan natin sa halimbawang ito?
18. Ano ang ibig sabihin ni Pablo nang payuhan niya si Timoteo na ‘tumakas mula sa mga pagnanasa na kaakibat ng kabataan’?
18 Napakahalaga sa atin ng pakikipagkaibigan kay Jehova. Kaya kailangan ang agarang pagkilos para maingatan ito. Iyan ang punto ni Pablo nang payuhan niya si Timoteo na “tumakas . . . mula sa mga pagnanasa na kaakibat ng kabataan.” (2 Tim. 2:22) Posibleng lampas 30 na si Timoteo noon. Gayunman, kahit ang mga adulto ay puwedeng magkaroon ng hangal na “pagnanasa na kaakibat ng kabataan.” Pinayuhan si Timoteo na kapag nagkaroon siya ng gayong mga pagnanasa, dapat niyang ‘takasan’ ang mga iyon. Sa ibang salita, dapat niyang ‘talikuran ang kalikuan.’ Gayon din ang mensahe ni Jesus nang sabihin niya: “Kung ang iyong mata ay nagpapatisod sa iyo, dukitin mo ito at itapon mula sa iyo.” (Mat. 18:9) Ang mga Kristiyano sa ngayon na sumusunod sa payong ito ay kumikilos agad kapag napaharap sa espirituwal na panganib. Hindi sila nagdadalawang-isip o nagpapaliban sa pagkilos.
19. Paano ipinakikita ng ilan ang determinasyon nilang protektahan ang kanilang espirituwalidad?
19 Ang ilan na nagkaproblema sa alak bago naging Saksi ay nagpasiyang huwag nang uminom ng alak kahit kailan. Ang iba naman ay umiiwas sa ilang uri ng libangan na hindi naman talaga masama pero posibleng pumukaw ng maling pagnanasa. (Awit 101:3) Halimbawa, bago naging Saksi, isang brother ang madalas magpunta sa mga dance party kung saan karaniwan ang imoralidad. Pero nang matuto ng katotohanan, lubusan na niyang iniwasan ang pagsasayaw kahit sa mga pagtitipon ng mga Saksi para hindi siya magkaroon ng imoral na kaisipan o pagnanasa. Siyempre, hindi naman binabawalan ang mga Kristiyano na uminom ng alak, magsayaw, o gumawa ng iba pang mga bagay na hindi naman talaga mali. Pero dapat tayong maging maingat at determinadong protektahan ang ating espirituwalidad.
20. Kahit hindi madaling ‘talikuran ang kalikuan,’ ano ang nagpapatibay sa atin?
20 Ang pribilehiyong matawag sa pangalan ng Diyos ay may kasamang pananagutan. Dapat nating ‘talikuran ang kalikuan’ at ang kasamaan. (Awit 34:14) Totoo, hindi ito laging madaling gawin. Pero nakapagpapatibay malaman na mahal ni Jehova ang “mga nauukol sa kaniya” at sumusunod sa kaniyang mga pamantayan.—2 Tim. 2:19; basahin ang 2 Cronica 16:9a.
a Tingnan sa www.jw.org/tl ang artikulong “Ipinagbabawal ba Ninyo ang Ilang Partikular na mga Pelikula, Aklat, o Awit?” sa ilalim ng TUNGKOL SA AMIN > KARANIWANG MGA TANONG.