-
“Magbigay ng Higit Kaysa sa Karaniwang Pansin”Ang Bantayan—2002 | Setyembre 15
-
-
“Magbigay ng Higit Kaysa sa Karaniwang Pansin”
“Kailangang magbigay [tayo] ng higit kaysa sa karaniwang pansin sa mga bagay na narinig natin, upang hindi tayo kailanman maanod papalayo.”—HEBREO 2:1.
1. Ilarawan kung paano maaaring umakay sa kapahamakan ang pagkagambala.
ANG mga aksidente sa kotse ay pumapatay ng mga 37,000 katao taun-taon sa Estados Unidos lamang. Sinasabi ng mga eksperto na naiwasan sana ang marami sa mga kamatayang ito kung ang mga drayber ay nagbigay ng higit kaysa sa karaniwang pansin sa daan. Ang ilang motorista ay nagagambala ng mga karatula o ng paggamit ng kanilang cell phone. Nariyan din ang mga nagsasagawa ng tinatawag na dashboard dining—pagkain habang sila’y nagmamaneho. Sa lahat ng situwasyong ito, ang pagkagambala ay maaaring humantong sa kapahamakan.
2, 3. Anong payo ang ibinigay ni Pablo sa mga Hebreong Kristiyano, at bakit naaangkop ang kaniyang payo?
2 Halos 2,000 taon bago naimbento ang kotse, binanggit ni apostol Pablo ang isang uri ng pagkagambala na talagang kapaha-pahamak sa ilang Hebreong Kristiyano. Idiniin ni Pablo na ang binuhay-muling si Jesu-Kristo ay binigyan ng isang posisyon na nakatataas sa lahat ng anghel, sapagkat siya ay pinaupo sa kanang kamay ng Diyos. Pagkatapos ay sinabi ng apostol: “Iyan ang dahilan kung bakit natin kailangang magbigay ng higit kaysa sa karaniwang pansin sa mga bagay na narinig natin, upang hindi tayo kailanman maanod papalayo.”—Hebreo 2:1.
3 Bakit kailangang “magbigay ng higit kaysa sa karaniwang pansin [ang mga Hebreong Kristiyano] sa mga bagay na narinig” hinggil kay Jesus? Sapagkat halos 30 taon na ang nakalipas mula nang umalis sa lupa si Jesus. Dahil wala na ang kanilang Panginoon, ang ilang Hebreong Kristiyano ay nagsimulang maanod papalayo mula sa tunay na pananampalataya. Sila ay nagagambala ng Judaismo, ang kanilang dating paraan ng pagsamba.
Kailangan Silang Magbigay ng Higit na Pansin
4. Bakit ang ilang Hebreong Kristiyano ay maaaring natutuksong bumalik sa Judaismo?
4 Bakit maaaring natutuksong bumalik noon sa Judaismo ang isang Kristiyano? Buweno, ang sistema ng pagsamba sa ilalim ng Kautusan ay nagsasangkot ng mga bagay na nakikita. Nakikita ng mga tao ang mga saserdote at naaamoy ang nasusunog na mga hain. Gayunman, sa ilang aspekto, ang Kristiyanismo ay ibang-iba. Ang mga Kristiyano ay may Mataas na Saserdote, si Jesu-Kristo, subalit hindi na siya nakita sa lupa sa loob ng tatlong dekada. (Hebreo 4:14) Mayroon silang templo, ngunit ang dakong banal nito ay ang langit mismo. (Hebreo 9:24) Di-tulad ng pisikal na pagtutuli sa ilalim ng Kautusan, ang pagtutuling Kristiyano ay “yaong sa puso sa pamamagitan ng espiritu.” (Roma 2:29) Kaya, para sa mga Hebreong Kristiyano, ang Kristiyanismo ay nagiging tila sa isip na lamang.
5. Paano ipinakita ni Pablo na ang sistema ng pagsamba na itinatag ni Jesus ay nakahihigit sa sistema ng pagsamba sa ilalim ng Kautusan?
5 Kinailangang matanto ng mga Hebreong Kristiyano ang isang bagay na napakahalaga tungkol sa sistema ng pagsamba na itinatag ni Kristo. Ito ay mas nakasalig sa pananampalataya kaysa sa paningin, gayunma’y nakahihigit ito sa Kautusan na ibinigay sa pamamagitan ng propetang si Moises. “Kung ang dugo ng mga kambing at ng mga toro at ang abo ng dumalagang baka na iwinisik doon sa mga nadungisan ay nakapagpapabanal hanggang sa ikalilinis ng laman,” ang isinulat ni Pablo, “gaano pa ngang higit na ang dugo ng Kristo, na sa pamamagitan ng walang-hanggang espiritu ay naghandog ng kaniyang sarili nang walang dungis sa Diyos, ay makapaglilinis ng ating mga budhi mula sa patay na mga gawa upang makapag-ukol tayo ng sagradong paglilingkod sa Diyos na buháy?” (Hebreo 9:13, 14) Oo, ang kapatawarang natatamo sa pamamagitan ng pananampalataya sa haing pantubos ni Jesu-Kristo ay lubhang nakahihigit sa maraming paraan kaysa sa inilalaan ng mga haing inihandog sa ilalim ng Kautusan.—Hebreo 7:26-28.
6, 7. (a) Anong situwasyon ang dahilan kung bakit apurahan para sa mga Hebreong Kristiyano na “magbigay ng higit kaysa sa karaniwang pansin sa mga bagay na narinig”? (b) Nang isulat ni Pablo ang kaniyang liham sa mga Hebreo, gaano karaming panahon pa ang natitira para sa Jerusalem? (Tingnan ang talababa.)
6 May isa pang dahilan kung bakit kinailangang magbigay ng matamang pansin ang mga Hebreong Kristiyano sa mga bagay na narinig tungkol kay Jesus. Inihula niya na mawawasak ang Jerusalem. Sinabi ni Jesus: “Ang mga araw ay darating sa iyo na ang iyong mga kaaway ay magtatayo sa paligid mo ng kuta na may mga tulos na matutulis at palilibutan ka at pipighatiin ka sa bawat panig, at ikaw at ang iyong mga anak sa loob mo ay isusubsob nila sa lupa, at hindi sila mag-iiwan sa iyo ng bato sa ibabaw ng kapuwa bato, sapagkat hindi mo naunawaan ang panahon ng pagsisiyasat sa iyo.”—Lucas 19:43, 44.
7 Kailan ito mangyayari? Hindi isiniwalat ni Jesus ang araw at oras. Sa halip, nagbigay siya ng tagubilin: “Kapag nakita ninyo ang Jerusalem na napaliligiran ng nagkakampong mga hukbo, kung magkagayon ay alamin ninyo na ang pagtitiwangwang sa kaniya ay malapit na. Kung magkagayon yaong mga nasa Judea ay magsimula nang tumakas patungo sa mga bundok, at yaong mga nasa loob niya ay umalis, at yaong nasa mga dakong lalawigan ay huwag nang pumasok sa kaniya.” (Lucas 21:20, 21) Sa loob ng 30 taon matapos sabihin ni Jesus ang mga salitang iyon, naiwala ng ilang Kristiyano sa Jerusalem ang kanilang pagkadama ng pagkaapurahan at sila’y nagambala. Sa wari ay inalis nila ang kanilang tingin sa daan. Kung hindi nila babaguhin ang kanilang pag-iisip, tiyak na sasapit sa kanila ang kapahamakan. Inisip man nila o hindi, talagang malapit nang mawasak noon ang Jerusalem!a Sana, ang payo ni Pablo ay nakagising sa tulóg-sa-espirituwal na mga Kristiyano sa Jerusalem.
Pagbibigay ng “Higit Kaysa sa Karaniwang Pansin” sa Ngayon
8. Bakit kailangan tayong “magbigay ng higit kaysa sa karaniwang pansin” sa mga katotohanan ng Salita ng Diyos?
8 Tulad ng unang-siglong mga Kristiyano, kailangan tayong “magbigay ng higit kaysa sa karaniwang pansin” sa mga katotohanan ng Salita ng Diyos. Bakit? Sapagkat napapaharap din tayo sa isang napipintong pagkapuksa, hindi lamang ng isang bansa, kundi ng buong sistema ng mga bagay. (Apocalipsis 11:18; 16:14, 16) Siyempre pa, hindi natin alam ang eksaktong araw at oras kung kailan ito isasagawa ni Jehova. (Mateo 24:36) Gayunpaman, mga saksi tayo sa katuparan ng mga hula sa Bibliya na maliwanag na nagpapahiwatig na nabubuhay tayo sa “mga huling araw.” (2 Timoteo 3:1-5) Kaya, dapat tayong magbantay laban sa anumang bagay na makagagambala sa atin. Kailangan nating bigyang-pansin ang Salita ng Diyos at panatilihin ang masidhing pagkadama ng pagkaapurahan. Tanging sa paggawa lamang nito tayo ‘magtatagumpay sa pagtakas mula sa lahat ng mga bagay na ito na nakatalagang maganap.’—Lucas 21:36.
-
-
“Magbigay ng Higit Kaysa sa Karaniwang Pansin”Ang Bantayan—2002 | Setyembre 15
-
-
a Ang liham sa mga Hebreo ay malamang na isinulat noong 61 C.E. Kung gayon, mga limang taon lamang pagkaraan nito ay pinalibutan na ng nagkakampong mga hukbo ni Cestius Gallus ang Jerusalem. Di-nagtagal, ang mga hukbong iyon ay umatras, anupat nagbigay ng pagkakataon para makatakas ang alistong mga Kristiyano. Pagkaraan ng apat na taon, ang lunsod ay winasak ng mga hukbong Romano sa ilalim ni Heneral Tito.
-