Mag-ingat Laban sa Pagkamanhid sa Kasalanan!
SIYA’Y kasundung-kasundo ng kaniyang mga kapatid na Kristiyano. Palakaibigan at mahilig makipagkapuwa, siya at ang kaniyang matalinong munting nene ay palaging magkasama sa paglilingkod sa larangan at sa mga pulong. Subalit nabalitaan ng mga matatanda sa kongregasyon na siya pala ay lantarang naninigarilyo pagka nasa kaniyang trabaho—doon mismo sa harap ng mga kapuwa Saksi! Nang ito’y itawag-pansin sa kaniya, inamin niya na siya’y naninigarilyo at nakikiapid, at mahinahong nagsabi: “Sa palagay ko’y ibig ko nang umatras sa katotohanan sa sandaling ito.” Pinatigas siya ng kasalanan.
Sa Hebreo 3:13 ipinaalala ni apostol Pablo na ang isang tao ay maaaring “pagmatigasin ng daya ng kasalanan.” At nangyari nga iyan sa ating unang mga magulang, sina Adan at Eva. Nang sila’y kausapin dahil sa kanilang pagsuway, ganito ang matigas na pagdadahilan ni Adan: “Ang babaing ibinigay mo upang makasama ko, siya ang nagbigay sa akin ng bungangkahoy na galing sa punungkahoy kaya ako kumain.” Anong laki ng ipinagbago ni Adan mula sa araw ng kaniyang unang masilayan ang kaniyang marikit na kabiyak na nag-udyok sa kaniya na magsabi: “Ito nga ay buto ng aking mga buto at laman ng aking laman.” Ngayon si Eva “ang babae na ibinigay mo upang makasama ko.” Ang sinisi naman ni Eva ay ang ahas.—Genesis 2:23; 3:1-13.
Ang isa pang taong pinatigas ng kasalanan ay si Judas Iscariote. Marahil sa pasimula ay mayroon siyang isang mabuting puso, sapagkat kung hindi gayon ay hindi siya pipiliin ni Jesus bilang isang apostol. Subalit pagkatapos na sawayin ni Jesus noong minsan, si Judas ay nagdamdam at pinag-isipan na niya na ipagkanulo ang kaniyang Panginoon. (Mateo 26:6-16) Nang isiwalat ni Jesus na isa sa 12 ang magkakanulo sa kaniya, si Judas, na anyong walang malay ay nagtanong: “Hindi ako iyon, ano?” (Mateo 26:25) Tanging ang isang pusakal na makasalanan ang makapananatili na may gayong pagpapakunwari. At nang ang mga kawal ay pumaroon upang dakpin si Jesus, ang pinili ni Judas, sa lahat ng anupaman, ay yaong sinaunang palatandaan ng init ng damdamin at pagkakaibigan—ang halik—bilang tanda na pagkakakilanlan. “Judas,” ang tanong ni Jesus, “ipinagkakanulo mo ba ang Anak ng tao ng isang halik?”—Lucas 22:48.
Kung Paano Nagiging Manhid sa Kasalanan
Paano nadadaig ng kasalanan ang isang tao? Sa Hebreo 3:7-11 ipinakikita ni Pablo kung paanong ang kasalanan na kakulangan ng pananampalataya ang naging sakit ng bansang Israel. Sinipi ni Pablo ang Awit 95:7-11 at sinabi: “Sa dahilang ito, gaya ng sinasabi ng banal na espiritu: ‘Sa araw na ito kung marinig ninyo ang kaniyang sariling tinig, huwag ninyong pagmatigasin ang inyong mga puso gaya nang mapukaw ang mapait na galit, gaya ng araw ng pagsubok na kayo’y nasa ilang, na doon ako tinukso ng inyong mga ninuno nang ako’y ilagay nila sa pagsubok, bagaman nakita nila ang aking mga gawa ng apatnapung taon. Kaya naman ako’y namuhi sa salinlahing ito at sinabi ko, “Lagi silang nagkakamali sa kanilang mga puso, at hindi nila nakikilala ang aking mga daan.” Anupa’t isinumpa ko dahil sa aking galit, “Sila’y hindi papasok sa aking kapahingahan.”’”
Ang okasyon “nang mapukaw ang mapait na galit” ay doon sa dakong tinatawag na Meriba at Massa. (Awit 95:8) Doon, hindi pa naluluwatan nang sila’y makahimalang iniligtas sa Ehipto, “ang bayan ay nakipagtalo kay Moises at nagsabi: ‘Bigyan mo kami ng tubig na aming maiinom.’” (Exodo 17:2) Tandaan, nasaksihan na nila ang sampung salot na sumalanta sa Ehipto, ang pagkahati ng daluyong ng tubig ng Dagat na Pula, at ang pag-ulan ng manna buhat sa langit. Gayunman sila’y ‘nagkamali sa kanilang puso.’ Haling na haling sila sa kanilang sariling mapag-imbot na mga pita upang pag-isipan ang mga gawa ni Jehova. Kaya hindi nila ‘nakilala ang mga daan ng Diyos’ at hindi nagtiwala na sila’y mapaglalaanan ni Jehova sa ilalim ng anumang mga kalagayan. “Bigyan mo kami ng tubig!” ang hiniling nila, na para bagang hindi kayang gawin ng Diyos na humati sa dagat. Hindi nga kataka-taka na nang malaunan ang pinili nila’y ang maniwala sa masamang balita ng sampung matatakuting mga espiya na nagmatyag sa Lupang Pangako. (Bilang 13:32–14:4) Dahilan sa gayong kawalan ng pananampalataya, sinabi ni Jehova: “Sila’y hindi papasok sa aking dakong-pahingahan.”—Awit 95:11.
Bilang aral na matututuhan dito, si Pablo ay nagbabala: “Mag-ingat kayo, mga kapatid, baka ang sinuman sa inyo ay tubuan ng isang masamang puso na kulang ng pananampalataya, na maghihiwalay sa inyo sa Diyos na buháy; ngunit laging magpaalalahanan sa isa’t isa araw-araw, samantalang sinasabing ‘Ngayon,’ sapagkat baka sinuman sa inyo’y pagmatigasin ng daya ng kasalanan.” (Hebreo 3:12, 13) Ang “kasalanan” ng mga Israelita ay kawalan ng pananampalataya. (Tingnan ang Hebreo 3:19; ihambing ang 12:1.) Ito ang dahilan ng kanilang ‘paglayo sa Diyos na buháy,’ ng pagkawala ng buong tiwala kay Jehova, sa kabila ng lahat ng himala na kaniyang ginawa. Hindi nila naiwasan noon ang pag-urong ng kanilang moral.
Ang kawalan ng pananampalataya ay maaaring maging dahilan para ang isang Kristiyano’y ‘magkamali sa kaniyang puso,’ padala sa likas na hilig ng puso. “Ang puso ay higit na magdaraya kaysa anupaman at mapanganib. Sino ang makakaalam nito?” (Jeremias 17:9, 10) Mga maling kaisipan at pita ang pumapasok sa puso, at ito ang nagiging sanhi ng sunud-sunod na kapaha-pahamak na pagkilos. “Bawat isa ay natutukso pagka nahihila at nahihikayat ng kaniyang sariling pita. Kung magkagayon, ang pita kapag naglihi na ay nanganganak ng kasalanan; ang kasalanan naman, kapag naisagawa na, ay nagbubunga ng kamatayan.”—Santiago 1:14, 15.
Pagka Naging Manhid sa Kasalanan ang Isang Tao
Isang lalaki ang nagtatamasa noon ng maraming pribilehiyo bilang isang hinirang na matanda, bagaman naikukubli niya ang kaniyang pagkakasala bilang isang mapakiapid. Kahit na pagkatapos na siya’y magkaasawa, gumagawa pa rin siya ng imoralidad. Gayunman, patuloy na siya’y nagpapakunwari na walang sala, nagiging miyembro pa rin ng hukumang komite na humahatol sa iba. Siya noon ay nagsimula na maging manhid sa kasalanan. Hindi nagtagal at siya’y nag-alinlangan na kahit sa mga saligang turo ng Bibliya. Sa wakas ay napilitan siyang ipagtapat ang kaniyang pagkakamali, at nagkibit lamang siya ng balikat at nagsabi: “Ano ngayon sa akin?”
Dahilan sa patuloy na pagpapaimbabaw ay maaaring maging manhid ang budhi ng isang tao na parang iyon ay hinerohan “ng isang nagbabagang bakal.” (1 Timoteo 4:2) Sa Kawikaan ay ipinaghahalimbawa ito sa pagsasabi: “Ganito ang lakad ng mangangalunyang babae: siya’y kumakain at nagpapahid ng kaniyang bibig at kaniyang sinasabi: ‘Hindi ako gumagawa ng masama.’” (Kawikaan 30:20) Ganito pa rin ang nasa isip ng manhid na makasalanan: “Nakalimot na ang Diyos. Kaniyang ikinubli ang kaniyang mukha.” (Awit 10:11) At mentras naglulubalob sa pagkakasala ang isang tao, ang kaniyang puso ay lalo namang nagiging “manhid kagaya ng sebo.” (Awit 119:70) Inamin ng isang kabataan: “Nang unang magkasala ako ng pakikiapid, talagang durog na durog ang kalooban ko. Subalit pagkatapos, sa tuwing gagawin ko iyon ay para bang walang anuman, hanggang sa umabot sa punto na kung saan wala na akong anumang pagkabahala.”
Oo, ang puso ay humahanap ng mga paraan upang ipangatuwiran ang gawang masama. Isang lalaking kabataan, pagkatapos na magkasala ng pakikiapid sa kaniyang nobya, ang pumigil dito para huwag ipaalam iyon sa mga hinirang na matatanda at siya’y nagsabi: “Pakakasal naman tayo! At alam mo, sinasabi ng Bibliya na pagka ang dalawa’y nagpasiya na sila’y para nga sa isa’t isa, sa mata ni Jehova sila’y mistulang kasal na.” Isang mapag-imbot at mapandayang pangangatuwiran nga! Nakalulungkot sabihin, sila’y namihasa sa gawang pagkakasala na humantong sa pagpatay—ang aborsiyon! Nang bandang huli ay inamin ng babae: “Talagang ikaw ay nagiging manhid na nga, at ngayo’y inaakala mo na masasaway mo ang iyong sarili.” Isang kabataang lalaki na nahulog din sa gayong pamimihasa sa pakikiapid ang nagpahayag: “Katulad lamang iyan ng isang alkoholiko na nagsasabi, ‘Puede naman akong huminto kailan ma’t gusto ko. Hayaan ninyong lumagok ako ng isa na lamang lagok.’ Kaya’t patuloy na ipinagpapaliban mo ang pagpunta sa matatanda.” Ang nagkakasala ay nagiging totoong sanay sa panlilinlang sa iba na anupa’t kaniyang nililinlang na rin ang kaniyang sarili. “Sapagkat siya’y nanghihibo ng kaniyang sariling mga mata, na ang kaniyang kasamaan ay hindi masusumpungan upang kapootan iyon.”—Awit 36:2.
Ang Pag-iwas sa Silo ng Kasalanan
Yamang “sa puso nananampalataya ang tao,” kailangang gawin ng isang Kristiyano ang kaniyang buong kaya upang maingatan ito. (Roma 10:10; Kawikaan 4:23) Ang panalangin, mga pulong, at personal na pag-aaral ang tutulong sa atin na punuin ang ating mga puso ng nagpapatibay na mga kaisipan. Totoo, masasamang kaisipan ang papasok sa ating isip manakanaka. Subalit kung magkagayon, basta tanggihan natin na mapapako roon ang ating isip. Lumapit tayo kaagad-agad kay Jehova sa panalangin sakaling tayo’y natutukso na gumawa ng masama. (Awit 55:22) At ‘huwag hayaang ang pakikiapid at anumang uri ng karumihan o kasakiman ay sambitin man lamang sa gitna natin, gaya ng nararapat sa mga taong banal.’ (Efeso 5:3) Sa ganitong paraan ang sunud-sunod na pagkilos na “nanganganak ng kasalanan” at kamatayan ay napipigil na bago pa man magpasimula.
Alalahanin din na ang katuwaang nakakamit sa kasalanan ay “pansamantala” lamang. (Hebreo 11:25) Sa malao’t-madali “ikaw ay maaabutan ng iyong kasalanan,” at mapapaharap ka sa masaklap na mga kalagayan. (Bilang 32:23) Tanungin ang iyong sarili: ‘Talaga bang ibig kong ako’y maging manhid sa kasalanan? Bagama’t ito’y baka nakalulugod sa akin ngayon, ano ang ibubunga nito sa akin sa bandang huli?’
Subalit, ano kung sa kasalukuyan ay nasilo na ang isa sa paglakad sa landas ng gawang masama? Huwag isipin na ang isa’y maaaring “magbayad” sa kasalanan kung siya’y biglang sisigla sa paggawa ng gawaing Kristiyano. “Ang mga hain sa Diyos ay isang bagbag na kalooban,” ang sabi ng nagsising si Haring David. (Awit 51:17) Ang payo ng Bibliya sa mga maysakit sa espirituwal ay: Lumapit sa matatanda! (Santiago 5:14, 15) Gagawin ng maygulang na mga lalaking ito ang buong kaya nila upang tulungan ang isang maysakit para mapabalik sa espirituwal na kalusugan. Ayon iyon sa sinasabi ng Bibliya: “Siyang nagtatakip ng kaniyang mga pagsalansang ay hindi magtatagumpay, ngunit ang nagtatapat niyaon at umaalis doon ay kahahabagan.” (Kawikaan 28:13) Ganito ang sabi ng isang lalaki pagkatapos na maipagtapat ang kaniyang kasalanan sa matatanda: “Para bang naalisan ako ng isang napakabigat na pasanin sa aking balikat.”—Ihambing ang Awit 32:1-5.
Habang ang sanlibutang ito ay lalong nagiging balakyot, lalo namang lálakí ang hamon sa isang Kristiyano na manatili sa kaniyang katapatan. Subalit, alalahanin: “Bagaman ang makasalanan ay gumawa ng kasamaan na makaisang daang beses at magpatuloy na matagal ayon sa kaniyang kagustuhan, . . . mabuti ang kalalabasan para sa mga natatakot sa tunay na Diyos.” (Eclesiastes 8:12) Kaya’t matakot kay Jehovang Diyos! Kaniyang ilalayo ka sa pagkamanhid sa kasalanan.
[Larawan sa pahina 24]
Ang mga Israelita ay nagpakita ng manhid na kalooban nang sila’y humingi ng tubig kay Moises