Mayroon Bang Makapaghihiwalay sa Iyo sa Pag-ibig ng Diyos?
“Sapagkat ako’y naniniwalang lubos na kahit ang kamatayan man, kahit ang buhay, kahit ang mga anghel, kahit ang mga pamahalaan, kahit ang mga bagay na kasalukuyan, kahit ang mga bagay na darating, kahit ang mga kapangyarihan, kahit ang kataasan, kahit ang kababaan, kahit ang alinmang ibang nilalang ay hindi makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos na nasa kay Kristo Jesus na Panginoon natin.”—ROMA 8:38, 39.
1. Sa paano ipinakikilala araw-araw ang pag-ibig ng Diyos?
ANG Diyos ay pag-ibig. Sa mga paraang sumusustine sa buhay ito’y nahahayag sa atin araw-araw. Ang hangin na ating nilalanghap, ang tubig na ating iniinom, ang pagkain na ating kinakain—lahat ay dumarating sa atin bilang pagpapakilala ng pag-ibig ng Diyos. Isa pa, ang mga ito’y dumarating sa mabuti at sa masama, pinahahalagahan man o hindi. Ito’y pinatotohanan ni Jesus nang kaniyang sabihin tungkol sa kaniyang makalangit na Ama: “Pinasisikat niya sa mga taong balakyot at pati sa mabubuti ang kaniyang araw at nagpapaulan sa mga taong matuwid at di-matuwid.” (Mateo 5:45) Bawat nabubuhay na nilalang sa lupa ay dapat magpasalamat sa Diyos dahilan sa mga paglalaan ukol sa ikabubuhay.—Awit 145:15, 16.
2. Paano ipinakita ang dakilang pag-ibig ni Jehova sa sangkatauhan, at paano ipinakita ni Jesus ang pagpapahalaga sa ibig ni Jehova?
2 Para sa mga tao ang pag-ibig ng Diyos ay ipinakita hindi lamang sa pagbibigay ng panustos sa kasalukuyang buhay na nalalantang gaya ng bulaklak at natutuyo na gaya ng damo. (1 Pedro 1:24) Siya’y naglaan para ang tao ay mabuhay magpakailanman: “Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan anupa’t ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang bawat nagsasagawa ng pananampalataya sa kaniya ay huwag mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.” (Juan 3:16) Ang paglalaang ito ay ginugulan ng malaking halaga ng Ama at ng Anak. Sa Getsamane nang gabi bago siya namatay, si Jesus ay nagpatirapa at nanalangin nang gayon na lamang kataimtim na anupa’t ang “kaniyang pawis ay naging tulad sa mga patak ng dugo na pumapatak sa lupa.” Sa ganitong sandali ng kahirapan, sumaisip ni Jesus ang pagkaupasala ng pangalan ng Diyos, at hiniling pa nga niya na alisin sa kaniya ang saro. Subalit sinabi pa niya: “Ngunit hindi ang ibig ko, kundi ang ibig mo.” (Lucas 22:44; Marcos 14:36) Bagama’t si Jesus ay nasa matinding paghihirap, ang ibig ni Jehova ang kaniyang inuna. Kahit na ang mga hagupit at ang unti-unting pagdatal ng kamatayan nang siya’y ipako sa isang pahirapang tulos ay hindi nakapaghiwalay sa kaniya sa pag-ibig ng Diyos.
3. Anong mga salita ni Pablo ang ikinakapit ng mga Saksi ni Jehova sa kanilang sarili, at anong mga resulta ang dulot nito sa kanila?
3 Ang ibig ni Jehova ang inuuna rin ng mga Saksi ni Jehova na sa ngayon ay sumusunod sa mga yapak ni Jesus. “Kung ang Diyos ay kakampi natin,” anila, na ikinakapit ang mga salita ni apostol Pablo, “sino ang laban sa atin? Sino ang maghihiwalay sa atin sa pag-ibig ni Kristo? Ang kapighatian ba o ang kahapisan o ang pag-uusig o ang gutom o ang kahubaran o ang panganib o ang tabak ba? Bagkus pa nga, sa lahat ng mga bagay na ito tayo ay lubusang nagtatagumpay sa pamamagitan niya na umiibig sa atin.” (Roma 8:31, 35, 37) Sa loob ng siglong ito ang mga Saksi ni Jehova ay inumog, binugbog, binuhusan ng alkitran at binalahibuhan, pinutulan ng mga parte ng katawan, ginahasa, ginutom, pinatay ng mga firing squad, at sa mga piitang kampo ng Nazi ay pinugutan ng ulo—lahat ng ito ay dahil sa kanilang pagtangging humiwalay sa pag-ibig ng Diyos.
4. Paano naaantig ang damdamin mo dahilan sa pagtanggi ng isang binata na ihiwalay ang kaniyang sarili sa pag-ibig ng Diyos?
4 May apatnapu’t apat na taon na ngayon, isang binata, isa sa mga Saksi ni Jehova, ang sumulat sa kaniyang mga magulang buhat sa isang piitang kampo na pinaaandar ng mga Nazi, na ang sabi, sa isang bahagi:
“Ngayon ay alas-9 ng araw ng paglilitis sa akin, ngunit kailangang maghintay ako hanggang sa alas-11:30. Isinusulat ko ang liham na ito sa isang selda ng hukumang militar ng estado na kung saan nagsusolo ako. Malaki ang aking kapayapaan, na talaga namang halos hindi mapaniniwalaan; ngunit lahat ay ipinagkatiwala ko na sa Panginoon, kaya naman mahinahong mahihintay ko ang sandaling ito at ako’y palaging nakagapos. Kanilang sinabi sa inyo na hindi ako itatanikala. Kasinungalingan! Araw at gabi: wala kundi pagsusuot at paghuhubad ng damit at paglilinis ng selda kaya lamang ako inaalisan ng gapos . . .
“12:35. Tapos na ang lahat ngayon. Dahilan sa patuloy na pagtutol ko [sa kanilang kahilingan na itakwil ko ang pagsamba sa Diyos na Jehova], kaya sinentensiyahan ako ng kamatayan. Ako’y nakinig, at pagkatapos na masabi ko ang mga salitang ‘Magtapat ka hanggang kamatayan’ at ang ilang mga iba pang salita ng ating Panginoon, tapos na ang lahat. Pero hindi bale. Mayroon akong malaking kapayapaan, malaking katahimikan, na marahil ay hindi ninyo maguguniguni. . . . Ang kapayapaang ito, ang kagalakang ito na tinamasa ko na sa silid-hukuman, na hindi maintindihan kailanman ng sanlibutan, ang nangibabaw at nanaig sa akin habang ako’y papasok na muli sa aking selda . . . Huwag kayong tumangis. . . . Ito ang pinakamagaling na maibibigay ko sa inyo, at sa lahat ng minamahal na mga kapatid sa araw na ito, ang huling Linggo bago ako patayin (pugutan ng ulo), na sa araw na ito ako naalisan ng gapos.”a
“Kaniyang Patitibayin Kayo, Kaniyang Palalakasin Kayo”
5, 6. Anong katiyakan buhat kay Pablo at kay Pedro ang nakaaaliw sa mga nasa pagsubok dahilan sa mahigpit na pagkapit sa pag-ibig ng Diyos?
5 Ang binatang ito ay napahiwalay sa buhay ngunit hindi napahiwalay sa pag-ibig ng Diyos. Nakakatulad na mga kalupitan ang dinanas ng mga Saksi ni Jehova sa nakalipas na mga siglo. Ang kakayahan ng mga lingkod ng Diyos na tiisin ang gayong pag-uusig, kahit na hanggang kamatayan, ay hindi bunga ng kanilang sariling lakas kundi ng sa Diyos. “Tapat ang Diyos,” ito ang tinitiyak sa atin ni Pablo, “at hindi niya itutulot na kayo’y tuksuhin nang higit sa inyong makakaya, kundi kalakip din ng tukso ay gagawin naman niya ang paraan ng pag-ilag upang ito’y inyong matiis.” (1 Corinto 10:13) Pagka ang tapat na mga Saksi ni Jehova sa ngayon ay nasa ilalim ng pagsubok kanilang nasasabi ang gaya ng sinabi ni Pablo nang siya’y nakabilanggo: “Ang Panginoon ay suma-akin at pinalakas ako.”—2 Timoteo 4:17.
6 Si apostol Pedro, pagkatapos na paalalahanan tayo na maging mapagbantay laban sa Diyablo, na gagala-gala gaya ng isang leong umuungal na nagsisikap na sakmalin tayo, ay nagbibigay ng kasiguruhan: “Pagkatapos na kayo’y magbata nang sandali, ang Diyos ng lahat ng di-sana nararapat na awa, na sa inyo’y tumawag sa kaniyang walang hanggang kaluwalhatian kaisa ni Kristo, ang mismong tatapos ng inyong pagsasanay, kaniyang patitibayin kayo, kaniyang palalakasin kayo.” (1 Pedro 5:8-10) Kung iisipin ang lahat ng pag-alalay na ito buhat sa Diyos, isang bagay ang malinaw: Ang pag-ibig ng Diyos ay walang pagkabigo; kung tayo’y hihiwalay dito kasalanan na natin iyon, hindi sa Diyos.
7. Anong mga pamamaraan ang ginamit ni Satanas kay Jesus, at paano pinagtagumpayan siya ni Jesus?
7 Hindi laging umaatake si Satanas na gaya ng isang leong umuungal. Maraming beses na siya’y gaya ng isang ‘tusong ahas’ at isa ring apostatang “anghel ng liwanag.” Siya’y may masamang hangarin sa atin, at tayo’y kailangang maging alisto upang huwag niyang mapaglalangan. Kailangang isuot natin ang hustong baluti ng Diyos “upang makapanindigang matatag laban sa mga gawang katusuhan ng Diyablo.” (Genesis 3:1, The Jerusalem Bible; 2 Corinto 2:11; 11:13-15; Efeso 6:11, Ref. Bi., talababa) Sa pasimula ng ministeryo ni Jesus, si Satanas ay lumapit sa kaniya at sumipi ng mga teksto, maling ikinapit ang mga iyon upang tuksuhin si Jesus na gumawa ng masama. Tatlong beses na kaniyang tinukso si Jesus at tatlong beses na siya’y nabigo. Ang ginawa ni Satanas na pagpilipit sa Kasulatan ay tinanggihan ni Jesus at ang mga teksto ay ikinapit nang wasto. Pagkatapos ay sinabi ni Jesus kay Satanas na siya’y lumayo. Subalit si Satanas ay walang ginawa kundi “lumisan sa kaniya hanggang sa ibang kombinyenteng panahon.”—Lucas 4:13; Mateo 4:3-11.
8, 9. Anu-anong mapandayang paraan ang ginamit ni Satanas para makabalik sa pag-atake kay Jesus, at ano ang ipinayo ni Pablo na gawin natin para sa ating proteksiyon?
8 Si Satanas ay mapilit. Siya’y patuloy na bumabalik na nakabalatkayo sa iba’t ibang paraan. Siya’y bumalik kay Jesus sa pamamagitan ng relihiyosong klero noong panahong iyon. Ito’y naunawaan ni Jesus at tahasang sinabi sa kanila: “Kayo’y sa inyong amang Diyablo.” May mga tao na sa di-sinasadya’y naglilingkod sa mga layunin ni Satanas. Ganito nga ang ginawa ni apostol Pedro nang kaniyang bigyang-payo si Jesus na, bagaman may mabuting layunin, sinansala siya ni Jesus, at sinabi: “Maging mabait ka sa iyong sarili, Panginoon; hindi mangyayari ito sa iyo.” Buong diin na pinayuhan ni Jesus si Pedro: “Lumagay ka sa likuran ko, Satanas! Ikaw ay isang katitisuran sa akin.” (Juan 8:44; Mateo 16:22, 23) Sa katulad na paraan, baka sa di-sinasadya’y sa mga layunin ni Satanas nagsisilbi ang isang amo, o isang kamanggagawa, isang kamag-aral, isang kaibigan, isang kamag-anak, isang magulang, o isang asawa. Tayo’y palaging maging mapagbantay upang huwag tulutan ang anuman na pahinain ang ating kaugnayan kay Jehova.
9 Kaya kailangan na “magbihis ng buong kagayakang baluti buhat sa Diyos upang makatayo kayong matatag laban sa mga pakana ng Diyablo; sapagkat ang ating pakikipagbaka ay hindi laban sa dugo at laman, kundi laban sa . . . mga hukbo ng balakyot na mga espiritu sa mga dakong kalangitan.”—Efeso 6:11, 12.
Mahigpit na Kapit ng Kasalanan sa Makasalanang Laman
10. Ano ang ibig sabihin ng salitang “kasalanan,” at anong mga gawain ang maghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos?
10 Si Satanas ay sumasalakay kung saan tayo mahina. Kaya naman ang hilig ng ating laman na magkasala ang gustung-gusto niyang asintahin. (Awit 51:5) Ang salitang Griegong isinaling kasalanan ay ha·mar·tiʹa. Ang pandiwa nito ay ha·mar·taʹno, na ang saligang kahulugan ay “sumala sa pamantayan.” (Roma 3:9, Ref. Bi., talababa) Mientras sumasala tayo sa pamantayan at hindi sumusunod sa mga kautusan ng Diyos, lalo tayong napapalayo sa pag-ibig ng Diyos, sapagkat “ito ang ibig sabihin ng pag-ibig sa Diyos, na tupdin natin ang kaniyang mga utos.” (1 Juan 5:3) Ang pangangalunya, pakikiapid, seksuwal na imoralidad, paglalasing, walang patumanggang mga kasayahan, malayang pagpapasasà sa mga pita ng laman, kapanaghilian, silakbo ng galit, materyalistikong kasakiman—lahat na iyan ay naghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos, at “silang gumagawa [nito] ay hindi magmamana ng kaharian ng Diyos.”—Galacia 5:19-21.
11. Paanong ang kasalanan ay maaaring unti-unting kumapit sa atin, at ano ang resulta sa wakas?
11 Ang mga sine, aklat, dula, palabas sa TV—na lipos ng materyalistiko, ako-muna, hilig-seksong mga komersiyal—ang nagbibigay-daan sa pagkahilig sa walang patumangga at walang pagpipigil na kalayawan. Dahil sa unang kasalanan ay nagiging madali ang ikalawa, ang ikatlo at ikaapat ang kasunod, at di malaon ay humahantong ito sa buong bilis na pagkahulog sa pagkamakasanlibutan. Sa wakas, yaong mga “maibigin sa kalayawan kaysa maibigin sa Diyos” ay wala nang inaatupag kundi “pagpaplano para sa mga pita ng laman.” (2 Timoteo 3:4; Roma 13:14) Ang matatanda at mga bata ay kapuwa nahuhulog sa pusali ng kasalanan, at nagiging lubusang manhid na ang kanilang mga budhi. “Yamang wala silang bahagya mang wagas na asal, sila’y napahikayat sa kalibugan upang gumawa ng lahat ng uri ng kahalayan pati ng kasakiman.”—Efeso 4:19; 1 Timoteo 4:2.
12. Anong mga teksto ang nagpapakita ng kapangyarihan sa atin ng kasalanan, at ano ang malungkot na ibinulalas ni Pablo tungkol dito?
12 Yaong mga disidido na huwag mapahiwalay sa pag-ibig ng Diyos ay kailangang magpakatibay ng kanilang sarili laban sa mahigpit na kapit ng kasalanan sa makasalanang laman. Ito’y isang kaaway na mahirap igupo, gaya ng paulit-ulit na idiniriin ng Bibliya. “Bawat gumagawa ng kasalanan ay alipin ng kasalanan,” “lahat [ay] nasa ilalim ng kasalanan,” “lahat ay nagkasala,” “huwag hayaang ang kasalanan ay patuloy na maghari sa inyong mortal na mga katawan,” “kayo ay mga alipin niya dahil sa siya ang sinusunod ninyo,” “ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan,” at lahat ay “nakabilanggo sa kasalanan.” (Juan 8:34; Roma 3:9, 23; 6:12, 16, 23; Galacia 3:22) Si Pablo ay “ipinagbili sa kasalanan,” isang “bihag sa kautusan ng kasalanan,” kaya malungkot na ibinulalas niya: “Ang mabuti na aking ibig ay hindi ko ginagawa, ngunit ang masama na hindi ko ibig ay siya kong ginagawa.” (Roma 7:14, 19, 23) Kaya’t siya’y bumulalas: “Miserableng tao nga ako! Sino ang magliligtas sa akin sa katawan na dumaraan sa ganitong kamatayan?” Pagkatapos ay narito ang masayang sagot: “Salamat sa Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Kristo na Panginoon natin!”—Roma 7:24, 25.
13, 14. (a) Paano tayo pinalalaya buhat sa kasalanan? (b) Paano tayo makapananatili sa pag-ibig ni Kristo?
13 Hanggang sa dumating si Jesus, “ang kasalanan ay naghaharing kasama ng kamatayan.” (Roma 5:14, 17, 21) Subalit nang mamatay at buhaying-muli si Jesus, ang haring kasalanan ay nawalan na ng kapangyarihan sa mga tumutugon sa maibiging paglalaan ng Diyos ng Kaniyang Anak. Kaniyang iniligtas tayo buhat sa ating mga kasalanan, hinugasan ang mga ito, nilinis tayo buhat sa mga ito, pinalaya buhat sa mga ito, at lubusang inalisan tayo nito. (Mateo 1:21; Gawa 3:19; 22:16; 2 Pedro 1:9; 1 Juan 1:7; Apocalipsis 1:5) Kaya naman hindi lamang si apostol Pablo kundi lahat ng nananampalataya sa itinigis na dugo ni Kristo Jesus ay dapat magpasalamat sa Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Kristo na ating Panginoon dahilan sa pagbubukas ng daan para sa paglaya buhat sa miserableng pagkaalipin ng laman sa kasalanan at kamatayan.
14 Kaya mahalaga hindi lamang ang maiwasan ang anumang paghiwalay sa pag-ibig ng Diyos kundi pati ang pananatili sa pag-ibig ni Kristo. Pareho ang tuntunin para sa pananatiling malapit kay Jesus gaya rin ng pananatiling malapit sa Diyos. Ito’y binanggit ni Jesus, na ang sabi’y: “Kung paanong inibig ako ng Ama at iniibig ko naman kayo, manatili kayo sa aking pag-ibig. Kung tinutupad ninyo ang aking mga utos, kayo’y magsisipanahan sa aking pag-ibig, gaya ng aking pagtupad sa mga utos ng Ama at ako’y nanatili sa kaniyang pag-ibig.”—Juan 15:9, 10.
Ang Panganib ng Pagpapatangay
15. Tayo’y madaling tablan ng ano, at ano ang kailangan nating gawin upang maiwasan ang panganib?
15 Huwag iwala ang ganitong paglaya buhat sa kasalanan at kamatayan dahil sa pagpapaanod o pagpapatangay. Ito’y maaaring mangyari unti-unti na hindi natin namamalayan. Gaya ng sinasabi ng Galacia 6:1: “Mga kapatid, kahit na nagkasala ang isang tao bago niya namalayan iyon, kayong may espirituwal na mga kuwalipikasyon sikapin ninyong muling maituwid nang may kahinahunan ang gayong tao, samantalang minamataan din naman ninyo ang inyong sarili, baka kayo man ay matukso rin.” Kung paano pinapayuhan ng isang tao ang iba, kailangan din na kaniyang ‘mataan ang kaniyang sarili.’ Lahat tayo ay madaling tablan! “Kailangang magbigay tayo nang higit kaysa karaniwang pansin sa mga bagay na pinakikinggan natin, upang tayo’y huwag matangay ng agos.”—Hebreo 2:1.
16, 17. Anong halimbawa ang nagpapakita ng panganib ng pagpapatangay at pagwawala ng espirituwalidad, at ano ang dapat nating gawin upang maiwasan ito?
16 Ang pagpapatangay ay hindi ginagastahan ng lakas. Kaya naman ito’y napakadali—at napakamapanganib, kung espirituwal ang pinag-uusapan. Baka humihiwalay ka na sa pag-ibig ng Diyos bago mo matalos iyon. Ito’y nakakatulad ng tupa na naliligaw. Paano ba naliligaw iyon? Ganito ang paliwanag ng pastol: ‘Ito’y nanginginain hanggang sa maligaw siya. Siya’y nakakakita ng sariwang damo mga ilang piye ang layo sa kaniya, nagpupunta siya roon upang manginain. Pagkatapos ay nakakakita siya ng isa pang damuhan sampung piye ang layo sa kaniya at nagpupunta roon upang manginain na naman. Ang pangatlong damuhan ay totoong kaakit-akit, at ang tupa ay nagpupunta roon upang manginain uli. Hindi nagtatagal at iyon ay malayung-malayo na sa kawan. Siya’y nanginain nang nanginain hanggang sa mapahiwalay sa kawan.’
17 Ganiyan din kung tungkol sa mga napatatangay at nawawala ang espirituwalidad. Baka magsimula iyon nang wala siyang kamalay-malay sa pamamagitan ng mga ilang materyal na bagay, o pakikisama sa mga makasanlibutan, o pagkakaroon ng sariling haka-haka sa mga ilang teksto. Subalit unti-unti, ang gayong mga tao ay palayo nang palayo sa kawan ng Diyos, at hindi nagtatagal sila’y napapahiwalay sa kongregasyon at sa pag-ibig ng Diyos. Hindi nila pinakinggan ang payo ni Pablo: “Laging subukin ninyo kung kayo baga’y nasa pananampalataya, laging suriin ninyo ang inyong sarili.”—2 Corinto 13:5.
18, 19. Paano natin napalalayo sa atin ang Diyablo, at paano tayo napapalapit sa Diyos?
18 “Salansangin ang Diyablo,” ang payo sa atin, “at tatakas siya sa inyo.” Sa pamamagitan ng bihasang paggamit sa “tabak ng espiritu, samakatuwid nga, ang Salita ng Diyos,” ating nilalabanan ang tusong mga pagsalakay ni Satanas. Ganiyan pinalayo ni Jesus si Satanas doon sa ilang. Sinasabi rin sa atin: “Magsilapit kayo sa Diyos, at siya’y lalapit sa inyo.” (Santiago 4:7, 8; Efeso 6:17) Tulad ng mga manunulat ng Mga Awit, manatiling malapit sa Diyos sa pamamagitan ng pagkapit nang mahigpit sa kaniyang salita: “Ang paalaala ni Jehova ay mapagkakatiwalaan, pinadudunong ang walang karanasan. . . . Sa iyong mga paalaala ay patuloy na makikinig ako. Ang iyong salita ay ilawan sa aking paa, at tanglaw sa aking daan. Sa iyong mga paalaala ay hindi ako lumihis.”—Awit 19:7; 119:95, 105, 157.
19 Sa pamamagitan ng panalangin, pag-aaral ng Salita ng Diyos, pag-ibig sa ating mga kapatid at regular na pakikipagtipon sa kanila, sa pamamagitan ng pagbabalita sa iba ng Kaharian ng Diyos—lahat ito ay mga paraan na ginagamit upang tayo’y mapalapit sa Diyos at sa kaniyang pag-ibig na gaya ng ipinakita ni Kristo Jesus na ating Panginoon.—1 Tesalonica 5:17; Roma 12:2; Hebreo 10:24, 25; Lucas 9:2.
20. Anong determinasyon ang ipinahayag ni Pablo na ikinakapit ng mga Saksi ni Jehova ngayon sa kanilang sarili?
20 Sa lubusan at mariin na pagpapahayag, ipinakita ni Pablo ang determinasyon ng lahat ng tapat na mga Saksi ni Jehova sa lupa ngayon na ang sabi: “Ako’y naniniwalang lubos na kahit ang kamatayan man, kahit ang buhay, kahit ang mga anghel, kahit ang mga pamahalaan, kahit ang mga bagay na kasalukuyan, kahit ang mga bagay na darating, kahit ang mga kapangyarihan, kahit ang kataasan, kahit ang kababaan, kahit ang alinmang ibang nilalang ay hindi makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos na [nakita, JB] nasa kay Kristo Jesus na Panginoon natin.”—Roma 8:38, 39.
[Talababa]
a The Watchtower, Agosto 1, 1945, pahina 237, 238.
Natatandaan Mo Ba?
◻ Paano ipinakita ang pag-ibig ni Jehova sa kaniyang mga paglalaan ukol sa buhay?
◻ Upang ang mga Saksi ni Jehova ay maihiwalay sa pag-ibig ng Diyos, anong mga paraan ang ginamit ni Satanas?
◻ Anong mga teksto ang nagpapakita ng mahigpit na kapit ng kasalanan sa atin, at papaano ito maaaring masira?
◻ Bakit ang pagpapatangay ay napakamapanganib, at paano ito maaaring labanan?
[Larawan sa pahina 13]
Ang isang tupa ay napapahiwalay na unti-unti hanggang sa tuluyang maligaw