Pagkakilala kay Jehova sa Pamamagitan ng Kaniyang Salita
“Ito’y nangangahulugan ng buhay na walang-hanggan, ang kanilang pagkuha ng kaalaman tungkol sa iyo, ang tanging tunay na Diyos, at sa isa na iyong isinugo, si Jesu-Kristo.”—JUAN 17:3.
1, 2. (a) Ano ba ang kahulugan ng “pagkakilala” at “kaalaman” ayon sa pagkagamit sa Kasulatan? (b) Anong mga halimbawa ang nagpapaliwanag ng ganitong kahulugan?
ANG pagkakilala sa kaninuman bilang isang kakilala lamang o ang pagkakaroon ng kaalaman sa isang bagay sa isang mababaw na paraan ay malayo sa kahulugan ng mga salitang “pagkakilala” at “kaalaman” ayon sa pagkagamit sa Kasulatan. Sa Bibliya ito’y kinasasangkutan ng “gawang pagkakilala sa pamamagitan ng karanasan,” isang kaalaman na nagpapahayag ng “isang kaugnayan ng pagtitiwala sa pagitan ng mga persona.” (The New International Dictionary of New Testament Theology) Kasali na riyan ang pagkakilala kay Jehova sa pamamagitan ng pagsasaalang-alang ng espesipikong mga gawa niya, tulad baga ng maraming kaso sa aklat ni Ezekiel na kung saan isinagawa ng Diyos ang mga kahatulan laban sa mga manggagawa ng masama, na nagsasabi: ‘At inyong makikilala na ako ay si Jehova.’—Ezekiel 38:23.
2 Ang sari-saring paraan ng paggamit sa “pagkakilala” at “kaalaman” ay maliliwanagan sa tulong ng ilang halimbawa. Sa maraming nag-aangking may nagawa sa pamamagitan ng kaniyang pangalan, sinabi ni Jesus, “hindi ko kayo nakikilala”; ang ibig niyang sabihin ay wala siyang kinalamang anuman sa kanila. (Mateo 7:23) Ang 2 Corinto 5:21 ay nagsasabi na si Kristo’y “hindi nakakilala ng kasalanan.” Hindi ibig sabihin niyan na siya’y walang kamalayan sa kasalanan kundi, na siya’y hindi nagkaroon ng anumang personal na pagkasangkot dito. Sa katulad na paraan, nang sabihin ni Jesus: “Ito’y nangangahulugan ng buhay na walang-hanggan, ang kanilang pagkuha ng kaalaman tungkol sa iyo, ang tanging tunay na Diyos, at sa isa na iyong isinugo, si Jesu-Kristo,” higit pa ang saklaw nito kaysa pagkaalam lamang ng isang bagay tungkol sa Diyos at kay Kristo.—Ihambing ang Mateo 7:21.
3. Ano ang nagpapatotoo na nagbibigay si Jehova ng isang mapagkakakilanlang tanda ng tunay na Diyos?
3 Marami sa mga katangian ni Jehova ay maaaring makilala sa pamamagitan ng kaniyang Salita, ang Bibliya. Isa sa mga ito ay ang kaniyang kakayahang humula nang may kawastuan. Ito ay isang palatandaan ng tunay na Diyos: “Ilabas nila at ipahayag sa amin ang mga bagay na mangyayari. Ang mga unang bagay—kung ano ang mga iyon—ipahayag ninyo, upang aming maisapuso at malaman ang hinaharap niyaon. O pangyarihin ninyo na marinig namin maging ang mga bagay na darating. Sabihin ninyo ang mga bagay na darating pagkatapos, upang aming makilala na kayo ay mga diyos.” (Isaias 41:22, 23) Sa kaniyang Salita, sinasabi ni Jehova ang mga unang bagay tungkol sa paglalang sa lupa at sa buhay na naririto. Malaon pa ay sinabi na niya ang mga bagay na mangyayari sa bandang huli at nangyari naman. At kahit na ngayon kaniyang “pinangyayaring marinig natin maging ang mga bagay na darating,” lalo na ang mga bagay na mangyayari sa “mga huling araw” na ito.—2 Timoteo 3:1-5, 13; Genesis 1:1-30; Isaias 53:1-12; Daniel 8:3-12, 20-25; Mateo 24:3-21; Apocalipsis 6:1-8; 11:18.
4. Papaano ginamit ni Jehova ang taglay niyang kapangyarihan, at papaano pa niya ito gagamitin?
4 Ang isa pang katangian ni Jehova ay ang taglay niyang kapangyarihan. Ito’y makikita sa sangkalangitan na kung saan ang mga bituing nagsisilbing isang napakalaking hurno ay nagsasabog ng liwanag at init. Pagka hinamon ng mapaghimagsik na mga tao o mga anghel ang pagkasoberano ni Jehova, kaniyang ginagamit ang kaniyang kapangyarihan bilang “isang magiting na mandirigma,” na ipinagtatanggol ang kaniyang mabuting pangalan at matuwid na mga pamantayan. Sa gayong mga pagkakataon ay hindi siya nag-aatubiling magpakawala ng lubhang nakapipinsalang lakas, tulad ng Baha noong kaarawan ni Noe, nang puksain ang Sodoma at Gomora, at nang iligtas ang Israel noong tumawid sa Mapulang Dagat. (Exodo 15:3-7; Genesis 7:11, 12, 24; 19:24, 25) Hindi na magtatagal, gagamitin ng Diyos ang kaniyang kapangyarihan upang “durugin si Satanas sa ilalim ng inyong mga paa.”—Roma 16:20.
5. Kalakip ng kaniyang kapangyarihan, ano pa ang katangian ni Jehova?
5 Gayunman, sa kabila ng walang-hanggang kapangyarihang ito, mayroong pagpapakumbaba. Sinasabi ng Awit 18:35, 36: “Ang iyong pagpapakumbaba ay magpapadakila sa akin. Iyong palalakihin ang aking mga hakbang sa ilalim ko.” Dahil sa pagkamapagpakumbaba ng Diyos siya’y “nagpapakababa sa pagtingin sa mga bagay sa langit at sa lupa, ibinabangon ang dukha mula sa alabok; itinataas niya ang maralita mula sa dumi.”—Awit 113:6, 7.
6. Anong katangian ni Jehova ang nagliligtas-buhay?
6 Ang awa ni Jehova sa pakikitungo sa tao ay nagliligtas-buhay. Anong laking awa ang ipinakita kay Manases nang siya’y patawarin, kahit na nakagawa siya ng kakila-kilabot na mga kalupitan! Sinasabi ni Jehova: “Pagka sinabi ko sa balakyot: ‘Tiyak na mamamatay ka,’ at aktuwal na tinalikdan niya ang kaniyang kasalanan at nagsagawa ng katarungan at katuwiran, wala sa kaniyang mga kasalanan na ipinagkasala niya ang aalalahanin pa laban sa kaniya. Siya’y gumawa nang may katarungan at katuwiran. Siya’y tiyak na patuluyang mabubuhay.” (Ezekiel 33:14, 16; 2 Cronica 33:1-6, 10-13) Si Jehova ang masasalamin kay Jesus nang kaniyang ipayo na magpatawad ng 77 ulit, kahit na 7 ulit sa isang araw!—Awit 103:8-14; Mateo 18:21, 22; Lucas 17:4.
Isang Diyos na May Pakiramdam
7. Papaano naiiba si Jehova sa mga diyos ng mga Griego, at anong mahalagang pribilehiyo ang bukás sa atin?
7 Ang mga pilosopong Griego, tulad baga ng mga Epicureo, ay naniniwala sa mga diyos ngunit itinuturing nila ang mga ito na napakalayo sa lupa upang magkaroon ng anumang interes sa tao o maapektuhan ng kaniyang damdamin. Anong laki ng pagkakaiba ng kaugnayan sa pagitan ni Jehova at ng kaniyang tapat na mga Saksi! “Si Jehova ay nalulugod sa kaniyang bayan.” (Awit 149:4) Ang balakyot na mga tao noong bago dumating ang Baha ay nakapagpadama sa kaniya ng panghihinayang at siya’y “nalumbay sa kaniyang puso.” Ang Israel sa pamamagitan ng kaniyang kawalang-katapatan ay nagdulot kay Jehova ng dalamhati at kalumbayan. Sa pamamagitan ng pagsuway ng mga Kristiyano ay maaari nilang pighatiin ang espiritu ni Jehova; subalit, sa kanilang katapatan ay makapagdudulot sila sa kaniya ng kagalakan. Nakapanggigilalas ngang isipin na ang walang-kabuluhang tao sa lupa ay makapagpapalumbay o makapagpapagalak sa Maylikha ng sansinukob! Sa liwanag ng lahat ng kaniyang ginagawa para sa atin, lubhang kamangha-mangha na tayo’y may mahalagang pribilehiyo ng pagpapalugod sa kaniya!—Genesis 6:6; Awit 78:40, 41; Kawikaan 27:11; Isaias 63:10; Efeso 4:30.
8. Papaano ginamit ni Abraham ang kaniyang kalayaan ng pakikipag-usap kay Jehova?
8 Ang Salita ng Diyos ay nagpapakita na ang pag-ibig ni Jehova ang nagpapahintulot na tayo ay magkaroon ng malaking “kalayaan ng pagsasalita.” (1 Juan 4:17) Pansinin ang kaso ni Abraham nang puksain ni Jehova ang Sodoma. Sinabi ni Abraham kay Jehova: “Talaga bang iyong lilipulin ang matuwid kasama ng mga balakyot? Kung sakaling may limampung matuwid na tao sa gitna ng lunsod. Sila ba’y iyong lilipulin at di mo patatawarin ang dakong iyon alang-alang sa limampung matuwid na nasa loob niyaon? . . . Mahirap isipin na gagawin mo iyan. Hindi ba gagawa ng matuwid ang Hukom ng buong lupa?” Anong bigat na mga pananalita para sabihin sa Diyos! Subalit si Jehova ay pumayag na iligtas ang Sodoma kung mayroon doon na 50 taong matuwid. Si Abraham ay nagpatuloy at nagawang ang bilang ay maibaba mula 50 hanggang 20. Nag-alala siya na baka naman siya’y nagiging labis na mapilit. Sinabi niya: “Pakisuyo, huwag nawang magalit si Jehova, kundi payagan sana akong magsalita pa nang minsan: Kung sakaling may masumpungan doon na sampu.” Muling nagparaya na naman si Jehova: “Hindi ko lilipulin iyon alang-alang sa sampu.”—Genesis 18:23-33.
9. Bakit pinayagan ni Jehova si Abraham na magsalita nang gayon, at ano ang maaari nating matutuhan dito?
9 Bakit pinayagan ni Jehova si Abraham na magkaroon ng gayong kalayaan ng pakikipag-usap, upang makapagsalita sa ganitong paraan? Unang-una, batid ni Jehova ang kalumbayan ni Abraham. Alam niya na ang pamangkin ni Abraham na si Lot ay doon nakatira sa Sodoma, at ikinababahala ni Abraham ang kaniyang kaligtasan. At, si Abraham ay kaibigan ng Diyos. (Santiago 2:23) Pagka tayo’y pinagsalitaan nang may kagaspangan ng sinuman, inuunawa ba natin ang damdaming nasa likod ng kaniyang pananalita at isinasaalang-alang ang nagpapagaan ng mga kalagayan, lalo na kung siya ay isang kaibigan na dumaranas ng sakit ng loob? Hindi ba isang kaaliwan na makitang si Jehova ay nagiging maunawain tungkol sa ating paggamit ng kalayaan ng pakikipag-usap, gaya noong siya’y nakikitungo kay Abraham?
10. Papaano tumutulong sa atin sa pananalangin ang kalayaan ng pakikipag-usap?
10 Lalo na pagka ating hinahanap siya bilang “Dumirinig ng [ating] panalangin” ninanasa natin ang kalayaang ito ng pakikipag-usap upang maibuhos natin sa kaniya ang ating kaluluwa, pagka tayo’y lubhang nalulumbay at nababalisa. (Awit 51:17; 65:2, 3) Kahit na sa mga panahon na kinakapos tayo ng mga pananalita, “ang espiritu mismo ang nagmamakaawa para sa atin taglay ang mga hibik na di-mabigkas,” at nakikinig naman si Jehova. Maaari niyang maalaman ang ating mga iniisip: “Iyong nauunawa ang aking pag-iisip sa malayo. Sapagkat wala pa ang salita sa aking dila, ngunit, narito! Oh Jehova, alam mo nang lahat.” Magkagayon man, tayo’y dapat patuloy na humingi, humanap, at kumatok.—Roma 8:26; Awit 139:2, 4; Mateo 7:7, 8.
11. Papaano ipinakikita na talagang mahal tayo ni Jehova?
11 Si Jehova ay nagmamahal. Siya’y naglalaan para sa buhay na kaniyang nilalang. “Ang mga mata ng lahat ay naghihintay sa iyo, at iyong ibinibigay sa kanila ang kanilang pagkain sa takdang panahon. Binubuksan mo ang iyong kamay at sinasapatan ang naisin ng bawat bagay na may buhay.” (Awit 145:15, 16) Tayo’y inaanyayahan na masdan kung papaano niya pinakakain ang mga ibon sa gubat. Pagmasdan ang mga lirio sa parang, kung gaano kaganda niyang dinamtan ang mga ito. Sinabi pa ni Jesus na higit pa ang gagawin niya para sa atin kaysa kaniyang ginagawa para sa kanila. Kaya bakit tayo mababalisa? (Deuteronomio 32:10; Mateo 6:26-32; 10:29-31) Sa 1 Pedro 5:7 ay inaanyayahan kayo na “ilagak sa kaniya ang lahat ng inyong kabalisahan, sapagkat kayo’y ipinagmamalasakit niya.”
“Ang Tunay na Larawan ng Kaniyang Sarili”
12, 13. Bukod sa pagkakilala kay Jehova sa pamamagitan ng kaniyang paglalang at ng kaniyang mga gawang nakasulat sa Bibliya, papaano pa natin nakikita at naririnig siya?
12 Ating makikita ang Diyos na Jehova sa pamamagitan ng kaniyang mga nilalang; ating makikita siya sa pamamagitan ng pagbabasa sa Bibliya ng kaniyang mga ginawa; makikita rin natin siya sa pamamagitan ng mga salita at mga gawang naisulat tungkol kay Jesu-Kristo. Si Jesus mismo ang nagsasabi niyan, sa Juan 12:45: “Ang nakakita sa akin ay nakakita rin sa nagsugo sa akin.” At, sa Juan 14:9: “Ang nakakita sa akin ay nakakita rin sa Ama.” Sa Colosas 1:15 ay sinasabi: “[Si Jesus] ang larawan ng di-nakikitang Diyos.” Ang Hebreo 1:3 ay nagsasabi: “[Si Jesus] ang sinag ng kaluwalhatian [ng Diyos] at ang tunay na larawan ng kaniyang sarili.”
13 Isinugo ni Jehova ang kaniyang Anak hindi lamang upang maglaan ng isang pantubos kundi upang magpakita rin ng halimbawa na tutularan, kapuwa sa salita at sa gawa. Si Jesus ay nagsalita ng mga pangungusap ng Diyos. Sinabi niya sa Juan 12:50: “Ang mga bagay na sinasalita ko, ayon sa sinabi sa akin ng Ama, ganoon ko sinasalita.” Hindi niya ginawa ang kaniyang sariling kalooban, kundi ginawa niya ang mga bagay na sinabi sa kaniya ng Diyos na gawin. Sa Juan 5:30 ay kaniyang sinabi: “Hindi ako makagagawa ng anuman kung sa ganang aking sarili.”—Juan 6:38.
14. (a) Anong mga nakita ni Jesus ang nagpapangyari sa kaniya na mahabag? (b) Bakit ang paraan ng pagsasalita ni Jesus ay nagpapangyari sa mga tao na humugos upang makinig sa kaniya?
14 Si Jesus ay nakakita ng mga taong ketongin, may kapansanan, bingi, bulag, at inaalihan ng demonyo at ng mga nagdadalamhati sa kanilang mga patay. Palibhasa’y nahabag, kaniyang pinagaling ang mga maysakit at binuhay ang mga patay. Nakita niyang karamihan ay pinagsamantalahan sa espirituwal at nakapangalat, at sinimulan niyang turuan sila ng maraming bagay. Siya ay nagturo hindi lamang sa pamamagitan ng tamang mga salita kundi rin naman ng magagandang pananalita mula sa kaniyang puso na tuwirang pumukaw sa puso ng iba, na siyang naglapit sa kanila sa kaniya, na maagang nagdala sa kanila sa templo upang makinig sa kaniya, na nagpangyaring sila’y patuloy na sumunod at makinig sa kaniya nang may kaluguran. Sila’y humugos upang makinig sa kaniya, sinasabing ‘kailanman ay wala pa silang narinig na ibang taong nagsalita nang katulad nito.’ Sila’y nanggilalas sa kaniyang paraan ng pagtuturo. (Juan 7:46; Mateo 7:28, 29; Marcos 11:18; 12:37; Lucas 4:22; 19:48; 21:38) At nang sikapin ng kaniyang mga kaaway na siluin siya ng mga katanungan, lubusang binaligtad niya ang situwasyon, anupat tumahimik sila.—Mateo 22:41-46; Marcos 12:34; Lucas 20:40.
15. Ano ang pangunahing tema ng pangangaral ni Jesus, at gaano kalawak isinangkot niya ang iba sa pagpapalaganap nito?
15 Kaniyang ibinalita na “ang kaharian ng langit [ay] malapit na” at hinimok ang mga tagapakinig na patuloy na “hanapin muna ang kaharian.” Isinugo niya ang iba pa upang mangaral na “ang kaharian ng langit [ay] malapit na,” upang “gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng bansa,” upang maging mga saksi ni Kristo “hanggang sa kadulu-duluhang bahagi ng lupa.” Sa ngayon halos apat at kalahating milyong Saksi ni Jehova ang sumusunod sa kaniyang mga yapak, sa paggawa ng mga bagay na iyon.—Mateo 4:17; 6:33; 10:7; 28:19; Gawa 1:8.
16. Papaano ang katangian ni Jehova na pag-ibig ay napalagay sa isang matinding pagsubok, subalit ano ang nagawa nito para sa sangkatauhan?
16 “Ang Diyos ay pag-ibig,” ang sabi sa atin sa 1 Juan 4:8. Ang litaw na katangian niyang ito ay napalagay sa pinakamasaklap na pagsubok na maguguniguni nang kaniyang suguin sa lupa ang kaniyang bugtong na Anak upang mamatay. Ang paghihirap ng sinisintang Anak na ito at ang mga panawagan na ipinahatid niya sa kaniyang makalangit na Ama ay tiyak na nagdulot kay Jehova ng matinding kirot at sakit ng damdamin, bagaman pinatunayan ni Jesus na walang katotohanan ang paratang ni Satanas na hindi magkakaroon si Jehova ng bayan sa lupa na mananatiling tapat sa Kaniya sa ilalim ng mahigpit na pagsubok. Dapat din nating pahalagahan ang laki ng ginawang pagsasakripisyo ni Jesus, sapagkat isinugo siya ng Diyos dito upang mamatay alang-alang sa atin. (Juan 3:16) Ito’y hindi isang magaan, dagliang kamatayan. Upang makita ang halaga na ibinayad kapuwa ng Diyos at ni Jesus at sa gayo’y matanto ang laki ng kanilang pagsasakripisyo alang-alang sa atin, suriin natin ang ulat ng Bibliya tungkol sa mga pangyayari.
17-19. Papaano inilarawan ni Jesus ang matinding paghihirap na malapit nang danasin niya?
17 Hindi kukulangin sa apat na ulit, inilarawan ni Jesus sa kaniyang mga apostol kung ano ang mangyayari. Mga ilang araw lamang bago nangyari iyon, sinabi niya: “Narito, aahon tayo sa Jerusalem, at ang Anak ng tao ay ibibigay sa mga pangulong saserdote at sa mga eskriba, at siya’y kanilang hahatulan ng kamatayan at ibibigay sa mga tao ng mga bansa, at gagawing katatawanan at luluraan at hahagupitin at papatayin siya.”—Marcos 10:33, 34.
18 Naramdaman ni Jesus ang kagipitan na mapapaharap sa kaniya, na nauunawaan ang mga kakilabutan ng panggugulpi ng mga Romano. Ang katad na mga bahagi ng pamalo na ginamit sa panghahagupit ay may nakabaon na mga piraso ng metal at mga buto ng tupa; kaya habang nagpapatuloy ang panghahagupit, ang likod at mga paa ay naging parang sira-sirang piraso ng nagdurugong laman. Mga ilang buwan bago pa noon, ipinaalám ni Jesus ang sakit ng damdamin na nililikha sa kaniya ng dumarating na pagpapahirap na yaon, anupat sinasabi, gaya ng mababasa natin sa Lucas 12:50: “Oo, ako’y may isang bautismo upang ibautismo sa akin, at kung papaano naghihirap ang aking kalooban hanggang sa ito’y matapos!”
19 Lalong tumindi ang panggigipit habang ang panahong iyon ay palapit na. Kaniyang binanggit iyon sa kaniyang makalangit na Ama: “Ngayon ay nagugulumihanan ang aking kaluluwa, at ano ang aking sasabihin? Ama, iligtas mo ako sa oras na ito. Gayunman, dahil dito ay naparito ako sa oras na ito.” (Juan 12:27) Tiyak na si Jehova ay naapektuhang mainam ng ganitong pakiusap buhat sa kaniyang bugtong na Anak! Sa Gethsemane, mga ilang oras bago sumapit ang kaniyang kamatayan, si Jesus ay lubhang nabagabag at sinabi kina Pedro, Santiago, at Juan: “Ang aking kaluluwa ay lubhang namamanglaw, hanggang sa kamatayan.” Makalipas ang ilang sandali binigkas niya kay Jehova ang kaniyang katapusang panalangin tungkol sa paksa: “ ‘Ama, kung ibig mo, ilayo mo sa akin ang sarong ito. Gayunman, huwag mangyari ang aking kalooban, kundi ang iyo.’ Subalit nang siya’y nanlulumo ay patuloy na nanalangin nang lalong maningas; at ang kaniyang pawis ay naging gaya ng malalaking patak ng dugo na tumutulo sa lupa.” (Mateo 26:38; Lucas 22:42, 44) Marahil ito ang tinatawag sa panggagamot na hematidrosis. Ito’y pambihira ngunit maaaring mangyari kung nasa mga kalagayang lubhang nadaraig ng emosyon.
20. Ano ang tumulong kay Jesus na mapagtagumpayan ang kaniyang matinding paghihirap?
20 Tungkol sa panahong ito sa Gethsemane, ang Hebreo 5:7 ay nagsasabi: “Sa mga araw ng kaniyang laman si Kristo ay naghandog ng mga pagsusumamo at pati mga paghiling sa Isa na nakapagligtas sa kaniya buhat sa kamatayan, kasabay ng matinding pagtangis at ng mga luha, at siya’y dininig na may pagsang-ayon dahil sa kaniyang maka-Diyos na takot.” Yamang siya’y hindi iniligtas sa kamatayan ng “Isa na nakapagligtas sa kaniya buhat sa kamatayan,” sa anong diwa dininig na may pagsang-ayon ang kaniyang panalangin? Ang Lucas 22:43 ay sumasagot: “Isang anghel buhat sa langit ang nagpakita sa kaniya at pinalakas siya.” Ang panalangin ay sinagot dahil sa ang anghel na isinugo ng Diyos ang nagpalakas kay Jesus na magtiis samantalang nasa matinding paghihirap.
21. (a) Ano ang nagpapakita na napagtagumpayan ni Jesus ang matinding paghihirap? (b) Pagka tumindi ang ating mga pagsubok, papaano ibig nating makapagsalita?
21 Ito’y maliwanag buhat sa resulta. Nang ang kaniyang panloob na pakikipagpunyagi ay matapos, si Jesus ay tumindig, bumalik kina Pedro, Santiago, at Juan, at ang sabi: “Magsitindig kayo, lumakad na tayo.” (Marcos 14:42) Sa totoo ay kaniyang sinasabi noon, ‘Pabayaan na ninyong umalis na ako upang ipagkanulo sa pamamagitan ng isang halik, upang maaresto ng mga mang-uumog, upang litisin nang labag sa batas, upang hatulan bagaman walang kasalanan. Hayaan ninyong makaalis na ako upang libakin, luraan, hagupitin, at ipako sa isang pahirapang tulos.’ May anim na oras na siya’y nakabayubay roon, sa matinding hirap, nakapagtiis hanggang wakas. Samantalang siya’y naghihingalo, humiyaw siya nang buong pagtatagumpay: “Naganap na!” (Juan 19:30) Nakapanatili siyang matatag at pinatunayan niya ang kaniyang katapatan sa pagtataguyod ng soberanya ni Jehova. Lahat ng iniatas sa kaniya ni Jehova na gawin sa pagkasugo sa kaniya sa lupa ay kaniyang naganap. Kung sakaling tayo ay mamamatay na o pagsapit ng Armagedon, masasabi ba natin tungkol sa ating atas mula kay Jehova: “Naganap na”?
22. Ano ang nagpapakita ng lawak ng paglaganap ng kaalaman ni Jehova?
22 Sa anumang pagkakataon, matitiyak natin na sa mabilisang-dumarating na takdang panahon ni Jehova, “ang [buong] lupa ay tunay na mapúpunô ng kaalaman ni Jehova gaya ng tubig na tumatakip sa mismong dagat.”—Isaias 11:9.
Natatandaan Mo Ba?
◻ Ano ang ibig sabihin ng pagkakilala at ng pagkakaroon ng kaalaman?
◻ Papaano ipinakita sa atin sa kaniyang Salita ang awa at pagpapatawad ni Jehova?
◻ Papaano ginamit ni Abraham ang kalayaan ng pakikipag-usap kay Jehova?
◻ Bakit natin mapagmamasdan si Jesus at sa kaniya ay makita ang mga katangian ni Jehova?