Gawing Paraan ng Inyong Buhay ang Nakapagpapalusog na Turo
“Ang maka-Diyos na debosyon ay kapaki-pakinabang sa lahat ng mga bagay.”—1 TIMOTEO 4:8.
1, 2. Gaano ang pagkabahala ng mga tao sa kanilang kalusugan, at ano ang resulta?
KARAMIHAN ng tao ay agad sasang-ayon na ang mabuting kalusugan ang isa sa pinakamahalagang pag-aari sa buhay. Sila’y nag-uukol ng malaking panahon at salapi upang mapanatili ang kalusugan nila at matiyak na sila’y tumatanggap ng angkop na panggagamot kapag kailangan nila ito. Halimbawa, sa Estados Unidos, ang taunang gastos sa pangangalaga sa kalusugan para sa isang nagdaang taon ay mahigit na $900 bilyon. Iyan ay katumbas ng mahigit na $3,000 isang taon para sa bawat lalaki, babae, at bata sa bansang iyan, at ang gastos sa bawat katao sa ibang maunlad na mga bansa ay hindi nalalayo.
2 Ano ba ang naidulot ng lahat ng ginugol na panahon, lakas, at salapi? Tiyak na walang makapagkakaila na, sa kabuuan, tayo ay may makapupong makabagong mga pasilidad at mga paglalaan sa panggagamot sa ngayon kaysa anumang panahon sa kasaysayan. Gayunman, ito’y hindi kusang nakapagdudulot ng malusog na pamumuhay. Sa katunayan, sa isang talumpati na bumabalangkas ng isang mungkahing programa sa pangangalaga ng kalusugan para sa Estados Unidos, binanggit ng presidente na bukod sa “nakapangingilabot na pinsala dahil sa karahasan sa bansang ito,” sa mga residente sa Estados Unidos ay “may lalong mabilis na pagdami ng AIDS, ng paninigarilyo at labis na pag-inom, ng pagdadalang-tao ng mga tin-edyer, ng mga sanggol na isinilang na kulang sa timbang” kaysa alinmang ibang maunlad na bansa. Ang kaniyang konklusyon? “Kailangang baguhin natin ang ating mga paraan kung talagang ibig nating maging malusog bilang isang bayan.”—Galacia 6:7, 8.
Isang Malusog na Paraan ng Buhay
3. Sa liwanag ng sinaunang kultura ng mga Griego, anong payo ang ibinigay ni Pablo?
3 Noong unang siglo, kilala ang mga Griego sa kanilang debosyon sa pisikal na kultura, pagpapalaki ng katawan, at mga paligsahan sa palakasan. Sa ganitong kapaligiran, si apostol Pablo ay kinasihan na sumulat sa binatang si Timoteo: “Ang pagsasanay sa katawan ay kapaki-pakinabang nang kaunti; ngunit ang maka-Diyos na debosyon ay kapaki-pakinabang sa lahat ng mga bagay, yamang hawak nito ang pangako sa buhay ngayon at yaong darating.” (1 Timoteo 4:8) Sa gayon, tinutukoy ni Pablo ang kinikilala ng mga tao sa ngayon, samakatuwid nga, na ang medikal o pisikal na mga paglalaan ay hindi garantiya ng isang tunay na malusog na paraan ng buhay. Subalit, tinitiyak sa atin ni Pablo na ang pagpapaunlad ng espirituwal na kalusugan at maka-Diyos na debosyon ay kailangang-kailangan.
4. Ano ang mga kapakinabangang dulot ng maka-Diyos na debosyon?
4 Ang gayong landasin ay kapaki-pakinabang ukol sa “buhay ngayon” sapagkat nagbibigay iyon ng proteksiyon laban sa lahat ng nakapipinsalang mga bagay na ipinapataw sa kanilang sarili ng mga taong di-maka-Diyos, o yaong may “anyo [o, mukha] ng maka-Diyos na debosyon.” (2 Timoteo 3:5; Kawikaan 23:29, 30; Lucas 15:11-16; 1 Corinto 6:18; 1 Timoteo 6:9, 10) Yaong mga pumapayag na hubugin ang kanilang mga buhay ng maka-Diyos na debosyon ay may malusog na paggalang sa mga batas at mga kahilingan ng Diyos, at nag-uudyok sa kanila na gawing paraan ng kanilang buhay ang nakapagpapalusog na turo. Ang gayong landasin ay nagdudulot sa kanila ng espirituwal at pisikal na kalusugan, kasiyahan, at kaligayahan. At sila’y “maingat na nagtitipon para sa kanilang mga sarili ng isang mainam na pundasyon para sa hinaharap, upang makapanghawakan sila nang mahigpit sa tunay na buhay.”—1 Timoteo 6:19.
5. Anong mga tagubilin ang ibinigay ni Pablo sa ikalawang kabanata ng kaniyang liham kay Tito?
5 Yamang ang buhay na pinapatnubayan ng nakapagpapalusog na turo ng Diyos ay nagdudulot ng gayong mga pagpapala ngayon at sa hinaharap, kailangang malaman natin, sa praktikal na pananalita, kung papaano natin magagawang paraan ng ating buhay ang nakapagpapalusog na turo ng Diyos. Nagbigay si apostol Pablo ng sagot sa kaniyang liham kay Tito. Bibigyan natin ng pantanging pansin ang ikalawang kabanata ng aklat na iyan, na kung saan itinagubilin niya kay Tito na “magpatuloy sa pagsasalita ng mga bagay na naaangkop sa nakapagpapalusog na turo.” Tunay na lahat tayo, bata at matanda, lalaki at babae, ay makikinabang sa gayong “nakapagpapalusog na turo” sa ngayon.—Tito 1:4, 5; 2:1.
Payo sa Nakatatandang mga Lalaki
6. Anong payo ang ibinigay ni Pablo para sa “matatandang lalaki,” at bakit isang kabaitan sa panig niya na gawin ang gayon?
6 Una, may ilang payo si Pablo para sa nakatatandang mga lalaki sa kongregasyon. Pakisuyong basahin ang Tito 2:2. “Ang matatandang lalaki,” bilang isang grupo, ay pinararangalan at tinitingala bilang mga halimbawa ng pananampalataya at katapatan. (Levitico 19:32; Kawikaan 16:31) Dahilan dito, ang iba ay maaaring nag-aatubili na magpayo o magmungkahi sa nakatatandang mga lalaki sa mga bagay na hindi gaanong seryoso. (Job 32:6, 7; 1 Timoteo 5:1) Samakatuwid, isang kabaitan sa panig ni Pablo na magpahayag muna sa nakatatandang mga lalaki, at makabubuti para sa kanila na ikapit ang mga salita ni Pablo at tiyakin na sila, tulad ni Pablo, ay karapat-dapat na tularan.—1 Corinto 11:1; Filipos 3:17.
7, 8. (a) Ano ang nasasangkot sa pagiging “katamtaman sa mga kinaugalian”? (b) Bakit ang pagiging “seryoso” ay kailangang timbangan ng pagiging “matino sa pag-iisip”?
7 Ang nakatatandang mga lalaking Kristiyano ay, una sa lahat, dapat na maging “katamtaman sa mga kinaugalian.” Bagaman ang orihinal na mga salita ay maaaring tumukoy sa mga kaugalian sa pag-inom (“sober,” Kingdom Interlinear), ito ay may kahulugan din na pagiging mapagbantay, malinaw ang isip, o matalas ang pakiramdam. (2 Timoteo 4:5; 1 Pedro 1:13) Sa gayon, maging sa pag-inom o sa ibang mga bagay, ang nakatatandang mga lalaki ay kailangang maging katamtaman, hindi nagpapakalabis o nasa sukdulan.
8 Saka, sila’y kailangan ding maging “seryoso” at “matino sa pag-iisip.” Ang pagiging seryoso, o marangal, kagalang-galang, at karapat-dapat sa paggalang, ay karaniwan nang dumarating kapag nagkakaedad. Gayunman, ang ilan ay maaaring labis na seryoso, nagiging di-mapagparaya sa masisiglang kilos ng kabataan. (Kawikaan 20:29) Kaya naman ang “seryoso” ay tinitimbangan ng “matino sa pag-iisip.” Ang nakatatandang mga lalaki ay kailangang manatiling seryoso ayon sa nababagay sa kanilang edad, ngunit kailangan ding maging timbang, lubusang may pagpipigil sa kanilang damdamin at kapusukan.
9. Bakit ang nakatatandang mga lalaki ay kailangang maging malusog sa pananampalataya at pag-ibig at lalo na sa pagbabata?
9 Sa katapus-tapusan, ang nakatatandang mga lalaki ay kailangang “malusog sa pananampalataya, sa pag-ibig, sa pagbabata.” Maraming ulit sa kaniyang mga isinulat, itinala ni Pablo ang pananampalataya at ang pag-ibig kasama ng pag-asa. (1 Corinto 13:13; 1 Tesalonica 1:3; 5:8) Dito ang “pag-asa” ay kaniyang pinalitan ng “pagbabata.” Marahil ay sa dahilang madaling sumuko ang isa kapag nagkakaedad na. (Eclesiastes 12:1) Gayunman, gaya ng binanggit ni Jesus, “siya na nakapagbata hanggang sa wakas ang siyang maliligtas.” (Mateo 24:13) Bukod dito, ang mga nakatatanda ay karapat-dapat na mga halimbawa sa iba hindi lamang dahilan sa kanilang edad o karanasan, kundi dahil sa kanilang malulusog na katangiang espirituwal—pananampalataya, pag-ibig, at pagbabata.
Para sa Nakatatandang mga Babae
10. Anong payo ang ibinigay ni Pablo para sa “matatandang mga babae” sa kongregasyon?
10 Sumunod ay ibinaling ni Pablo ang kaniyang pansin sa nakatatandang mga babae sa kongregasyon. Pakisuyong basahin ang Tito 2:3. “Ang matatandang babae” ay ang may edad na mga babaing miyembro sa kongregasyon, kasali na ang mga asawa ng “matatandang lalaki” at mga ina at mga lola ng iba pang mga miyembro. Sa gayong kalagayan, sila’y makaiimpluwensiya nang malaki, sa ikabubuti o sa ikasásamâ. Kaya naman pinangunahan ni Pablo ang kaniyang mga salita ng “gayundin,” na ang ibig sabihin “ang matatandang babae” ay may pananagutan din na kailangang magampanan upang matupad nila ang kanilang papel sa kongregasyon.
11. Ano ang mapagpitagang paggawi?
11 Una, “ang matatandang babae ay maging mapagpitagan sa paggawi,” ang sabi ni Pablo. Ang “paggawi” ay panlabas na kapahayagan ng saloobin at personalidad ng isa, ayon sa ipinaaaninaw ng kapuwa asal at hitsura. (Mateo 12:34, 35) Kung gayon, ano ba ang dapat na maging saloobin o personalidad ng isang matanda nang babaing Kristiyano? Sa isang salita, “mapagpitagan.” Iyan ay isinalin mula sa isang salitang Griego na nangangahulugang “yaong nababagay sa mga tao, mga pagkilos o mga bagay na nakatalaga sa Diyos.” Ito ay tiyak na nababagay na payo dahilan sa impluwensiya nila sa iba, lalo na sa nakababatang mga babae sa kongregasyon.—1 Timoteo 2:9, 10.
12. Anong maling paggamit sa dila ang dapat iwasan ng lahat?
12 Ang susunod ay dalawang negatibo: “hindi mapanirang-puri, ni hindi napaaalipin sa maraming alak.” Kapuna-puna na ang dalawang ito ay pinagsama. “Noong sinaunang mga panahon, nang ang alak ang tanging inumin,” sabi ni Propesor E. F. Scott, “doon sa kanilang maliliit na handaang may alak sinisiraang-puri ng matatandang babae ang kanilang kapuwa.” Ang mga babae ay karaniwan nang mas nababahala tungkol sa mga tao kaysa mga lalaki, na kapuri-puri naman. Subalit, ang pagkabahala ay maaaring mauwi sa paghahatid-dumapit at maging sa paninirang-puri, lalo na kapag ang dila ay naging madulas dahil sa pag-inom. (Kawikaan 23:33) Tunay, lahat ng nagtataguyod ng isang malusog na paraan ng buhay, mga lalaki at mga babae, ay makabubuting maging mapagbantay sa kahinaang ito.
13. Sa anu-anong paraan maaaring mga guro ang nakatatandang mga babae?
13 Ukol sa isang mabuting paraan upang magamit ang panahong natitira, ang nakatatandang mga babae ay hinihimok na maging “mga guro ng kabutihan.” Sa ibang dako, si Pablo ay nagbigay ng malinaw na mga tagubilin na ang babae ay hindi dapat maging mga guro sa kongregasyon. (1 Corinto 14:34; 1 Timoteo 2:12) Gayunpaman, ito’y hindi humahadlang sa kanila sa pagtuturo ng mahalagang kaalaman sa Diyos sa kanilang sambahayan at sa madla. (2 Timoteo 1:5; 3:14, 15) Sila’y makagagawa rin ng malaking kabutihan sa pagiging mga ulirang Kristiyano sa nakababatang mga babae sa kongregasyon, gaya ng ipinakikita ng sumusunod na mga talata.
Para sa Kabataang mga Babae
14. Papaano makapagpapakita ng pagiging timbang ang mga kabataang babaing Kristiyano sa pag-aasikaso sa kanilang mga tungkulin?
14 Sa pagpapatibay-loob sa nakatatandang mga babae upang maging “mga guro ng kabutihan,” pantanging binanggit ni Pablo ang nakababatang mga babae. Pakisuyong basahin ang Tito 2:4, 5. Bagaman karamihan ng mga tagubilin ay nakasentro sa mga bagay sa tahanan, ang nakababatang mga babaing Kristiyano ay pinapayuhan na huwag magpakalabis, na hinahayaang mangibabaw sa kanilang buhay ang pagkabahala tungkol sa materyal. Sa halip, sila’y kailangang maging “matino sa pag-iisip, malinis, . . . mabuti,” at higit sa lahat, handang sumuporta sa Kristiyanong kaayusan sa pagkaulo, “upang ang salita ng Diyos ay hindi mapagsalitaan nang may pang-aabuso.”
15. Bakit dapat papurihan ang marami sa nakababatang mga babae sa kongregasyon?
15 Sa ngayon, malaki ang ipinagbago ng kalagayan sa pamilya kaysa noong kaarawan ni Pablo. Maraming pamilya ang nababahagi kung tungkol sa pananampalataya, at ang iba ay may nagsosolong magulang. Maging sa tinatawag na tradisyunal na mga pamilya, hindi na pangkaraniwan na ang asawang babae o ang ina ay isang buong-panahong maybahay. Lahat ng ito ay nagdudulot ng malaking kabigatan at pananagutan sa mga babaing kabataang Kristiyano, subalit hindi ito naglilibre sa kanila buhat sa kanilang mga obligasyong maka-Kasulatan. Sa gayon, isang malaking kasiyahan na makitang maraming tapat na kabataang mga babae ang masikap na gumagawa upang maging timbang ang kanilang maraming tungkulin at nagagawa pa ring unahin ang mga kapakanang pang-Kaharian, anupat ang ilan ay nasa buong-panahong ministeryo bilang mga auxiliary o regular pioneer. (Mateo 6:33) Tunay na sila’y dapat papurihan!
Para sa Kabataang mga Lalaki
16. Anong payo ang ibinigay ni Pablo para sa nakababatang mga lalaki, at bakit ito napapanahon?
16 Pagkatapos ay dumako si Pablo sa nakababatang mga lalaki, kasali na si Tito. Pakisuyong basahin ang Tito 2:6-8. Dahilan sa iresponsable at kapaha-pahamak na mga paraan ng marami sa mga kabataan ngayon—paninigarilyo, pag-aabuso sa bawal na gamot at alak, bawal na sekso, at iba pang makasanlibutang mga gawain, tulad ng mararahas na laro at nakasásamáng musika at libangan—ito nga ay napapanahong payo para sa mga kabataang Kristiyano na nagnanais sumunod sa isang malusog at kasiya-siyang paraan ng buhay.
17. Papaano magiging “matino sa pag-iisip” at isang “halimbawa ng maiinam na gawa” ang isang nakababatang lalaki?
17 Ibang-iba sa mga kabataan ng sanlibutan, ang isang kabataang lalaking Kristiyano ay dapat na maging “matino sa pag-iisip” at “halimbawa ng maiinam na gawa.” Ipinaliwanag ni Pablo na ang isang matino at may gulang na pag-iisip ay natatamo, hindi niyaong mga nag-aaral lamang, kundi niyaong “sa pamamagitan ng paggamit ay nasanay ang kanilang mga kakayahan sa pang-unawa na makilala kapuwa ang tama at ang mali.” (Hebreo 5:14) Anong kahanga-hangang makita ang mga kabataan na nagboboluntaryo ng kanilang panahon at lakas upang magkaroon ng lubusang bahagi sa maraming gawain sa kongregasyong Kristiyano, sa halip na sayangin ang kanilang lakas ng kabataan sa mapag-imbot na mga tunguhin! Sa paggawa ng gayon, sila, tulad ni Tito, ay maaaring maging mga halimbawa ng “maiinam na gawa” sa kongregasyong Kristiyano.—1 Timoteo 4:12.
18. Ano ang ibig sabihin ng maging walang kasiraan sa turo, seryoso sa pagkilos, at may mabuting pananalita?
18 Pinaalalahanan ang nakababatang mga lalaki na sila’y dapat na “nagpapakita ng kawalang-kasiraan sa [kanilang] turo, ng pagkaseryoso, ng mabuting pananalita na hindi mapapatawan ng hatol.” Ang turo na ‘walang-kasiraan’ ay dapat nakasalig nang matatag sa Salita ng Diyos; kaya, ang nakababatang mga lalaki ay dapat na maging masisikap na estudyante ng Bibliya. Tulad ng nakatatandang mga lalaki, ang nakababatang mga lalaki ay kailangan ding maging seryoso. Kailangang kilalanin nila na ang pagiging isang ministro ng Salita ng Diyos ay isang seryosong pananagutan, at samakatuwid sila’y kailangang “gumawi sa paraang karapat-dapat sa mabuting balita.” (Filipos 1:27) Gayundin naman ang kanilang pananalita ay kailangang ‘mabuti’ at sa gayon ito ay “hindi mapapatawan ng hatol” upang sila’y hindi makapagbigay ng dahilan upang ireklamo ng mga mananalansang.—2 Corinto 6:3; 1 Pedro 2:12, 15.
Para sa mga Alipin at mga Utusan
19, 20. Papaano nagagawa ng mga empleyado na “magayakan ang turo ng ating Tagapagligtas, ang Diyos”?
19 Sa katapus-tapusan, si Pablo ay bumaling sa mga manggagawa na namamasukan sa iba. Pakisuyong basahin ang Tito 2:9, 10. Hindi marami sa atin ngayon ang mga alipin o mga utusan, subalit marami ang mga empleyado at mga manggagawang naglilingkod sa iba. Sa gayon, ang mga simulaing binanggit ni Pablo ay kumakapit din sa ngayon.
20 Ang “magpasakop sa kanilang mga may-ari sa lahat ng bagay” ay nangangahulugan na ang mga empleyadong Kristiyano ay dapat magpakita ng tunay na paggalang sa kanilang mga amo at mga superbisor. (Colosas 3:22) Sila’y kailangan ding makilala bilang tapat na mga manggagawa, na nagtatrabaho nang buong maghapon bilang nauukol sa kanilang amo. At kailangang panatilihin nila ang mataas na pamantayan ng paggawing Kristiyano sa dako ng kanilang trabaho anuman ang iginagawi ng iba na naroon. Lahat ng ito ay “upang kanilang magayakan ang turo ng ating Tagapagligtas, ang Diyos, sa lahat ng bagay.” Gaano kadalas tayong nakakabalita tungkol sa maligayang resulta kapag ang taimtim na mga tagapagmasid ay tumutugon sa katotohanan dahilan sa mainan na paggawi ng kanilang mga kamanggagawa o mga empleyadong mga Saksi! Ito ay isang gantimpala na ipinagkakaloob ni Jehova sa mga sumusunod sa kaniyang nakapagpapalusog na turo kahit na sa dako ng kanilang trabaho.—Efeso 6:7, 8.
Isang Bayang Nilinis
21. Bakit naglaan si Jehova ng nakapagpapalusog na turo, at papaano tayo dapat tumugon?
21 Ang nakapagpapalusog na turo na ipinaliwanag ni Pablo ay hindi lamang isang kodigo ng mga simulain sa paggawi o pamantayan ng moral na maaari nating konsultahin kung ibig natin. Nagpatuloy si Pablo na ipaliwanag ang layunin nito. Pakisuyong basahin ang Tito 2:11, 12. Dahil sa kaniyang pag-ibig at di-sana-nararapat na kabaitan sa atin, si Jehova ay naglaan ng nakapagpapalusog na turo upang matuto tayong mamuhay ng isang may layunin at kasiya-siyang buhay sa maselan at mapanganib na mga panahong ito. Ikaw ba ay handang tumanggap at gawing paraan ng iyong buhay ang nakapagpapalusog na turo? Ang paggawa ng gayon ay mangangahulugan ng iyong kaligtasan.
22, 23. Anong mga pagpapala ang natatamo natin sa paggawa sa nakapagpapalusog na turo bilang ating paraan ng buhay?
22 Higit pa riyan, magdudulot sa atin ng isang pambihirang pribilehiyo ngayon at isang maligayang pag-asa para sa hinaharap kung gagawin nating paraan ng ating buhay ang nakapagpapalusog na turo. Pakisuyong basahin ang Tito 2:13, 14. Oo, sa paggawa ng nakapagpapalusog na turo bilang ang ating paraan ng buhay, tayo bilang isang bayang nilinis ay nabubukod buhat sa liko at namamatay na sanlibutan. Ang mga salita ni Pablo ay nakakatulad ng mga paalaala ni Moises sa mga anak ni Israel sa Sinai: “Kung tungkol kay Jehova, . . . itataas ka niya sa lahat ng bansa na kaniyang nilikha, sa ikapupuri at sa ikababantog at sa ikagaganda, samantalang pinatutunayan mong ikaw ay isang bayang banal kay Jehova na iyong Diyos, gaya ng kaniyang ipinangako.”—Deuteronomio 26:18, 19.
23 Harinawang pakamahalin natin ang pribilehiyo na pagiging nilinis na bayan ni Jehova sa pamamagitan ng paggawa sa nakapagpapalusog na turo bilang paraan ng ating buhay! Laging maging listo na itakwil ang anumang anyo ng di-maka-Diyos at makasanlibutang mga hangarin, sa gayo’y nananatiling malinis at angkop na gamitin ni Jehova sa dakilang gawain na kaniyang pinapangyayari ngayon.—Colosas 1:10.
Natatandaan Mo Ba?
◻ Bakit ang maka-Diyos na debosyon ay kapaki-pakinabang sa lahat ng bagay?
◻ Papaanong ang nakatatandang mga lalaki at mga babae ay makapagtataguyod ng nakapagpapalusog na turo bilang isang paraan ng buhay?
◻ Anong nakapagpapalusog na turo ang taglay ni Pablo para sa nakababatang mga lalaki at mga babae sa kongregasyon?
◻ Anong pribilehiyo at pagpapala ang mapapasaatin kung gagawin nating paraan ng ating buhay ang nakapagpapalusog na turo?
[Mga larawan sa pahina 18]
Marami sa ngayon ang nagkakapit ng payo sa Tito 2:2-4