Higit Pa ang Gawin Kaysa Pagsasabi Lamang: “Magpakainit at Magpakabusog Ka”
“Kung . . . isa sa inyo ay magsabi sa [nangangailangang mga kapatid]: ‘Humayo ka na, magpakainit at magpakabusog ka,’ ngunit hindi mo naman binibigyan sila ng kanilang mga kailangan sa buhay, ano ang kabuluhan nito? . . . Ang pananampalataya, kung walang mga gawa, iyon ay patay sa ganang sarili.”—SANTIAGO 2:15-17.
1. Paanong ang isang kapatid sa Nigeria ay napasa-pangangailangan?
TINATAYA na si Lebechi Okwaraocha ay ipinanganak bago noong 1880, kaya siya ay mahigit na isang daang taon na. Siya’y nagmana ng juju sa sinasamba niyang mga magulang na taga-Nigeria. At, nang siya’y mahigit nang 80 taon, siya‘y nagsimulang makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova. Kaniyang ikinapit ang kaniyang natutuhan at nagpabautismo siya. Kaya naman siya ay isang Saksi sa loob ng mga 30 taon. Hindi pa nagtatagal, ang matatanda sa kaniyang kongregasyon ay dumalaw sa kaniya at sa kaniyang 72-anyos na maybahay na Anglicano pagkatapos ng isang napakalakas na ulan. Kapuwa sila walang kapag-a-pag-asa—ang sahig ng kanilang kubo ay nakalubog sa tubig, at sila’y walang mga kamag-anak na magpapatuloy o tutulong sa kanila upang magkumpuni ng mga nasira. Kung ikaw ang naroroon, ano kaya ang gagawin mo? Bago alamin kung ano ang nangyari, isaalang-alang natin ang mga ilang payo ng Bibliya.
2. Bakit tayo interesado sa “mabubuting gawa”?
2 Si Kristo Jesus ay “nagbigay ng kaniyang sarili para sa atin upang kaniyang . . . linisin para sa kaniyang sarili ang isang bayan na tanging kaniya, na masikap sa mabubuting gawa.” (Tito 2:14) Ang mga gawang ito ay nakasentro sa nagliligtas-buhay na pangangaral ng Kaharian. (Marcos 13:10; Apocalipsis 7:9, 10) Gayunman, ang “mabubuting gawa” na Kristiyano ay higit pa ang nasasaklaw kaysa mahalagang pangangaral lamang, sapagkat ang kapatid ni Jesus sa ina na si Santiago ay nagpapaliwanag ng ganito: “Ang anyo ng pagsamba na malinis at walang bahid dungis sa paningin ng ating Diyos at Ama ay ito: tulungan ang mga ulila at mga babaing balo sa kanilang kapighatian, at ingatan ang sarili mo na manatiling walang bahid ng sanlibutan.”—Santiago 1:27.
3, 4. Ano ang maaari nating matutuhan buhat sa 1 Timoteo kabanata 3-5 tungkol sa “mabubuting gawa,” na umaakay tungo sa anong mga tanong?
3 Mga kongregasyon noong unang siglo ang kasangkot sa kapuwa mga uri ng “mabubuting gawa.” Sa 1 Timoteo kabanata 3, pagkatapos na isa-isahin ang kuwalipikasyon ng mga tagapangasiwa at mga ministeryal na lingkod, si apostol Pablo ay sumulat na “ang kongregasyon ng Diyos na buhay [ay] isang haligi at suhay ng katotohanan.” (1 Timoteo 3:1-15) Kaniyang ipinakita na ang mga Kristiyanong nananatili sa gayong mga turong katotohanan ay makapagliligtas ng kanilang sarili at ng mga nakikinig sa kanila. (1 Timoteo 4:16) Pagkatapos ay tinalakay ni Pablo ang ‘mabuting gawa’ na nangangalaga sa materyal na paraan sa tapat na mga biyuda na “walang nag-aampon.”—1 Timoteo 5:3-5.
4 Samakatuwid, bukod sa ating pangangaral, tayo’y dapat na nagbibigay-pansin sa “mabubuting gawa,” tulad halimbawa ng ‘pagtulong sa mga ulila at mga babaing balo sa kanilang kapighatian.’ Ano ang magagawa ng matatanda at mga ministeryal na lingkod sa bagay na ito, bilang siyang “mga nangunguna”? (Hebreo 13:17) Paano nga ang iba sa atin ay makatutulong sa kanila dito? At ano ang personal na magagawa natin sa pagsasagawa ng uring ito ng “mabubuting gawa”?
Mga Matatanda na Mahusay Manguna
5. Paano pinagtagumpayan ni Pablo ang isang natatanging pangangailangan, at ano ang mga kahalintulad nito sa modernong panahon?
5 Nang isang natatanging pangangailangan ang bumangon sa Judea, si Pablo, na isang hinirang na matanda, ay nanguna sa pagbuo ng isang kaayusan sa pagtulong. Dahil sa gayong pangunguna ay naiwasan ang maraming pagkalito; ang mga bagay-bagay ay maaaring ipamahagi nang pantay-pantay, ayon sa pangangailangan. (1 Corinto 16:1-3; Gawa 6:1, 2) Ang matatanda sa modernong panahong ito ay nangunguna rin sa mga kaayusan ng pagtulong pagkatapos ng nakapipinsalang mga baha, mga pagguho ng putik, mga daluyong, mga ipuipo, o mga lindol, sa gayo’y ‘tinitingnan ang personal na kapakanan ng iba.’—Filipos 2:3, 4.
6. Nang isang kapahamakan ang maganap sa California, E.U.A., paano tumugon ang matatanda?
6 Sa Awake! ng Oktubre 8, 1986, ay nagbibigay ng isang halimbawa ng ganiyang gumaganang pagka-Kristiyano. Ang mga matatanda ay tumugon nang masira ang isang saplad na naging sanhi ng pagbaha sa California, E.U.A. Agad pinuntahan ng espirituwal na mga pastol na ito ang kanilang kawan upang tingnan kung mayroong sinoman doon na nawawala o nangangailangan ng medikal na tulong, pagkain, o matutuluyan. Ang mga matatanda ay nakipagtulungan sa punong-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova. Isang komite sa pagtulong ang binuo, at habang dumarating ang mga kapuwa Saksi upang tumulong, sila’y inorganisa sa pangkat-pangkat upang linisin at kumpunihin ang napinsalang mga tahanan. Pinangasiwaan ng matatanda ang pagbili at pamamahagi ng mga panustos at gamit. Ipinakikita nito na pagka may bumangon na gayong pantanging mga pangangailangan, ‘bawat alagad ay makapagpapasiya ayon sa kaya niya na magbigay’ o gumawa, subalit matalino na kumunsulta at humingi ng patnubay sa lokal na mga tagapangasiwa.—Ihambing ang Gawa 11:27-30.
7. Sa anong lalong karaniwang mga pangangailangan dapat din tayong tumugon?
7 Bagaman ikaw (hinirang na matanda ka man o hindi) ay baka manaka-naka na makatulong kung may pangunahing pangangailangan pagkatapos ng isang kapahamakan, mayroong lalong karaniwang pangangailangan na kasinghalaga rin naman—yaong nariyan mismo sa inyong kongregasyon. Dahil sa ang mga pangangailangang ito ay baka hindi gaanong kapansin-pansin na di gaya ng isang malaking kapahamakan, ang mga ito’y madaling makaligtaan o hindi gaanong pinapansin. Subalit sa aktuwal ang lokal na mga pangangailangan ang siyang uri na binabanggit sa Santiago 2:15-17. Oo, sa iyong kongregasyon napapaharap ka sa pinakamahigpit na hamon kung baga ang iyong ‘pananampalataya ay may mga gawa, o ito baga’y patay sa ganang sarili.’
8. Paanong ang mga tagapangasiwa ay makapagpapakita ng karunungan sa pangangasiwa sa mga pangangailangan ng kongregasyon?
8 Sa kanilang pangunguna, ang matatanda ay dapat magsikap na maging “marunong at maunawain.” (Santiago 3:13) Taglay ang karunungan kanilang mabibigyan ng proteksiyon ang kawan laban sa mga nagpapanggap na kapatid at lumalapit sa mga kapatid (o sa mga kongregasyon) upang mangutang ng salapi o sila’y umiimbento ng mga kuwento upang sila’y makakuha ng “tulong.” Ang marurunong na tagapangasiwa ay hindi nakikiayon sa katamaran, sapagkat ang alituntunin ng Bibliya ay: “Kung sinoman ay ayaw gumawa, huwag siyang pakainin.” (2 Tesalonica 3:10-15) Gayunman, hindi nila ibig na ang mga ito’y ‘pagsarhan ng pinto ng kanilang malumanay na awa’ o akayin man ang kanilang mga kapatid na gawin ang gayon. (1 Juan 3:17) Ang isa pang dahilan kung bakit kailangan silang magpakita ng karunungan ay sapagkat hindi naman tayo binibigyan ng Bibliya ng walang katapusang mga alituntunin tungkol sa pangangalaga sa mga nangangailangan at mga napipighati. Ang mga kalagayan ay iba-iba sa iba’t-ibang panahon at sa iba’t-ibang lugar.
9. (a) Paano sinusustentuhan noong unang siglo ang karapatdapat na mga biyudang Kristiyano? (b) Sa anong anyo ng mga tulong maaaring makinabang sa ngayon ang gayong mga tao?
9 Halimbawa, sa 1 Timoteo 5:3-10 tinalakay ni Pablo ang tungkol sa karapatdapat na mga biyudang “naghihikahos.” Ang kanilang kapananampalatayang mga kamag-anak ang pangunahing may pananagutan na tumulong sa kanila; ang pagpapabaya sa tungkuling iyan ay maaaring makasira ng katayuan ng mga kamag-anak sa harap ng Diyos. Kung sakaling ang isang maralita at karapatdapat na biyuda ay hindi makapagtamo ng tulong sa ganitong paraan, ang mga matatanda ay maaaring magsaayos ng anomang materyal na tulong buhat sa kongregasyon. Noong nakaraang mga panahon ay may mga kongregasyon na nakatulong lalung-lalo na sa mga nangangailangan na nasa kanilang kapulungan. Datapuwat, sa karamihan ng bansa ngayon ay may mga programang suportado ng buwis para sa matatanda, mga may kapansanan, o sa mga taong handang magtrabaho ngunit walang makitang trabaho. Baka ibig ng Kristiyanong matatanda na tumulong sa ibang paraan naman. Mayroong mga iba na talagang nangangailangan ng tulong at kuwalipikado naman para sa pangmadlang mga benepisyo ngunit hindi sila tumatanggap nito sapagkat hindi nila alam kung paano aaplay o sila’y totoong mahiyain upang magtanong. Sa gayon, ang matatanda ay maaaring magtanung-tanong sa mga ahensiya ng gobyerno o makipag-alam sa mga Saksi na may karanasan sa mga bagay na ito. Pagkatapos ay maaari nilang isaayos na ang isang may kakayahang kapatid ay tumulong sa taong nangangailangan para matanggap niya ang mga benepisyo.—Roma 13:1, 4.
Pag-oorganisa Para sa Praktikal na Pagtulong
10. Sa kanilang pagpapastol sa kawan, sa ano dapat magbigay-pansin ang mga matatanda?
10 Ang listong mga tagapangasiwa ang kadalasan siyang pinaka-susi upang ang napipighati at mga nangangailangan ay makatanggap ng tulong buhat sa mapagmahal na mga kapatid. Ang matatanda ay dapat na alisto na mapansin ang espirituwal at pisikal na mga pangangailangan samantalang sila’y nagpapastol sa buong kawan. Tama naman, idinidiin ng matatanda ang “pananalangin at ang ministeryo ng salita.” (Gawa 6:4) Kung gayon, sisikapin nila na gumawa ng kaayusan upang ang nakaratay o nasa-ospital na mga miyembro ng kawan ay tumanggap ng espirituwal na pagkain. Ang mga pulong ay puwede ring iparekord o ipa-tape para sa mga hindi makadalo sa mga pulong. Ang matatanda at mga ministeryal na lingkod ay maaaring maghali-halili ng paghahatid ng mga tapes na ito sa mga kinauukulan at sa ganoong mga pagdalaw nila ay baka sila makapagkaloob pa ng ibang mga espirituwal na kaloob. (Roma 1:11, 12) Kasabay nito, kanilang masusubaybayan ang kasalukuyang mga pangangailangan ng gayong mga tao.
11. Ipaliwanag kung paano matutulungan ang isang sister na nasa pangangailangan.
11 Baka mapansin nila na ang isang may kapansanan o matanda nang sister ay baka manaka-naka makadalo sa Kingdom Hall, o puwedeng makabahagi nang kaunti sa ministeryo sa larangan kung mayroong sister na tutulong sa kaniya ng paliligo at pagbibihis. (Ihambing ang Awit 23:1, 2, 5.) Maaari rin namang atasan ng mga tagapangasiwa ang isa sa kanila na gumawa ng kaayusang iyon. Gayundin, maaaring humingi sila sa kongregasyon ng mga boluntaryo na susundo o maghahatid sa may kapansanan o magsasakay sa kaniya sa sasakyan. Kung may iskedyul para dito ay magiging lalong maayos ang takbo ng mga bagay-bagay.
12. Paanong ang mga iba ay makagagawang kasama ng mga tagapangasiwa sa pagtulong sa maysakit o matatanda na?
12 Baka mapansin ng matatanda ang iba pang mga bagay na doo’y maaaring makatulong o makagawa ng mapagmahal na mga kaayusan. Halimbawa, ang isang sister na matanda na o maysakit ay hindi makagawa ng dating ginagawa niyang pag-aasikaso ng kaniyang tahanan. Maaari kaya siyang matulungan ng mga ibang ministeryal na lingkod at mga iba pa? Baka kung kanilang aayusin o lilinisin ang kaniyang looban ay matuwa siya, sapagkat ngayon ang bahay na iyon ay hindi na magiging isang kasiraan sa pamayanan. Ang halamanan ba ay nangangailangang bunutan ng damo o diligin? Mayroon kayang isang sister na mamamalengke na papayag na dumaan sa kaniya at ipamili siya ng mga bagay na kailangan? Tandaan, ang mga apostol ay interesado sa gayong praktikal na mga bagay, at sila’y nag-organisa ng mga taong may kakayahan sa kongregasyon upang tumulong.—Gawa 6:1-6.
13. Ano ang naging resulta ng pagtutulung-tulong ng matatanda para matulungan ang kapatid na taga-Nigeria na binanggit na?
13 Ang ganiyang Kristiyanong pagmamalasakit ang ipinakita ng matatanda na binanggit na sa unahan, at nang sila’y dumadalaw, kanilang nasumpungan na si Lebechi Okwaraocha at ang kaniyang maybahay ay nasa isang malungkot na kalagayan. Dagling pinag-usapan ng lupon ng matatanda ang bagay na iyon at kanilang ipinaalam sa kongregasyon ang kanilang iniisip—ang muling pagtatayo ng bahay. Ang mga kapatid ay nag-abuloy ng materyales at kusang tumulong upang maisagawa ang proyekto. Sa loob ng isang linggo ay nakapagtayo sila ng isang munting bahay na matibay at metal ang bubong. Ganito ang ulat na galing sa Nigeria:
“Naging surpresa iyon sa mga taganayon na kusang nagdala ng pagkain at inumin para sa mga kapatid na puspusang nagtrabaho para matapos ang trabaho bago bumuhos uli ang malakas na ulan. Maraming mga taganayon ang nagreklamo tungkol sa mga ibang grupong relihiyoso na, anila, nagnanakaw sa mga tao imbes na tumulong sa mga dukha. Ang insidenteng ito ang naging usap-usapan sa pamayanan. Ang mga taganayon ay dagling tumanggap ng mensahe, at maraming pantahanang mga pag-aaral sa Bibliya ang napasimulan.”
Ang Bahagi Mo sa “Mabubuting Gawa” na Ito
14. Tayo’y dapat na magkaroon ng anong pangmalas tungkol sa paggawa ng “mabubuting gawa” sa ating mga kapatid?
14 Mangyari pa, malimit na tayo’y makatutugon ng sarilinan at tuwiran sa mga pangangailangan ng mga may edad, may kapansanan, nasa ospital, o iba pang mga napipighati sa ating palibot. Kung tayo’y may nakikitang paraan upang magpamalas ng tunay na pagka-Kristiyano, bakit hindi samantalahin iyon at tumulong? (Gawa 9:36-39) Ang ating motibo ay, hindi dahil sa naimpluwensiyahan tayo ng iba, kundi dahil sa pag-ibig Kristiyano. Ang unang-unang kailangan upang makapaghandog ng praktikal na tulong ay ang pagiging tunay na interesado natin sa iba at ang pagkahabag. Totoo, hindi natin mapababata ang matatanda na, hindi tayo makapagpapagaling ng mga maysakit sa pamamagitan ng mga milagro, o ating mapagiging pantay-pantay ang lahat sa kongregasyon sa kanilang pamumuhay. Subalit tiyak na dapat na tayo’y may pagmamalasakit at espiritu ng pagbibigay. Pagka nagkagayon, at tayo’y kumilos ayon doon, patitibayin nito ang buklod ng pag-ibig sa pagitan natin at niyaong mga tinutulungan natin. Ganiyan ang nangyari kay Pablo at kay Onesimo, na isang baguhang Kristiyano noon na ‘naglingkod kay Pablo noong siya’y nasa bilangguan.’—Filemon 10-13; Colosas 3:12-14; 4:10, 11.
15. Paano natin matutulungan ang mga ibang karapatdapat na talagang nasa pangangailangan?
15 Kung minsan tayo’y makatutugon sa isang materyal na pangangailangan sa pamamagitan ng pagreregalo, hindi man natin ipinaalám kung sino tayo na nagregalo o kaya’y ibinibigay iyon nang lihim. Ang isa bang brother ay naalis sa trabaho at hindi makakita ng ibang trabaho? Ang isa bang sister ay may di-inaasahang pagkakagasta sa pagpapagamot kung kaya siya nangutang; siya ba’y naaksidente o ninakawan? Baka may bumangon sa palibot natin na ganitong mga sitwasyon. Kung tayo’y nagbibigay ng mga “regalo ng pagkakawanggawa,” ang ating Ama na nagmamasid nang lihim ang makakakita nito at malulugod. (Mateo 6:1-4) O kaya, imbes na magbigay ng salapi, tulad ni Job, makapagreregalo tayo ng mga kasuotan para sa mga dukha at mga pagkain o gawang-bahay na mga pananghalian o hapunan para sa babaing balo o mga ulila.—Job 6:14; 29:12-16; 31:16-22.
16. Sa ano pang ibang praktikal na paraan maibibigay kung minsan ang tulong? Magbigay ng halimbawa.
16 Ang iyong karanasan o mga koneksiyon ay magagamit para sa pagbibigay ng praktikal na tulong. Isang kapatid na lalaki ang umuutang noon kay Brother W——. May kabaitang tumugon siya: ‘Bakit mo inaakala na ako’y may ekstrang pera na ipauutang?’ Ang tugon ay: ‘Sapagkat ikaw ay isang mahusay na mamanihala ng iyong pera.’ Naunawaan iyon ni Brother W——, na malimit na nagpapahiram ng pera sa mga nangangailangan, kaya siya’y nagmungkahi: ‘Marahil ang talagang kailangan mo ay kaunting tulong para matuto kung paano magiging maingat ng paggasta ng iyon pera, at nagagalak ako na tulungan ka, kung ibig mo.’ Ang ganiyang tulong ay tunay na pinahahalagahan ng mga kapatid na kailangang magbagay sa mga bagong kalagayan ng kanilang pamantayan ng pamumuhay o handang magpagal kahit na sa di-gaanong kinaaalang-alanganang uri ng trabaho. Kung sa bagay, kung talagang kailangan na mangutang, makabubuti na gumawa ng isang pirmadong rekord niyaon para huwag magkaroon ng problema sa bandang huli. Kaya, maraming mga kapatid na atubili ng pangungutang ang lubhang nagpapahalaga sa personal na pagtulong sa kanila sa pamamagitan ng payo o karanasan na ibinida sa kanila. (Roma 13:8) Ito’y pinatutunayan ng isang karanasan buhat sa Kanlurang Aprika at ito’y tungkol kay Emmanuel:
Bagamat si Emmanuel ay isang sanay na barbero, kakaunti ang kaniyang mga suki, at siya’y nasisiraan ng loob dahilan sa kapos ang kaniyang kinikita para ipanggastos sa pamumuhay. Isang listong hinirang na matanda sa kongregasyon ang nagtanong kay Emmanuel kung siya’y handang magtrabaho ng ibang uri ng trabaho. Oo, ang tugon nito, sapagkat hindi niya hahayaang ang pagmamataas bilang isang sanay na barbero ang makahadlang sa kaniya. Ang matanda ang nakipag-usap sa kaniyang mga kasamahan at nakakita siya ng isang trabaho para kay Emmanuel bilang isang attendant sa isang ospital. Mainam ang kaniyang ipinakita sa kaniyang pagtatrabahong ito at siya’y nakatulong pa sa mga iba sa kongregasyon.
17. Paano mo matutulungan ang isang kapatid na nasa ospital? (Awit 41:1-3)
17 Kung ang isang Kristiyano ay nasa ospital o nursing home, may kalakip ito na mga natatanging pagkakataon upang ang Kristiyanong ito’y matulungan. At muli, ang taimtim na interes at pagmamalasakit ay kailangan. Maaari mong ipakita ito kung babasahan mo ang pasyente ng nakapagpapatibay na mga babasahing Kristiyano o magbibida ka sa kaniya ng nakapagpapatibay na mga karanasan. Subalit, mayroon kayang mga pisikal na pangangailangan na doo’y maaari kang makatulong? Sa ibang mga lugar ay kapos kung minsan ang mga pasilidad kung kaya’t ang isang pasyente ay hindi napaliliguan o napapakain maliban sa isang bisita ang gumawa niyaon. Kung gayon, kung payag ang mga doktor, maaaring dalhan mo ang pasyente ng isang maayos na pananghalian o tulungan mo siya na magsabon ng kaniyang buhok o maligo. Kailangan kayang magdala ka ng isang pangginaw o tsinelas? (2 Timoteo 4:13, 14) O maialok mo kaya ang tulong para iyong asikasuhin ang isang bagay na nakababalisa sa pasyente? Baka siya ay nababahala tungkol sa kaniyang suweldo na hindi pa nakukuha at sa mga pagkakautang na hindi pa nababayaran. Marahil ay matutulungan mo siya sa kahit simpleng mga bagay, halimbawa kung titiyakin mo na hindi natatambak sa kaniyang bahay ang mga sulat niya, na ang mga halaman ay nadidilig, o naka-off ang kusinilya.
18. Ano ang desidido kang gawin tungkol sa mga kapatid na nasa pangangailangan?
18 Walang alinlangan na ang bawat isa sa atin ay makasusumpong ng mga paraan na sa ganoo’y makagagawa pa tayo nang higit kaysa basta pagsasabi lamang na, “Magpakainit at magpakabusog ka.” (Santiago 2:16) Pag-isipan mo ang mga kapatid sa iyong kongregasyon. Ang iba ba sa kanila ay talagang nangangailangan ng tulong na pangmateryal, maysakit, may kapansanan, o nakaratay sa banig ng karamdaman? Ano ang magagawa mo sa praktikal na paraan upang tulungan ang mga minamahal na miyembrong ito ng kongregasyon na alang-alang sa kanila namatay si Kristo? Ang pagkakaroon ng ganitong saloobin ay tutulong sa iyo upang maging lalong handa na dagling tumugon kung may bumangong mga suliranin.
19. (a) Bakit sa bagay na ito ay napakahalaga ang pagiging timbang? (b) Ano ang pinakadakilang kabutihan na magagawa natin para sa iba, at bakit nga gayon? (Awit 72:4, 16)
19 Sa pamamagitan ng pagsisikap na tulungan ang ating mga kapatid, patutunayan natin na ang ating pananampalataya ay hindi patay. Ang pananampalataya ding iyan ang magpapakilos sa ating upang puspusang magpagal sa pangangaral Kristiyano. Kailangang tayo’y timbang ng pagtulong sa iba sa paraang materyal at sa regular na pakikibahagi sa Kristiyanong pangangaral. (Ihambing ang Mateo 15:3-9; 23:23.) Sa payo ni Jesus kay Marta at kay Maria ay nababanaag ang ganiyang pagkatimbang. Sinabi niya na kung paghahambingin ng isang tao ang materyal na mga bagay kaugnay ng espirituwal na pagkain, ang huli ay siyang “mabuting bahagi” na hindi aalisin sa kaniya. (Lucas 10:39-42) Ang maysakit at ang dukha ay hindi mawawala sa sistemang ito ng mga bagay. Tayo ay maaari, at dapat naman, na gumawa ng mabubuting bagay para sa kanila. (Marcos 14:7) Ang pinakamagaling at walang hanggan na kabutihan na magagawa natin ay turuan ang iba ng tungkol sa Kaharian ng Diyos. Diyan ibinuhos ni Jesus ang kaniyang buong kaya. (Lucas 4:16-19) Iyan ang paraan na ang mga dukha, maysakit, napipighati, ay makakatanggap ng permanenteng lunas. Anong laking kagalakan na tulungan ang ating mga kapatid at ang mga iba na ipako ang kanilang pag-asa sa Diyos at “humawak nang mahigpit sa tunay na buhay.”—1 Timoteo 6:17-19.
Natatandaan Mo Ba?
◻ Ano ang pinakamahalagang “mabubuting gawa” na ginagawa ng kongregasyong Kristiyano?
◻ Paano ang lokal na mga matatanda ay makapagbibigay ng timbang na atensiyon sa “mabubuting gawa” may kaugnayan sa mga kalagayan ng kanilang mga kapatid kung tungkol sa materyal na mga pangangailangan?
◻ Anong praktikal na mga hakbang ang maaaring gawin ng matatanda?
◻ Anong praktikal na mga bagay ang maaari mong gawin upang tulungan ang iyong mga kapatid na nangangailangan?
[Kahon sa pahina 17]
Nagmalasakit ang Kongregasyon
Isang mag-asawa na lumipat sa isang munting kongregasyon sa lalawigan ang nagpadala ng ganitong report na nakapupukaw ng pag-iisip:
‘Tatlong taon na ngayon na kaming mag-asawa ay nagbili ng aming tahanan at lumipat sa isang malayong kongregasyon na nangangailangan ng maygulang na tulong sapagkat nagkaroon ng mga ilang problema. Hindi nagtagal at ako ay naghahawak ng apat na responsableng posisyon. Mahal namin ang mga kapatid at ibig naming gumawang kasama nila. Sa paglakad ng mga buwan ay sumulong naman ang espiritu ng kongregasyon, at dalawang mahuhusay na hinirang na matatanda ang lumipat doon.
‘Ang aking maybahay ay nagkaroon ng mga problema sa kalusugan, at noong nakalipas na taon ay nangailangan siya ng mayor na operasyon. Nang araw na siya’y mapaospital, ako naman ay nagkasakit ng hepatitis. Dalawang buwan ang nakalipas at ako ay naalis sa trabaho sapagkat napakalaki ang iniurong ng kabuhayan sa lugar na iyon. Naubos na ang aming pondo, ako’y walang trabaho, at kapuwa kami maysakit. Ako’y lubhang nalulungkot sapagkat malapit na noon ang pandistritong kombensiyon at ako’y may bahagi sa programa. Mayroon din akong assignment sa pangsirkitong asamblea na mga dalawang linggo pa noon ang layo. Subalit dahilan sa wala akong pera, hindi ko alam kung paano ako makakadalo o kahit magkaroon ng panggastos man lamang sa aking pamilya. Isang umaga ang aking maybahay ay lumabas sa paglilingkod sa larangan, at ako’y naupo upang bulay-bulayin ang aming kalagayan.
‘Samantalang nakadungaw ako sa bintana, tinanong ko ang aking sarili, Nasaan baga ang aking pagtitiwala kay Jehova? Sinabihan ko ang aking maybahay na huwag mabalisa, subalit ngayon ay nagsisimula na akong magduda. Pagkatapos ay ipinahayag ko ang aking “maliit na pananampalataya” kay Jehova at nagmakaawa ako sa kaniya na tulungan ako. Nang ako’y matatapos na ng pananalangin, isang kapatid na lalaki ang tumuktok sa pinto. Ibig niyang sumama ako sa kaniya para magkape. Sinabi kong mas mabuti na huwag na, sapagkat kailangang maghanda ako ng bahagi para sa pulong sa gabing iyon. Siya’y mapilit, at sinabi niya na kami’y lalabas ng mga ilang minuto lamang. Kaya’t kami’y lumabas. Kami’y bumalik pagkaraan ng kalahating oras, at nang ako’y makababa sa kaniyang kotse ay naginhawahan ako.
‘Nang makapasok ako sa bahay, napansin ko na ang paminggalan sa kusina ay puno ng laman. Naisip ko na baka namili ang aking maybahay. “Pero sandali lang, paano siya makapamimili, gayong wala kaming anomang pera.” Nang magkagayon napansin ko ang isang sobre, sa harap ay nagsasabi iyon:
‘“Buhat sa inyong mga kapatid, na nagmamahal sa inyo. Huwag ninyong ihuhulog ang anoman dito sa kahong abuluyan. Kami’y nag-abuloy na para sa inyo.”
‘Hindi ko mapigil ang aking luha. Naisip ko ang aking “maliit na pananampalataya,” at lalo akong napaiyak. Nang magkagayo’y dumating ang aking maybahay. Itinuro ko na lamang ang pagkain at ang iba pang regalo. Siya man ay napaiyak din, pati ang dalawang sister na kasama niyang dumating. Aming ipinaliwanag na hindi namin maaaring tanggapin ang gayong karaming mga bagay. Subalit sinabi sa amin ng mga sister na wala namang nakakaalam kung sino ang nagbigay niyaon. Ang buong kongregasyon ay may bahagi, at ginawa nila iyon sapagkat inaakala nila na tinuruan namin sila kung paanong magbibigay sa iba. At lalo lamang kaming napaluha!’
Nang maglaon, nang kaniyang isulat ang karanasang ito, ang kapatid ay nakabalik na sa dating mahusay na kalagayan. Siya at ang kaniyang maybahay ay nakikibahagi sa auxiliary payuniring.
[Kahon sa pahina 18]
Ebidensiya ng Pag-ibig Kristiyano
Isang kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa kanlurang Estados Unidos ang napaharap sa isang pambihirang sitwasyon na nagbigay-pagkakataon sa kanila na magpakita ng pag-ibig Kristiyano, gaya ng ipinapayo ng Kasulatan. Sa kanilang teritoryo, ang pamahalaan ay nagbukas ng isang sentro upang mangalaga sa malulubhang biktima ng cerebral palsy. Isa sa mga unang residente ng sentrong iyon ay si Gary, 25 taóng gulang, na hindi na maalagaan sa tahanan. Ang sakit na iyon ay lumumpo sa kaniya, at apektado pati kaniyang pagsasalita.
Si Gary ay isang bautismadong Saksi nang may pitong taon. Nang siya’y naroroon na sa bagong sentro, ibig niyang dumalo sa mga pulong ng lokal na kongregasyon. Hindi kalayuan ang tinitirhan ng kaniyang mga magulang, at sa loob ng ilang panahon ay kanilang inihahatid siya. Subalit dahilan sa sila’y matatanda na, ang mga ibang kapatid sa kongregasyon ay tumulong. May isa roon na may sasakyan. Kaya’t siya, ang kaniyang maybahay, at ang kanilang dalawang anak na babae ay nagsisipaghanda na at aalis sa tahanan 45 minuto bago magsimula ang pulong upang kanilang madaanan si Gary. At pagkatapos ay kanilang inihahatid siya sa sentro, kaya’t gabing-gabi na kung sila’y dumating sa tahanan.
Datapuwat, mayroon pala namang nangyayari doon sa sentro. Ang mga ibang pasyente roon na biktima ng cerebral palsy ay naging interesado sa Bibliya. Hindi nagtagal at dalawa sa kanila ang tumanggap ng pag-aaral sa Bibliya. Nang malaunan, may iba pa ring naging interesado. Subalit paano silang lahat ay madadala sa mga pulong? Isa pang pamilya sa kongregasyon ang bumili ng isang sasakyan, at isang negosyo na pag-aari ng lokal na mga Saksi ang naglaan ng ikatlong sasakyan. Gayunman ay kapos pa rin ito o kaya’y di-kombenyente. Mayroon pa kayang magagawang iba ang kongregasyon?
Ito’y pinag-usapan ng matatanda at pagkatapos ay iminungkahi nila na bumili ng sasakyan para lamang gamitin sa pagsundo at paghahatid sa mga may kapansanang ito. Ang kongregasyon ay sumang-ayon at may kagalakang nag-abuloy. Ang mga ibang Saksi na naroon sa karatig na mga lugar na nakabalita sa proyektong iyon ay nag-abuloy din. Isang sasakyan ang binili at sinangkapan ng mga silyang de-gulong na mauupuan doon ng mga may kapansanan.
Ngayon, buwan-buwan ay hali-halili ang iba’t-ibang Congregation Book Study group sa pagmamaneho ng sasakyan para sa pagdalo sa mga pulong at mga asamblea. Lima na mga tagaroon sa cerebral palsy center ang regular na dumadalo, apat sa kanila ngayon ang bautismadong mga Saksi na. Sila’y nakilala at minamahal ng maraming mga kapatid na nakakaranas ng kaligayahan ng pagtulong. Papaano? Sa pamamagitan ng paghawak sa aklat-awitan at paghanap ng mga teksto para sa kanila sa panahon ng pulong. Sa pansirkitong mga asamblea at pandistritong mga kombensiyon, sila’y tumutulong pa rin sa pagpapakain at pag-aasikaso sa mga taong hindi makagawa nito para sa kanilang sarili. Ito’y lumikha ng isang pagmamahalan na tunay na nakagagalak-puso. At kumusta naman si Gary? Siya ngayon ay isang ministeryal na lingkod sa kongregasyong ito na nagbigay ng gayong ebidensiya ng pag-ibig.—Gawa 20:35.