-
Anong Uri ng Espiritu ang Ipinakikita Mo?Ang Bantayan—2012 | Oktubre 15
-
-
“Ang di-sana-nararapat na kabaitan ng Panginoong Jesu-Kristo ay sumaespiritu nawa na inyong ipinakikita.”—FLM. 25.
-
-
Anong Uri ng Espiritu ang Ipinakikita Mo?Ang Bantayan—2012 | Oktubre 15
-
-
1. Ano ang sinabi ni Pablo nang lumiham siya sa kaniyang mga kapananampalataya?
NANG lumiham si apostol Pablo sa kaniyang mga kapananampalataya, paulit-ulit niyang sinabi na sana’y sang-ayunan ng Diyos at ni Kristo ang espiritung ipinakikita ng mga kongregasyon. Halimbawa, ganito ang isinulat niya sa mga taga-Galacia: “Ang di-sana-nararapat na kabaitan ng ating Panginoong Jesu-Kristo ay sumaespiritu nawa na inyong ipinakikita, mga kapatid. Amen.” (Gal. 6:18) Ano ang ibig niyang sabihin sa pananalitang ‘espiritu na inyong ipinakikita’?
2, 3. (a) Kapag ginagamit ni Pablo ang salitang “espiritu,” ano kung minsan ang tinutukoy niya? (b) Ano ang dapat nating itanong sa sarili hinggil sa espiritung ipinakikita natin?
2 Dito, ginamit ni Pablo ang salitang “espiritu” para tukuyin ang ating saloobin, o paraan ng pag-iisip. Ito ang nag-uudyok sa atin na magsalita o gumawi sa isang partikular na paraan. Ang isang tao ay maaaring malumanay, makonsiderasyon, mahinahong-loob, bukas-palad, o mapagpatawad. Inirerekomenda ng Bibliya ang pagkakaroon ng “tahimik at mahinahong espiritu” at ng ‘malamig na espiritu.’ (1 Ped. 3:4; Kaw. 17:27) Sa kabaligtaran, baka ang isang tao ay sarkastiko, materyalistiko, balat-sibuyas, o mapagsarili. Masahol pa, may mga nagpapakita ng marumi, masuwayin, at mapaghimagsik na saloobin.
3 Kaya naman, ginamit ni Pablo ang pananalitang gaya ng “ang Panginoon ay sumaespiritu nawa na iyong ipinakikita,” para pasiglahin ang mga kapatid na magpakita ng espiritung kasuwato ng kalooban ng Diyos at ng Kristiyanong personalidad. (2 Tim. 4:22; basahin ang Colosas 3:9-12.) Makabubuting tanungin ang ating sarili: ‘Anong uri ng espiritu ang ipinakikita ko? Paano ko lalong maipakikita ang espiritung nakalulugod sa Diyos? Paano ko maitataguyod ang positibong espiritu sa loob ng kongregasyon?’ Bilang paglalarawan, sa isang bukid ng mga sunflower, ang bawat bulaklak ay nakadaragdag sa kabuuang ganda ng kaparangan. Tayo ba’y isang “bulaklak” na nakadaragdag sa kagandahan ng kongregasyon? Dapat nating sikaping maging gayon. Talakayin natin kung paano tayo makapagpapakita ng espiritung nakalulugod sa Diyos.
-