‘Pero Hindi Ko Mahal si Jehova!’
SI Bob ay isang binatilyo lamang nang maging isa sa mga Saksi ni Jehova ang kaniyang nanay. Kung mga ilang taon din na siya’y nakasama ng kaniyang nanay sa Kingdom Hall at maging sa pangangaral, bagaman hindi siya kailanman nabautismuhan. Subalit, nang siya’y nasa mga huling taon na ng kaniyang pagkatinedyer siya’y huminto ng pakikisama sa mga Saksi. Patuloy na lumubha ang kaniyang masamang kalagayan, hanggang sa mapariwara ang kaniyang buhay. Bagaman sinasabi niyang naniniwala pa rin siya sa maraming bagay na kaniyang natutuhan sa Bibliya, ito’y hindi sapat upang magtulak sa kaniya na manumbalik sa organisasyon ni Jehova. Bakit nga ba ganito ang damdamin ni Bob?
Narito pa ang isang halimbawa. Si David ay naging isang buong-panahong ministro nang may ilang taon. Manakanaka, sa kaniyang isip ay nagtatalo ang mga katanungan tungkol sa mga ilang turo ng Bibliya. Subalit sa tuwina’y napagtatagumpayan niya ang mga problema sa pamamagitan ng pangangatuwiran na tulad ng sa paglutas sa isang palaisipang jigsaw, na ang isang tao ay hindi naman sumusuko dahil lamang sa ang isa o dalawang piraso ay waring sa primero hindi umaakma. Siya noon ay kontento na maghintay kay Jehova para sa kaliwanagan. Subalit dumating ang panahon, nadama ni David na hindi na niya mabigyang-kasiyahan ang kaniyang sarili sa ganiyang paraan. Siya’y nagbitiw sa kaniyang mga pribilehiyo sa paglilingkod, at di-nagtagal ay humiwalay na siya sa katotohanan. Ano ba ang sanhi ng pagbabago ng kaniyang kaisipan?
Tunay, nakalulungkot makitang ang ating mga mahal sa buhay ay umaatras sa pagtakbo sa karera ng buhay. Walang alinlangan, ibig nating magawa ang lahat na magagawa natin upang makatulong sa kanila. (2 Corinto 12:15; Galacia 5:7) Subalit ano bang talaga ang sanhi ng paghiwalay ng isang tao sa katotohanan? Ano ang magagawa upang tulungan ang gayong tao na manumbalik sa takbuhan? At ano ang dapat na gawin ng isang tao kung unti-unting umuusbong sa kaniya ang ganiyang mga hilig?
Puso, Budhi, at Pananampalataya
May isang bagay na kapuna-puna tungkol sa mga taong umalis sa katotohanan. Karamihan sa kanila ay nagsialis hindi dahil sa hindi na sila naniniwala na ito ang katotohanan. Sa kabaligtaran pa nga, marami sa kanila ang nagsasabi, “Batid ko na ito ang katotohanan, ngunit . . .” o, “Kung mayroon mang katotohanan, batid ko na ito na nga.” Sa kaibuturan ng kanilang puso, marami sa kanila ang naniniwala pa rin na ang kanilang natutuhan buhat sa Bibliya ang siyang katotohanan. Subalit sa papaano man sila ay bumagal at nawalan ng sigasig. Sinabi ni Santiago: “Ang pananampalatayang walang mga gawa ay patay.”—Santiago 2:26.
Kasangkot sa tunay na pananampalataya ang higit pa kaysa sa pagkakaroon lamang ng kaalaman o paniniwala na ang isang bagay ay totoo. Imbis na pagiging isang bagay lamang na nasa isip, kasangkot sa pananampalataya ang makasagisag na puso, sapagkat ang Bibliya ay nagsasabi sa atin: “Sa puso nananampalataya ang tao sa ikatutuwid.” (Roma 10:10) Makatuwiran, kung gayon, na ang puso ang tinutukoy ng Bibliya na pinagmumulan ng suliranin pagka ang isang tao’y nagsimula nang lumihis. Gaya ng babala ni Pablo: “Mag-ingat kayo, mga kapatid, baka ang sinuman sa inyo’y tubuan ng isang masamang puso na kulang ng pananampalataya na maghihiwalay sa inyo sa Diyos na buháy.”—Hebreo 3:12.
Upang patunayan na lubhang kasangkot ang puso, pakinggan natin si Diane, na napahiwalay. Nang ang mga kapuwa Kristiyano’y nagsikap na tulungan siya, siya’y prangkahang nagsabi, “Hindi na ako makababalik kay Jehova. Hindi ko siya mahal!” Batid niya na ang tanging makatutulong sa kaniya upang huwag humiwalay sa Diyos na Jehova ay ang pag-ibig niya sa kaniya bilang isang Persona at ang Isang karapat-dapat sa kaniyang pagmamahal. Sa katunayan, ang uring ito ng pag-ibig ang gumanyak sa kaniya upang mag-alay ng kaniyang buhay kay Jehova unang-una. Subalit sa papaano man ay wala na siyang nadaramang gayong pag-ibig. Kung wala iyon, batid niya na siya’y magkukunwari lamang sa kaniyang pagbabalik. Subalit papaano nga ba nawawalan ang isang tao ng pag-ibig na dati’y damang-dama niya?
Bueno, may binanggit si Pablo na “isang masamang puso na kulang ng pananampalataya.” Sa mga ilang kaso, ang gayong kakulangan ng pananampalataya ay bunga ng pagpapadala sa puso na maghangad ng isang bagay na ipinagbabawal ng Diyos na Jehova o pagsalungat sa isang bagay na kaniyang iniuutos. Sa ganoo’y nababahagi ang puso at hindi na lubusang nakaukol kay Jehova. Pagkatapos, sa pagkadama na ang hakbangin ng isa ay hindi sinasang-ayunan ng Diyos, ang madaling paraan upang makaiwas sa patuloy na pakikipagbanggaan ay ‘humiwalay sa Diyos na buháy.’ (Ihambing ang Genesis 3:8-10.) Sa halip na magsisi, ang “masamang puso” ay nag-uudyok sa isa na pawiin na sa kaniyang buhay si Jehova at ang kaniyang layunin. Ganiyan humihiwalay sa katotohanan ang taong nawawalan ng pananampalataya.
Sa mga ibang pagkakataon naman, imbis na sumbatan siya ng kaniyang budhi dahil sa kaniyang maling hakbangin, ang isang tao’y nagpapadala sa kaniyang nadayang puso na umiwas ayon sa matalinong paraan sa pamamagitan ng pag-aalinlangan, paghanap ng kasiraan, o dili kaya’y apostasya. Kung kaniyang mapaniniwala ang kaniyang sarili na ang buong balangkas ng kaniyang pananampalataya ay mali hindi na niya nadarama ang obligasyon na mamuhay ayon sa pamantayan niyaon. Ang gayong mga tao ay magtatakuwil ng isang mabuting budhi at ‘nababagabag tungkol sa kanilang pananampalataya.’—1 Timoteo 1:19.
Kung sa bagay, baka may ibang dahilan kung bakit ang isang tao’y umaalis sa katotohanan. Subalit ano man iyon, sa halos lahat ng kaso’y puso ang nasasangkot. Kaya naman, napapanahon nga ang payo: “Higit sa lahat na dapat ingatan, pakaingatan ang iyong puso, sapagkat dinadaluyan ng buhay.”—Kawikaan 4:23.
Maaaring Makabalik
Lakas ng loob ang kailangan upang aminin na ang ating mga maling hilig ang sanhi ng pagkawala ng ating pananampalataya. Subalit ang paggawa ng ganiyan ang unang hakbang upang tayo’y makabalik sa isang matatag na kaugnayan kay Jehova. Ang karanasan ni Steve, isang payunir sa Inglatera, ang mainam na halimbawa sa bagay na ito.
Bagaman hindi naman tuluyang napahiwalay si Steve sa katotohanan, minsan ay nakadama siya ng kawalang-saysay at kakapusan ng matatag na paniniwala. Sa kaniyang pangangaral sa iba, para bang sa kaniyang sariling pandinig ay walang kabuluhan ang kaniyang sinasabi. Pagka naman kasama si Steve ng kaniyang espirituwal na mga kapatid, siya’y parang kimi, na para bagang hindi siya isa sa kanila.
Nakatutuwa naman, nakilala ni Steve na siya pala ang may diperensiya. “Hindi ako nakagawa ng pagkakamali na ibukod ang aking sarili upang mag-isang pag-isipan ang mga bagay-bagay, na animo’y may makukuhang inspirasyon sa di-sakdal na laman na magbibigay ng tamang mga kasagutan,” ang sabi pa ni Steve. (Ihambing ang Roma 7:18.) Bagkus, kaniyang natanto na kailangang saliksikin niya ang kaniyang puso at buwagin ang mapanlinlang na mga hangaring humihila sa kaniya upang humiwalay sa katotohanan. Pinasimulan niya sa mismong pundasyon, at siya’y kumilos upang muling pagtibayin ang kaniyang pag-ibig sa Diyos at pananampalataya sa Kaniyang Salita. Ngayon, si Steve ay maligayang naglilingkod bilang isang misyonero.
Kung Papaano Makatutulong ang Iba
Hindi lahat ng napahiwalay o lumuluwag ang kapit sa katotohanan ay may malinaw na pangitain na gaya ni Steve. Sa katunayan, kadalasa’y itong pagkawala ng malinaw na pangitaing espirituwal ang humahantong sa pagbagsak. Dito makatutulong ang mga kapuwa Kristiyano. (Roma 15:1; Galacia 6:1) Subalit papaano magagawa ito sa pinakamagaling na paraan?
Maliwanag, hindi sapat na anyayahan o himukin ang gayong tao na magbalik. Kailangang makilala ang mga nakahahadlang at alisin iyon. Kailangang antigin ang puso ng taong nanghina o naging inaktibo. Prangkahan, ngunit may kabaitang, puso-sa-puso na pakikipag-usap ang maaaring makatulong sa taong kinauukulan. Gamitin ang mga tekstong gaya ng nasa 1 Timoteo 1:19, Hebreo 3:12, at Jeremias 17:9, 10 upang matulungan siya na magsaliksik nang malalim sa kaniyang puso at makita kung ano ang dahilan na ‘naghihiwalay sa kaniya sa Diyos na buháy.’
Minsang nakilala ang mga dahilan, pagsikapan na siya’y makausap. Ang isang may-kapansanang pisikal na puso ay nangangailangan ng pag-aasikaso at marahil ng masakit na operasyon kung nais nating mabuhay ang pasyente. Nakakatulad din iyan ng isang may-karamdamang makasagisag na puso. Mga maling hangarin, ang hilig na magsarili, o iba pang mga bagay na naging dahilan ng paglihis ng puso ay kailangang maalis kung ibig na yao’y mapasauli sa dati. Ang aktibong mga Kristiyano ay makabubuting manalangin kasama ng taong inaktibo, at makipag-aral sa kaniya ng Bibliya kung inaakala ng matatanda na ito’y kailangan. Sa ganiyan lamang paraan maaaring muling mapasigla ang puso at ang taong iyon ay muling umibig kay Jehova minsan pa.—Kawikaan 2:1-5.
Ito’y nagkatotoo sa kaso ni Diane. Ang pakikipag-usap sa may-gulang na mga Kristiyano ang tumulong sa kaniya upang makilala kung ano ang kailangang gawin niya upang muling paningasin ang kaniyang pag-ibig kay Jehova. Sa pagkatanto na kailangang matalik na makilala niya si Jehova minsan pa, tinanggap ni Diane ang iniaalok na tulong. Pagkatapos mag-aral ng Bibliya sa loob ng isang taon, siya at ang kaniyang asawa ay muli na namang naging masisiglang tagapuri kay Jehova.
Yamang sa pag-ibig ay nasasangkot ang pagkilos, kadalasa’y ang paggawa ng sinasabi ni Jehova at pagkaranas ng kaniyang maibiging tulong ang napatutunayang pinakamabisa. Oo, ang pagkilos ang tumutulong sa isang tao upang muling makamit ang pag-ibig na gumanyak sa kaniyang puso noong una. (Awit 34:8) Ito’y maaaring magsimula sa pagkilos upang malabanan ang mga maling hangarin o maituwid ang di-nararapat na mga hilig ng puso. Bawat tagumpay sa labanang ito ay isang pasulong na hakbang sa pag-uuli ng puso upang mapabalik kay Jehova. (Kawikaan 23:26; 1 Pedro 2:1-3) Habang nahihikayat ang puso, lumalaki naman ang hangarin na ibahagi sa iba ang naroroon sa puso. Kung gayon, sa mga sandaling ang dating di-aktibong mga mamamahayag ng Kaharian ay kuwalipikado na, sila’y dapat tulungan na magkaroon ng bahagi sa gawaing pangangaral, sapagkat “sa puso nananampalataya ang tao sa ikatutuwid, subalit sa pamamagitan ng bibig ginagawa ang pagpapahayag sa madla ukol sa ikaliligtas.”—Roma 10:10.
Para sa sinumang nag-aakalang sila’y wala nang pagmamahal kay Jehova, ang daang pabalik sa isang maka-Diyos na buhay ay marahil mahaba at mahirap na lakaran. Gayunman, ang muling pagsasauli ng espirituwalidad ni Steve at ni Diane ay patotoo na maaaring gawin ang pagbabago ng puso. Oo, posibleng makabalik sa pamamagitan ng tulong ng espiritu ni Jehova, ng pagkakapit ng kaniyang Salita, at ng muling pakikipagtulungan sa kaniyang organisasyon. Aming taimtim na inaasahan at idinadalangin na ang ganiyang mga tao ay matulungan upang minsan pa’y magalak sa pagsamba at banal na paglilingkod kay Jehova bilang mga taong buong-pusong umiibig kay Jehova.—Marcos 12:30; 1 Corinto 13:8; 3 Juan 1-4.