KASIPAGAN
Patuloy at matiyagang paggawa; puspusang pagsisikap; pagiging masikap; sigasig. Karaniwan na, ang terminong ito ay nagpapahiwatig ng matuwid at kapaki-pakinabang na pagpapagal. Kabaligtaran ito ng kakuparan o ng pagkabatugan.
Sa Bibliya, ang salitang Griego na isinasaling “kasipagan” ay mas madalas isalin bilang “kasigasigan,” “tunay na kasigasigan,” o “marubdob na pagsisikap.” Kung minsan, ang diwa ng salitang ito ay itinatawid ng saling “pagmamadali,” “bilis,” o “gawain.”
Pinaaalalahanan ang mga Kristiyano na huwag maging makupad ang kanilang mga kamay o manghimagod sa paggawa nang may kahusayan. Sinabi ni Pablo: “Nais namin na ang bawat isa sa inyo ay magpakita ng gayunding kasipagan [sa literal, “bilisan”] upang magkaroon ng lubos na katiyakan ng pag-asa hanggang sa wakas, upang hindi kayo maging makupad, kundi maging mga tagatulad niyaong mga sa pamamagitan ng pananampalataya at pagtitiis ay nagmamana ng mga pangako.” (Heb 6:11, 12; ihambing ang Kaw 10:4; 12:24; 18:9.) Sinabi ni Jesu-Kristo sa kaniyang mga alagad: “Magpunyagi kayo nang buong-lakas upang makapasok sa makipot na pinto, sapagkat, sinasabi ko sa inyo, marami ang maghahangad na makapasok ngunit hindi ito magagawa.” (Luc 13:24) Si Pablo mismo ay isang halimbawa ng gayong puspusang pagpupunyagi. (Col 1:29; 2Te 3:7-9) Sabihin pa, si Jehova at ang kaniyang Anak ang pangunahing mga halimbawa ng kasipagan.—Ju 5:17; Isa 40:26.
Upang maiwasan ng mga Kristiyano na maging di-aktibo o di-mabunga, dapat silang ‘magdagdag, bilang tugon [sa mga pangako ng Diyos], ng lahat ng marubdob na pagsisikap’ habang idinaragdag nila sa kanilang pananampalataya ang kagalingan, kaalaman, pagpipigil sa sarili, pagbabata, makadiyos na debosyon, pagmamahal na pangkapatid, at pag-ibig. (2Pe 1:4-8) Nangangailangan ito ng patuloy na pagpapagal nang may kasipagan at pagtitiyaga (2Ti 2:15; Heb 4:11) at palagiang pagbibigay-pansin. (Heb 2:1) Ang malaking bahagi ng lakas na kinakailangan para rito ay nagmumula sa tulong ng espiritu ni Jehova. Wala nang mas mariin pang payo hinggil sa pangangailangang maging masipag kaysa sa payo ng apostol na si Pablo: “Huwag magmakupad sa inyong gawain. Maging maningas kayo sa espiritu. Magpaalipin kayo para kay Jehova”! Ang kahilingang ito na maging masipag ay kapit sa lahat ng ministro (“maging abala tayo sa ministeryong ito”), ngunit lalo na itong kailangan sa mga namumuno o nangangasiwa ng mga pagtitipon at mga gawain sa kongregasyon, sapagkat “siya na namumuno, gawin niya iyon nang may tunay na kasigasigan.”—Ro 12:7, 8, 11.
Sa kongregasyong Kristiyano, ang mga nagdarahop na tumatanggap ng materyal na tulong mula sa kongregasyon ay kailangang maging masipag. Ang alituntunin sa Kasulatan ay: “Kung ang sinuman ay ayaw magtrabaho, huwag din naman siyang pakainin.” Pinapayuhan ang mga hindi nagtatrabaho na maging abala, “na sa paggawa nang may katahimikan ay dapat silang kumain ng pagkain na kanila mismong pinagpagalan.” (2Te 3:10-12) Ang isang nag-aangking Kristiyano na tumatanggi o nagpapabaya sa paglalaan para sa kaniyang sambahayan ay ‘nagtatwa na ng pananampalataya at lalong masama kaysa sa taong walang pananampalataya.’ (1Ti 5:8) Maging ang mga babaing balong nagdarahop, bago sila ilagay sa talaan ng mga regular na pinaglalaanan ng materyal na tulong ng kongregasyon, ay kailangang may rekord ng gawaing Kristiyano, anupat ‘masikap na sumusunod sa bawat mabuting gawa.’—1Ti 5:9, 10.
Mga Gantimpala ng Kasipagan. Mayayamang pagpapala ang matatamo ng taong masipag kapuwa ngayon at sa hinaharap. “Ang kamay ng masikap ang magpapayaman sa isa.” (Kaw 10:4) “Ang kamay ng mga masikap ang siyang mamamahala.” (Kaw 12:24) Ang kanilang kaluluwa “ay patatabain.” (Kaw 13:4) Ang masipag na asawang babae ay yaong may “mga anak [na] bumabangon at ipinahahayag siyang maligaya; bumabangon ang nagmamay-ari sa kaniya, at pinupuri siya nito.” Tungkol sa kaniya ay inihahayag: “Bigyan ninyo siya ng mga bunga ng kaniyang mga kamay, at purihin siya ng kaniyang mga gawa sa mga pintuang-daan.” (Kaw 31:28, 31) Higit sa lahat, ang espirituwal na mga kapatid ni Kristo ay sinasabihan: “Gawin ang inyong buong makakaya upang tiyakin para sa inyong sarili ang pagtawag at pagpili sa inyo; sapagkat kung patuloy ninyong ginagawa ang mga bagay na ito ay hindi kayo sa anumang paraan mabibigo kailanman. Sa katunayan, gayon saganang ilalaan sa inyo ang pagpasok sa walang-hanggang kaharian ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu-Kristo.”—2Pe 1:10, 11.