Abala ba sa mga Gawang Patay o sa Paglilingkod kay Jehova?
“PASENSIYA na kayo, pero marami po akong gawain.” Isa ito sa mga pagtutol na napapaharap sa mga Saksi ni Jehova samantalang sila’y nangangaral sa madla ng mabuting balita ng Kaharian. (Mateo 24:14) At samantalang ang pagsasabing “Ako’y maraming gawain” ay wala kundi isang pagdadahilan lamang, ang totoo ay maraming tao ang magawain nga. Sila’y halos nadaraig ng “pagkabalisa na dulot ng sistemang ito ng mga bagay”—ang kagipitan ng paghahanapbuhay, pagbabayad sa mga utang, pagpasok at pag-uwi buhat sa trabaho, pagpapalaki ng mga anak, pag-aasikaso ng tahanan, kotse, at iba pang mga ari-arian.—Mateo 13:22.
Gayunman, samantalang marahil nga’y talagang magawain ang mga tao, kakaunti ang may mga trabahong talagang kapaki-pakinabang o mabunga. Ang pantas na taong si Solomon ay sumulat: “Ano ang tinatamo ng tao sa lahat niyang pagpapagal at sa pinagsusumikapan ng kaniyang puso na kaniyang pinagpapagalan sa ilalim ng araw? Sapagkat sa lahat ng kaniyang mga araw ang kaniyang gawa ay nagdadala ng kapanglawan at kahapisan, at kung gabi’y hindi nagpapahinga ang kaniyang puso. Ito rin naman ay walang kabuluhan.”—Eclesiastes 2:22, 23.
Ang ganiyang walang kabuluhang mga gawa ay tinatawag din sa Bibliya na “mga gawang patay.” (Hebreo 9:14) Ang ganiyan bang mga gawa ang nangingibabaw sa iyong buhay? Ito’y dapat mong lubhang pag-isipan bilang isang Kristiyano, yamang “gagantihin [ng Diyos] ang bawat isa ayon sa kaniyang gawa.” (Awit 62:12) At yamang “ang nalalabing panahon ay maikli na,” ang lalong dapat nating pag-isipan ay ang huwag mag-aksaya ng panahon sa mga gawang patay. (1 Corinto 7:29) Subalit ano ba ang mga gawang patay? Papaano natin dapat malasin ang mga iyan? At papaano natin matitiyak na tayo’y abala sa mga gawang tunay na may halaga nga?
Kung Papaano Makikilala ang mga Gawang Patay
Sa Hebreo 6:1, 2, sumulat si Pablo: “Kaya naman, ngayon na natapos na tayo sa panimulang aralin tungkol sa Kristo, tayo’y sumulong na tungo sa pagkamaygulang, huwag nang ilagay muli ang mga saligang aral, samakatuwid nga, pagsisisi buhat sa mga patay na gawa, at pananampalataya tungkol sa Diyos, ang turo tungkol sa mga bautismo at ang pagpapatong ng mga kamay, ang pagkabuhay-muli ng mga patay at walang-hanggang hatol.” Pansinin na sa “panimulang aralin” ay kasali ang “pagsisisi buhat sa mga patay na gawa.” Bilang mga Kristiyano, ang mga mambabasa ni Pablo ay nagsisisi na buhat sa gayong mga gawang patay. Papaano nga nagkagayon?
Bago tinanggap si Kristo, ang iba noong unang siglo ay gumawa ng patay na “mga gawa ng laman,” samakatuwid nga, “pakikiapid, karumihan, kalibugan, idolatriya, pamimihasa sa espiritismo,” at iba pang masasamang gawa. (Galacia 5:19-21) Kung hindi nasupil, ang gayong mga gawa ay maaaring humantong sa kanilang espirituwal na kamatayan. Ngayon, na sila’y kinahahabagan, ang mga Kristiyanong iyon ay huminto sa kanilang kapaha-pahamak na landasin, nangagsisi, at “nangahugasang malinis.” Sila sa gayon ay nagtatamasa ng malinis na katayuan sa harap ni Jehova.—1 Corinto 6:9-11.
Datapuwat, hindi lahat ng Kristiyano ay kinailangan na magsisi sa gawang masasama o imoral. Ang liham ni Pablo ay pangunahing nauukol sa mga mananampalatayang Judio, na marami sa kanila ay tiyak na mahigpit ang pagsunod sa Kautusang Mosaiko bago tinanggap si Kristo. Sa anong mga gawang patay, kung gayon, sila nangagsisi? Tiyak naman na walang masama sa kanilang ginawang pagsunod sa mga ritwal at mga kahilingan sa pagkain na itinakda ng Kautusan. Hindi ba ang Kautusan ay “banal at matuwid at mabuti”? (Roma 7:12) Oo, ngunit sa Roma 10:2, 3, sinabi ni Pablo tungkol sa mga Judio: “Ako’y nagpapatotoo na masisigasig sila sa Diyos; ngunit hindi ayon sa tumpak na kaalaman; sapagkat, dahilan sa hindi pagkaalam ng katuwiran ng Diyos kundi sa paghahangad na maitayo ang sa kanilang sarili, hindi sila napasakop sa katuwiran ng Diyos.”
Oo, ang mga Judio ay may maling mga paniniwala na sa pamamagitan ng maingat na pagsunod sa Kautusan, makakamit nila ang kanilang kaligtasan. Subalit, ipinaliwanag ni Pablo na “ang tao ay inaaring matuwid, hindi dahilan sa mga gawa ng kautusan, kundi sa pamamagitan lamang ng pananampalataya kay Kristo Jesus.” (Galacia 2:16) Pagkatapos na maihandog na ni Kristo ang pantubos, ang mga gawa ng Kautusan—gaano man kabanal o karangal—ay mga gawang patay at walang anumang halaga sa pagkakamit ng kaligtasan. Ang tapat-pusong mga Judio ay humanap ng lingap ng Diyos sa pamamagitan ng pagsisisi sa gayong mga gawang patay at pagpapabautismo upang sagisagan ang kanilang pagsisisi.—Gawa 2:38.
Ano ba ang ating matututuhan dito? Na hindi lamang ang mga gawang masasama o imoral ang kasali sa mga gawang patay; sakop nito ang anumang gawa na patay sa espirituwal, walang kabuluhan, o walang bunga. Subalit hindi ba lahat ng Kristiyano ay nagsisisi buhat sa gayong mga gawang patay bago sila nabautismuhan? Totoo iyan, ngunit ang ibang mga Kristiyano noong unang siglo ay nang malaunan nagbalik na muli sa pamumuhay na imoral. (1 Corinto 5:1) At sa Judiong Kristiyano, may tendensiya na bumalik sa pamimihasa sa mga patay na gawa ng Kautusang Mosaiko. Kinailangan ni Pablo na ang gayong mga tao ay paalalahanan na huwag nang magbalik sa mga patay na gawa.—Galacia 4:21; 5:1.
Pag-iingat Laban sa mga Gawang Patay
Ang bayan ni Jehova sa ngayon ay kailangan ngang pakaingat na huwag magbalik sa silo ng mga gawang patay. Tayo’y sinasalakay sa halos lahat ng panig sa pamamagitan ng panggigipit upang makipagkompromiso sa moral, magdaya, at mahulog sa seksuwal na imoralidad. Nakalulungkot sabihin, may libu-libong Kristiyano sa taun-taon na napadadala sa gayong panggigipit, at kung hindi nagsisisi, sila ay itinitiwalag sa kongregasyong Kristiyano. Kung gayon, higit kailanman, ang isang Kristiyano ay kailangang sumunod sa payo ni Pablo sa Efeso 4:22-24: “Inyong iwan ang dating pagkatao na naaayon sa inyong dating pag-uugali at patuloy na sumasamâ ayon sa kaniyang mapandayang mga pita; kundi . . . mangagbago kayo sa puwersang nagpapakilos sa inyong isip, at kayo’y mangagbihis ng isang bagong pagkatao na nilikha ayon sa kalooban ng Diyos sa tunay na katuwiran at katapatan.”
Kung sa bagay, ang mga taga-Efeso na sinulatan ni Pablo ay nagbihis na ng bagong pagkatao sa kalakhang bahagi. Subalit sila’y tinulungan ni Pablo na maunawaang ang paggawa ng gayon ay patuluyan! Kung hindi patuluyang magsisikap, ang mga Kristiyano ay maaaring magbalik sa mga gawang patay dahilan sa mapandayang mga pita na may masamang impluwensiya. Ganiyan din kung tungkol sa atin ngayon. Tayo’y kailangang laging masikap na magbihis ng bagong pagkatao, hindi pinapayagang iyon ay madungisan ng anumang ugaling nakuha natin sa ating dating paraan ng pamumuhay. Itakwil natin—kapootan—ang anumang anyo ng masasamang gawain ng laman. “Oh kayong mga umiibig kay Jehova, kapootan ninyo ang masama,” ang payo ng salmista.—Awit 97:10.
Karapat-dapat sa pagpuri, ang lubhang karamihan ng mga lingkod ni Jehova sa ngayon ay nakinig sa payong ito at nanatiling malinis sa moral. Datapuwat, ang iba ay nailigaw ng mga gawang hindi naman talagang mali sa ganang sarili ngunit sa bandang huli ay walang-kabuluhan at walang naibubungang mabuti. Halimbawa, ang iba ay napasangkot nang husto sa mga pakanang may kinalaman sa pagkita ng salapi o sa pagkakamal ng materyal na kayamanan. Subalit nagpapaalaala ang Bibliya: “Silang mga desididong yumaman ay nahuhulog sa tukso at sa silo at sa maraming mga pitang walang kabuluhan at nakasasama, na nagbubulusok sa mga tao sa kapahamakan at pagkapariwara.” (1 Timoteo 6:9) Para sa iba, ang sekular na edukasyon ay nagsilbing isang silo. Totoo, ang sekular na edukasyon ay maaaring kailanganin upang makakuha ng trabaho. Subalit sa pang-ubos-panahong paghahangad ng mataas na edukasyong makasanlibutan, ang iba ay napinsala ang espirituwalidad.
Oo, maraming gawa ang marahil hindi naman imoral sa ganang sarili. Ngunit ang mga iyan ay masasabing patay kung walang talagang naidaragdag sa ating buhay ngayon o tumutulong upang kamtin natin ang pabor ng Diyos na Jehova. Ang gayong mga gawa ay gumugugol ng panahon at lakas ngunit walang naidudulot na kapakinabangang espirituwal, ni nagbibigay ng walang-hanggang kaginhawahan.—Ihambing ang Eclesiastes 2:11.
Tiyak na ikaw ay nagsisikap na maging abala sa karapat-dapat na mga gawaing espirituwal. Kung gayon, nakatutulong naman na suriin nang palagian ang iyong sarili. Manaka-naka, maitatanong mo sa iyong sarili ang gaya ng: ‘Ang akin bang paglilingkod at pagdalo sa mga pulong ay umuurong dahil sa kumuha ako ng di naman kinakailangang sekular na trabaho?’ ‘Ako ba’y may panahon para sa paglilibang ngunit kakaunting panahon para sa personal at pampamilyang pag-aaral?’ ‘Gumugugol ba ako ng malaking panahon at lakas sa pag-aasikaso ng materyal na mga ari-arian ngunit hindi ako nakapag-aasikaso sa mga taong kailangang asikasuhin sa kongregasyon, tulad halimbawa ng mga maysakit at ng mga may edad na?’ Ang mga sagot sa mga tanong na ito ay maaaring magsiwalat ng pangangailangan na bigyan mo ng lalong malaking panahon ang espirituwal na mga gawain.
Laging Maging Abala sa Paglilingkuran kay Jehova
Gaya ng sinasabi ng 1 Corinto 15:58, may “maraming gawain sa Panginoon.” Pangunahin ang pangangaral ng Kaharian at paggawa ng mga alagad. Sa 2 Timoteo 4:5, ipinayo ni Pablo: “Gawin ninyo ang pangangaral ng Mabuting Balita na panghabang-buhay na gawain ninyo, sa puspusang paglilingkod.” (Jerusalem Bible) Ang matatanda at ministeryal na mga lingkod ay mayroon ding malaking gawain sa pag-aasikaso sa pangangailangan ng kawan. (1 Timoteo 3:1, 5, 13; 1 Pedro 5:2) Ang mga ulo ng pamilya—na marami sa kanila ang nagsosolong mga magulang—ay mayroon ding mabibigat na pananagutan sa pag-aasikaso sa kani-kanilang pamilya at pagtulong sa kanilang mga anak na mapasulong ang kanilang kaugnayan sa Diyos. Ang gayong mga gawain ay maaaring nakapapagal, kung minsan pa nga ay hindi mo na kaya. Subalit malayo sa pagiging patay, ang mga iyon ay nagdudulot ng tunay na kasiyahan!
Ang suliranin ay: Papaano makasusumpong ng panahon ang isa upang magawa ang lahat ng kinakailangang mga gawang karapat-dapat? Ang pagdisiplina-sa-sarili at personal na organisasyon ay kailangan. Sa 1 Corinto 9:26, 27, si Pablo ay sumulat: “Ang aking pagtakbo ay hindi gaya ng nakikipagsapalaran; ang aking pagsuntok ay hindi gaya ng sumusuntok sa hangin; kundi hinahampas ko ang aking katawan at sinusupil na parang alipin, upang, pagkatapos na makapangaral ako sa iba, ako naman ay huwag itakwil sa papaano man.” Ang isang paraan upang maikapit ang simulain ng tekstong ito ay ang pana-panahong pagsusuri sa iyong personal na rutina at istilo ng pamumuhay. Baka matuklasan mo na maaari naman palang bawasin ang ilang di-kinakailangang mga bagay na umuubos ng panahon at lakas.
Halimbawa, ang kalakhang bahagi ba ng iyong lakas at panahon ay ginugugol mo sa panoood ng TV, paglilibang, pagbabasa ng makasanlibutang babasahin, o libangang mga trabaho? Sang-ayon sa isang artikulo sa The New York Times, ang karaniwang adulto sa Estados Unidos ay gumugugol ng “mahigit-higit lamang na 30 oras sa isang linggo” ng panonood ng TV. Tiyak na ang gayong panahon ay may mas mabuting mapaggagamitan! Ang maybahay ng isa sa mga naglalakbay na tagapangasiwa ay nag-uulat: “Halos lubusang ipinuwera ko ang lahat ng pang-ubos-panahon, tulad halimbawa ng panonood ng telebisyon.” Ang resulta? Nagawa niyang basahin ang buong dalawang-tomong ensayklopedya ng Bibliya na Insight on the Scriptures!
Marahil ay kailangan ding pag-isipan mo kung papaano mo pa magagawang lalong simple ang istilo ng iyong pamumuhay. Sinabi ni Solomon: “Mahimbing ang tulog ng isang naglilingkod, ang kinakain man niya ay kaunti o marami; ngunit ang kasaganaan ng mayaman ay hindi nagpapatulog sa kaniya.” (Eclesiastes 5:12) Ang malaking bahagi ba ng iyong panahon at lakas ay ginugugol sa pag-aasikaso ng di naman kinakailangang materyal na mga ari-arian? Totoo, mientras marami tayong pag-aari, lalong marami tayong dapat pagkagastahan, iseguro, ipakumpuni, at protektahan. Hindi kaya makabubuti sa iyo na magbawas ka ng ilang mga ari-arian mo?
Ang pagkakaroon ng isang makatotohanang iskedyul ay isa pang paraan upang magamit na mabuti ang iyong panahon. Sa gayong iskedyul ay dapat isaalang-alang ang pangangailangan ng isang tao ng pagpapahingalay o paglilibang. Subalit ang espirituwal na mga kapakanan ang dapat unahin. Kailangang maglaan ng panahon sa palagiang pagdalo sa lahat ng mga pulong ng kongregasyon. Maaari mo ring patiunang alamin kung anong mga araw o mga gabi ang magagamit sa gawaing pag-eebanghelyo. Sa pamamagitan ng maingat na pagpaplano, baka maaari mo pang palawakin ang iyong bahagi sa paglilingkod, marahil paglilingkod bilang auxiliary pioneer manaka-naka. Gayunman, tiyakin mo na ikaw ay nag-iskedyul ng panahon para sa personal at pampamilyang pag-aaral, kasali na ang lubusang paghahanda para sa mga pulong. Sa pagiging handa hindi lamang malaki ang mapapakinabang mo sa mga pulong kundi malalagay ka sa isang mainam na kalagayan na “mag-udyok sa pag-iibigan at mabubuting gawa” sa pamamagitan ng iyong mga komento.—Hebreo 10:24.
Ang pag-iiskedyul ng panahon para sa pag-aaral ay nangangailangan ng mga ilang pagsasakripisyo. Halimbawa, ang mga pamilyang Bethel sa buong daigdig ay maagang bumabangon tuwing umaga upang talakayin ang teksto sa araw-araw. Maaari kayang ikaw ay gumugol ng kaunting panahon tuwing umaga para sa personal na pag-aaral? Sinabi ng salmista: “Ako’y nagbangon nang maaga sa bukang-liwayway, upang ako’y manawagan ng paghingi ng tulong. Ako ay naghintay sa iyong mga salita.” (Awit 119:147) Mangyari pa, ang maagang pagbangon ay nangangailangan ng pag-iiskedyul ng makatuwirang oras ng pagtulog upang ikaw ay makapagpasimula kinabukasan nang malusog at nakapahingalay na.
Ang mga Pakinabang ng Pagiging Magawain sa Paglilingkod kay Jehova
Ang pagkakaroon ng “maraming gawain sa Panginoon” ay nangangailangan ng pagpaplano, pagdisiplina, at pagsasakripisyo-sa-sarili. Subalit ikaw ay magtatamasa ng di-mabilang na mga pakinabang bilang resulta. Kaya manatiling magawain hindi sa patay o walang-kabuluhang mga gawa na walang naidudulot kundi ang pagkadama ng pagkawalang-kabuluhan at kalumbayan, kundi sa paglilingkuran kay Jehova. Sapagkat sa ganiyang mga gawa ipinakikita mo ang pananampalataya, nagtatamo ka ng pagsang-ayon ng Diyos, at, sa katapus-tapusan, ng gantimpalang buhay na walang-hanggan!
[Larawan sa pahina 28]
Ang paggawa ng isang makatotohanang iskedyul ay tumutulong sa isang Kristiyano na gamitin ang kaniyang panahon nang may kapantasan