Maghandog ng mga Hain na Nakalulugod kay Jehova
“Sa pamamagitan [ni Jesu-Kristo] tayo’y palaging maghandog sa Diyos ng handog ng papuri, samakatuwid nga, ang bunga ng mga labi na nagpapahayag sa madla ng kaniyang pangalan.”—HEBREO 13:15.
1. Sa ano hinimok ni Jehova ang makasalanang mga Israelita?
SI Jehova ang Katulong niyaong mga naghahandog ng nakalulugod na mga hain sa kaniya. Sa gayon, ang kaniyang pagsang-ayon ay minsang tinamo ng mga Israelita na naghandog ng mga haing hayop. Subalit ano ang nangyari pagkatapos na sila’y paulit-ulit na nagkasala? Sa pamamagitan ni propeta Oseas, sila’y hinimok: “Oh, Israel, manumbalik ka kay Jehovang iyong Diyos, sapagkat ikaw ay nabuwal dahil sa iyong kasamaan. Magpahayag kayo na may pagsisisi at manumbalik kayo kay Jehova. Sabihin ninyo sa kaniya, ninyong lahat na mga tao, ‘Patawarin mo nawa ang kasalanan; at tanggapin mo ang mabuti, at aming ihahandog naman ang mga batang toro ng aming mga labi.’”—Oseas 14:1, 2.
2. Ano ba yaong ‘mga batang toro ng mga labi,’ at papaano nagpahiwatig si apostol Pablo tungkol sa hula ni Oseas?
2 Ganiyan pinatibay-loob ang sinaunang bayan ng Diyos upang maghandog sa Diyos na Jehova ng ‘mga batang toro ng kanilang mga labi.’ Ano ba ang mga ito? Aba, di ang mga handog na hain ng taimtim na pagpupuri! Sa pagpapahiwatig tungkol sa hulang ito, ang mga Kristiyanong Hebreo ay hinimok ni apostol Pablo na “maghandog sa Diyos ng hain ng papuri, samakatuwid nga, ang bunga ng mga labi na nagpapahayag sa madla ng kaniyang pangalan.” (Hebreo 13:15) Ano ang makatutulong sa mga Saksi ni Jehova na maghandog ng gayong mga hain sa ngayon?
“Tularan Ninyo ang Kanilang Pananampalataya”
3. Ano ang pinakadiwa ng sinabi ni apostol Pablo sa Hebreo 13:7, na nagbabangon ng anong tanong?
3 Ang pagkakapit ng payo ni Pablo na ibinigay sa mga Hebreo ay tutulong sa atin na maghandog ng mga hain na nakalulugod sa ating Dakilang Katulong, si Jehovang Diyos. Halimbawa, ang apostol ay sumulat: “Alalahanin ninyo ang mga nangunguna sa inyo, na nagsalita sa inyo ng salita ng Diyos, at sa pagdidili-dili ninyo ng kanilang pamumuhay ay tularan ninyo ang kanilang pananampalataya.” (Hebreo 13:7) Sino ba ang tinukoy ni Pablo nang kaniyang sabihin, “Alalahanin ninyo ang mga nangunguna sa inyo,” o “mga namamahala sa inyo”?—New World Translation Reference Bible, talababa.
4. (a) Sang-ayon sa tekstong Griego, ano ang ginagawa niyaong “mga nangunguna”? (b) Sino yaong “mga nangunguna” sa mga Saksi ni Jehova?
4 Binanggit ni Pablo yaong “mga nangunguna,” o namamahala. (Heb 13 Talatang 7, 17, 24) Ang salitang Tagalog na “mamahala” ay isinalin buhat sa salitang Ingles na “govern” na kinuha naman sa Latin na buhat sa Griegong ky·ber·naʹo, na ang ibig sabihin ay “umugit ng barko, mangasiwa, mamahala.” Ang Kristiyanong matatanda ay namamahala sa pamamagitan ng paggamit ng kanilang “mga kakayahan na mangasiwa” (Griego, ky·ber·neʹseis) sa pangunguna at pamamatnubay sa lokal na mga kongregasyon. (1 Corinto 12:28) Ngunit ang mga apostol at ang iba pang matatanda sa Jerusalem ay nagsilbing isang lupon na nagbibigay ng patnubay at payo sa lahat ng kongregasyon. (Gawa 15:1, 2, 27-29) Samakatuwid, sa ngayon isang lupong tagapamahala na binubuo ng matatanda ang gumagawa ng espirituwal na pangangasiwa sa mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig.
5. Bakit at papaano dapat tayong manalangin ukol sa mga matatanda sa kongregasyon at sa mga miyembro ng Lupong Tagapamahala?
5 Ang lokal na matatanda at mga miyembro ng Lupong Tagapamahala ang nangunguna sa gitna natin; kaya naman, sila’y dapat nating igalang at ipanalangin na pagkalooban sila ng Diyos ng karunungan na kailangan sa pamamahala sa kongregasyon. (Ihambing ang Efeso 1:15-17.) Angkop na angkop nga na alalahanin natin ang sinuman na ‘nagsalita sa atin ng salita ng Diyos’! Si Timoteo ay tinuruan hindi lamang ng kaniyang ina at ng kaniyang lola kundi ng bandang huli rin naman ay ni Pablo at ng mga iba pa. (2 Timoteo 1:5, 6; 3:14) Kaya napagdili-dili ni Timoteo ang pamumuhay niyaong mga nangunguna at kaniyang natularan ang kanilang pananampalataya.
6. Kaninong pananampalataya ang dapat nating tularan, ngunit sino ang sinusundan natin sa kaniyang mga hakbang?
6 Ang mga indibiduwal na gaya nina Abel, Noe, Abraham, Sara, Rahab, at Moises ay nagsagawa ng pananampalataya. (Hebreo 11:1-40) Sa gayon, ating matutularan ang kanilang pananampalataya nang walang pag-aatubili sapagkat sila’y nangamatay na tapat sa Diyos. Subalit atin ding magagawang ‘tularan ang pananampalataya’ ng tapat na mga taong ngayo’y nangunguna sa gitna natin. Kung sa bagay, hindi natin sinusunod ang mga taong di-sakdal, sapagkat kay Kristo nakapako ang ating mga mata. Gaya ng pagkasabi ng tagapagsalin ng Bibliya na si Edgar J. Goodspeed: “Ang mga bayani noong una ay hindi siyang mga modelo ng mananampalataya, sapagkat si Kristo ang lalong mainam na parisan niya . . . Ang mananakbong Kristiyano ay kailangang kay Jesus magtutok ng kaniyang mga mata.” Oo, ‘si Kristo man ay nagbata alang-alang sa atin, na tayo’y iniwanan ng modelo upang tayo’y sumunod nang maingat sa kaniyang mga hakbang.’—1 Pedro 2:21; Hebreo 12:1-3.
7. Papaano maaapektuhan ng Hebreo 13:8 ang ating saloobin tungkol sa pagdurusa alang-alang kay Jesu-Kristo?
7 Samantalang nakatutok ang pansin sa Anak ng Diyos, isinusog ni Pablo: “Si Jesu-Kristo ay hindi nagbabago kahapon at ngayon, at magpakailanman.” (Hebreo 13:8) Ang tapat na mga saksi na tulad ni Esteban at ni Santiago ay nagpamalas ng di-matitinag na katapatan, bilang pagtulad sa matatag na halimbawang ipinakita ni Jesus. (Gawa 7:1-60; 12:1, 2) Yamang sila’y handang mamatay bilang mga tagasunod ni Kristo, ang kanilang pananampalataya ay karapat-dapat na tularan natin. Noong nakalipas, at sa kasalukuyan, at maging sa hinaharap man, ang maka-Diyos na mga tao ay hindi umuurong sa pagdaranas ng pagmamartir bilang mga alagad ni Jesus.
Iwasan ang Huwad na mga Turo
8. Ano ang pakahulugan mo sa mga salita ni Pablo sa Hebreo 13:9?
8 Ang di-nagbabagong personalidad at mga turo ni Jesus ay dapat magtulak sa atin na manghawakan sa itinuro niya at ng kaniyang mga apostol. Sa mga Hebreo ay sinabi: “Huwag kayong padadala sa sarisari at naiibang mga turo; sapagkat mabuti na ang puso ay patibayin sa pamamagitan ng di-sana-nararapat na awa, hindi sa pamamagitan ng mga pagkain, na di-pinakikinabangan ng mga nag-aabala rito.”—Hebreo 13:9.
9. Anong mas magagaling na bagay ang binanggit ni Pablo sa liham sa mga Hebreong Kristiyano?
9 Binanggit ng mga Judio ang mga bagay gaya ng kahindik-hindik na pagbibigay ng Kautusan sa Bundok Sinai at ang walang-katapusang pagkahari ni David. Subalit ipinakita ni Pablo sa mga Hebreong Kristiyano na bagaman ang pagtatatag ng tipang Kautusan ay kasindak-sindak, si Jehova ay lalong matinding nagpatotoo sa pamamagitan ng mga tanda, kababalaghan, makapangyarihang mga gawa, at mga kaloob ng banal na espiritu nang pasinayaan ang bagong tipan. (Gawa 2:1-4; Hebreo 2:2-4) Ang makalangit na Kaharian ni Kristo ay hindi matitinag, gaya ng nangyari sa makalupang paghahari ng mga hari sa angkan ni David noong 607 B.C.E. (Hebreo 1:8, 9; 12:28) Isa pa, tinitipon ni Jehova ang mga pinahiran sa harap ng isang bagay na lalong higit na kasindak-sindak kaysa kahima-himalang pagtatanghal sa Bundok Sinai, sapagkat ang kanilang nilalapitan ay ang makalangit na Bundok Sion.—Hebreo 12:18-27.
10. Sang-ayon sa Hebreo 13:9, ano ang nagpapatibay sa puso?
10 Samakatuwid ang mga Hebreo ay kailangang umiwas at huwag padala sa “sarisari at naiibang mga turo” ng mga nasa Judaismo. (Galacia 5:1-6) Hindi sa pamamagitan ng gayong mga turo kundi ‘sa pamamagitan ng di-sana-nararapat na awa mapatitibay ang puso’ upang manatiling matatag sa katotohanan. Ang iba marahil ay nangangatuwiran tungkol sa mga pagkain at mga hain, sapagkat sinabi ni Pablo na ang puso ay hindi napatibay “sa pamamagitan ng mga pagkain, na di-pinakikinabangan ng mga nag-aabala rito.” Ang espirituwal na mga pakinabang ay bunga ng maka-Diyos na debosyon at pagpapahalaga sa pantubos, hindi sa walang-katuwirang pagkabahala tungkol sa pagkain ng mga ilang pagkain at pangingilin sa pantanging mga araw. (Roma 14:5-9) Isa pa, dahil sa inihandog na hain ni Kristo, ang mga paghahain na ginagawa ng mga Levita ay nawalang-bisa.—Hebreo 9:9-14; 10:5-10.
Mga Hain na Nakalulugod sa Diyos
11. (a) Ano ang pinakadiwa ng mga salita ni Pablo sa Hebreo 13:10, 11? (b) Ano ang makasagisag na dambana ng mga Kristiyano?
11 Ang mga saserdoteng Levitico ay kumain ng laman ng mga hayop na inihahain, ngunit si Pablo ay sumulat: “Tayo ay may isang dambana na hindi matuwid kainan ng mga nasa banal na paglilingkod sa tolda [tabernakulo]. Sapagkat ang mga katawan ng mga hayop na iyon na ang dugo’y dinadala ng mataas na saserdote sa dakong banal bilang handog ukol sa kasalanan ay sinusunog sa labas ng kampamento” sa Araw ng Katubusan. (Hebreo 13:10, 11; Levitico 16:27; 1 Corinto 9:13) Ang mga Kristiyano ay may makasagisag na dambana na nagpapakita ng paglapit sa Diyos batay sa hain ni Jesus na nagtatakip ng kasalanan at nagbubunga ng pagpapatawad ni Jehova at ng kaligtasan sa buhay na walang-hanggan.
12. Sa Hebreo 13:12-14, hinimok ang pinahirang mga Kristiyano na gawin ang ano?
12 Hindi idiniriin ni Pablo ang paghahambing niyaon sa Araw ng Katubusan, gayunman ay isinususog niya: “Kaya naman si Jesus man, upang kaniyang mapaging-banal sa pamamagitan ng kaniyang sariling dugo ang bayan, ay nagbata sa labas ng pintuang-bayan” ng Jerusalem. Doon si Kristo ay namatay at naghandog ng lubusang mabisang haing nagtatakip-kasalanan. (Hebreo 13:12; Juan 19:17; 1 Juan 2:1, 2) Hinimok ni apostol Pablo ang kaniyang kapuwa pinahirang mga Kristiyano: “Kung gayon ating labasin siya [si Kristo] sa labas ng kampamento, at dalhin natin ang kaniyang pinasang kadustaan, sapagkat dito’y wala tayong lunsod na namamalagi, kundi ang masikap na hinahanap natin ay yaong lunsod na darating.” (Hebreo 13:13, 14; Levitico 16:10) Bagaman tayo’y dinusta na gaya ni Jesus, tayo ay nagtitiis bilang mga Saksi ni Jehova. Ating ‘itinatakuwil ang kalikuan at makasanlibutang mga pita at namumuhay tayo na may katinuan ng isip at kabanalan at maka-Diyos na debosyon sa gitna nitong kasalukuyang sistema ng mga bagay’ samantalang nakatingin tayo sa bagong sanlibutan. (Tito 2:11-14; 2 Pedro 3:13; 1 Juan 2:15-17) At ang mga pinahiran na kasamahan natin ay masikap na humahanap sa ‘lunsod,’ ang makalangit na Kaharian.—Hebreo 12:22.
13. Ang mga hain na nakalulugod sa Diyos ay hindi lamang binubuo ng ano?
13 Ang susunod na binabanggit ni Pablo ay mga hain na nakalulugod sa Diyos, nang sumulat: “Sa pamamagitan niya [ni Jesus] ay palaging maghandog tayo sa Diyos ng hain ng papuri, samakatuwid nga, ang bunga ng mga labi na nagpapahayag sa madla ng kaniyang pangalan. Isa pa, huwag kalilimutan ang paggawa ng mabuti at ang bahaginan ang iba ng mga bagay-bagay, sapagkat lugod na lugod ang Diyos sa gayong mga hain.” (Hebreo 13:15, 16) Ang mga hain ng Kristiyano ay hindi lamang binubuo ng pagkakawanggawa. Ang gayong mga bagay ay karaniwan nang ginagawa ng mga tao. Halimbawa, ito’y nangyari nang ang mga tao sa maraming bansa ay tumulong sa mga biktima ng lindol sa Soviet Armenia noong may bandang katapusan ng 1988.
14. Sa paghahandog sa Diyos ng nakalulugod na hain, anong gawain and idiniriin?
14 Ang banal na paglilingkod na ating ginagawa kay Jehova “na may maka-Diyos na takot at sindak” ay nakasalig sa mapagsakripisyong uri ng pag-ibig na ipinakita ni Jesus. (Hebreo 12:28; Juan 13:34; 15:13) Ang paglilingkod na ito ay nagdiriin sa ating gawaing pangangaral, sapagkat sa pamamagitan ni Kristo bilang Mataas na Saserdote ‘tayo’y naghahandog sa Diyos ng isang hain ng papuri, ang bunga ng mga labi na nagpapahayag sa madla ng kaniyang pangalan.’ (Oseas 14:2; Roma 10:10-15; Hebreo 7:26) Mangyari pa, “hindi natin nakakaligtaan ang paggawa ng mabuti at ang bahaginan ang iba ng mga bagay-bagay,” kasali na kahit ang mga iba na hindi natin “kapananampalataya.” (Galacia 6:10) Lalo na kung ang mga kapuwa Kristiyano ay dumaranas ng mga kasakunaan o nasa pangangailangan o nasa kahirapan, tayo’y nagbibigay sa kanila ng maibiging tulong sa materyal at sa espirituwal. Bakit? Dahil sa tayo’y may pag-ibig sa isa’t isa. Nais din natin na sila’y magpakatatag sa pagpapahayag sa madla ng kanilang pag-asa nang walang alinlangan, “sapagkat lugod na lugod ang Diyos sa gayong mga hain.”—Hebreo 10:23-25; Santiago 1:27.
Magpasakop
15. (a) Ano ang pakahulugan mo sa payo ng Hebreo 13:17? (b) Bakit dapat igalang ang mga nangunguna?
15 Upang makapaghandog ng nakalulugod na mga hain, tayo’y kailangang lubusang makipagtulungan sa organisasyon ng Diyos. Hindi ipinangangalandakan ang tungkol sa autoridad o kapamahalaan, si Pablo ay sumulat: “Maging masunurin sa mga nangunguna sa inyo at pasakop kayo, sapagkat patuloy na binabantayan nila ang inyong mga kaluluwa na parang sila ang magsusulit; upang gawin nila ito nang may kagalakan at hindi nang may paghihinagpis, sapagkat ito’y makapipinsala sa inyo.” (Hebreo 13:17) Igalang natin ang hinirang na mga matatanda na nangunguna sa kongregasyon, upang sila’y huwag magbuntung-hininga nang may hinanakit dahilan sa hindi natin pakikipagtulungan. Ang hindi natin pagpapasakop ay magiging pabigat sa mga tagapangasiwa at magbubunga ng pinsala sa ating espirituwalidad. Dahil sa espiritu ng pakikipagtulungan ay mas madali para sa mga matatanda na magbigay ng tulong at malaki ang nagagawa sa ikapagkakaisa at sa pagsulong ng gawaing pangangaral ng Kaharian.—Awit 133:1-3.
16. Bakit angkop na pasakop sa mga nangunguna sa atin?
16 Angkop naman na tayo’y pasakop sa mga nangunguna! Sila’y nagtuturo sa atin kung oras ng mga pulong at tumutulong sa atin sa ministeryo. Bilang mga pastol, kanilang hinahangad ang ating ikabubuti. (1 Pedro 5:2, 3) Tayo’y tinutulungan nila na manatili sa mabuting relasyon sa Diyos at sa kongregasyon. (Gawa 20:28-30) Sa pamamagitan ng pagpapailalim sa pantas at maibiging pangangasiwa, tayo’y nagpapakita ng paggalang sa Kataas-taasang Tagapangasiwa, ang Diyos na Jehova, at sa kaniyang Kinatawang Tagapangasiwa, si Jesu-Kristo.—1 Pedro 2:25; Apocalipsis 1:1; 2:1–3:22.
Maging Palaisip sa Panalangin
17. Anong mga panalangin ang hiniling ni Pablo, at bakit may katuwiran siya na hilingin ito?
17 Yamang si Pablo at ang kaniyang mga kasama ay napahiwalay sa mga Hebreo, marahil dahilan sa pag-uusig, kaniyang sinabi: “Patuloy na idalangin ninyo kami, sapagkat kami’y may tiwala na malinis ang aming budhi, yamang kami’y naghahangad na maging mapagtapat sa lahat ng bagay. Ngunit ipinapayo ko sa inyo lalung-lalo na na gawin ito, upang ako’y mapabalik sa inyo sa lalong madaling panahon.” (Hebreo 13:18, 19) Kung si Pablo ay naging isang taong manlilinlang na may manhid nang budhi, ano ang kaniyang karapatan na hilingin sa mga Hebreo na manalanging siya’y mapabalik sana sa kanila? (Kawikaan 3:32; 1 Timoteo 4:1, 2) Mangyari pa, siya’y isang ministrong walang daya, na taglay ang malinis na budhi pinaglabanan niya ang mga nagtataguyod ng Judaismo. (Gawa 20:17-27) Si Pablo ay may tiwala rin na siya’y muling makakasama ng mga Hebreo sa lalong madaling panahon kung sila’y mananalangin na mangyari sana iyon.
18. Kung tayo’y umaasang ang iba’y mananalangin para sa atin, anong mga tanong ang maaaring maitanong natin sa ating mga sarili?
18 Ang kahilingan ni Pablo na ipanalangin siya ng mga Hebreo ay nagpapakita na tama naman para sa mga Kristiyano ang ipanalangin ang isa’t isa, na tinutukoy pa man din sila sa pangalan. (Ihambing ang Efeso 6:17-20.) Subalit kung inaasahan natin na ipananalangin tayo ng iba, hindi baga dapat tayong maging katulad ng apostol at tiyakin na tayo’y ‘may budhing malinis at tayo’y namumuhay nang may kalinisan sa lahat ng bagay’? Ikaw ba’y hindi gumagawa ng anumang pandaraya sa lahat ng iyong mga pakikitungo? At ikaw ba’y may katulad na pagtitiwalang taglay ni Pablo sa panalangin?—1 Juan 5:14, 15.
Mga Pangwakas na Salita at Pagpapayo
19. (a) Ano ang hangarin at panalangin ni Pablo ukol sa mga Hebreo? (b) Bakit ang bagong tipan ay isang walang-hanggang tipan?
19 Pagkatapos na hilingin sa mga Hebreo na siya’y ipanalangin, si Pablo ay nagpahayag ng isang hangaring may kasamang dalangin, na nagsasabi: “Ngayon ang Diyos ng kapayapaan, na nagbangon buhat sa mga patay sa dakilang pastol ng mga tupa sa pamamagitan ng dugo ng walang-hanggang tipan, ang ating Panginoong Jesus, sangkapan niya sana kayo ng bawat mabuting bagay upang gawin ang kaniyang kalooban, na sa pamamagitan ni Jesu-Kristo’y gawin sa atin yaong totoong nakalulugod sa paningin niya; sumakaniya nawa ang kaluwalhatian magpakailan-kailanman. Amen.” (Hebreo 13:20, 21) Taglay ang tinatanaw na mapayapang lupa, “ang Diyos ng kapayapaan” ang bumuhay kay Jesu-Kristo sa walang-kamatayang buhay sa langit, na kung saan inihandog ni Jesus ang bisa ng kaniyang itinigis na dugo na nagbigay-bisa sa bagong tipan. (Isaias 9:6, 7; Lucas 22:20) Ito ay isang walang-hanggang tipan sapagkat yaong mga nasa lupa ay tumanggap ng permanenteng mga pakinabang buhat sa paglilingkod ng 144,000 espirituwal na mga anak ng Diyos na naghaharing kasama ni Jesus sa langit at mga kasali sa bagong tipan. (Apocalipsis 14:1-4; 20:4-6) Sa pamamagitan ni Kristo pinangyayari ng Diyos, na ating pinupuri sa kaniyang kaluwalhatian, ‘na tayo’y masangkapan ng bawat mabuting bagay na kailangan upang magawa ang kaniyang kalooban at maging kalugud-lugod sa kaniyang paningin.’
20. Papaano mo ipangangahulugan at ipaliliwanag ang pangwakas na payo ni Pablo sa mga Hebreong Kristiyano?
20 Palibhasa’y hindi niya natitiyak kung papaano maaapektuhan ang mga Hebreo ng kaniyang liham, sinabi ni Pablo: “Ngayon ipinamamanhik ko sa inyo, mga kapatid, na inyong pagtiisan ang salita ko na pampatibay-loob [upang makinig sa Anak ng Diyos, hindi sa mga alagad ng Judaismo], sapagkat tunay ngang ako’y bumuo ng isang liham sa inyo sa mga ilang salita [na isinasaalang-alang ang mabigat na nilalaman niyaon]. Inyong talastasin na ang ating kapatid na si Timoteo ay pinalaya na [sa bilangguan], na kung siya’y dumating sa lalong madaling panahon, ako’y makikipagkita sa inyo.” Marahil sa kaniyang pagsulat buhat sa Roma, ang apostol ay umasa na kasama niya si Timoteo na makadadalaw sa mga Hebreo sa Jerusalem. Pagkatapos ay sinabi ni Pablo: “Ihatid ninyo ang aking pagbati sa lahat ng mga nangunguna [bilang masisipag na matatanda] sa gitna ninyo at sa lahat ng mga banal [yaong mga may makalangit na pag-asa]. Kayo’y binabati ng mga nasa Italya. Ang di-sana-nararapat na kagandahang-loob [ng Diyos] ay sumainyo nawang lahat.”—Hebreo 13:22-25.
Isang Liham na May Walang-Hanggang Kahalagahan
21. Ang liham sa mga Hebreo ay tumutulong sa atin na maunawaan ang anong pangunahing mga punto?
21 Marahil higit sa anumang aklat ng Banal na Kasulatan, ang liham sa mga Hebreo ay tumutulong sa atin na maunawaan ang kahulugan ng mga haing inihandog sa ilalim ng Kautusan. Ang liham ay malinaw na nagpapakitang ang hain ni Jesu-Kristo ang tanging nagbibigay ng kinakailangang pantubos para sa makasalanang sangkatauhan. At ang isang mahalagang mensahe na matatagpuan sa liham ay na tayo’y dapat makinig sa Anak ng Diyos.
22. Ano ang ilang mga dahilan upang ating ipagpasalamat ang liham sa mga Hebreo?
22 Isa pa rin, gaya ng nakita natin sa dalawang naunang artikulo, tayo’y may iba pang mga dahilan upang pasalamat dahil sa kinasihan ng Diyos na liham na ito sa mga Hebreo. Ito’y tumutulong sa atin na huwag manghimagod sa ating ministeryo, at pinupuspos tayo nito ng tibay ng loob, sapagkat batid natin na si Jehova ang ating Katulong. Isa pa, tayo’y pinalalakas-loob nito na ang ating mga labi at lahat ng ating mga pakultad ay gamitin sa walang-pag-iimbot na pagsasagawa ng banal na paglilingkod araw at gabi at paghahandog ng taus-pusong mga hain na nakalulugod sa ating karapat-dapat purihin at maibiging Diyos, si Jehova.
Papaano Mo Sasagutin?
◻ Papaanong ang liham sa mga Hebreo ay tumulong sa kanila na iwasan ang huwad na mga turo?
◻ Ang mga hain na nakalulugod sa Diyos ay nakatutok sa anong mahalagang mga gawain?
◻ Sino yaong “mga nangunguna,” at bakit kailangang pasakop sa kanila?
◻ Papaanong sa liham sa mga Hebreo ay itinatampok ang panalangin?
◻ Bakit natin masasabi na ang liham sa mga Hebreong Kristiyano ay may walang-hanggang kahalagahan?
[Mga larawan sa pahina 23]
Sa mga hain na nakalulugod sa Diyos ay kasali ang pagdalaw bilang mga pastol at pagpapatibay sa mga kapuwa Kristiyano sa pamamagitan ng maibiging payo