KABANATA 5
Mga Tagapangasiwa na Nagpapastol sa Kawan
NOONG ministeryo ni Jesus sa lupa, pinatunayan niya na siya “ang mabuting pastol.” (Juan 10:11) Pagkakita sa napakaraming tao na patuloy na sumusunod sa kaniya, “naawa siya sa kanila dahil sila ay sugatán at napabayaan tulad ng mga tupang walang pastol.” (Mat. 9:36) Kitang-kita ni Pedro at ng iba pang apostol ang pag-ibig at malasakit ni Jesus. Ibang-iba si Jesus sa huwad na mga pastol ng Israel, na nagpabaya sa kawan kaya nangalat ang mga tupa at nagutom sa espirituwal! (Ezek. 34:7, 8) Mahusay na halimbawa si Jesus sa pagtuturo at pangangalaga sa mga tupa. Ibinigay pa nga niya ang kaniyang buhay para sa kanila. Dahil dito, natutuhan ng mga apostol kung paano tutulungan ang mga may pananampalataya na bumalik kay Jehova, ang “pastol at tagapangasiwa ng [kanilang] mga buhay.”—1 Ped. 2:25.
2 Minsan, nang kausapin ni Jesus si Pedro, idiniin niya ang kahalagahan ng pagpapakain at pagpapastol sa mga tupa. (Juan 21:15-17) Tumagos iyon sa puso ni Pedro kaya pinayuhan niya noon ang mga elder sa kongregasyong Kristiyano: “Pastulan ninyo ang kawan ng Diyos na nasa pangangalaga ninyo bilang mga tagapangasiwa, na naglilingkod nang hindi napipilitan, kundi ginagawa ito nang maluwag sa loob sa harap ng Diyos; hindi dahil sa kasakiman sa pakinabang, kundi nang may pananabik; hindi nag-aastang panginoon sa mga mana ng Diyos, kundi nagsisilbing halimbawa sa kawan.” (1 Ped. 5:1-3) Angkop pa rin ang payo ni Pedro sa mga tagapangasiwa sa kongregasyon sa ngayon. Gaya ni Jesus, sabik ang mga elder at maluwag sa loob nila ang maglingkod. Huwaran sila sa kawan at nangunguna sa paglilingkod kay Jehova.—Heb. 13:7.
Gaya ni Jesus, sabik ang mga elder at maluwag sa loob nila ang maglingkod. Huwaran sila sa kawan at nangunguna sa paglilingkod kay Jehova
3 Nagpapasalamat tayo na may mga tagapangasiwa sa kongregasyon na hinirang ng banal na espiritu. Marami silang ginagawa para sa atin. Halimbawa, ang mga tagapangasiwa ay nagbibigay ng pampatibay-loob at nagmamalasakit sa lahat ng nasa kongregasyon. Linggo-linggo, nagsisikap silang mabuti para mapangasiwaan ang mga pulong ng kongregasyon na nagpapatibay sa lahat. (Roma 12:8) Panatag tayo dahil pinoprotektahan nila ang kawan mula sa anumang makapipinsala rito, gaya ng masasamang tao. (Isa. 32:2; Tito 1:9-11) Ang pangunguna nila sa ministeryo ay nagpapasigla sa atin na manatiling aktibo at regular sa pangangaral ng mabuting balita bawat buwan. (Heb. 13:15-17) Inilaan ni Jehova ang ‘mga taong ito bilang regalo’ para patibayin ang kongregasyon.—Efe. 4:8, 11, 12.
MGA KUWALIPIKASYON PARA SA MGA TAGAPANGASIWA
4 Para matiyak na naaasikasong mabuti ang kongregasyon, dapat na naaabot ng mga inatasan bilang tagapangasiwa ang mga kuwalipikasyong nasa Salita ng Diyos. Masasabi lang na hinirang sila ng banal na espiritu kung naaabot nila ang mga kahilingan. (Gawa 20:28) Totoo, mataas ang pamantayan ng Bibliya para sa mga tagapangasiwang Kristiyano dahil isa itong mabigat na pananagutan. Pero hindi naman napakataas nito para hindi maabot ng mga tunay na nagmamahal kay Jehova at handang magpagamit sa kaniya. Dapat na kitang-kita ng lahat na sinusunod ng mga tagapangasiwa ang mga payo ng Bibliya sa kanilang pang-araw-araw na buhay.
Para matiyak na naaasikasong mabuti ang kongregasyon, dapat na naaabot ng mga inatasan bilang tagapangasiwa ang mga kuwalipikasyong nasa Salita ng Diyos
5 Sa unang liham kay Timoteo at sa liham kay Tito, binanggit ni apostol Pablo ang pangunahing mga kahilingan para sa mga tagapangasiwa. Mababasa sa 1 Timoteo 3:1-7: “Kung nagsisikap ang isang lalaki na maging tagapangasiwa, magandang tunguhin iyan. Kaya dapat na ang tagapangasiwa ay di-mapupulaan, asawa ng isang babae, may kontrol sa kaniyang paggawi, may matinong pag-iisip, maayos, mapagpatuloy, kuwalipikadong magturo, hindi lasenggo, at hindi marahas, kundi makatuwiran, hindi palaaway, hindi maibigin sa pera, isang lalaking namumuno sa sarili niyang pamilya sa mahusay na paraan, na may mga anak na masunurin at mabuti ang asal (dahil kung hindi kayang mamuno ng isang lalaki sa sarili niyang pamilya, paano niya aalagaan ang kongregasyon ng Diyos?), at hindi bagong kumberte, dahil baka magmalaki siya at tumanggap ng hatol na katulad ng sa Diyablo. Dapat na maganda rin ang reputasyon niya sa mga di-kapananampalataya para hindi siya magdala ng kahihiyan at mahulog sa bitag ng Diyablo.”
6 Sumulat si Pablo kay Tito: “Iniwan kita sa Creta para maayos mo ang mga bagay na kailangang ituwid at makapag-atas ka ng matatandang lalaki sa bawat lunsod, ayon sa tagubilin ko sa iyo: isang lalaki na malaya sa akusasyon, asawa ng isang babae, at may nananampalatayang mga anak na hindi mapaparatangan ng masamang pamumuhay o pagrerebelde. Dahil bilang katiwala ng Diyos, ang isang tagapangasiwa ay dapat na malaya sa akusasyon, hindi arogante, hindi mainitin ang ulo, hindi lasenggo, hindi marahas, at hindi sakim sa pakinabang, kundi mapagpatuloy, laging gumagawa ng mabuti, may matinong pag-iisip, matuwid, tapat, may pagpipigil sa sarili, at mahigpit na nanghahawakan sa mapananaligang mensahe pagdating sa kaniyang paraan ng pagtuturo, para magawa niyang magpatibay sa pamamagitan ng kapaki-pakinabang na turo at sumaway sa mga kumokontra dito.”—Tito 1:5-9.
7 Sa simula, parang napakahirap abutin ang mga kahilingan para sa mga tagapangasiwa. Pero hindi ito dapat makahadlang sa mga brother sa pag-abot sa pribilehiyong ito. Kapag ipinapakita nila ang magagandang katangiang Kristiyano na hinihiling sa mga tagapangasiwa, napasisigla nila ang iba sa kongregasyon na tularan sila. Isinulat ni Pablo na ang mga taong ito ay “regalo” mula kay Jehova “para ituwid ang mga banal, para maglingkod, at para patibayin ang katawan ng Kristo, hanggang sa magkaisa tayong lahat sa pananampalataya at magkaroon ng tumpak na kaalaman sa Anak ng Diyos at maging adulto, hanggang sa maging maygulang tayo gaya ng Kristo.”—Efe. 4:8, 12, 13.
8 Ang mga tagapangasiwa ay hindi mga kabataang lalaki o bagong kumberteng mga lalaki. Sa halip, sila ay makaranasang mga Kristiyano, may malawak na kaalaman at may malalim na pagkaunawa sa Bibliya, at may tunay na pag-ibig sa kongregasyon. May lakas ng loob sila na magsalita at ituwid ang mga nagkasala para maprotektahan ang mga tupa mula sa sinumang magsasamantala sa mga ito. (Isa. 32:2) Ang mga tagapangasiwa ay kilalá ng lahat sa kongregasyon bilang maygulang sa espirituwal at talagang nagmamalasakit sa kawan ng Diyos.
9 Ang mga kuwalipikadong maging tagapangasiwa ay nagpapakita ng praktikal na karunungan sa kanilang buhay. Kung may asawa siya, dapat na sumusunod siya sa pamantayang Kristiyano sa pag-aasawa, ibig sabihin, asawa ng isang babae at namumuno sa sarili niyang pamilya sa mahusay na paraan. Kung ang tagapangasiwa ay may nananampalatayang mga anak na masunurin at mabuti ang asal at hindi mapaparatangan ng masamang pamumuhay o pagrerebelde, hindi mag-aalinlangan ang ibang nasa kongregasyon na lumapit sa kaniya para humingi ng payo tungkol sa pamilya at Kristiyanong pamumuhay. Bukod diyan, ang isang tagapangasiwa ay di-mapupulaan, malaya sa akusasyon, at maganda ang reputasyon kahit sa mga di-kapananampalataya. Walang matibay na akusasyon ng maling paggawi ang maipaparatang sa kaniya na makasisira sa reputasyon ng kongregasyon. Hindi rin siya isang brother na sinaway kamakailan dahil sa malubhang pagkakasala. Napapakilos ang iba sa kongregasyon na tularan ang kaniyang mahusay na halimbawa at nagtitiwala silang babantayan niya ang kanilang espirituwal na kapakanan.—1 Cor. 11:1; 16:15, 16.
10 Ang gayong kuwalipikadong mga lalaki ay makapaglilingkod sa kongregasyon gaya ng matatandang lalaki ng Israel noon na inilarawan bilang “matalino, may kakayahan, at makaranasan.” (Deut. 1:13) Hindi perpekto ang mga elder. Pero sa kongregasyon at sa komunidad, kilalá sila sa pagiging matuwid at may takot sa Diyos. Sa loob ng ilang panahon, napatunayan nila na namumuhay sila ayon sa mga prinsipyo ng Diyos. Dahil walang maipipintas sa kanila, may kalayaan sila sa pagsasalita sa harap ng kongregasyon.—Roma 3:23.
11 Ang mga kuwalipikadong maging tagapangasiwa ay may kontrol sa kanilang paggawi at pakikitungo sa iba. Hindi sila panatiko. Sa halip, sila ay timbang at may pagpipigil sa sarili. Katamtaman sila sa pagkain, pag-inom, paglilibang, at iba pang bagay. Katamtaman din sila sa pag-inom ng alak para hindi sila maparatangan ng paglalasing o pagiging lasenggo. Kapag naging manhid ang mga pandama ng isa dahil sa alak, madali siyang mawalan ng pagpipigil sa sarili at hindi niya mababantayan ang espirituwal na kapakanan ng kongregasyon.
12 Para mapangasiwaan ang kongregasyon, dapat na maayos ang isang tagapangasiwa. Makikita ang magaganda niyang kaugalian sa kaniyang hitsura, tahanan, at pang-araw-araw na gawain. Hindi siya nagpapaliban-liban; nakikita niya kung ano ang kailangang gawin at nagpaplano para dito. Sumusunod siya sa mga prinsipyo sa Bibliya.
13 Dapat na makatuwiran ang isang tagapangasiwa. Dapat na nakikipagtulungan siya sa lupon ng matatanda. Balanse ang pananaw niya sa sarili at hindi mapaghanap sa iba. Dahil makatuwiran siya, hindi niya iginigiit ang kaniyang opinyon at hindi niya iniisip na nakahihigit ang mga pananaw niya kaysa sa mga kapuwa niya elder. Maaaring nakahihigit sa kaniya ang ibang elder pagdating sa ilang katangian o abilidad. Makatuwiran ang isang elder kapag ayon sa Kasulatan ang mga desisyon niya at sinisikap niyang tularan si Jesu-Kristo. (Fil. 2:2-8) Ang isang elder ay hindi palaaway o marahas. Nirerespeto niya ang iba at itinuturing na nakahihigit sa kaniya. Siya ay hindi arogante, na laging iginigiit ang kaniyang paraan o pananaw. Hindi mainitin ang ulo niya, kundi mapagpayapa siya.
14 Bukod diyan, may matinong pag-iisip ang isa na kuwalipikadong maging tagapangasiwa sa kongregasyon. Ibig sabihin, kaya niyang manatiling kalmado at makatuwiran kahit nakaka-stress ang sitwasyon, at hindi siya padalos-dalos sa pagpapasiya. Naiintindihan niyang mabuti ang mga prinsipyo ni Jehova at alam niya kung paano susundin ang mga ito. Handa siyang tumanggap ng payo at patnubay. Hindi siya mapagkunwari.
15 Ipinaalaala ni Pablo kay Tito na ang isang tagapangasiwa ay laging gumagawa ng mabuti. Dapat na matuwid siya at tapat. Makikita ang mga katangiang ito sa pakikitungo niya sa iba at sa kaniyang matatag na paninindigan sa kung ano ang tama at mabuti. Hindi natitinag ang debosyon niya kay Jehova at ang pagtataguyod niya ng matuwid na mga prinsipyo. Mapagkakatiwalaan siya sa kompidensiyal na mga bagay. Siya rin ay talagang mapagpatuloy; handa siyang magsakripisyo at maging bukas-palad para sa kapakanan ng iba.—Gawa 20:33-35.
16 Para maging epektibo ang isang tagapangasiwa, kailangan na siya ay kuwalipikadong magturo. Gaya ng sinabi ni Pablo kay Tito, ang tagapangasiwa ay dapat na “mahigpit na nanghahawakan sa mapananaligang mensahe pagdating sa kaniyang paraan ng pagtuturo, para magawa niyang magpatibay sa pamamagitan ng kapaki-pakinabang na turo at sumaway sa mga kumokontra dito.” (Tito 1:9) Kaya niyang mangatuwiran, magharap ng patotoo, sumagot sa mga pagtutol, at gamitin ang Kasulatan sa paraang makukumbinsi ang iba at mapapatibay ang kanilang pananampalataya. Maganda man o mahirap ang kalagayan, naipapakita niya ang ganiyang mga kakayahan sa pagtuturo. (2 Tim. 4:2) Matiyaga siya at mahinahon kapag sinasaway ang isa na nagkamali o kapag kinukumbinsi ang isang nag-aalinlangan at pinasisigla ito na gumawa ng mabuti ayon sa pananampalataya. Ang pagiging kuwalipikado niyang magturo sa grupo man o indibidwal ay patunay na naaabot niya ang mahalagang kahilingang ito para sa mga tagapangasiwa.
17 Dapat na masigasig sa ministeryo ang mga elder. Dapat na kitang-kita na tinutularan din nila si Jesus na inuuna ang pangangaral ng mabuting balita. Binigyang-pansin ni Jesus ang kaniyang mga alagad at tinulungan silang maging epektibong mga ebanghelisador. (Mar. 1:38; Luc. 8:1) Ang pagsisikap ng mga elder na makibahagi sa ministeryo kahit abalá sila ay nagpapasigla sa kongregasyon na tularan ang kanilang sigasig. At kapag nangangaral sila kasama ang kanilang pamilya at ang ibang kapatid, nagdudulot ito ng pampatibay-loob.—Roma 1:11, 12.
18 Dahil sa mga kuwalipikasyong ito, baka sobra-sobra ang inaasahan natin sa isang tagapangasiwa. Tiyak na walang tagapangasiwa ang perpektong makaaabót sa mataas na pamantayang ito sa Bibliya. Pero dapat na walang elder ang kakikitaan ng sobrang kakulangan sa alinman sa mga katangiang ito, na maituturing nang isang seryosong kapintasan sa kaniya. Ang bawat elder ay may kani-kaniyang namumukod-tanging katangian, at iba-iba ang kanilang abilidad. Kaya taglay ng lupon ng matatanda bilang isang grupo ang lahat ng magagandang katangian na kailangan para mapangasiwaan ang kongregasyon ng Diyos sa tamang paraan.
19 Kapag ang lupon ng matatanda ay nagrerekomenda ng mga brother para maging tagapangasiwa, dapat nilang tandaan ang sinabi ni apostol Pablo: “Sinasabi ko sa inyong lahat na huwag mag-isip nang higit tungkol sa sarili kaysa sa nararapat, kundi ipakita ninyo ang katinuan ng inyong pag-iisip ayon sa pananampalataya na ibinigay ng Diyos sa bawat isa sa inyo.” (Roma 12:3) Dapat ituring ng elder ang kaniyang sarili bilang nakabababa. Hindi dapat na maging “sobrang matuwid” kapag sinusuri ang kuwalipikasyon ng iba. (Ecles. 7:16) Inaalam ng lupon ng matatanda kung ang kapatid na inirerekomenda ay nakaaabot sa mga kahilingan sa makatuwirang antas. Kapag ang mga elder ay walang kinikilingan, hindi mapagmatuwid, at kinikilala nila na hindi perpekto ang mga tao, makakapagrekomenda sila nang may paggalang sa matuwid na mga pamantayan ni Jehova at para sa ikabubuti ng kongregasyon. Nananalangin sila kapag isinasaalang-alang ang bawat rekomendasyon at nagpapagabay sa banal na espiritu ng Diyos. Isa ito sa mabibigat na pananagutan nila, at dapat nila itong gawin kaayon ng payo ni Pablo: “Huwag kang magmadali sa pagpapatong ng mga kamay mo sa sinuman.”—1 Tim. 5:21, 22.
MGA KATANGIAN NA BUNGA NG ESPIRITU
20 Dapat na makita sa mga lalaking may espirituwal na kuwalipikasyon na ginagabayan sila ng banal na espiritu at naipapakita nila ang mga katangian na bunga nito. Binanggit ni Pablo ang siyam na aspekto ng bunga ng espiritu—“pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, pagtitiis, kabaitan, kabutihan, pananampalataya, kahinahunan, at pagpipigil sa sarili.” (Gal. 5:22, 23) Ang gayong mga tagapangasiwa ay nakapagpapaginhawa sa mga kapatid at nakatutulong para magkaisa ang kongregasyon sa sagradong paglilingkod. Ang kanilang paggawi at ang mga resulta ng kanilang pagpapagal ay nagpapatunay na hinirang sila ng banal na espiritu.—Gawa 20:28.
MGA LALAKING NAGTATAGUYOD NG PAGKAKAISA
21 Dapat magtulungan ang mga elder sa pagtataguyod ng pagkakaisa sa kongregasyon. Baka malaki ang pagkakaiba ng mga personalidad nila, pero pinananatili nila ang pagkakaisa ng lupon sa pamamagitan ng magalang na pakikinig sa isa’t isa kahit maaaring magkakaiba ang opinyon nila sa ilang bagay. Hangga’t walang nalalabag na prinsipyo sa Bibliya, dapat na handang magparaya ang bawat isa at suportahan ang huling pasiya ng lupon ng matatanda. Kung mapagparaya ang isa, napatutunayan niyang ginagabayan siya ng “karunungan mula sa itaas,” na “mapagpayapa [at] makatuwiran.” (Sant. 3:17, 18) Hindi dapat isipin ng isang elder na nakahihigit siya sa ibang elder, at hindi siya dapat maging dominante. Nakikipagtulungan ang mga elder kay Jehova kapag nagtutulungan sila bilang isang lupon para sa ikabubuti ng kongregasyon.—1 Cor., kab. 12; Col. 2:19.
PAG-ABOT SA PRIBILEHIYO
22 Dapat na gawing tunguhin ng may-gulang na mga Kristiyanong lalaki na maging mga tagapangasiwa. (1 Tim. 3:1) Pero kailangan dito ang pagsisikap at pagsasakripisyo. Ibig sabihin, handa nilang asikasuhin ang pangangailangan ng mga kapatid at tulungan ang mga ito na mapatibay ang kaugnayan sa Diyos. Ang pag-abot sa pribilehiyong maging tagapangasiwa ay nangangahulugan ng pagsisikap na maabot ang mga kuwalipikasyong nasa Kasulatan.
KAPAG NAGBAGO ANG KALAGAYAN NG ISA
23 Ang isang kapatid na matagal nang tapat na naglilingkod ay maaaring magkasakit o wala na sa kalagayang maglingkod bilang elder. Baka dahil sa edad, hindi na niya kayang asikasuhin ang mga pananagutan ng isang tagapangasiwa. Pero dapat pa rin siyang igalang at ituring bilang elder hangga’t nananatili siya sa pribilehiyong ito. Hindi niya kailangang magbitiw sa pagiging tagapangasiwa dahil sa kaniyang mga limitasyon. Karapat-dapat pa rin siya sa dobleng karangalang ibinibigay sa lahat ng masisipag na elder na naglilingkod sa abot ng kanilang makakaya para mapastulan ang kawan.
24 Pero kung iniisip ng isang elder na makakabuting magbitiw sa pribilehiyo dahil nakahahadlang sa kaniyang paglilingkod ang nagbago niyang kalagayan, puwede niyang gawin ito. (1 Ped. 5:2) Pero dapat pa rin siyang igalang. Malaki pa rin ang maitutulong niya sa kongregasyon kahit hindi na siya gumaganap ng mga atas at gawain ng isang elder.
MGA PANANAGUTAN SA KONGREGASYON
25 Iba-iba ang pananagutan ng mga elder sa kongregasyon. Nariyan ang pagiging koordineytor ng lupon ng matatanda, kalihim, tagapangasiwa sa paglilingkod, konduktor sa Pag-aaral sa Bantayan, at tagapangasiwa ng Pulong Para sa Buhay at Ministeryo. Maraming elder ang naglilingkod bilang tagapangasiwa ng grupo. Walang espesipikong haba ng panahon ang pagganap ng mga elder sa mga atas na ito. Siyempre pa, kapag ang isang elder ay lumipat ng kongregasyon, hindi na kayang gumanap ng pananagutan dahil sa kalusugan, o hindi na nakaaabot sa makakasulatang mga kuwalipikasyon, pipili ng ibang elder na hahawak sa kaniyang atas. Sa mga kongregasyong limitado ang bilang ng mga tagapangasiwa, baka higit sa isang atas ang kailangang hawakan ng isang elder hanggang sa maging kuwalipikado ang ibang brother na maging elder.
26 Ang koordineytor ng lupon ng matatanda ang chairman kapag may pulong ang lupon ng matatanda. Bilang koordineytor, mapagpakumbaba siya at nakikipagtulungan sa iba pang elder sa pangangalaga sa kawan ng Diyos. (Roma 12:10; 1 Ped. 5:2, 3) Dapat na mahusay siyang mag-organisa at manguna.—Roma 12:8.
27 Inaasikaso ng kalihim ang mga rekord ng kongregasyon at tinitiyak na mababasa ng ibang mga elder ang mahahalagang liham. Kung kailangan, puwedeng atasan ang isa pang elder o kuwalipikadong ministeryal na lingkod para tumulong sa kaniya.
28 Ang mga kaayusan sa paglilingkod sa larangan at iba pang bagay na nauugnay sa ministeryo ay pananagutan ng tagapangasiwa sa paglilingkod. Nag-iiskedyul siya para regular niyang madalaw ang lahat ng grupo sa paglilingkod sa larangan. Dumadalaw siya, isang dulo ng sanlinggo kada buwan, hanggang sa madalaw niya ang bawat grupo. Sa mas maliliit na kongregasyon na kaunti lang ang grupo sa paglilingkod sa larangan, maaari niyang dalawin ang bawat grupo nang dalawang beses sa isang taon. Sa kaniyang pagdalaw, mangunguna siya sa mga pagtitipon para sa paglilingkod sa larangan, gagawang kasama ng grupo sa ministeryo, at tutulong sa mga mamamahayag sa kanilang mga pagdalaw-muli at pag-aaral sa Bibliya.
MGA TAGAPANGASIWA NG GRUPO
29 Ang isa sa napakagandang pribilehiyo sa kongregasyon ay ang paglilingkod bilang tagapangasiwa ng grupo. Kasama sa responsibilidad niya ang (1) alagaan ang espirituwalidad ng bawat miyembro ng kaniyang grupo sa paglilingkod sa larangan; (2) tulungan ang bawat miyembro na maging regular, masigasig, at masaya sa ministeryo; at (3) tulungan at sanayin ang mga ministeryal na lingkod sa grupo na maging kuwalipikado sa mga pananagutan sa kongregasyon. Ang lupon ng matatanda ang magpapasiya kung sinong mga brother ang pinakakuwalipikadong gumanap sa lahat ng responsibilidad na ito.
30 Dahil sa nabanggit na mga responsibilidad, dapat na isang elder ang tagapangasiwa ng grupo hangga’t maaari. Puwede ring gamitin ang isang kuwalipikadong ministeryal na lingkod hanggang sa magkaroon na ng elder na gaganap ng atas na ito. Ang ministeryal na lingkod na gumaganap sa pananagutang ito ay tinatawag na lingkod ng grupo dahil hindi siya isang tagapangasiwa sa kongregasyon. Sa halip, ginagampanan niya ang pananagutang ito sa ilalim ng patnubay ng mga elder.
31 Ang isang mahalagang gawain ng tagapangasiwa ng grupo ay ang pangunguna sa ministeryo. Kung regular siya, masigasig, at masigla, mapapatibay niya ang kaniyang mga kagrupo. Napahahalagahan ng mga mamamahayag ang tulong at pampatibay na nagmumula sa paggawang magkakasama, kaya makakabuting magkaroon ng iskedyul sa pagpapatotoo bilang grupo na kumbinyente sa karamihan. (Luc. 10:1-16) Dapat siguraduhin ng tagapangasiwa na laging may sapat na teritoryo. Karaniwan nang siya ang nangangasiwa sa pagtitipon para sa paglilingkod sa larangan at nag-oorganisa ng gagawin ng mga mamamahayag sa araw na iyon. Kapag hindi siya puwede, dapat niyang pakiusapan ang ibang elder o isang ministeryal na lingkod na mag-asikaso ng mga pananagutang ito. Pero kung hindi rin sila puwede, aatasan niya ang isang kuwalipikadong mamamahayag para mabigyan ng tagubilin ang grupo.
32 Ang tagapangasiwa ng grupo ay dapat na magplano nang patiuna para sa dalaw ng tagapangasiwa sa paglilingkod. Dapat niyang ipaalám sa kaniyang grupo ang tungkol sa dalaw at panabikin sila sa mga kapakinabangan nito. Kapag alam ng lahat ng nasa grupo ang kaayusan, masusuportahan nila ito.
33 Talagang pinananatiling maliit ang bawat grupo sa paglilingkod. Makatutulong ito sa tagapangasiwa ng grupo na mas makilala ang lahat ng kaniyang kagrupo. Bilang maibiging pastol, talagang interesado siya sa bawat miyembro ng kaniyang grupo. Tinutulungan niya at pinapatibay ang bawat isa na suportahan ang ministeryo at dumalo at magkomento sa mga pulong. Ginagawa niya ang lahat para tulungan ang bawat isa na manatiling malakas sa espirituwal. Dinadalaw niya ang mga maysakit o nadedepres. Ang isang nakapagpapatibay na mungkahi o payo ay maaaring magpakilos sa ilan na umabót ng karagdagang mga pribilehiyo sa kongregasyon para mas makapaglingkod sa mga kapatid. Pangunahin nang nakapokus ang tagapangasiwa ng grupo sa kaniyang mga kagrupo. Pero bilang elder at pastol, nagmamalasakit siya sa lahat ng nasa kongregasyon at handang tumulong sa sinumang nangangailangan.—Gawa 20:17, 28.
34 Pananagutan din ng tagapangasiwa ng grupo na tumulong sa pagkolekta ng mga ulat ng paglilingkod sa larangan ng kaniyang mga kagrupo. Ang mga ulat na ito ay ibinibigay naman sa kalihim. Malaking tulong sa tagapangasiwa ng grupo kung maibibigay agad ng mga mamamahayag ang kanilang ulat. Puwede nila itong ibigay sa tagapangasiwa ng grupo sa katapusan ng bawat buwan o ihulog sa kahon para sa ulat ng paglilingkod sa larangan na nasa Kingdom Hall.
KOMITE SA PAGLILINGKOD NG KONGREGASYON
35 May partikular na mga pananagutang ginagampanan ang Komite sa Paglilingkod ng Kongregasyon, na binubuo ng koordineytor ng lupon ng matatanda, kalihim, at tagapangasiwa sa paglilingkod. Halimbawa, ang komite sa paglilingkod ang nag-aaproba sa paggamit ng Kingdom Hall para sa mga kasal at mga pahayag sa libing. Sila ang nag-aatas kung saang grupo sa paglilingkod sa larangan mapupunta ang mga mamamahayag. Sila rin ang nag-aaproba ng mga aplikasyon para sa regular at auxiliary pioneer at iba pang larangan ng paglilingkod. Ang komiteng ito ay nasa ilalim ng pangangasiwa ng lupon ng matatanda.
36 Ang espesipikong mga pananagutan ng mga kapatid na ito—kasama na ang konduktor sa Pag-aaral sa Bantayan, tagapangasiwa ng Pulong Para sa Buhay at Ministeryo, at iba pang bumubuo sa lupon ng matatanda—ay ipinapaliwanag ng tanggapang pansangay.
37 Sa pana-panahon, nagpupulong ang lupon ng matatanda sa bawat kongregasyon para pag-usapan ang mga bagay tungkol sa espirituwal na pagsulong ng kongregasyon. Bukod sa pulong ng lupon ng matatanda sa panahon ng dalaw ng tagapangasiwa ng sirkito, nagpupulong din ang mga elder mga tatlong buwan pagkatapos ng dalaw. Siyempre pa, maaaring magpulong ang mga elder sa ibang pagkakataon kung kailangan.
MAGING MAPAGPASAKOP
38 Hindi perpekto ang mga tagapangasiwa, pero pinasisigla ang lahat sa kongregasyon na magpasakop sa kanila dahil kaayusan ito ni Jehova. Mananagot sa kaniya ang mga tagapangasiwa sa kanilang mga pagkilos. Kumakatawan sila kay Jehova at sa kaniyang teokratikong pamamahala. Sinasabi sa Hebreo 13:17: “Maging masunurin kayo sa mga nangunguna sa inyo at maging mapagpasakop, dahil patuloy nila kayong binabantayan na isinasaisip na mananagot sila, para magawa nila ito nang masaya at hindi nagbubuntonghininga, dahil makapipinsala ito sa inyo.” Ginagamit ni Jehova ang kaniyang banal na espiritu para hirangin ang isang lalaki. Gagamitin din niya ito para alisin ang isa sa pagiging tagapangasiwa kung hindi na nito naipapakita ang mga katangian na bunga ng espiritu o naaabot ang makakasulatang mga kahilingan.
39 Talagang pinahahalagahan natin ang pagpapagal at mabuting halimbawa ng mga tagapangasiwa sa kongregasyon. Pinayuhan ni Pablo ang mga kapatid sa Tesalonica: “Mga kapatid, hinihiling namin sa inyo na igalang ang mga nagpapagal sa gitna ninyo at nangunguna sa inyo may kaugnayan sa gawain ng Panginoon at nagpapayo sa inyo; mahalin ninyo sila at maging mas makonsiderasyon sa kanila dahil sa ginagawa nila.” (1 Tes. 5:12, 13) Dahil sa pagpapagal ng mga tagapangasiwa sa kongregasyon, nagiging mas madali at mas kasiya-siya ang ating paglilingkod sa Diyos. Sa unang liham ni Pablo kay Timoteo, binanggit din niya sa kongregasyon ang dapat na maging saloobin nila sa mga tagapangasiwa: “Ang matatandang lalaki na nangangasiwa sa mahusay na paraan ay dapat ituring na karapat-dapat sa dobleng karangalan, lalo na ang mga nagsisikap nang husto sa pagsasalita at pagtuturo tungkol sa salita ng Diyos.”—1 Tim. 5:17.
IBA PANG MGA PANANAGUTAN SA ORGANISASYON
40 Kung minsan, ilang pilíng elder ang inaatasang maglingkod bilang miyembro ng mga Patient Visitation Group. Ang iba naman ay sa mga Hospital Liaison Committee na bumibisita sa mga ospital at mga doktor para pasiglahin ang mga ito na ipagpatuloy ang paggamot nang walang dugo sa mga Saksi ni Jehova at subukan din ang iba pang alternatibo sa paggamot nang walang dugo. Naitataguyod naman ng ibang tagapangasiwa ang kapakanan ng Kaharian kapag tumutulong sila sa pagtatayo at pagmamantini ng mga Kingdom Hall at Assembly Hall. Ang iba naman ay naglilingkod bilang miyembro ng Komite ng Kombensiyon. Ang pagpapagal at sakripisyo ng mga brother na ito ay lubusang pinahahalagahan ng lahat sa organisasyon. ‘Lagi nating pahalagahan ang gayong mga tao.’—Fil. 2:29.
TAGAPANGASIWA NG SIRKITO
41 Ang Lupong Tagapamahala ang nag-aatas ng kuwalipikadong mga elder na maglilingkod bilang mga tagapangasiwa ng sirkito. Inaatasan ng tanggapang pansangay ang mga tagapangasiwa ng sirkito na dalawin ang mga kongregasyon na bumubuo sa kanilang sirkito, karaniwan nang dalawang beses sa isang taon. Sa pana-panahon, dinadalaw rin nila ang mga payunir sa liblib na teritoryo. Iniiskedyul nila ang kanilang dalaw at ipinaaalam agad ito sa bawat kongregasyon para lubusang makinabang dito ang mga kapatid.
42 Ang koordineytor ng lupon ng matatanda ang nangunguna sa pag-oorganisa ng magiging kaayusan sa dalaw para matiyak na ito ay nakapagpapaginhawa sa espirituwal. (Roma 1:11, 12) Pagkatanggap ng sulat tungkol sa dalaw at mga impormasyon tungkol sa mga pangangailangan ng tagapangasiwa ng sirkito at ng asawa nito (kung mayroon), ang koordineytor ng lupon ng matatanda, sa tulong ng iba pang brother, ay gagawa ng mga kaayusan para sa tuluyan at iba pang kinakailangang bagay. Tinitiyak niya na ang mga kaayusang ito ay naipaalam sa lahat, pati na sa tagapangasiwa ng sirkito.
43 Makikipag-ugnayan ang tagapangasiwa ng sirkito sa koordineytor ng lupon ng matatanda tungkol sa iskedyul ng mga pulong, pati na ng mga pagtitipon para sa paglilingkod sa larangan. Isasaayos ang mga ito kaayon ng mga mungkahi ng tagapangasiwa ng sirkito at ng mga tagubilin mula sa tanggapang pansangay. Kailangang patiunang ipaalám sa lahat ang oras at lugar ng mga pulong ng kongregasyon, ng mga payunir, ng mga elder at ministeryal na lingkod, pati na ang oras at lugar ng mga pagtitipon para sa paglilingkod sa larangan.
44 Martes ng hapon sinusuri ng tagapangasiwa ng sirkito ang mga Congregation’s Publisher Record, rekord ng bilang ng dumalo sa mga pulong, rekord ng teritoryo, at accounts. Makatutulong ito sa kaniya na makita ang posibleng mga pangangailangan ng kongregasyon at matulungan ang mga nag-iingat ng mga rekord na ito. Dapat tiyakin ng koordineytor ng lupon ng matatanda na patiunang matatanggap ng tagapangasiwa ng sirkito ang mga rekord.
45 Sa panahon ng dalaw, sinisikap ng tagapangasiwa ng sirkito na makausap ang bawat kapatid hangga’t posible—sa pulong, sa ministeryo, sa panahon ng pagkain, at sa iba pang pagkakataon. Nakikipagpulong siya sa mga elder at ministeryal na lingkod para magbigay ng angkop na makakasulatang mga payo, mungkahi, at pampatibay na tutulong sa kanila na magampanan ang pananagutang pastulan ang kawan na nasa kanilang pangangalaga. (Kaw. 27:23; Gawa 20:26-32; 1 Tim. 4:11-16) Nakikipagpulong din siya sa mga payunir para patibayin sila at tulungan sa anumang problemang kinakaharap nila sa ministeryo.
46 Kung may iba pang bagay na kailangang bigyang-pansin, tutulong ang tagapangasiwa ng sirkito hangga’t posible sa linggo ng kaniyang dalaw. Kung hindi nila matatapos ang kaso sa linggong iyon, puwede niyang tulungan ang mga elder o ang mga indibidwal na sangkot na mag-research ng angkop na mga tagubilin sa Kasulatan. Kung may karagdagang pagkilos na dapat gawin ang tanggapang pansangay, magbibigay siya at ang mga elder ng detalyadong ulat sa tanggapang pansangay tungkol sa problema.
47 Sa panahon ng dalaw, dadaluhan ng tagapangasiwa ng sirkito ang regular na mga pulong ng kongregasyon. Sa pana-panahon, maaaring magkaroon ng pagbabago sa mga ito depende sa mga tagubilin mula sa tanggapang pansangay. Magpapahayag ang tagapangasiwa ng sirkito para magpasigla, magpakilos, magturo, at magpatibay sa kongregasyon. Sisikapin niyang tulungan ang mga kapatid na mahalin si Jehova, si Jesu-Kristo, at ang organisasyon.
48 Ang isa sa mga tunguhin ng dalaw ng tagapangasiwa ng sirkito ay magbigay ng praktikal na mga mungkahi at pasiglahin ang mga kapatid na maging masigasig sa ministeryo. Puwedeng i-adjust ng mga kapatid ang kanilang iskedyul para higit na makibahagi sa ministeryo sa linggong iyon o mag-auxiliary pioneer sa buwan ng dalaw. Maaaring magpaiskedyul ang mga gustong makasama sa ministeryo ang tagapangasiwa ng sirkito o ang asawa niya. Malaki ang maitutulong sa iyo kung makakasama mo ang tagapangasiwa ng sirkito o ang asawa niya sa mga Bible study at pagdalaw-muli. Ang iyong karagdagang pagsisikap na lubusang makibahagi sa ministeryo sa linggo ng dalaw ay talagang pinahahalagahan.—Kaw. 27:17.
49 Taon-taon, may dalawang pansirkitong asamblea para sa bawat sirkito. Pananagutan ng tagapangasiwa ng sirkito na tiyaking magiging organisado ang mga okasyong ito. Ang tagapangasiwa ng sirkito ay mag-aatas ng isang tagapangasiwa ng asamblea at isang katulong na tagapangasiwa ng asamblea. Makikipagtulungan sila sa kaniya para maging organisado ang asamblea. Dahil dito, mas mabibigyang-pansin ng tagapangasiwa ng sirkito ang programa ng asamblea. Pipili rin ang tagapangasiwa ng sirkito ng iba pang kuwalipikadong brother na mangangasiwa sa iba’t ibang departamento. Nagsasaayos din siya ng audit ng accounts ng sirkito pagkatapos ng bawat asamblea. Sa isang pansirkitong asamblea bawat taon, isang kinatawan ng sangay ang maglilingkod bilang dumadalaw na tagapagsalita. Dahil sa layo o liit ng pasilidad, ang ilang sirkito ay hinahati-hati sa mga seksiyon para magdaos ng magkakabukod na pansirkitong asamblea.
50 Ipadadala ng tagapangasiwa ng sirkito ang kaniyang ulat ng paglilingkod sa larangan sa tanggapang pansangay sa katapusan ng bawat buwan. Ang nagastos niya sa pangunahing mga pangangailangan, tulad ng gastusin sa paglalakbay, pagkain, tuluyan, at iba pang mahahalagang bagay na kailangan sa kaniyang gawain, ay puwede niyang ipa-reimburse sa tanggapang pansangay kung ang mga ito ay hindi kayang sagutin ng kongregasyon. Nagtitiwala ang mga naglalakbay na kinatawan na kung uunahin nila ang Kaharian ni Jehova, ilalaan ang kanilang materyal na mga pangangailangan, gaya ng pangako ni Jesus. (Luc. 12:31) Ang mga kongregasyon ay dapat maging palaisip sa kanilang pribilehiyo na maging mapagpatuloy sa tapat na mga elder na ito na naglilingkod sa kanila.—3 Juan 5-8.
KOMITE NG SANGAY
51 Sa bawat tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa buong mundo, tatlo o higit pang may-gulang na brother na may espirituwal na kuwalipikasyon ang naglilingkod bilang Komite ng Sangay. Sila ang nangangasiwa sa gawaing pangangaral sa bansa o mga bansang nasa pangangasiwa ng sangay. Isa sa mga miyembro ng komite ang naglilingkod bilang koordineytor ng Komite ng Sangay.
52 Ang Komite ng Sangay ang nangangasiwa sa mga bagay na may kaugnayan sa lahat ng kongregasyon sa teritoryo ng sangay. Pinangangasiwaan nila ang pangangaral ng mabuting balita sa buong teritoryo ng sangay at nagtatatag ng mga kongregasyon at sirkito para matugunan ang mga pangangailangan sa larangan. Binibigyang-pansin din ng Komite ng Sangay ang mga misyonero at ang gawain ng mga special, regular, at auxiliary pioneer. Kapag may mga asamblea at kombensiyon, gumagawa ang komite ng mga kaayusan at nagbibigay ng mga atas para “mangyari . . . ang lahat ng bagay nang disente at maayos.”—1 Cor. 14:40.
53 Isang Komite ng Bansa ang inaatasan sa ilang lupain na nasa pangangasiwa ng Komite ng Sangay sa ibang bansa. Dahil dito, mas napangangasiwaan ang gawain sa mga lupaing iyon. Ang Komite ng Bansa ang nangangasiwa sa Bethel Home at Bethel Office. Inaasikaso nila ang mga liham at ulat, at mga gawain sa teritoryo. Nakikipagtulungan sila sa Komite ng Sangay para sa ikasusulong ng kapakanan ng Kaharian.
54 Ang Lupong Tagapamahala ang nag-aatas kung sino ang magiging miyembro ng Komite ng Sangay at Komite ng Bansa.
KINATAWAN NG PUNONG-TANGGAPAN
55 Sa pana-panahon, isinasaayos ng Lupong Tagapamahala na ang bawat sangay ay madalaw ng kuwalipikadong brother. Ang brother na ito ay tinatawag na kinatawan ng punong-tanggapan. Ang pangunahin niyang gawain ay patibayin ang pamilyang Bethel at tulungan ang Komite ng Sangay sa mga problema o tanong nila tungkol sa pangangaral at paggawa ng alagad. Nakikipagpulong din ang brother na ito sa pilíng mga tagapangasiwa ng sirkito, at sa pana-panahon, sa mga misyonero. Kinakausap niya sila tungkol sa kanilang mga problema at pangangailangan, at nagbibigay ng kinakailangang pampatibay-loob tungkol sa pinakamahalagang gawain—ang pangangaral tungkol sa Kaharian at paggawa ng alagad.
56 Talagang interesado ang kinatawan ng punong-tanggapan sa nagagawa ng sangay may kinalaman sa pangangaral tungkol sa Kaharian at iba pang gawain ng kongregasyon. Kung may panahon pa, puwede niyang dalawin ang mga remote translation office. Sa kaniyang dalaw sa sangay, nakikibahagi rin siya sa gawaing pangangaral hangga’t posible.
Habang patuloy tayong nagpapasakop sa mga tagapangasiwa na nagpapastol sa kawan, nagiging kaisa tayo ng Ulo ng kongregasyon, si Kristo Jesus
MAIBIGING PANGANGASIWA
57 Talagang nakikinabang tayo mula sa pagpapagal at maibiging pangangalaga ng may-gulang na mga lalaking Kristiyano. Habang patuloy tayong nagpapasakop sa hinirang na mga tagapangasiwa na nagpapastol sa kawan, nagiging kaisa tayo ng Ulo ng kongregasyon, si Kristo Jesus. (1 Cor. 16:15-18; Efe. 1:22, 23) Bilang resulta, ang espiritu ng Diyos ay kumikilos sa lahat ng kongregasyon at ang Salita ng Diyos ay nagsisilbing patnubay sa gawain sa buong lupa.—Awit 119:105.