Manatiling Malusog sa Pananampalataya!
Mga Tampok Mula sa Tito
ANG mga kongregasyong Kristiyano sa isla ng Creta sa Mediterraneo ay nangangailangan ng espirituwal na atensiyon. Sino ang makatutulong sa kanila? Aba, ang kamanggagawa ni apostol Pablo na si Tito! Siya’y may lakas ng loob, kuwalipikado na magturo, masigasig sa mabubuting gawa, at malusog sa pananampalataya.
Dinalaw ni Pablo ang Creta sa pagitan ng kaniyang una at ikalawang pagkabilanggo sa Roma. Kaniyang iniwan si Tito sa isla upang ituwid ang mga bagay-bagay at humirang ng mga matatanda sa kongregasyon. Si Tito ay maaari rin namang atasan na sawayin ang mga bulaang guro at magpakita ng isang magandang halimbawa. Lahat na ito ay isiniwalat sa liham ni Pablo kay Tito, na posibleng ipinadala buhat sa Macedonia sa pagitan ng 61 at 64 C.E. Ang pagkakapit ng payo ng apostol ay makatutulong sa kasalukuyang mga tagapangasiwa at mga kapananampalataya upang magkaroon ng tibay ng loob, sigasig, at espirituwal na kalusugan.
Ano ba ang Kahilingan sa mga Tagapangasiwa?
Kinailangan noon na humirang ng mga tagapangasiwa at makitungo sa ilang malulubhang suliranin. (1:1-16) Upang mahirang bilang isang tagapangasiwa, ang isang lalaki ay kailangang walang kapintasan kung sakaling siya’y pinararatangan, uliran sa kaniyang pagkatao at sa kaniyang buhay pampamilya, mapagpatuloy, timbang, at may pagpipigil sa sarili. Kailangan ding ituro niya kung ano ang totoo at magpayo at sumaway sa mga nagpapahayag ng mga paniwalang di-katotohanan. Kailangan ang lakas ng loob sapagkat mga lalaking magugulo sa mga kongregasyon ang kailangang patahimikin. Lalo nang totoo ito kung tungkol sa mga taong naniniwala pa sa pagtutuli, sapagkat kanilang winasak ang buu-buong mga sambahayan. Mahigpit na pagsaway ang kailangan kung ibig na ang mga kongregasyon ay manatiling malusog sa espirituwal. Sa ngayon, ang mga tagapangasiwang Kristiyano ay nangangailangan din ng lakas ng loob na sumaway at magpayo, upang mapatibay ang kongregasyon.
Ikapit ang Malulusog na Turo
Si Tito ay kailangang magturo ng aral na nagpapalusog sa espirituwal. (2:1-15) Ang may-edad nang mga lalaki ay kailangang maging uliran kung tungkol sa pagiging makatuwiran, seryoso, may matinong isip, pananampalataya, pag-ibig, at pagtitiis. Ang may-edad nang mga babae ay kailangang “kagalang-galang ang asal.” Bilang “mga tagapagturo ng mabuti,” kanilang matutulungan ang nakababatang mga babae upang magkaroon ng tamang pagkakilala sa kanilang mga tungkulin bilang mga asawang babae at ina. Ang nakababatang mga lalaki ay kailangang may matinong isip, at ang mga alipin ay kailangang pasakop sa kani-kanilang mga panginoon sa paraan na magsisilbing tagapagpaganda sa turo ng Diyos. Lahat ng Kristiyano ay kailangang magtakuwil ng kalikuan at mamuhay na may matinong isip sa sistemang ito ng mga bagay samantalang hinihintay ang maluwalhating pagpapakita ng Diyos at ni Jesu-Kristo, “na naghandog ng kaniyang sarili alang-alang sa atin upang kaniyang mailigtas buhat sa anumang uri ng kalikuan at linisin para sa kaniyang sarili ang isang bayan na talagang kaniyang sarili, masigasig sa mabubuting gawa.” Sa pamamagitan ng pagkakapit ng gayong magaling na payo, atin din namang ‘pagandahin ang turo ng Diyos.’
Ang panghuling payo ni Pablo ay nagpapasulong ng espirituwal na kalusugan. (3:1-15) Kailangan na magpakita ng wastong pagpapasakop sa mga pinuno at paunlarin ang pagkamakatuwiran. Ang mga Kristiyano ay may pag-asang buhay na walang-hanggan, at ang mga salita ni Pablo ay kailangang idiin upang sila’y palakasin-loob na ilagi ang kanilang mga isip sa mabubuting gawa. Ang hangal na mga pagtatanong at mga pagtatalo sa Kautusan ay dapat iwasan, at ang isang nagtatayo ng isang sekta ay dapat itakuwil pagkatapos na makalawang ulit na payuhan. Samantalang ikinakapit ng matatanda ang gayong payo sa ngayon, sila at ang kanilang mga kapananampalataya ay nananatiling malusog sa pananampalataya.
[Kahon/Larawan sa pahina 22]
Hindi Alipin ng Alak: Bagaman ang mga babae ay hindi dapat magturo sa mga lalaki sa kongregasyon, ang nakatatandang mga kapatid na babae ay maaaring magturo nang sarilinan sa nakababatang mga babae. Subalit upang maging epektibo sa bagay na ito, kailangang sundin ng nakatatandang mga babae ang payo ni Pablo: “Ang matatandang babae ay maging magagalang sa kanilang pagkilos, hindi mapanirang-puri, ni napaaalipin man sa maraming alak, mga guro ng kabutihan.” (Tito 2:1-5; 1 Timoteo 2:11-14) Dahilan sa pagkabahala tungkol sa mga epekto ng mga pag-inom, ang mga tagapangasiwa, ministeryal na mga lingkod, at nakatatandang mga babae ay kailangang maging makatuwiran, hindi nagmamalabis sa alak. (1 Timoteo 3:2, 3, 8, 11) Lahat ng Kristiyano ay kailangang umiwas sa paglalasing at sa pag-inom ng mga inuming may alkohol samantalang kanilang isinasagawa “ang banal na gawain” na pangangaral ng mabuting balita.—Roma 15:16; Kawikaan 23:20, 21.