ARALIN 52
Mabisang Pagpapayo
ANG Kristiyanong matatanda ay dapat na ‘makapagpayo sa pamamagitan ng turo na nakapagpapalusog.’ (Tito 1:9) Kung minsan ito ay kailangang gawin sa kabila ng napakahirap na mga kalagayan. Mahalaga na magbigay ng payo na kasuwato ng maka-Kasulatang pamantayan. Kaya, dapat pakinggan ng matatanda ang payo na: “Magsikap ka . . . sa pagpapayo.” (1 Tim. 4:13) Bagaman ang ating pagtalakay dito ay pangunahing ipinatutungkol sa matatanda o doon sa mga nagsisikap na maabot ang pribilehiyong ito, may panahon na kailangang magpayo ang mga magulang sa kanilang mga anak o magpayo ang mga nagdaraos ng mga pag-aaral sa Bibliya sa kanilang mga estudyante sa Bibliya. Sa gayong mga kaso, kapit din ang gayong mga alituntunin.
Mga Situwasyong Humihiling Nito. Upang matiyak kung kailan kailangan ang payo, makatutulong na suriin ang mga situwasyong nakaulat sa Bibliya na doo’y ibinigay ang payo. Pinayuhan ni apostol Pedro ang matatanda na asikasuhin ang kanilang pananagutan bilang mga pastol ng kawan ng Diyos. (1 Ped. 5:1, 2) Tinagubilinan ni Pablo si Tito na magpayo sa mga kabataang lalaki na “maging matino ang pag-iisip.” (Tito 2:6) Hinimok ni Pablo ang mga kapuwa Kristiyano na “magsalita nang magkakasuwato” at iwasan ang mga nagsisikap na lumikha ng pagkakabaha-bahagi sa gitna ng mga kapatid. (1 Cor. 1:10; Roma 16:17; Fil. 4:2) Bagaman pinapurihan ni Pablo ang mga miyembro ng kongregasyon sa Tesalonica dahil sa mabubuting bagay na kanilang ginagawa, pinayuhan niya sila na ikapit nang lalo pang higit ang tagubilin na kanilang tinanggap. (1 Tes. 4:1, 10) Si Pedro ay nagsumamo sa mga kapuwa Kristiyano na “patuloy na umiwas mula sa mga pagnanasa ng laman.” (1 Ped. 2:11) Pinayuhan ni Judas ang kaniyang mga kapatid na “puspusang makipaglaban ukol sa pananampalataya” dahil sa impluwensiya ng mga di-makadiyos na nagpakasasa sa mahalay na paggawi. (Jud. 3, 4) Ang mga Kristiyano sa pangkalahatan ay hinimok na magpayuhan sa isa’t isa upang walang sinuman ang mapatigas ng mapandayang kapangyarihan ng kasalanan. (Heb. 3:13) Pinayuhan ni Pedro ang mga Judio na hindi pa nananampalataya kay Kristo na: “Maligtas kayo mula sa likong salinlahing ito.”—Gawa 2:40.
Anong mga katangian ang kailangan upang maging mapanghimok ang payo sa gayong mga situwasyon? Paano magagawa ng isang nagpapayo na maging apurahan ang kaniyang panghihimok nang hindi nagiging mapaniil o mabagsik?
“Salig sa Pag-ibig.” Kapag ang ating payo ay hindi ibinibigay “salig sa pag-ibig,” ito ay magmumukhang masyadong istrikto. (Flm. 9) Totoo, kapag kailangan ang karaka-rakang pagkilos, dapat na ipadama sa pahayag ng tagapagsalita ang pagkaapurahan ng situwasyon. Ang malambot na paraan ng pagsasalita ay maaaring magpahiwatig na ikinahihiya mo ang sinasabi mo. Magkagayunman, ang panghihimok ay dapat gawin nang taimtim at may tindi ng damdamin. Ang isang maibiging panghihimok ay mas malamang na gumanyak sa tagapakinig. Nang nagsasalita para sa kaniyang sarili at sa kaniyang mga kasamahan, sinabi ni Pablo sa mga taga-Tesalonica: “Alam ninyong lubos kung paanong, gaya ng ginagawa ng isang ama sa kaniyang mga anak, patuloy kaming nagpapayo sa bawat isa sa inyo.” (1 Tes. 2:11) Ang mga Kristiyanong tagapangasiwang iyon ay namanhik sa mga kapatid taglay ang pag-ibig. Hayaang ang iyong mga kapahayagan ay magmula sa tunay na pagkabahala sa iyong mga tagapakinig.
Maging mataktika. Huwag mong gagalitin ang pinagsisikapan mong himukin sa pagkilos. Sa kabilang dako naman, huwag mong ipagkait na sabihin sa iyong tagapakinig “ang lahat ng layunin ng Diyos.” (Gawa 20:27) Yaong mga mapagpahalaga ay hindi magagalit o kaya’y tatabangan ng pag-ibig sa iyo dahil sa may kabaitan mong hinimok sila na gawin kung ano ang tama.—Awit 141:5.
Kadalasan, kapaki-pakinabang na magbigay muna ng espesipiko at taimtim na komendasyon bago magpayo. Isipin ang mabubuting bagay na ginagawa ng iyong mga kapatid—mga bagay na kalugud-lugod kay Jehova: ang pananampalataya na nahahayag sa kanilang gawa, ang pag-ibig na nagpapakilos sa kanila na gawin ang kanilang buong makakaya, at ang kanilang pagtitiis sa harap ng mahihirap na kalagayan. (1 Tes. 1:2-8; 2 Tes. 1:3-5) Ito ay makatutulong upang madama ng iyong mga kapatid na sila’y pinahahalagahan at nauunawaan, at ito’y maghahanda ng kanilang kaisipan para sa kasunod na panghihimok.
“Lubusang Taglay ang Mahabang Pagtitiis.” Ang payo ay dapat na ibigay na “lubusang taglay ang mahabang pagtitiis.” (2 Tim. 4:2) Ano ang nasasangkot dito? Kalakip sa mahabang pagtitiis ang matiyagang pagbabata sa kamalian o sa pang-iinis. Ang isa na may mahabang pagtitiis ay patuloy na umaasa na ikakapit ng kaniyang mga tagapakinig ang kaniyang sinasabi. Ang pagbibigay ng payo taglay ang ganitong espiritu ay tutulong upang huwag isipin ng iyong mga tagapakinig na minamaliit mo sila. Ang iyong pagtitiwala na hangad ng iyong mga kapatid na maglingkod kay Jehova sa abot ng kanilang makakaya ay makaaakit sa kanila na magnais na gawin kung ano ang tama.—Heb. 6:9.
“Sa Pamamagitan ng Turo na Nakapagpapalusog.” Paanong ang isang matanda ay ‘makapagpapayo sa pamamagitan ng turo na nakapagpapalusog’? Sa pamamagitan ng ‘panghahawakang mahigpit sa tapat na salita may kinalaman sa kaniyang sining ng pagtuturo.’ (Tito 1:9) Sa halip na magpahayag ng iyong sariling opinyon, hayaan mong ang Salita ng Diyos ang magsilbing puwersa ng iyong panghihimok. Hayaan mong ang Bibliya ang humubog sa iyong pangmalas sa kung ano ang kailangang sabihin. Ilista ang mga kapakinabangan ng pagkakapit sa sinasabi ng Bibliya tungkol sa bagay na tinatalakay. Isiping mabuti kung ano ang mga kahihinatnan—kapuwa ngayon at sa hinaharap—ng hindi pagsunod sa Salita ng Diyos, at gamitin ang mga ito upang hikayatin ang iyong tagapakinig sa pangangailangan na gumawa ng angkop na pagkilos.
Tiyakin na naipaliliwanag mong mabuti sa iyong tagapakinig kung ano ang dapat nilang gawin at kung paano nila gagawin iyon. Gawing maliwanag na ang iyong pangangatuwiran ay matibay na nakaugat sa Kasulatan. Kung ang Kasulatan ay nagbibigay-laya sa anumang pagpapasiya, balangkasin kung hanggang saan ang ipinahihintulot ng kalayaang iyon. Pagkatapos, sa iyong konklusyon, gumawa ng pangwakas na panghihimok na magpapatibay sa determinasyon ng iyong mga tagapakinig na kumilos.
Taglay ang “Kalayaan sa Pagsasalita.” Upang mabisang makapagpayo sa iba, kailangan ng isa na magkaroon ng “kalayaan sa pagsasalita sa pananampalataya.” (1 Tim. 3:13) Ano ang nagpapangyari sa isang tao na malayang makapagsalita? Ang bagay na ang kaniyang “halimbawa ng maiinam na gawa” ay kasuwato ng kung ano ang hinihimok niyang gawin ng kaniyang mga kapatid. (Tito 2:6, 7; 1 Ped. 5:3) Kapag ganito ang kalagayan, mapagtatanto ng mga hinihimok na kumilos na hindi inaasahan ng nagpapayo sa kanila na gagawin nila ang isang bagay na hindi naman niya ginagawa. Kanilang makikita na maaari nilang tularan ang kaniyang pananampalataya kung paanong sinisikap niyang tumulad kay Kristo.—1 Cor. 11:1; Fil. 3:17.
Ang pagpapayo na nakasalig sa Salita ng Diyos at ibinibigay sa espiritu ng pag-ibig ay makagagawa ng malaking kabutihan. Yaong mga may pananagutang magbigay ng gayong payo ay dapat na magsikap na pagbutihin ang pagsasagawa niyaon.—Roma 12:8.