MATAKAW
[sa Ingles, glutton].
Isang taong makasarili at sakim, na mahilig sa labis na pagpapakasasa, lalo na, isa na masiba sa pagkain. Ang anumang anyo ng katakawan ay salungat na salungat sa mga panuntunan at simulain ng Bibliya.
Sa ilalim ng Kautusang Mosaiko, ang isang anak na ayaw magbago sa pagiging matakaw at lasenggo ay dadalhin ng kaniyang mga magulang sa matatandang lalaki ng lunsod, na mag-uutos naman na pagbabatuhin siya hanggang sa mamatay. (Deu 21:18-21) Bilang babala sa iba, hinatulan sa Mga Kawikaan maging ang pakikipagsamahan sa matatakaw: “Ang nakikisama sa matatakaw ay humihiya sa kaniyang ama.” “Huwag kang sumama sa mga labis uminom ng alak, sa matatakaw kumain ng karne. Sapagkat ang lasenggo at ang matakaw ay sasapit sa karalitaan, at ang antok ay magdaramit sa isa ng mga basahan lamang.” (Kaw 28:7; 23:20, 21) Ang terminong Hebreo na ginamit dito para sa “matakaw” at ‘matakaw kumain’ ay zoh·lelʹ. Posibleng ang pangunahing diwa ng salitang ito ay “mapagwaldas,” samakatuwid nga, maaksaya, mapagtapon.—Ihambing ang Deu 21:20, tlb sa Rbi8.
Sa pagsisikap na siraan si Jesu-Kristo, ang isa sa mga paratang ng paninirang-puri na ipinukol sa kaniya ng kaniyang mga kalaban ay: “Narito! Isang taong matakaw at mahilig uminom ng alak.” Pinasinungalingan ni Jesus ang bulaang paratang sa basta pagsasabing, “Ang karunungan ay pinatutunayang matuwid ng mga gawa nito” o “ng lahat ng mga anak nito.” (Mat 11:19; Luc 7:34, 35) Sa ibang pananalita, sinabi ni Jesus na, ‘Masdan ninyo ang aking matuwid na mga gawa at paggawi at malalaman ninyo na kabulaanan ang paratang na iyon.’
Walang dako sa kongregasyong Kristiyano ang katakawan, at nais tiyakin ng apostol na si Pablo na hindi ito makapapasok doon. Kaya naman nang iwan niya si Tito sa Creta upang mag-asikaso sa bagong-tatag na organisasyong Kristiyano roon, ipinaalaala niya kay Tito ang sinabi ng isa sa sariling mga propeta ng Creta (ipinapalagay na si Epimenides, isang Cretenseng makata noong ikaanim na siglo B.C.E.): “Ang mga Cretense ay laging mga sinungaling, mapaminsalang mababangis na hayop, matatakaw [sa literal, mga tiyan] na di-nagtatrabaho.” Samakatuwid, ang mga aatasan ni Tito bilang mga tagapangasiwa, sabi ni Pablo, ay dapat na mga lalaking malaya sa lahat ng gayong mga akusasyon, mga lalaking hindi lasenggo o sakim at may mahusay na pagpipigil sa sarili.—Tit 1:5-12.
Bagaman hindi nakatala nang bukod bilang isang “gawa ng laman,” ang katakawan ay kadalasan nang kaakibat ng mga paglalasingan at mga walang-taros na pagsasaya, at tiyak na kalakip ito sa malawak na pananalitang “mga bagay na tulad ng mga ito,” anupat ang mga nagsasagawa ng mga iyon ay “hindi magmamana ng kaharian ng Diyos.” (Gal 5:19, 21) Ang pagiging katamtaman sa mga kaugalian sa pagkain, gayundin sa lahat ng iba pang gawain, ay isang katangiang Kristiyano.—1Ti 3:2, 11.