Kabanata 12—Pandaigdig na Katiwasayan sa Ilalim ng “Prinsipe ng Kapayapaan”
Malapit Nang Maganap ang Bagong Tipan ng Diyos
1. (a) Ano kaya ang maaaring mangyari sa ating lupa kung hindi tinupad ng Diyos ang kaniyang tipan tungkol sa araw at yaong tungkol sa gabi? (b) Yamang ang Diyos ay matapat na nanghahawakan sa kaniyang mga tipan, ano ang matitiyak natin?
ANO kaya ang gagawin natin kung hindi tinupad ng Diyos ang kaniyang tipan tungkol sa araw at yaong tungkol sa gabi? Sa halip na magkaroon ng naghahali-haliling araw at gabi, ang ating lupa ay patuloy na iilawan ng liwanag o patuloy na lalambungan ng kadiliman. (Genesis 1:1, 2, 14-19) Subalit ang Diyos ay matapat na nanghahawakan sa kaniyang mga tipan. Kaya tayo ay makatitiyak na ang buwan, ang araw, at ang mga galaksi sa kalangitan ay hindi kailanman mapupuksa; ni mapupuksa man ang ating planetang Lupa.
2. Ano ang sinabi ni Jehova sa mga Judio may kaugnayan sa kaniyang tipan sa araw at yaong sa gabi?
2 Tungkol sa kaniyang tipan sa araw at yaong sa gabi, sinabi ng Diyos sa mga Judio sa ilalim ng kaharian ng maharlikang sambahayan ni David: “Kung inyong masisira ang aking tipan sa araw at ang aking tipan sa gabi, na anupa’t hindi magkakaroon ng araw at ng gabi sa kanilang kapanahunan, ang akin ngang tipan ay masisira kay David na aking lingkod na anupa’t siya’y hindi magkakaroon ng anak upang maghari sa kaniyang trono.”—Jeremias 33:20, 21.
3. Ano ang ipinahihiwatig ng mga salitang ito tungkol sa kaniyang tipan kay David para sa isang walang hanggang Kaharian?
3 Sa mga salitang iyon mayroon tayong di-tuwirang patotoo na ang ating lupa, pati na ang araw at ang buwan, ay mananatili magpakailanman. (Eclesiastes 1:4) Ang ating lupa ay paninirahan magpakailanman ng mga tao, upang sila’y masiyahan sa mga kagandahan ng araw at ng gabi sa ilalim ng nag-iingat-tipan na Diyos, ang Maylikha ng tao. At kung paanong si Jehova ay nanghawakang matatag sa kaniyang tipan tungkol sa araw at yaong tungkol sa gabi, gayundin na siya ay nananatiling tapat sa kaniyang tipan sa sinaunang Haring David para sa isang walang hanggang Kaharian sa linya ng pamilya ni David. Totoo ito bagaman ang luklukan ng Kaharian ay kinailangang ilipat mula sa lupa tungo sa di-nakikitang mga langit.—Awit 110:1-3.
4. (a) Ang tipan ng Diyos kay David para sa isang walang hanggang Kaharian ay kaugnay ng anong iba pang tipan? (b) Ano ang sinabi ni Jesu-Kristo tungkol dito, at sa ilalim ng anong mga kalagayan?
4 Ang tipan ng Diyos para sa isang walang hanggang Kaharian sa linya ni David ay kaugnay ng isa pang tipan, “ang bagong tipan.” Ang tipang ito na hahalili sa matandang tipan ay binanggit ni Jesus. Ito’y pagkatapos niyang ipagdiwang ang Judiong Paskua na kasama ng kaniyang tapat na mga alagad noong gabi ng Nisan 14 ng 33 C.E. Sinimulan niya ang tinatawag na “hapunan ng Panginoon.” Batid niya na, sa araw ding iyon ng Paskua, ibububo niya ang kaniyang dugo bilang hain. Dahil diyan, siya ay kumuha ng isang saro o kopa ng alak na pula, subalit bago niya ipasa ito sa kaniyang tapat na mga apostol, sabi niya: “Ang kopang ito’y nangangahulugan ng bagong tipan sa bisa ng aking dugo.”—Lucas 22:20; 1 Corinto 11:20, 23-26.
5. Kanino ipinakipagtipan ang pangako ng Diyos tungkol sa isang bagong tipan, at ang Republika ng Israel ba ay nag-aangking sakop ng tipang ito?
5 Tulad ng matandang tipan, ang bagong tipan ay ipinakipagtipan sa isang bansa subalit hindi sa alinmang mga bansa ng Sangkakristiyanuhan. Bagaman ang pangako ng bagong tipan ay ipinakipagtipan sa bansang Israel sa pamamagitan ni propeta Jeremias mahigit na 2,500 mga taóng nakalipas, ang Republika ng Israel ngayon ay hindi nag-aangkin na sakop ng bagong tipan. Sa halip, ang Republika ng Israel ay naging isang membro ng UN.
6. Sang-ayon sa Jeremias kabanata 31, bakit nakita ng Diyos ang pangangailangan na gumawa ng isang bagong tipan, at ano ang magiging resulta nito?
6 Bakit kinailangan ng Diyos ang isang bagong tipan? Ang Jeremias 31:31-34 ay nagpapaliwanag: “‘Narito! Ang mga araw ay dumarating,’ sabi ni Jehova, ‘na ako ay makikipagtipan sa sambahayan ni Israel at sa sambahayan ni Juda ng isang bagong tipan; hindi gaya ng tipan na ipinakipagtipan ko sa kanilang mga ninuno nang araw na aking akayin sila sa kamay upang ilabas sila sa lupain ng Ehipto, “na ang aking tipang iyon ay kanilang sinira, bagaman ako’y pinaka-asawang nagmamay-ari sa kanila,” sabi ni Jehova.’ ‘Sapagkat ito ang tipan na aking ipakikipagtipan sa sambahayan ni Israel pagkatapos ng mga araw na yaon,’ sabi ni Jehova. ‘Aking itatala ang aking kautusan sa kanilang kalooban, at aking isusulat sa kanilang puso. At ako’y magiging kanilang Diyos, at sila’y magiging aking bayan. At hindi na magtuturo bawat isa sa kanila sa kaniyang kapuwa at bawat tao sa kaniyang kapatid, na magsasabi, “Inyong kilalanin si Jehova!” sapagkat makikilala nilang lahat ako, mula sa kaliit-liitan sa kanila hanggang sa kadaki-dakilaan sa kanila,’ sabi ni Jehova. ‘Sapagkat aking ipatatawad ang kanilang kasamaan, at ang kanilang kasalanan ay hindi ko na aalalahanin.’”
Isang Lalong Mabuting Tipan na May Lalong Mabuting Tagapamagitan
7. Ang bagong tipan ba ay isang pag-uulit ng tipan na sinira ng mga Israelita, at bakit ito lalong mabuti kaysa tipang Batas?
7 Ang bagong tipan ay hindi basta isang pag-uulit ng naunang tipan na sinira ng mga Israelita. Hindi, hindi nga! Sapagkat ang apostol Pablo ay sumusulat sa mga Kristiyano sa Roma, na nagsasabi: “Wala kayo sa ilalim ng kautusan kundi nasa ilalim ng di-sana-nararapat na kagandahang-loob.” (Roma 6:14) Ito nga ay isang bagong tipan, at maaasahan na ito ay isa na lalong mabuti, sapagkat kayang pagbutihin ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat na si Jehova ang mga bagay-bagay kung tungkol doon sa mga tinatanggap niya sa bagong tipan. Sa isang bagay, siya ay nagbangon ng isang lalong mabuting tagapamagitan, o tulay, sa pagtatatag ng bagong tipan. Ang Tagapamagitan na ito ay sakdal, walang kasalanang tao na di-gaya ng propetang si Moises.
8. (a) Ano ang mayroon ang bagong tipan na gumagawa ritong lalong mabuti kaysa tipang Batas? (b) Sino ang Tagapamagitan ng lalong mabuting bagong tipan? (c) Ano ang sinasabi ng Hebreo 8:6, 13 tungkol sa bagong tipan at ang kahigitan ng Tagapamagitan nito, at taglay ang anong epekto sa dating tipan?
8 Ang tipang Batas na ang namagitan ay si propeta Moises ay mabuti sa ganang sarili. Gayunman, ang tipang iyon ay naglaan ng mga hayop na hain na ang dugo ay hindi kailanman nag-alis ng mga kasalanan ng tao. Kaya upang ang Diyos na Jehova ay makapagtatag ng isang lalong mabuting tipan, kinakailangang magkaroon ng lalong mabuting tagapamagitan na may lalong mabuting hain. Ang napakahalagang Tagapamagitan na ito ay napatunayang si Jesu-Kristo. Itinuturo ang kahigitan ng Tagapamagitang ito kung ihahambing kay propeta Moises, ang Bibliya ay nagbibigay sa atin ng sumusunod na paliwanag: “Ngunit ngayon natamo ni Jesus ang lalong magaling na paglilingkod sa madla, kaya siya rin naman ang tagapamagitan ng isang katumbas na tipan na lalong mabuti, na pinagtitibay ng lalong mabubuting pangako. . . . Doon sa sinasabi niya na ‘isang bagong tipan’ kaniyang niluma ang dati.”—Hebreo 8:6, 13.
Pinalitan ang “Lumang” Matandang Tipan
9. (a) Sa anong araw lumipas ang matandang tipan? (b) Ano ang naganap nang umagang iyon, at bilang katunayan ng ano?
9 Yaong “luma,” o lipas na, na tipan ay lumipas 50 mga araw pagkaraang buhaying-muli ang Tagapamagitan ng bagong tipan. Ito’y naganap noong araw ng Pentecostes. Noong umaga ng araw na iyon, ang antitipong Judiong Kapistahan ng Pagtitipon ay nagsimulang maganap. Papaano? Bueno, ang 120 tapat na mga alagad ng Tagapamagitan ng bagong tipan ay nagtipong sama-sama sa isang silid sa itaas sa Jerusalem at tinanggap ang ipinangakong banal na espiritu, bilang katuparan ng hula sa Joel 2:28-32. Pinatunayan nito ang pasimula ng bagong tipan sa pamamagitan ng pagbibigay ng naririnig at nakikitang patotoo sa lahat ng mga nagmamasid.
10. Nang araw na iyon ng Pentecostes, paano ipinakita na ang mga alagad ni Jesus ay pinahiran ng banal na espiritu?
10 Nang si Jesus ay umahon sa tubig ng bautismo at ang banal na espiritu ay ibuhos sa kaniya, ang espiritu ay makahimalang nakita sa anyong kalapati na lumilipad-lipad sa ibabaw ng kaniyang ulo. Subalit sa kaso ng 120 Hebreong mga alagad noong araw ng Pentecostes, paano nahayag ang pagpahid sa kanila ng banal na espiritu? Sa pamamagitan ng paglitaw ng mga dila ng apoy sa ibabaw ng kanilang mga ulo at ang pagbibigay sa kanila ng kaloob na kakayahang ipahayag ang Salita ng Diyos sa banyagang mga wika na hindi nila kailanman pinag-aralan.—Mateo 3:16; Gawa 2:1-36.
11. (a) Ano sana ang naging maliwanag sa mga Judio, at bakit? (b) Paano natin nalalaman na ang mga Judio ay hindi nagsasabi sa isa’t isa, “Inyong kilalanin si Jehova!” at anong kaligayahan ang wala sila?
11 Naging maliwanag sana sa mga Judio at sa kanilang mga rabbi na ang tipang Batas Mosaiko ay wala nang bisa. Mula noong pagkawasak ng Jerusalem ng mga hukbong Romano noong 70 C.E., hindi na sila nagkaroon ng isang templo. Nang panahong iyon, ang mga rekord ng kanilang talaangkanan ay nawala o nasira. Kaya sa ngayon hindi nila alam kung sino ang kabilang sa tribo ni Levi o kung sino ang inapo ni Aaron upang maglingkod sa kakayahan ng mataas na saserdote para sa bansang Judio. Sa halip na pagsasabi sa isa’t isa, “Inyong kilalanin si Jehova!” kanilang ipinalalagay na isang kalapastanganan ang pagbigkas sa pangalan ng Diyos. Kaya hindi sila nakikibahagi sa kaligayahan ng mga Saksi ni Jehova sa bagay na ang “lumang” matandang tipan ay pinalitan na ng bagong tipan.
“Isang Walang Hanggang Tipan”
12. (a) Sa anong panalangin maaaring makisama mula sa puso ang mga Saksi ni Jehova? (b) Ano ang taglay ni Jesus nang siya’y buhaying-muli mula sa mga patay?
12 Kabaligtaran ng Judiong kalagayan sa ngayon, ang mga Saksi ni Jehova ay mayroong aktibo, nanunungkulan na Mataas na Saserdote sa kanang kamay ng Diyos sa langit. Siya ang Tagapamagitan ng bagong tipan, isang tagapamagitan na lalong dakila kaysa kay Moises. Mula sa puso, ang mga saksing ito ni Jehova ay maaaring makisama sa panalangin ng manunulat sa Hebreo 13:20, 21: “Ngayon ang Diyos ng kapayapaan, na nagbangon buhat sa mga patay sa dakilang pastol ng mga tupa sa pamamagitan ng dugo ng walang hanggang tipan, ang ating Panginoong Jesus, sangkapan sana niya kayo ng bawat mabuting bagay upang gawin ang kaniyang kalooban.” Yamang ibinigay ng “dakilang pastol” na iyan ang kaniyang buhay tao alang-alang sa “tupa,” siya ay maaaring buhaying muli mula sa mga patay sa isang walang-kamatayan, walang-dugong espiritung katawan subalit taglay ang halaga ng dugo ng bagong tipan na matapat na ipinatutupad at na walang hanggan sa mabuting mga epekto nito.
13. (a) Paanong ang kamatayan ng Tagapamagitan ng bagong tipan ay inaalaala taun-taon ng mga Saksi ni Jehova? (b) Ano ang isinasagisag ng mga emblema?
13 Ang sakripisyong kamatayan ng Tagapamagitan ng bagong tipan, si Jesu-Kristo, ay inaalaala taun-taon ng mga Saksi ni Jehova sa anibersaryo ng “hapunan ng Panginoon.” Ang walang lebadurang tinapay na kinakain niyaong mga kasama sa bagong tipan sa “hapunan” na iyon ay sumasagisag sa sakdal na laman ng Tagapamagitan, at ang alak ay sumasagisag sa dalisay, malinis na dugo, na sang-ayon sa Kasulatan, ay naglalaman ng buhay mismo ng Tagapamagitan.—1 Corinto 11:20-26; Levitico 17:11.
14. Kapag yaong mga kasama sa bagong tipan ay nakikibahagi sa mga emblema ng Memoryal, ano ang kanilang ginagawa, sa makasagisag na pananalita?
14 Kapag yaong mga kasama sa bagong tipan ay nakikibahagi sa Memoryal na kopa ng alak sa “hapunan ng Panginoon,” sa makasagisag na paraan lamang na kanilang iniinom ang dugo, niyaong sa Tagapamagitan ng bagong tipan. Sa makasagisag na paraan din naman na kanilang kinakain ang kaniyang laman kapag sila ay nakikibahagi sa Memoryal na tinapay na walang lebadura. Sa paggawa nito, sa makasagisag na pananalita, ipinahahayag nila ang kanilang pananampalataya sa haing pantubos ng Anak ng Diyos, ang Manunubos ng lahat ng sangkatauhan.
15. (a) Gaano na katagal ang bagong tipan, at paano ito nga ay napatunayang isang lalong mabuting tipan? (b) Bakit ang bagong tipan ay maaaring tukuyin bilang “isang walang hanggang tipan”?
15 Ang bagong tipan, ngayo’y mahigit nang 1,950 taóng gulang, ay nalalapit na sa katuparan ng layunin nito. Ito ay tumagal na ng mga dantaon na mas mahaba kaysa tipang Batas Mosaiko. Nasasalig sa lalong mabuting mga pangako at isang lalong mabuting hain na may lalong mabuting Tagapamagitan, ito nga ay napatunayang isang lalong mabuting tipan. Sapagkat hindi na kailangang halinhan o palitan ng isang bago at lalong mabuting tipan, ang matagumpay na bagong tipan ay tinutukoy bilang “isang walang hanggang tipan.”—Hebreo 13:20.
16. Ano ang dapat na ipagpasalamat natin sa Diyos na Jehova?
16 Makapagpapasalamat tayo sa Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat, si Jehova, sapagkat siya ay nagbangon ng isang Tagapamagitan na lalong mabuti kaysa kay Moises, na sa pamamagitan niya legal na mapapawi Niya ang tipang Batas Mosaiko sa pamamagitan ng pagpapako rito sa pahirapang tulos at ilaan ang dugo ng walang hanggang bagong tipan!