Ang Antikristo Inilantad
PAANO mo ipagsasanggalang ang iyong sarili kung alam mong may kumakalat na nakamamatay na epidemya sa inyong lugar? Malamang na palalakasin mo ang iyong sistema ng imyunidad at lalayo ka sa mga taong may nakahahawang sakit. Ganiyan din ang kailangan nating gawin sa espirituwal na diwa. Sinasabi sa atin ng Kasulatan na ang antikristo ay “nasa sanlibutan na.” (1 Juan 4:3) Kung ayaw nating mahawahan ng “sakit,” kailangan nating matukoy kung sino ang “mga tagapagdala ng sakit” at iwasan sila. Mabuti na lamang at binibigyan tayo ng Bibliya ng napakaraming impormasyon hinggil sa paksang ito.
Ang “antikristo” ay nangangahulugang “laban (o humahalili) kay Kristo.” Kaya sa pangkalahatang diwa nito, ang termino ay tumutukoy sa lahat ng sumasalansang o may-kasinungalingang nag-aangkin na sila ang Kristo o ang kaniyang mga kinatawan. Sinabi mismo ni Jesus: “Siya na wala sa panig ko ay laban sa akin [o ay antikristo], at siya na hindi natitipong kasama ko ay nangangalat.”—Lucas 11:23.
Sabihin pa, isinulat ni Juan ang tungkol sa antikristo mahigit 60 taon matapos mamatay si Jesus at buhaying muli patungo sa langit. Kaya ang mga gawain ng antikristo ay dapat unawain salig sa epekto nito sa tapat na mga tagasunod ni Jesus sa lupa.—Mateo 25:40, 45.
Laban sa mga Tagasunod ni Kristo ang Antikristo
Binabalaan ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod na kapopootan sila ng sanlibutan sa pangkalahatan. Sinabi niya: “Ibibigay kayo ng mga tao sa kapighatian at papatayin kayo, at kayo ay magiging mga tudlaan ng pagkapoot ng lahat ng mga bansa dahil sa aking pangalan. At maraming bulaang propeta ang babangon at magliligaw ng marami.”—Mateo 24:9, 11.
Yamang pinag-uusig ang mga alagad ni Jesus “dahil sa . . . pangalan [ni Jesus],” ang mga mang-uusig ay malinaw na mga antikristo, mga laban kay Kristo. Ang mga “bulaang propeta,” na ang ilan sa mga ito ay dating mga Kristiyano, ay mga antikristo rin. (2 Juan 7) Isinulat ni Juan na ang “maraming antikristo” na ito ay “lumabas mula sa atin, ngunit hindi natin sila kauri; sapagkat kung kauri natin sila, nanatili sana silang kasama natin.”—1 Juan 2:18, 19.
Malinaw na ipinakikita ng mga sinabi ni Jesus at ni Juan na ang antikristo ay hindi iisang tao lamang kundi binubuo ng maraming indibiduwal na mga antikristo. Bukod diyan, dahil mga bulaang propeta sila, ang isa sa kanilang mga pangunahing layunin ay ang panlilinlang sa relihiyon. Anu-ano ang ilan sa kanilang mga pamamaraan?
Pagpapalaganap ng mga Kasinungalingan sa Relihiyon
Binabalaan ni apostol Pablo ang kaniyang kamanggagawang si Timoteo na mag-ingat sa mga turo ng mga apostata, tulad nina Himeneo at Fileto, na ang “salita ay kakalat na tulad ng ganggrena.” Idinagdag pa ni Pablo: “Ang mga tao ngang ito ay lumihis mula sa katotohanan, na nagsasabing ang pagkabuhay-muli ay nangyari na; at kanilang iginugupo ang pananampalataya ng ilan.” (2 Timoteo 2:16-18) Maliwanag na itinuro nina Himeneo at Fileto na ang pagkabuhay-muli ay makasagisag lamang at na ang mga Kristiyano ay binuhay nang muli sa espirituwal na diwa. Totoo na sa paningin ng Diyos, ang isang indibiduwal na naging tunay na alagad ni Jesus ay nabuhay na muli, na malinaw na sinabi mismo ni Pablo. (Efeso 2:1-5) Gayunpaman, winalang-bahala ng turo nina Himeneo at Fileto ang pangako ni Jesus na literal na pagbuhay-muli sa mga patay sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian ng Diyos.—Juan 5:28, 29.
Ang mga ideya na nagsasabing makasagisag lamang ang pagkabuhay-muli ay binuo nang bandang huli ng isang grupo na tinatawag na mga Gnostiko. Sa paniniwalang ang kaalaman (gnoʹsis sa Griego) ay maaaring matamo sa mahiwagang paraan, nilakipan ng mga Gnostiko ang apostatang Kristiyanismo ng pilosopiyang Griego at mistisismo ng Silangan. Halimbawa, naniniwala sila na ang lahat ng pisikal na bagay ay masama, at sa dahilang iyan, sinasabi nila na si Jesus ay hindi dumating sa laman kundi waring may katawang tao lamang. Gaya ng nakita natin, laban sa mga bagay na ito mismo nagbabala si apostol Juan.—1 Juan 4:2, 3; 2 Juan 7.
Ang isa pang kasinungalingan, na kinatha pagkaraan ng ilang siglo, ay ang doktrinang tinatawag na banal na Trinidad, na nag-aangking si Jesus ay kapuwa Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat at Anak ng Diyos. Sa kaniyang aklat na The Church of the First Three Centuries, sinabi ni Dr. Alvan Lamson na “ang pinagmulan [ng doktrina ng Trinidad] ay lubhang walang kaugnayan sa Judio at Kristiyanong Kasulatan; na nabuo ito, at inilakip sa Kristiyanismo sa pamamagitan ng mga Ama ng simbahan na nagtataguyod sa ideya ni Plato.” Sino itong “mga Ama ng simbahan na nagtataguyod sa ideya ni Plato”? Sila ang mga apostatang klerigo na nahumaling sa mga turo ng paganong Griegong pilosopo na si Plato.
Ang paglalakip ng Trinidad ay obramaestra ng antikristo, sapagkat ginawa nitong misteryo ang Diyos at pinalabo nito ang kaugnayan ng Diyos sa kaniyang Anak. (Juan 14:28; 15:10; Colosas 1:15) Isipin na lamang, paano ‘makalalapit sa Diyos’ ang isa, gaya ng paghimok ng Kasulatan, kung ang Diyos ay isang misteryo?—Santiago 4:8.
Para lalo pang makalito, inalis ng maraming tagapagsalin ng Bibliya ang pangalan ng Diyos na Jehova sa kanilang mga salin, bagaman lumilitaw ito nang mahigit 7,000 beses sa orihinal na teksto! Maliwanag na ang pagsisikap na ituring ang Makapangyarihan-sa-lahat hindi lamang bilang isang misteryo kundi bilang isang walang-pangalang misteryo ay talaga ngang kawalang-galang sa ating Maylalang at sa kaniyang kinasihang Salita. (Apocalipsis 22:18, 19) Bukod diyan, ang pagpapalit sa pangalan ng Diyos ng mga titulong gaya ng Panginoon at Diyos ay isang paglabag sa modelong panalangin ni Jesus, na nagsasabi: “Pakabanalin nawa ang iyong pangalan.”—Mateo 6:9.
Itinatakwil ng mga Antikristo ang Kaharian ng Diyos
Lalo pang naging aktibo ang mga antikristo nitong “mga huling araw,” ang panahong kinabubuhayan natin. (2 Timoteo 3:1) Ang pangunahing tunguhin ng modernong-panahong mga manlilinlang na ito ay iligaw ang mga tao hinggil sa papel ni Jesus bilang Hari sa Kaharian ng Diyos, isang makalangit na pamahalaan na malapit nang mamahala sa buong lupa.—Daniel 7:13, 14; Apocalipsis 11:15.
Halimbawa, ipinangangaral ng ilang lider ng relihiyon na ang Kaharian ng Diyos ay isang kalagayan ng puso ng tao, isang pananaw na wala sa Kasulatan. (Daniel 2:44) Sinasabi naman ng iba na ginagamit ni Kristo ang mga pamahalaan at institusyon ng tao. Gayunman, sinabi ni Jesus: “Ang kaharian ko ay hindi bahagi ng sanlibutang ito.” (Juan 18:36) Sa katunayan, si Satanas, at hindi si Kristo, “ang tagapamahala ng sanlibutan” at ang “diyos ng sistemang ito ng mga bagay.” (Juan 14:30; 2 Corinto 4:4) Ito ang dahilan kung bakit aalisin ni Jesus, sa malapit na hinaharap, ang lahat ng pamahalaan ng tao at siya ang magiging tanging Tagapamahala ng lupa. (Awit 2:2, 6-9; Apocalipsis 19:11-21) Ito ang ipinananalangin ng mga tao na maganap kapag sinasambit nila ang Panalangin ng Panginoon, na nagsasabi: “Dumating nawa ang kaharian mo. Gawin nawa ang kalooban mo sa lupa.”—Mateo 6:10, King James Version.
Dahil sinusuportahan nila ang pulitikal na sistema ng sanlibutan, sinasalansang ng maraming lider ng relihiyon, at inuusig pa nga, ang mga naghahayag ng katotohanan tungkol sa Kaharian ng Diyos. Kapansin-pansing binabanggit ng aklat ng Bibliya na Apocalipsis ang isang makasagisag na patutot—“Babilonyang Dakila”—na “lasing sa dugo ng mga banal at sa dugo ng mga saksi ni Jesus.” (Apocalipsis 17:4-6) Nagsasagawa rin siya ng espirituwal na pagpapatutot sa pamamagitan ng pagsuporta sa “mga hari” sa lupa, o mga pulitikal na tagapamahala, kapalit ng pagtanggap ng mga pabor mula sa mga ito. Ang makasagisag na babaing ito ay walang iba kundi ang mga huwad na relihiyon ng sanlibutan. Isa siyang pangunahing bahagi ng antikristo.—Apocalipsis 18:2, 3; Santiago 4:4.
‘Kumikiliti ng mga Tainga’ ang Antikristo
Bukod sa pagtatakwil sa katotohanan sa Bibliya, tinatalikuran din ng maraming di-umano’y Kristiyano ang mga pamantayan ng Bibliya hinggil sa paggawi bilang pagsunod sa moralidad ng karamihan. Inihula ng Salita ng Diyos ang kaganapang ito, sa pagsasabi: “Darating ang isang yugto ng panahon kapag hindi nila [mga taong nag-aangking naglilingkod sa Diyos] titiisin ang nakapagpapalusog na turo, kundi, ayon sa kanilang sariling mga pagnanasa, sila ay magtitipon ng mga guro para sa kanilang sarili upang kumiliti sa kanilang mga tainga.” (2 Timoteo 4:3) Ang mga impostor na ito sa relihiyon ay inilarawan din bilang “mga bulaang apostol, mapanlinlang na mga manggagawa, na nag-aanyong mga apostol ni Kristo.” Sinasabi pa ng Bibliya: “Ang kanilang wakas ay magiging ayon sa kanilang mga gawa.”—2 Corinto 11:13-15.
Kasama sa kanilang mga gawa ang “mahahalay na paggawi,” na isang lantarang pagwawalang-bahala sa mataas na mga pamantayang moral. (2 Pedro 2:1-3, 12-14) Hindi ba’t parami nang paraming lider ng relihiyon at mga tagasunod nito ang nagtataguyod—o kaya’y kumukunsinti sa paanuman—sa di-makakristiyanong mga gawain, gaya ng homoseksuwalidad at pakikipagtalik sa hindi asawa? Pakisuyong gumugol ng ilang sandali upang ihambing ang pangmalas at paraan ng pamumuhay na tinatanggap ng karamihan sa kung ano ang sinasabi ng Bibliya na nakaulat sa Levitico 18:22; Roma 1:26, 27; 1 Corinto 6:9, 10; Hebreo 13:4; at Judas 7.
“Subukin ang mga Kinasihang Kapahayagan”
Kasuwato ng nabanggit na, dapat nating sundin ang sinabi ni apostol Juan na huwag ipagwalang-bahala ang ating mga relihiyosong paniniwala. “Huwag ninyong paniwalaan ang bawat kinasihang kapahayagan,” ang babala niya, “kundi subukin ang mga kinasihang kapahayagan upang makita kung ang mga ito ay nagmumula sa Diyos, sapagkat maraming bulaang propeta ang humayo sa sanlibutan.”—1 Juan 4:1.
Isaalang-alang ang mahusay na halimbawa ng ilang taong “mararangal ang pag-iisip” na naninirahan sa lunsod ng Berea noong unang siglo. “Tinanggap nila ang salita nang may buong pananabik ng kaisipan, na maingat na sinusuri ang Kasulatan sa araw-araw kung totoo nga ang mga bagay na ito [mga bagay na sinabi nina Pablo at Silas].” (Gawa 17:10, 11) Oo, bagaman sabik silang matuto, tiniyak ng mga taga-Berea na ang kanilang narinig at tinanggap ay matibay na nakasalig sa Kasulatan.
Gayundin sa ngayon, ang mga tunay na Kristiyano ay hindi naiimpluwensiyahan ng pabagu-bagong mga pananaw ng karamihan kundi nanghahawakan silang mahigpit sa katotohanan sa Bibliya. Ganito ang isinulat ni apostol Pablo: “Ito ang patuloy kong ipinapanalangin, na ang inyong pag-ibig ay managana nawa nang higit at higit pa na may tumpak na kaalaman at lubos na kaunawaan.”—Filipos 1:9.
Kung hindi mo pa iyan nagagawa, gawin mong tunguhin na kumuha ng “tumpak na kaalaman at lubos na kaunawaan” sa pamamagitan ng pag-aaral kung ano talaga ang itinuturo ng Bibliya. Yaong mga tumutulad sa mga taga-Berea ay hindi nadadaya ng “huwad na mga salita” ng mga antikristo. (2 Pedro 2:3) Sa halip, napalalaya sila ng espirituwal na katotohanan ng tunay na Kristo at ng kaniyang mga tunay na tagasunod.—Juan 8:32, 36.
[Kahon/Larawan sa pahina 4]
KUNG ANO ANG SINASABI NG BIBLIYA HINGGIL SA ANTIKRISTO
“Mga anak, ito ang huling oras [maliwanag na ang wakas ng kapanahunang apostoliko], at, gaya ng inyong narinig na ang antikristo ay darating, maging sa ngayon ay lumitaw na ang maraming antikristo.”—1 Juan 2:18.
“Sino ang sinungaling kung hindi yaong nagkakaila na si Jesus ang Kristo? Ito ang antikristo, yaong nagkakaila sa Ama at sa Anak.”—1 Juan 2:22.
“Bawat kinasihang kapahayagan na hindi nagpapahayag tungkol kay Jesus ay hindi nagmumula sa Diyos. Karagdagan pa, ito ang kinasihang kapahayagan ng antikristo na inyong narinig na darating, at ito ngayon ay nasa sanlibutan na.”—1 Juan 4:3.
“Maraming manlilinlang ang humayo na sa sanlibutan, mga taong hindi naghahayag na si Jesu-Kristo ay dumating sa laman. Ito ang manlilinlang at ang antikristo.”—2 Juan 7.
[Kahon/Mga larawan sa pahina 5]
ISANG MANLILINLANG NA MARAMING ANYO
Ang salitang “antikristo” ay kumakapit sa lahat ng nagkakaila sa sinasabi ng Bibliya tungkol kay Jesu-Kristo, sa lahat ng sumasalansang sa kaniyang Kaharian, at sa lahat ng gumagawa ng kalupitan sa kaniyang mga tagasunod. Kasama rin dito ang mga indibiduwal, organisasyon, at mga bansang may-kabulaanang nag-aangking kumakatawan kay Kristo o may-kamaliang kumukuha ng papel ng Mesiyas, anupat may kapangahasan silang nangangako na kaya nilang ibigay ang bagay na tanging si Kristo lamang ang makagagawa—ang maglaan ng tunay na kapayapaan at katiwasayan.
[Credit Line]
Augustine: © SuperStock/age fotostock
[Larawan sa pahina 7]
Tulad ng mga taga-Berea, dapat nating ‘suriin ang Kasulatan araw-araw’