Ang Pangmalas ng Bibliya
Tama Bang Manalangin sa mga “Santo”?
Para kina Marie at Theresa, “debotong Katoliko” sila. Pareho silang naniniwala sa mga “santo.” Naniniwala si Marie na puwede siyang magdasal sa mga ito at humingi ng tulong. Palagi namang nagdarasal si Theresa sa “santong” patron ng bayan nila at sa “santo” na pinagkuhanan ng pangalan niya.
TULAD nina Marie at Theresa, milyun-milyong tao sa daigdig ang nananalangin sa kanilang mga “santo” para sa pagpapala. Ayon sa New Catholic Encyclopedia, “ang mga santo ay namamagitan para sa mga tao,” at “‘mabuti at kapaki-pakinabang’ na makiusap sa kanila para tumanggap . . . ng pagpapala ng Diyos.”
Pero ano ang pananaw ng Diyos dito? Sang-ayon ba siya na manalangin tayo sa mga “santo” at gawin silang tagapamagitan? Tingnan kung ano ang sinasabi ng Bibliya.
Dapat ba Tayong Manalangin sa mga “Santo”?
Sa Bibliya, ang Griegong salita para sa “santo” ay katumbas ng “banal” sa ilang salin. Pero walang binabanggit sa Bibliya na tapat na mananamba ng Diyos na nanalangin sa isang “santo.” Bakit? Ayon sa New Catholic Encyclopedia, noon lang “ikatlong siglo maliwanag na kinilala ang tulong na nagagawa ng paglapit sa mga santo bilang tagapamagitan.” Iyon ay mga 200 taon pagkamatay ni Kristo. Kaya ang turong iyon ay hindi mula kay Jesus at sa kinasihang mga manunulat ng Bibliya na nag-ulat ng kaniyang ministeryo. Bakit natin ito nasabi?
Itinuturo ng Bibliya na sa Diyos lang tayo dapat manalangin, na ginagawa iyon sa pangalan ni Jesu-Kristo. “Ako ang daan, ang katotohanan, at ang buhay,” ang sabi ni Jesus. “Walang makapupunta sa Ama kundi sa pamamagitan ko.” (Juan 14:6, Magandang Balita Biblia) Ang malinaw na mga salitang ito ay kaayon ng turo ni Jesus na nakaulat sa Mateo 6:9-13. Habang ipinaliliwanag ang tungkol sa panalangin, sinabi ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod: “Manalangin kayo, kung gayon, sa ganitong paraan: Ama namin na nasa langit, pakabanalin nawa ang iyong pangalan. . . . ” (Mateo 6:9) Maliwanag, sa ating makalangit na Ama lang tayo dapat manalangin. Ang katotohanang ito ay kaayon ng isang pangunahing turo ng Bibliya.
Panalangin—Isang Anyo ng Pagsamba
“Ang panalangin,” ang sabi ng The World Book Encyclopedia, “ay tumutukoy sa magalang na pakikipag-usap sa Diyos, mga diyos, diyosa, at iba pang pinag-uukulan ng pagsamba. . . . Ang panalangin ay isang mahalagang anyo ng pagsamba ng halos lahat ng relihiyon sa daigdig.” (Amin ang italiko.) Tanungin ang sarili, ‘Tama bang lumuhod para sumamba at manalangin sa iba bukod sa ating Maylalang at Tagapagbigay-Buhay?’ (Awit 36:9) Sinabi ni Jesus: “Sasambahin ng mga tunay na mananamba ang Ama sa espiritu at katotohanan, sapagkat, sa katunayan, hinahanap ng Ama ang mga tulad nito upang sumamba sa kaniya.” (Juan 4:23) Sinasabi rin ng Bibliya na hinihiling ng ating Maylalang ang ating “bukod-tanging debosyon.”—Deuteronomio 4:24; 6:15.
Tingnan ang halimbawa ng Kristiyanong apostol na si Juan. Pagkatapos makakita ng isang kagila-gilalas na pangitain na nakaulat sa aklat ng Bibliya na Apocalipsis, ang namanghang apostol ay “sumubsob . . . upang sumamba sa harap ng mga paa ng anghel” na nagpakita ng mga bagay na ito sa kaniya. Ang tugon ng anghel? “Mag-ingat ka!” ang sabi niya. “Huwag mong gawin iyan! Ako ay kapuwa mo alipin lamang at ng iyong mga kapatid . . . Sambahin mo ang Diyos.” (Apocalipsis 22:8, 9) Oo, idiniriin ng Bibliya na ang Diyos na Jehova lang ang dapat nating sambahin.
Kaya naman, ang Diyos lang ang “Dumirinig ng panalangin.” (Awit 65:2) Gayundin, bilang Makapangyarihan-sa-lahat, siya lang ang may awtoridad, karunungan, at kapangyarihang sumagot sa anumang angkop na kahilingan natin sa pamamagitan ng panalangin. (Job 33:4) Si Jesu-Kristo nga ay umaming may mga limitasyon siya. (Mateo 20:23; 24:36) Gayunman, si Jesu-Kristo ay binigyan ng malaking pananagutan. Isa rito ang pagiging Tagapamagitan ng sangkatauhan.
Isang Maunawaing Tagapamagitan
Sinasabi ng Bibliya tungkol kay Jesus: “Nagagawa rin niyang iligtas nang lubusan yaong mga lumalapit sa Diyos sa pamamagitan niya, sapagkat siya ay laging buháy upang makiusap para sa kanila.” (Hebreo 7:25) Ibig sabihin, nakapaglilingkod si Jesus bilang maunawaing tagapamagitan para sa mga “lumalapit sa Diyos sa pamamagitan niya.” Hindi ibig sabihing kay Jesus tayo mananalangin, at siya na ang bahalang maghatid sa Diyos ng panalangin natin. Sa halip, sinasabi nito na sa Diyos tayo mananalangin sa pangalan ni Jesus, anupat kinikilala ang kaniyang awtoridad. Bakit tama lang na si Jesus ang Tagapamagitan?
Si Jesus ay naging tao, kaya lubusan niyang nauunawaan ang pagdurusa ng iba. (Juan 11:32-35) Bukod diyan, ipinakita niya ang pag-ibig niya sa tao nang magpagaling siya ng maysakit, bumuhay ng patay, at tumulong sa mga lumalapit sa kaniya na makilala ang Diyos. (Mateo 15:29, 30; Lucas 9:11-17) Nagpatawad pa nga siya ng mga kasalanan. (Lucas 5:24) Kaya kapag nagkasala tayo, makapagtitiwala tayo na “may katulong [tayo] sa Ama, si Jesu-Kristo, isa na matuwid.”—1 Juan 2:1.
Dapat nating sikaping tularan ang pag-ibig at pagkamahabagin ni Jesus. Totoo, hindi tayo awtorisadong maging mga tagapamagitan. Pero puwede nating ipanalangin ang iba. Sa katunayan, dapat tayong mapakilos ng pag-ibig na gawin iyon. “Ipanalangin ang isa’t isa,” ang sabi ni Santiago. “Ang pagsusumamo ng taong matuwid, kapag ito ay gumagana, ay may malakas na puwersa.”—Santiago 5:16.
Natutuhan nina Marie at Theresa ang mahahalagang katotohanang iyan nang pag-aralan nila mismo ang Bibliya. Inaanyayahan ka ng mga Saksi ni Jehova na gawin din iyan. Sinabi ni Jesus, ang “mga sumasamba sa [Diyos] ay dapat sumamba sa espiritu at katotohanan.”—Juan 4:24.
NAPAG-ISIP-ISIP MO NA BA?
● Ayon kay Jesus, kanino lamang tayo dapat manalangin?—Mateo 6:9.
● Ano ang magagawa ni Jesus para sa atin?—Hebreo 7:25.
● Dapat ba tayong manalangin sa Diyos para sa iba?—Santiago 5:16.