Kilalanin ang Awtoridad ni Jehova
“Ito ang kahulugan ng pag-ibig sa Diyos, na tuparin natin ang kaniyang mga utos; gayunma’y ang kaniyang mga utos ay hindi pabigat.”—1 JUAN 5:3.
1, 2. (a) Bakit hindi nagugustuhan ng karamihan sa ngayon ang ideya na magpasakop sa awtoridad? (b) Talaga bang hindi pumapayag ang mga ayaw magpasakop sa awtoridad na may magdikta sa kanila ng dapat nilang gawin? Ipaliwanag.
PARA sa marami, hindi magandang pakinggan ang salitang “awtoridad.” Hindi nila gusto ang ideya na magpasakop sa ibang tao. “Ayokong may nagdidikta sa akin ng dapat kong gawin,” ang sabi ng mga taong ayaw pumayag magpasakop sa awtoridad. Pero talaga bang hindi pumapayag ang mga taong ito na may magdikta sa kanila ng dapat nilang gawin? Tiyak na hindi! Ang totoo, karamihan sa kanila ay sumusunod lamang sa mga pamantayan ng iba na ‘nagpapahubog ayon sa sistemang ito ng mga bagay.’ (Roma 12:2) Sila ay “mga alipin ng kasiraan,” gaya ng sinabi ng Kristiyanong apostol na si Pedro. (2 Ped. 2:19) Lumalakad sila “ayon sa sistema ng mga bagay ng sanlibutang ito, ayon sa tagapamahala ng awtoridad ng hangin,” si Satanas na Diyablo.—Efe. 2:2.
2 Ipinagmalaki ng isang manunulat: “Hindi ako pumapayag na diktahan ako ng aking mga magulang o ng isang pari o ng isang ministro . . . o ng Bibliya sa kung ano ang tama para sa akin.” Totoo, may ilan na umaabuso sa kanilang awtoridad at maaaring hindi sila karapat-dapat sundin. Pero dahilan ba iyan para sabihing hindi natin kailangan ang anumang patnubay? Makikita sa mga ulo ng balita ng mga pahayagan na higit kailanman, kailangang-kailangan natin ng patnubay. Subalit nakalulungkot, marami sa ngayon ang talagang ayaw nang tumanggap ng patnubay.
Ang Ating Pananaw Hinggil sa Awtoridad
3. Paano ipinakita ng unang-siglong mga Kristiyano na hindi sila basta na lamang sumusunod sa awtoridad ng tao?
3 Bilang mga Kristiyano, naiiba ang ating pananaw sa pananaw ng sanlibutan hinggil sa awtoridad. Hindi naman ito nangangahulugang sunud-sunuran na tayo sa iba. Sa katunayan, may mga pagkakataong hindi natin dapat sundin ang iba kahit na sabihin pang sila ang kinikilalang awtoridad. Ganiyan ang nangyari sa unang-siglong mga Kristiyano. Halimbawa, nang pagbawalan ang mga apostol na mangaral, hindi sila nagpasindak sa mataas na saserdote at sa iba pang may awtoridad na kabilang sa Sanedrin. Ginawa nila ang tama kahit nangahulugan ito ng pagsuway sa awtoridad ng tao.—Basahin ang Gawa 5:27-29.
4. Anu-anong halimbawa mula sa Hebreong Kasulatan ang nagpapakitang marami sa bayan ng Diyos ang gumawa ng tama kahit hindi ito ang nagugustuhan ng karamihan?
4 May gayunding determinasyon ang maraming lingkod ng Diyos na nabuhay bago ang panahong Kristiyano. Halimbawa, “tumanggi [si Moises] na tawaging anak ng anak na babae ni Paraon, na pinili pang mapagmalupitan kasama ng bayan ng Diyos,” kahit mangahulugan pa ito ng “galit ng hari.” (Heb. 11:24, 25, 27) Tinanggihan ni Jose ang mga pang-aakit ng asawa ni Potipar, bagaman puwede siya nitong gantihan at ipahamak. (Gen. 39:7-9) “Ipinasiya ni Daniel sa kaniyang puso na hindi niya durumhan ang kaniyang sarili ng masasarap na pagkain ng hari,” bagaman hindi naging madali para sa pangunahing opisyal ng korte ng Babilonya na tanggapin ang paninindigang ito ni Daniel. (Dan. 1:8-14) Ipinakikita ng mga halimbawang ito na sa kasaysayan, ang bayan ng Diyos ay matatag na nanindigan sa kung ano ang tama, anuman ang maging resulta nito. Hindi sinunod ng mga lingkod ng Diyos ang mga tao para lamang makamit ang pagsang-ayon ng mga ito. Gayundin ang dapat nating gawin.
5. Paano naiiba ang pananaw natin sa pananaw ng sanlibutan hinggil sa awtoridad?
5 Ang ating matatag na paninindigang ito ay hindi nangangahulugan na matigas ang ating ulo; ni kagaya man tayo ng mga nagrerebelde sa gobyerno. Sa halip, determinado tayong higit na kilalanin ang awtoridad ni Jehova kaysa sa awtoridad ng tao. Kapag ang batas ng tao ay sumasalungat na sa kautusan ng Diyos, hindi mahirap isipin kung ano ang ating gagawin. Gaya ng mga apostol noong unang siglo, susundin natin ang Diyos bilang tagapamahala sa halip na mga tao.
6. Bakit ang pagsunod sa mga utos ni Jehova ang laging pinakamabuti para sa atin?
6 Ano ang nakatutulong sa atin na tanggapin ang awtoridad ng Diyos? Sumasang-ayon tayo sa sinabi sa Kawikaan 3:5, 6: “Magtiwala ka kay Jehova nang iyong buong puso at huwag kang manalig sa iyong sariling pagkaunawa. Sa lahat ng iyong mga lakad ay isaalang-alang mo siya, at siya mismo ang magtutuwid ng iyong mga landas.” Naniniwala tayo na anuman ang hinihiling sa atin ng Diyos, sa dakong huli, ito ay para sa ating ikabubuti. (Basahin ang Deuteronomio 10:12, 13.) Sa katunayan, inilarawan ni Jehova ang kaniyang sarili sa mga Israelita bilang “ang Isa na nagtuturo sa iyo upang makinabang ka, ang Isa na pumapatnubay sa iyo sa daan na dapat mong lakaran.” Pagkatapos ay sinabi niya: “O kung magbibigay-pansin ka lamang sana sa aking mga utos! Ang iyong kapayapaan nga ay magiging gaya ng ilog, at ang iyong katuwiran ay magiging gaya ng mga alon sa dagat.” (Isa. 48:17, 18) Nananalig tayo sa mga salitang iyon. Kumbinsido tayo na palaging para sa ating ikabubuti ang pagsunod sa mga utos ng Diyos.
7. Ano ang dapat nating gawin kapag hindi natin lubusang naunawaan ang isang utos na sinasabi sa Salita ng Diyos?
7 Kinikilala natin ang awtoridad ni Jehova at sinusunod siya kahit kapag hindi natin lubusang nauunawaan ang dahilan ng isang utos na sinasabi sa kaniyang Salita. Hindi ito nangangahulugang sunud-sunuran tayo; pagtitiwala ito. Ipinakikita nito na taos-puso tayong nananalig na alam ni Jehova kung ano ang makabubuti para sa atin. Ang ating pagsunod ay kapahayagan din ng ating pag-ibig sa kaniya, yamang sumulat si apostol Juan: “Ito ang kahulugan ng pag-ibig sa Diyos, na tuparin natin ang kaniyang mga utos.” (1 Juan 5:3) Pero may isa pang aspekto ng ating pagsunod na hindi natin dapat kaligtaan.
Pagsasanay sa Ating mga Kakayahan sa Pang-unawa
8. Ano ang kaugnayan ng ‘pagsasanay sa ating mga kakayahang pang-unawa’ at ng pagkilala sa awtoridad ni Jehova?
8 Sinasabi sa atin ng Bibliya na dapat nating ‘sanayin ang ating mga kakayahan sa pang-unawa na makilala kapuwa ang tama at ang mali.’ (Heb. 5:14) Kaya ang ating tunguhin ay hindi ang basta masunod lamang ang mga kautusan ng Diyos nang hindi natin nauunawaan kung bakit dapat natin itong sundin. Sa halip, nais nating “makilala kapuwa ang tama at ang mali” salig sa mga pamantayan ni Jehova. Nais nating maunawaan ang karunungan ng mga daan ni Jehova upang masabi rin natin ang gaya ng nasabi ng salmista: “Ang iyong kautusan ay nasa aking mga panloob na bahagi.”—Awit 40:8.
9. Paano natin maiaayon ang ating budhi sa mga pamantayan ni Jehova, at bakit mahalaga na gawin natin ito?
9 Upang mapahalagahan ang mga kautusan ng Diyos gaya ng ginawa ng salmista, kailangan nating bulay-bulayin ang nababasa natin sa Bibliya. Halimbawa, kapag nalaman natin ang hinggil sa isang partikular na kahilingan ni Jehova, maaari nating itanong: ‘Bakit matalinong sundin ang utos o simulaing ito? Bakit para sa aking ikabubuti ang pagsunod dito? Anong masasamang resulta ang naranasan ng mga nagwawalang-bahala sa payo ng Diyos hinggil dito?’ Sa ganitong paraan, kapag ang ating budhi ay naging kaayon ng mga daan ni Jehova, malamang na makapagpapasiya tayo kasuwato ng kaniyang kalooban. ‘Mauunawaan natin ang kalooban ni Jehova’ at mapapakilos tayo na sundin ito. (Efe. 5:17) Hindi ito palaging madali.
Gustong Pahinain ni Satanas ang Awtoridad ni Jehova
10. Ano ang isang pitak kung saan sinisikap ni Satanas na pahinain ang awtoridad ng Diyos?
10 Matagal nang gustong pahinain ni Satanas ang awtoridad ng Diyos. Kitang-kita sa maraming paraan ang kaniyang pagtanggi sa awtoridad ni Jehova. Halimbawa, isaalang-alang ang kawalang-galang sa kaayusan ng Diyos hinggil sa pag-aasawa. Ang ilan ay nagpapasiyang magsama nang di-kasal, samantalang ang iba naman ay naghahangad na makalaya sa kanilang asawa. Ang mga taong iyon ay malamang na sumasang-ayon sa sinabi ng isang kilalang aktres: “Imposible ang monogamya sa lalaki’t babae.” Sinabi pa niya: “Wala akong kilalang naging tapat o gustong maging tapat sa kaniyang asawa.” Habang iniisip ang kaniyang bigong mga pakikipagrelasyon, sinabi rin ng isang sikat na aktor: “Hindi ako sigurado kung talagang likas sa atin na magkaroon ng isa lamang kapareha sa buong buhay natin.” Makabubuting itanong natin sa ating sarili, ‘Kinikilala ko ba ang awtoridad ni Jehova hinggil sa pag-aasawa, o naaapektuhan na ang aking kaisipan ng pananaw ng sanlibutan na ang pag-aasawa ay hindi panghabang-buhay?’
11, 12. (a) Bakit maaaring maging mahirap para sa mga kabataan na kilalanin ang awtoridad ni Jehova? (b) Maglahad ng karanasan na nagpapakita ng masaklap na resulta ng hindi pagsunod sa mga kautusan at simulain ni Jehova.
11 Isa ka bang kabataan na kabilang sa organisasyon ni Jehova? Kung oo, isa ka sa mga gustung-gustong puntiryahin ni Satanas para mag-isip na ang pagsunod sa awtoridad ni Jehova ay hindi makabubuti sa iyo. Baka dahil sa “mga pagnanasa na kaakibat ng kabataan” at sa panggigipit ng iyong mga kasamahan, maisip mo na napakahigpit ng mga kautusan ng Diyos. (2 Tim. 2:22) Huwag mong hayaang mangyari iyan. Sikaping unawain kung bakit isang karunungan ang sumunod sa mga pamantayan ng Diyos. Halimbawa, sinasabi sa iyo ng Bibliya na “tumakas . . . mula sa pakikiapid.” (1 Cor. 6:18) Muli, tanungin ang iyong sarili: ‘Bakit matalinong sundin ang utos na ito? Paano ako makikinabang sa pagsunod dito?’ Baka may mga kakilala kang nagwalang-bahala sa payo ng Diyos at dumanas ng masasamang resulta dahil sa pagsuway nila rito. Maligaya ba sila ngayon? Mas maganda ba ang buhay nila kaysa noong kabilang sila sa organisasyon ni Jehova? Talaga bang may natuklasan silang sekreto ng kaligayahan na hindi nalalaman ng mga lingkod ng Diyos?—Basahin ang Isaias 65:14.
12 Isaalang-alang ang ikinomento noon ng isang Kristiyanong nagngangalang Sharon: “Dahil hindi ko sinunod ang utos ni Jehova, nagkaroon ako ng nakamamatay na sakit na AIDS. Madalas na naaalaala ko ang maraming maliligayang taon ng paglilingkod ko kay Jehova noon.” Natanto niyang talagang kamangmangan ang sumuway sa mga utos ni Jehova at dapat sana’y pinahalagahan niya ang mga ito. Talagang para sa ating proteksiyon ang mga kautusan ni Jehova. Namatay si Sharon pagkalipas lamang ng pitong linggo mula noong isulat niya ang mga salita sa itaas. Gaya ng ipinakikita ng kaniyang masaklap na karanasan, walang mabuting maiaalok si Satanas sa mga naging bahagi ng napakasamang sistemang ito. Bilang “ama ng kasinungalingan,” marami siyang ipinapangako, pero lahat ng ito’y napapako, gaya ng ipinangako niya kay Eva. (Juan 8:44) Tunay nga, ang pagkilala sa awtoridad ni Jehova ang palaging pinakamagaling para sa atin.
Mag-ingat Laban sa Mapagsariling Saloobin
13. Ano ang isang pitak kung saan dapat tayong mag-ingat laban sa mapagsariling saloobin?
13 Kung kinikilala natin ang awtoridad ni Jehova, dapat tayong mag-ingat laban sa mapagsariling saloobin. Kapag mapagmataas tayo, maaaring maisip natin na hindi natin kailangan ng patnubay. Halimbawa, baka tanggihan natin ang payong ibinibigay ng mga nangunguna sa bayan ng Diyos. Gumawa ang Diyos ng kaayusan kung saan ang isang uring tapat at maingat na alipin ang maglalaan ng espirituwal na pagkain sa tamang panahon. (Mat. 24:45-47) Dapat na mapagpakumbaba nating kilalanin na ito ang paraan ng pangangalaga ni Jehova sa kaniyang bayan sa ngayon. Tularan ang tapat na mga apostol. Nang matisod ang ilang alagad, tinanong ni Jesus ang mga apostol: “Hindi rin ninyo ibig na umalis, hindi ba?” Sumagot si Pedro: “Panginoon, kanino kami paroroon? Ikaw ang may mga pananalita ng buhay na walang hanggan.”—Juan 6:66-68.
14, 15. Bakit dapat tayong mapagpakumbabang sumunod sa payo ng Bibliya?
14 Kasama sa pagkilala sa awtoridad ni Jehova ang pagkilos alinsunod sa payong salig sa kaniyang Salita. Halimbawa, pinapayuhan tayo ng uring tapat at maingat na alipin na ‘manatiling gising at panatilihin ang ating katinuan.’ (1 Tes. 5:6) Tamang-tama ang payong iyan sa mga huling araw na ito kung kailan marami ang “maibigin sa kanilang sarili, mga maibigin sa salapi.” (2 Tim. 3:1, 2) Puwede kayang maapektuhan tayo ng gayong nangingibabaw na mga saloobin? Oo, puwede. Kapag itinaguyod natin ang mga tunguhing walang kaugnayan sa ating paglilingkod sa Diyos, baka maisaisantabi natin ang ating kaugnayan kay Jehova, o kaya naman ay maging materyalistiko tayo. (Luc. 12:16-21) Kung gayon, napakatalino ngang tanggapin ang payo ng Bibliya at iwasan ang makasariling paraan ng pamumuhay na napakalaganap sa sanlibutan ni Satanas!—1 Juan 2:16.
15 Ang espirituwal na pagkaing nagmumula sa tapat at maingat na alipin ay ipinamamahagi sa mga kongregasyon sa pamamagitan ng inatasang matatanda. Pinapayuhan tayo ng Bibliya: “Maging masunurin kayo doon sa mga nangunguna sa inyo at maging mapagpasakop, sapagkat patuloy silang nagbabantay sa inyong mga kaluluwa na gaya niyaong mga magsusulit; upang gawin nila ito nang may kagalakan at hindi nang may pagbubuntunghininga, sapagkat ito ay makapipinsala sa inyo.” (Heb. 13:17) Nangangahulugan ba ito na hindi nagkakamali ang matatanda sa kongregasyon? Siyempre hindi! Mas nakikita ng Diyos ang kanilang di-kasakdalan kaysa sa kaninupamang tao. Gayunpaman, inaasahan niya na magpapasakop tayo sa kanila. Ang pakikipagtulungan sa matatanda sa kabila ng kanilang di-kasakdalan ay nagpapatunay na kinikilala natin ang awtoridad ni Jehova.
Ang Kahalagahan ng Kapakumbabaan
16. Paano natin maipapakita ang paggalang kay Jesus bilang Ulo ng kongregasyong Kristiyano?
16 Dapat na palagi nating tandaan na si Jesus ang talagang Ulo ng kongregasyon. (Col. 1:18) Iyan ang isang dahilan kung bakit mapagpakumbaba tayong nagpapasakop sa patnubay ng inatasang matatanda, anupat nagbibigay sa kanila ng “higit pa kaysa di-pangkaraniwang konsiderasyon.” (1 Tes. 5:12, 13) Siyempre pa, maaaring ipakita ng matatanda sa kongregasyon na sila rin ay mapagpasakop sa pamamagitan ng pagtiyak na ang ipinapahayag nila sa kongregasyon ay ang mensaheng nagmumula sa Diyos, hindi ang sarili nilang opinyon. Hindi nila ‘hinihigitan ang mga bagay na nakasulat’ upang itaguyod ang kanilang personal na ideya.—1 Cor. 4:6.
17. Bakit mapanganib ang pagiging ambisyoso?
17 Dapat mag-ingat ang lahat ng nasa kongregasyon laban sa paghahangad na itaguyod ang sarili nilang kaluwalhatian. (Kaw. 25:27) Maliwanag na sa bitag na iyan nahulog ang isang alagad na nakilala ni apostol Juan. Sumulat siya: “Si Diotrepes, na gustong magkaroon ng unang dako sa gitna nila, ay hindi tumatanggap ng anuman mula sa amin nang may paggalang. Kaya naman, kung ako ay paririyan, uungkatin ko ang kaniyang mga gawa na patuloy niyang ginagawa, na nagdadadaldal tungkol sa amin ng mga salitang balakyot.” (3 Juan 9, 10) May aral na matututuhan tayo ngayon mula sa pangyayaring iyon. May mabuti tayong dahilan na iwaksi ang anumang tendensiya na maging ambisyoso. Sinasabi sa atin ng Bibliya: “Ang pagmamapuri ay nauuna sa pagbagsak, at ang palalong espiritu bago ang pagkatisod.” Dapat iwaksi ng isang kumikilala sa awtoridad ng Diyos ang kapangahasan, sapagkat kung hindi, mangangahulugan ito ng kaniyang kasiraang-puri.—Kaw. 11:2; 16:18.
18. Ano ang makatutulong sa atin na kilalanin ang awtoridad ni Jehova?
18 Oo, gawin mong tunguhin na labanan ang mapagsariling saloobin ng sanlibutang ito at kilalanin ang awtoridad ni Jehova. Sa pana-panahon, bulay-bulayin nang may pagpapahalaga ang iyong dakilang pribilehiyo na maglingkod kay Jehova. Ang katotohanan na kabilang ka sa bayan ng Diyos ay patotoo na inilapit ka niya sa kaniyang kongregasyon sa pamamagitan ng kaniyang banal na espiritu. (Juan 6:44) Huwag na huwag mong mamaliitin ang iyong kaugnayan sa Diyos. Sikaping ipakita sa lahat ng pitak ng iyong buhay na tinatanggihan mo ang mapagsariling saloobin at na kinikilala mo ang awtoridad ni Jehova.
Naaalaala Mo Ba?
• Ano ang kasama sa pagkilala sa awtoridad ni Jehova?
• Ano ang kaugnayan ng pagsasanay sa ating mga kakayahang pang-unawa at ng pagkilala sa awtoridad ni Jehova?
• Sa anu-anong pitak sinisikap ni Satanas na pahinain ang awtoridad ng Diyos?
• Bakit mahalaga ang kapakumbabaan sa pagkilala sa awtoridad ni Jehova?
[Larawan sa pahina 18]
“Dapat naming sundin ang Diyos bilang tagapamahala sa halip na mga tao”
[Larawan sa pahina 20]
Palaging isang karunungan ang sumunod sa mga pamantayan ng Diyos