PALATANDAAN
[sa Ingles, portent].
Isang bagay na nagbibigay ng pahiwatig hinggil sa mga kalagayan o mga pangyayari sa hinaharap; gayundin, isang kababalaghan.
Ang salitang Hebreo na moh·phethʹ ay karaniwan nang nangangahulugan ng “himala,” gaya ng mga himalang isinagawa sa pamamagitan nina Moises at Aaron sa Ehipto. Gayunman, sa ilang kaso, malinaw na ang terminong ito ay ginagamit upang mangahulugan ng “palatandaan,” gaya halimbawa kapag ang isang propeta o mánanaginíp ay nagbigay ng isang tanda o palatandaan (na matutupad sa hinaharap) upang patotohanan ang kaniyang hula.—Deu 13:1-3.
Ang palatandaan (moh·phethʹ) ay maaaring tumukoy sa isang makahimalang gawa na nagpapamalas ng kapangyarihan ng Diyos, gaya noong baakin ni Jehova ang altar ni Jeroboam, anupat ipinahiwatig nito na sa hinaharap ay may isasagawang mas malawakang paglalapat ng kaniyang kahatulan may kinalaman sa altar at sa mga naglilingkod doon. (1Ha 13:1-5; ihambing ang katuparan nito pagkaraan ng mga 300 taon sa 2Ha 23:16-20.) Maaari rin na ang palatandaan ay isa lamang di-pangkaraniwang pagkilos na isinagawa ng isang tao, gaya noong maghubad si Isaias at maglakad nang nakatapak upang ipahiwatig ang mga kalagayang sasapit sa Ehipto at Etiopia sa mga kamay ng hari ng Asirya (Isa 20:3-6), o noong bumutas si Ezekiel sa pader (malamang na sa pader ng kaniyang tirahan) at ilabas niya roon ang kaniyang dala-dalahan bilang palatandaan ng pagkatapon na daranasin ng Juda.—Eze 12:5-11; ihambing ang 24:18-27.
Yamang ang palatandaan ay isang tanda na nagsisilbing pahiwatig ng mga pangyayari o mga kalagayan sa hinaharap, maaaring gamitin ng isang manunulat ang salitang moh·phethʹ (palatandaan, o himala) upang tukuyin ang isang bagay na tinukoy naman ng ibang manunulat bilang ʼohth (tanda). (Ihambing ang 2Cr 32:24 sa 2Ha 20:8, 9.) Ang isang “tanda” ay maaaring magsilbing giya o pahiwatig para sa kasalukuyan at gayundin para sa hinaharap, samantalang ang isang “palatandaan” ay pangunahin nang nauugnay sa hinaharap. Ang pagtukoy sa isang bagay bilang “tanda” ay nagdiriin na mayroon itong kahulugan, para sa kasalukuyan man o para sa hinaharap. Ang pagtukoy naman dito bilang “palatandaan” ay nagdiriin sa kahulugan nito may kaugnayan sa hinaharap.
Kaayon nito, nang sipiin ng apostol na si Pedro ang Joel 2:30, na humula ng “mga palatandaan [pangmaramihan ng Hebreong moh·phethʹ] sa mga langit at sa lupa,” may binanggit siya na “mga palatandaan [pangmaramihan ng Gr. na teʹras] sa langit sa itaas at mga tanda [pangmaramihan ng se·meiʹon] sa lupa.” (Gaw 2:14, 19) Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang teʹras ay laging ginagamit na kasama ng se·meiʹon (“tanda”), anupat kapuwa lumilitaw sa anyong pangmaramihan.—Gaw 7:36; 14:3; 15:12; 2Co 12:12.
Pangunahin na, ang teʹras ay tumutukoy sa anumang gawa o bagay na pumupukaw ng pagkamangha, kung kaya sa ilang kaso ay angkop itong isalin bilang “mga kababalaghan.” (Mat 24:24; Ju 4:48) Kapag mas malinaw na nauugnay ito sa hinaharap, mas angkop naman itong isalin bilang “palatandaan.” Gumawa si Jehova ng “mga makapangyarihang gawa at mga palatandaan at mga tanda” sa pamamagitan ni Jesus upang magsilbing mga patotoo na si Jesus ang “Isa na Isinugo” ng Diyos. (Gaw 2:22) Ang makahimalang mga pagpapagaling at mga pagbuhay-muli na isinagawa ni Jesus ay hindi lamang pumukaw ng pagkamangha kundi nagpahiwatig din kung ano ang gagawin niya sa hinaharap sa mas malawak na antas. (Ju 6:54; ihambing ang Ju 1:50, 51; 5:20, 28.) Ang ilan sa kaniyang mga gawa ay mga palatandaan ng kaniyang magiging gawain sa hinaharap bilang Mataas na Saserdote ng Diyos, anupat nagpapatawad ng mga kasalanan at gumaganap bilang Hukom. (Mat 9:2-8; Ju 5:1-24) Ang iba ay nagsilbing katibayan hinggil sa tataglayin niyang awtoridad at kapangyarihan upang kumilos laban kay Satanas at sa mga demonyo nito sa pagbubulid sa kanila sa kalaliman. (Mat 12:22-29; Luc 8:27-33; ihambing ang Apo 20:1-3.) Ang lahat ng gayong mga gawa ay patiunang lumarawan sa kaniyang Mesiyanikong Pamamahala bilang Pinahirang Hari ng Kaharian ng Diyos.
Sa katulad na paraan, ang mga alagad ni Jesus, bilang mga saksi sa kaniyang mga turo at pagkabuhay-muli, ay sinuportahan ng Diyos sa pamamagitan ng “mga tanda at ng mga palatandaan din at iba’t ibang makapangyarihang mga gawa.” (Heb 2:3, 4; Gaw 2:43; 5:12) Ang mga ito ay nagsilbing katibayan na nakikitungo ang Diyos sa bagong-tatag na kongregasyong Kristiyano at naging palatandaan na gagamitin niya ang kongregasyong iyon sa hinaharap upang isakatuparan ang kaniyang kalooban at layunin.—Ihambing ang Ju 14:12.
Kung paanong noon ay may bumangon na mga bulaang propeta sa Israel, may babangon din na isang “taong tampalasan” mula sa inihulang apostasya sa loob ng kongregasyong Kristiyano. Ang kaniyang pagkanaririto ay isisiwalat ng “pagkilos ni Satanas taglay ang bawat makapangyarihang gawa at kasinungalingang mga tanda at mga palatandaan.” (2Te 2:3-12) Kaya ang mga katibayang ito na susuporta sa apostasya ay hindi magiging mahina kundi maghahayag ng kapangyarihan ni Satanas. Gayunman, ang mga palatandaan ay kasinungalingan lamang, anupat mapandaya sa ganang sarili o umaakay sa maling mga konklusyon. Bagaman sa wari’y ipinamamalas ng mga iyon ang kagandahang-loob at pagpapala ng Diyos, ang totoo ay ililihis ng mga iyon ang mga tao mula sa pinagmumulan at landas ng buhay.—Ihambing ang 2Co 11:3, 12-15; tingnan ang HIMALA; KAPANGYARIHAN, MAKAPANGYARIHANG MGA GAWA; TANDA.