Ama at Matanda—Tinutupad ang Dalawang Tungkulin
“Kung talaga ngang hindi alam ng sinumang lalaki kung paano mamuno sa kaniyang sariling sambahayan, paano niya aalagaan ang kongregasyon ng Diyos?”—1 TIMOTEO 3:5.
1, 2. (a) Noong unang siglo, paano nakapaglingkod sa kanilang mga kapatid ang mga binatang tagapangasiwa at ang mga may-asawang tagapangasiwa na walang anak? (b) Paanong sina Aquila at Priscila ay isang halimbawa para sa maraming mag-asawa sa ngayon?
ANG mga tagapangasiwa sa sinaunang kongregasyong Kristiyano ay mga binata o mga lalaking may-asawa na walang anak o mga may pamilya. Tiyak na sinunod ng ilan sa mga Kristiyanong iyon ang payo ni apostol Pablo na nakasaad sa kaniyang unang liham sa mga taga-Corinto, kabanata 7, anupat sila’y nanatiling walang asawa. Sinabi ni Jesus: “May mga bating na ginawang bating ang kanilang mga sarili dahil sa kaharian ng mga langit.” (Mateo 19:12) Ang gayong mga walang asawa, tulad ni Pablo at marahil ng ilan sa kaniyang mga kasama sa paglalakbay, ay malayang magbiyahe upang makatulong sa kanilang mga kapatid.
2 Hindi sinasabi ng Bibliya kung sina Bernabe, Marcos, Silas, Lucas, Timoteo, at Tito ay mga binata. Kung may-asawa, maliwanag na sila’y may sapat na kalayaan buhat sa pampamilyang mga pananagutan upang makapaglakbay nang malawakan sa iba’t ibang atas. (Gawa 13:2; 15:39-41; 2 Corinto 8:16, 17; 2 Timoteo 4:9-11; Tito 1:5) Maaaring sinamahan sila ng kanilang asawa, tulad ni Pedro at “ng iba pa sa mga apostol,” na maliwanag na kasama ng kanilang kabiyak nang pumupunta sa iba’t ibang lugar. (1 Corinto 9:5) Sina Aquila at Priscila ay halimbawa ng isang mag-asawang handang lumipat, anupat sumunod kay Pablo mula Corinto hanggang Efeso, pagkatapos ay lumipat sa Roma, at bumalik muli sa Efeso. Hindi sinasabi ng Bibliya kung sila’y may mga anak. Ang kanilang nakatalagang paglilingkuran sa kanilang mga kapatid ay nagpangyaring anihin nila ang pasasalamat ng “lahat ng kongregasyon ng mga bansa.” (Roma 16:3-5; Gawa 18:2, 18; 2 Timoteo 4:19) Sa ngayon, tiyak na maraming mag-asawa, kagaya nina Aquila at Priscila, ang makapaglilingkod sa ibang kongregasyon, marahil sa pamamagitan ng paglipat kung saan mas malaki ang pangangailangan.
Ama at Matanda
3. Ano ang nagpapahiwatig na maraming unang-siglong matatanda ang mga lalaking may pamilya?
3 Lumilitaw na noong unang siglo C.E., ang karamihan sa mga Kristiyanong matatanda ay may asawa at mga anak. Nang banggitin ni Pablo ang mga katangian na kailangan para sa isang lalaking “umaabot sa katungkulan ng tagapangasiwa,” sinabi niya na ang gayong Kristiyano ay dapat na “isang lalaking namumuno sa kaniyang sariling sambahayan sa isang mahusay na paraan, may mga anak na nagpapasakop nang buong pagkaseryoso.”—1 Timoteo 3:1, 4.
4. Ano ang kahilingan sa matatandang may asawa at mga anak?
4 Gaya ng naunawaan natin, hindi obligado ang isang tagapangasiwa na magkaroon ng mga anak, o kaya’y mag-asawa. Ngunit kung may-asawa, ang isang Kristiyano ay kailangang may kawastuan at maibiging gumaganap ng pagkaulo sa kaniyang asawa at napananatili niyang angkop na nagpapasakop ang mga anak sa kaniya upang siya’y maging kuwalipikado na maging isang matanda o ministeryal na lingkod. (1 Corinto 11:3; 1 Timoteo 3:12, 13) Anumang malubhang kahinaan sa pangangasiwa sa kaniyang sambahayan ay hahadlang sa pagiging kuwalipikado ng isang kapatid na lalaki para sa pantanging mga pribilehiyo sa kongregasyon. Bakit? Ganito ang paliwanag ni Pablo: “Kung talaga ngang hindi alam ng sinumang lalaki kung paano mamuno sa kaniyang sariling sambahayan, paano niya aalagaan ang kongregasyon ng Diyos?” (1 Timoteo 3:5) Kung yaong kaniyang kapamilya ay ayaw magpasakop sa kaniyang pangangasiwa, paano tutugon ang iba?
“May Nananampalatayang mga Anak”
5, 6. (a) Anong kahilingan tungkol sa mga anak ang binanggit ni Pablo kay Tito? (b) Ano ang inaasahan sa matatanda na may mga anak?
5 Nang itagubilin kay Tito na humirang ng mga tagapangasiwa sa mga kongregasyon sa Creta, ipinagbilin ni Pablo: “Kung may sinumang lalaki na malaya mula sa akusasyon, asawa ng isang babae, na may nananampalatayang mga anak na wala sa ilalim ng paratang ng kabuktutan o di-masupil. Sapagkat ang isang tagapangasiwa ay dapat na malaya mula sa akusasyon bilang katiwala ng Diyos.” Ano ba talaga ang ibig sabihin ng kahilingang “may nananampalatayang mga anak”?—Tito 1:6, 7.
6 Ang pananalitang “nananampalatayang mga anak” ay tumutukoy sa mga batang nakapag-alay na ng kanilang buhay kay Jehova at nabautismuhan o sa mga kabataan na sumusulong tungo sa pag-aalay at bautismo. Inaasahan ng mga miyembro ng kongregasyon na ang mga anak ng matatanda sa pangkalahatan ay may mabuting asal at masunurin. Dapat na makitang ginagawa ng isang matanda ang kaniyang buong makakaya upang ikintal ang pananampalataya sa kaniyang mga anak. Sumulat si Haring Solomon: “Sanayin mo ang bata sa daan na dapat niyang lakaran; kahit tumanda man siya ay hindi niya hihiwalayan iyon.” (Kawikaan 22:6) Subalit ano kung ang isang kabataang tumanggap ng gayong pagsasanay ay tumangging maglingkod kay Jehova o nakagawa pa nga ng malubhang pagkakamali?
7. (a) Bakit maliwanag na ang Kawikaan 22:6 ay hindi nagpapahayag ng isang napakahigpit na alituntunin? (b) Kung hindi minabuti ng anak ng isang matanda na maglingkod kay Jehova, bakit ang matanda ay hindi naman agad na mawawalan ng kaniyang mga pribilehiyo?
7 Maliwanag na ang nabanggit na kawikaan ay hindi naman nagpapahayag ng napakahigpit na alituntunin. Hindi nito pinawawalang-bisa ang simulain ng malayang kalooban. (Deuteronomio 30:15, 16, 19) Kapag ang isang anak na lalaki o babae ay sumapit na sa hustong gulang, dapat siyang gumawa ng sariling pasiya hinggil sa pag-aalay at pagpapabautismo. Kung maliwanag na inilaan ng matanda ang kinakailangang espirituwal na tulong, patnubay, at disiplina, gayunma’y hindi minabuti ng kabataan na maglingkod kay Jehova, ang ama ay hindi naman agad ituturing na di-kuwalipikadong maglingkod bilang isang tagapangasiwa. Sa kabilang panig, kung ang isang matanda ay may menor de edad na mga anak na nakatira sa tahanan, anupat ang bawat isa ay sunud-sunod na nagkasakit sa espirituwal at nagkaroon ng suliranin, baka hindi na siya maituturing na “isang lalaking namumuno sa kaniyang sariling sambahayan sa isang mahusay na paraan.” (1 Timoteo 3:4) Ang punto ay, dapat makita na ginagawa ng isang tagapangasiwa ang kaniyang sukdulang makakaya upang magkaroon ng “nananampalatayang mga anak na wala sa ilalim ng paratang ng kabuktutan o di-masupil.”a
Kasal sa Isang “Asawang Di-Nananampalataya”
8. Paano dapat makitungo ang isang matanda sa kaniyang di-nananampalatayang kabiyak?
8 Tungkol sa mga Kristiyanong lalaki na kasal sa mga di-nananampalataya, sumulat si Pablo: “Kung ang sinumang kapatid na lalaki ay may asawang di-nananampalataya, at gayunma’y sumasang-ayon siyang tumahang kasama niya, huwag niya siyang iwan . . . Sapagkat . . . ang di-nananampalatayang asawang babae ay napababanal may kaugnayan sa kapatid na lalaki; kung di-gayon, ang inyong mga anak ay tunay ngang magiging di-malilinis, ngunit ngayon ay mga banal sila. Sapagkat, . . . asawang lalaki, paano mo malalaman na maililigtas mo ang iyong asawang babae?” (1 Corinto 7:12-14, 16) Dito ang salitang “di-nananampalataya” ay hindi tumutukoy sa isang asawang babae na walang relihiyosong paniniwala kundi sa isa na hindi nakaalay kay Jehova. Marahil siya ay isang Judio, o isang mananampalataya sa mga paganong diyos. Sa ngayon, baka ang asawa ng isang matanda ay may ibang relihiyon, isang agnostiko, o kaya’y ateista pa nga. Kung nais nito na manatili sa kaniya, hindi niya dapat iwan ito dahil lamang sa pagkakaiba ng paniniwala. Siya ay dapat pa ring ‘manahanang kasama niya sa katulad na paraan alinsunod sa kaalaman, na pinag-uukulan siya ng karangalang gaya ng sa isang mas mahinang sisidlan, ang isa na may katangiang pambabae,’ sa pag-asang mailigtas siya.—1 Pedro 3:7; Colosas 3:19.
9. Sa mga lupain na doo’y pinagkakalooban ng batas kapuwa ang mag-asawa ng karapatan na turuan ang kanilang mga anak ng kani-kaniyang relihiyosong paniniwala, paano dapat kumilos ang isang matanda, at paano ito makaaapekto sa kaniyang mga pribilehiyo?
9 Kung may mga anak ang isang tagapangasiwa, dapat siyang gumanap ng wastong pagkaulo bilang isang asawang lalaki at ama sa pagpapalaki sa kanila “sa disiplina at pangkaisipang-pagtutuwid ni Jehova.” (Efeso 6:4) Sa maraming lupain ay pinagkakalooban ng batas kapuwa ang mag-asawa ng karapatan upang maglaan ng relihiyosong pagsasanay sa kanilang mga anak. Sa ganitong kalagayan ay baka igiit ng asawang babae na gamitin ang kaniyang karapatan na ituro sa kaniyang mga anak ang kaniyang relihiyosong mga paniniwala at gawain, na maaaring doo’y kasali ang pagdadala sa kanila sa kaniyang simbahan.b Mangyari pa, dapat sundin ng mga anak ang kanilang budhing sinanay sa Bibliya may kinalaman sa di-pakikibahagi sa huwad na relihiyosong mga seremonya. Bilang ulo ng pamilya, gagamitin ng ama ang kaniyang sariling karapatan na makipag-aral sa kaniyang mga anak at isasama sila sa mga pulong sa Kingdom Hall kapag posible. Kapag sumapit na sila sa edad na makagagawa na sila ng sariling mga desisyon, magpapasiya sila sa ganang sarili kung aling daan ang tatahakin nila. (Josue 24:15) Kung nakikita ng kaniyang kapuwa matatanda at mga miyembro ng kongregasyon na ginagawa niya ang lahat ng ipinahihintulot sa kaniya ng batas upang wastong maturuan ang kaniyang mga anak sa daan ng katotohanan, hindi siya aalisan ng pribilehiyo bilang tagapangasiwa.
‘Namumuno sa Kaniyang Sambahayan sa Isang Mahusay na Paraan’
10. Kung ang isang lalaking may pamilya ay isang matanda, ano ang kaniyang pangunahing tungkulin?
10 Kahit na para sa isang matanda na isang ama at na ang asawa ay kapuwa Kristiyano, hindi madaling hatiin nang maayos ang kaniyang panahon at atensiyon para sa kaniyang kabiyak, mga anak, at mga pananagutan sa kongregasyon. Maliwanag sa Kasulatan na may obligasyon ang isang Kristiyanong ama na pangalagaan ang kaniyang asawa at mga anak. Sumulat si Pablo: “Kung ang sinuman nga ay hindi naglalaan para doon sa mga sariling kaniya, at lalo na para doon sa mga miyembro ng kaniyang sambahayan, ay itinatwa na niya ang pananampalataya at lalong malala kaysa sa taong walang pananampalataya.” (1 Timoteo 5:8) Sa liham ding iyon, sinabi ni Pablo na tanging ang mga lalaking may-asawa na nagpakitang sila’y mabubuting asawang lalaki at mga ama ang dapat na irekomendang maglingkod bilang mga tagapangasiwa.—1 Timoteo 3:1-5.
11. (a) Sa anu-anong paraan dapat na ‘maglaan ang isang matanda para doon sa mga sariling kaniya’? (b) Paano ito makatutulong sa isang matanda na magampanan ang kaniyang mga pananagutan sa kongregasyon?
11 Ang isang matanda ay dapat na ‘maglaan’ para doon sa mga sariling kaniya hindi lamang sa materyal kundi gayundin sa espirituwal at emosyonal na paraan. Sumulat ang pantas na si Haring Solomon: “Ihanda mo ang iyong gawa sa labas, at ihanda mo iyon para sa iyong sarili sa parang. Pagkatapos ay patibayin mo rin ang iyong sambahayan.” (Kawikaan 24:27) Kaya habang naglalaan para sa mga pangangailangan sa materyal, emosyon, at paglilibang ng kaniyang asawa at mga anak, dapat din silang patibayin ng isang tagapangasiwa sa espirituwal na paraan. Nangangailangan ito ng panahon—panahon na hindi niya maiuukol sa mga bagay na pangkongregasyon. Subalit iyon ay panahon na may saganang gantimpala may kinalaman sa kaligayahan at espirituwalidad ng pamilya. Sa kalaunan, kung matibay ang espirituwalidad ng kaniyang pamilya, baka kakaunti nang panahon ang kailangang gugulin ng matanda sa paglutas ng mga suliranin sa pamilya. Magiging mas malaya ang kaniyang isip sa pag-aasikaso sa mga bagay na pangkongregasyon. Makikinabang sa espirituwal ang kongregasyon mula sa kaniyang mabuting halimbawa bilang isang mabuting asawa at mabuting ama.—1 Pedro 5:1-3.
12. Sa anong bagay tungkol sa pamilya dapat na magpakita ng mainam na halimbawa ang mga ama bilang matatanda?
12 Sa pamumuno sa sambahayan sa isang mahusay na paraan ay kasali ang pagsasaayos ng panahon upang mangasiwa sa pampamilyang pag-aaral. Lalo nang mahalaga na ang matatanda ay magpakita ng mabuting halimbawa sa bagay na ito, sapagkat ang matitibay na pamilya ay bumubuo ng matitibay na kongregasyon. Ang panahon ng tagapangasiwa ay hindi dapat na palaging labis na okupado ng ibang pribilehiyo ng paglilingkuran anupat wala na siyang panahon na makipag-aral sa kaniyang asawa at mga anak. Kung ganito ang kalagayan, dapat niyang muling suriin ang kaniyang iskedyul. Baka kailangang muling-isaayos o bawasan niya ang panahong ginugugol sa ibang bagay, anupat tanggihan pa man din kung minsan ang ilang pribilehiyo.
Timbang na Pangangasiwa
13, 14. Ano ang ipinapayo ng “tapat at maingat na alipin” sa matatanda na may pamilya?
13 Hindi na bago ang pagpapayo tungkol sa pagiging timbang sa mga pananagutan sa pamilya at sa kongregasyon. Sa loob ng mga taon “ang tapat at maingat na alipin” ay nagpapayo sa matatanda hinggil dito. (Mateo 24:45) Mahigit nang 37 taon ang nakaraan, ganito ang payo ng The Watchtower ng Setyembre 15, 1959, pahina 553 at 554: “Ang totoo, hindi ba iyon ay talaga namang tungkol sa pagiging timbang sa lahat ng mga kahilingang ito sa ating panahon? Sa pagiging timbang na ito ay bigyang-diin ang mga kapakanan ng iyong sariling pamilya. Tiyak na hindi aasahan ng Diyos na Jehova na gagamitin ng isang lalaki ang lahat ng kaniyang panahon para sa gawain sa kongregasyon, sa pagtulong sa kaniyang mga kapatid at kapuwa na magtamo ng kaligtasan, at gayunma’y hindi inaasikaso ang kaligtasan ng kaniyang sariling sambahayan. Ang kabiyak at mga anak ng isang lalaki ang siyang pangunahing pananagutan.”
14 Ganito ang payo ng Ang Bantayan ng Nobyembre 1, 1986, pahina 21: “Ang paglabas sa ministeryo sa larangan bilang isang pamilya ay lalong magpapalapit sa inyo sa isa’t isa, gayunman dahil sa pambihirang mga pangangailangan ng mga anak ay kailangan na paglaanan sila ng inyong pribadong panahon at lakas. Kung gayon, kailangan na kayo’y maging timbang at alamin kung gaanong panahon ang inyong magagamit para sa mga gawain sa . . . kongregasyon samantalang pinangangalagaan din naman ang espirituwal, emosyonal, at materyal na pangangailangan ng ‘inyong sariling sambahayan.’ [Ang isang Kristiyano] ay kailangang ‘matuto munang magsagawa ng maka-Diyos na debosyon sa [kaniyang] sariling sambahayan.’ (1 Timoteo 5:4, 8)”
15. Bakit nangangailangan ng karunungan at kaunawaan ang isang matanda na may asawa at mga anak?
15 Sinasabi ng isang kawikaan sa Kasulatan: “Sa pamamagitan ng karunungan ay titibay ang isang sambahayan, at sa pamamagitan ng kaunawaan ay magiging matatag.” (Kawikaan 24:3) Oo, upang matupad ng isang tagapangasiwa ang kaniyang teokratikong mga tungkulin at kasabay nito ay patibayin ang kaniyang sambahayan, totoong kailangan niya ng karunungan at kaunawaan. Ayon sa Kasulatan, higit pa sa isa ang larangan na kaniyang pinangangasiwaan. Ang kaniyang mga pananagutan sa pamilya at sa kongregasyon ay nasasangkot. Kailangan niya ng kaunawaan upang manatiling timbang sa dalawang larangang ito. (Filipos 1:9, 10) Kailangan niya ng karunungan upang maitakda ang mga bagay na dapat unahin. (Kawikaan 2:10, 11) Bagaman gayon na lamang ang nadarama niyang pananagutan na asikasuhin ang kaniyang mga pribilehiyo sa kongregasyon, dapat niyang matanto na bilang asawang lalaki at ama, ang kaniyang pangunahing bigay-Diyos na pananagutan ay ang pangangalaga at kaligtasan ng kaniyang pamilya.
Mabubuting Ama at Mabubuting Matanda
16. Anong bentaha ang taglay ng isang matanda kung siya ay isa ring ama?
16 Ang isang matanda na ang mga anak ay may mabubuting asal ay totoong isang kayamanan. Kung natutuhan niyang asikasuhing mabuti ang kaniyang pamilya, siya ay nasa kalagayan na makatulong sa ibang pamilya sa kongregasyon. Mas nauunawaan niya ang kanilang mga suliranin at nakapagpapayo batay sa kaniyang sariling karanasan. Nakatutuwa naman, libu-libong matanda sa buong daigdig ang mahuhusay na asawang lalaki, ama, at mga tagapangasiwa.
17. (a) Ano ang hindi dapat na kaligtaan ng isang lalaking kapuwa ama at matanda? (b) Paano dapat magpakita ng empatiya ang ibang miyembro ng kongregasyon?
17 Upang ang isang lalaking may pamilya ay maging isang matanda, siya ay dapat na isang Kristiyanong may-gulang na, samantalang nangangalaga sa kaniyang asawa at mga anak, nakapagsasaayos naman ng kaniyang mga gawain upang makapag-ukol ng panahon at atensiyon sa iba sa kongregasyon. Hindi niya dapat kalimutan na ang kaniyang pagpapastol ay nagsisimula sa tahanan. Sa pagkaalam na ang matatandang may asawa at mga anak ay may pananagutan kapuwa sa kanilang pamilya at sa kongregasyon, ang mga miyembro ng kongregasyon ay magsisikap na huwag humiling ng labis-labis na panahon ng mga ito. Halimbawa, ang isang matanda na may mga anak na kailangang pumasok sa paaralan kinabukasan ay hindi laging makapananatili nang matagal pagkatapos ng mga pulong sa gabi. Dapat na unawain ito ng ibang miyembro ng kongregasyon at sila’y magpakita ng damdaming pakikipagkapuwa.—Filipos 4:5.
Dapat Nating Mahalin ang Ating Matatanda
18, 19. (a) Ano ang ipinakita sa atin ng pagsusuri sa 1 Corinto kabanata 7? (b) Paano natin dapat na malasin ang gayong mga lalaking Kristiyano?
18 Ipinakita sa atin ng pagsusuri sa kabanata 7 ng unang liham ni Pablo sa mga taga-Corinto na, sa pagsunod sa payo ni Pablo, maraming kabinataan ang gumagamit ng kanilang kalayaang maglingkod ukol sa mga kapakanan ng Kaharian. Nariyan din ang libu-libong kapatid na lalaking may-asawa ngunit walang anak na, samantalang nagbibigay ng kaukulang atensiyon sa kanilang kabiyak, naglilingkod bilang mahuhusay na tagapangasiwa ng distrito, sirkito, kongregasyon, at mga sangay ng Watch Tower, taglay ang kapuri-puring pakikipagtulungan ng kanilang kabiyak. At, sa halos 80,000 kongregasyon ng bayan ni Jehova, maraming ama ang hindi lamang maibiging nangangalaga sa kanilang asawa at mga anak kundi naglalaan din ng panahon upang paglingkuran ang kanilang mga kapatid bilang mapagmalasakit na mga pastol.—Gawa 20:28.
19 Sumulat si apostol Pablo: “Ang mga nakatatandang lalaki na namumuno sa isang mainam na paraan ay kilalaning karapat-dapat sa dobleng karangalan, lalo na yaong mga gumagawa nang masikap sa pagsasalita at pagtuturo.” (1 Timoteo 5:17) Oo, karapat-dapat sa ating pag-ibig at paggalang ang matatanda na namumuno sa mainam na paraan sa kanilang tahanan at sa kongregasyon. Tunay ngang dapat nating “ituring ang gayong uri ng mga tao na mahalaga.”—Filipos 2:29.
[Mga talababa]
a Tingnan Ang Bantayan, Mayo 15, 1980, pahina 30-1.
b Tingnan Ang Bantayan, Oktubre 1, 1961, pahina 606-7.
Bilang Repaso
◻ Paano natin nalalaman na ang marami sa matatanda noong unang siglo C.E. ay mga lalaking may pamilya?
◻ Ano ang kahilingan sa matatanda na may asawa at mga anak, at bakit?
◻ Ano ang ibig sabihin ng pagkakaroon ng “nananampalatayang mga anak,” ngunit kumusta naman kung hindi minabuti ng anak ng isang matanda na maglingkod kay Jehova?
◻ Sa anu-anong paraan ang isang matanda ay dapat na ‘maglaan para doon sa mga sariling kaniya’?
[Larawan sa pahina 23]
Ang matitibay na pamilya ay bumubuo ng matitibay na kongregasyon